Nagmula ako sa isang sarado Katolikong pamilya. Nakalakihan ko ang pagsunod sa mga Katolikong tradisyon. Noong bata pa ako ay naaalala ko na mas sagrado ang Mahal na Araw kaysa ngayon. Isa sa mga pinaniniwalaan ng pamilya ko ay ang pagbabawal ng paggagala kapag Mahal na Araw. Hindi tulad ng iba na sinasamantala ang Mahal na Araw para makapagbaksyon ng mahaba. Sabi na nga ba hindi ako puwedeng maging artista kasi requirement ata sa pagiging artista na magpunta sa beach lalo na sa Boracay kapag Mahal na Araw. hehe.
Dati ay ayaw na ayaw ko ang Mahal na Araw, hindi lang dahil sobrang init kapag pumasok na ang Mahal na Araw kung hindi dahil walang ibang palabas sa TV. Puro na lang mga kuwento tungkol sa Bibliya at mga Santo, katulad ng 10 Commandments, buhay ni Moses, buhay ni San Lorenzo Ruiz, pati na rin mga lumang palabas katulad ng Himala at Tinimbang ka Ngunit Kulang. Inis na inis ako kasi hindi ko mapanood ang mga paborito kong cartoons katulad ng Zenki at Julio at Julia na summer ko lang napapanood. "Puro na lang pangmatanda ang palabas!!!" Minsan patakas kaming nanood ng Mr. Bean ng mga pinsan ko habang nagbabasa ng Pasyon ang mga matanda sa labas. Hindi kami makatawa sa pinanonod namin at baka mapagalitan kami.
Para sa akin boring ang Mahal na Araw kasi bawal kami maging masaya. Bawal magsalita ng malakas. Bawal tumawa kasi raw naghihirap ang Diyos. Bawal rin kumain ng baboy (minsan pati manok ay bawal, 'di naman ako kumakain ng baka kaya keri lang) mula Palm Sunday pa lang.
Kapag summer parati kaming naglalaro ng jackstone, Chinese garter/10-20, pog (free sa Coca Cola products), text, etc. Pero kapag Mahal na Araw ay pinababawalan na rin kaming maglaro kasi raw kapag naglaro kami ay para kaming mga hudyo.
Parang ang bagal ng araw kapag Mahal na Araw: walang mapanood, hindi makapagsaya, hindi makapaglaro. Lalo na noong nagkaroon ako ng Sore Eyes at trangkaso isang summer ng Grade School ko. Bawal na nga akong manood ng TV bago pumasok ang Mahal na Araw dahil sa sakit ko ay lalong humaba ang pagtitiis ko dahil sa Mahal na Araw. Habang nagbi-Visita Iglesia sila at nakikipagprusisyon ay hindi ako puwedeng lumabas. Ito na ang pinakamaiksing bakasyon para sa akin.
Dati ay sinasama pa ako ng nanay ko sa pagpunta sa mga recollection sa Meralco tuwing linggo ng palaspas at sa Ultra tuwing Huwebes at Sabado. Nakakatawa rin naman minsan pero mas natutuwa ako sa Mango Brutus na tinda doon sa Ultra.
Mid 90s nang maging Hermano Mayor ang tatay ko sa baryo namin. Kasama rito ang pagbabasa ng pasyon sa Mahal na Araw bago ang piyesta ng baryo. Dito kami unang nakaranas magbasa ng Pasion. Mula noon ay taon taon na kaming nagpapabasa ng Pasyon sa bahay ng mga lolo ko. Marami kaming nagbabasa sa pamilya. Lahat kami ay tinuturuan magbasa ng Pasion. At take note, mas gusto pa namin magbasa habang naka mic. Ayaw namin magbasa kapag walang mic. hehe. Iba iba man ang tono namin ay naroon ang kagustuhan ng bawat isa na magbasa ng Pasion. Nakakatuwa pa nga na pagdating ng alas dose ng hatinggabi ay natutulog na ang mga matatanda (tiyo at tiya namin) kaya kami ang nagbabasa kasama ng mga pamangkin namin.
Aminado naman ako na may pagka-antukin ako kaya natutulog ako ng mga alas dos ng madaling araw at iniiwan ko na sila. Gumigising na lang ako ng mga alas siete ng umaga para magbasa ulit. Dati noong mas bata pa ako kaysa ngayon ay nakukuha ko pang gumigising ng mga alas cinco ng madaling araw para magbasa pero habang kami ay kumakanta nang naka-mic ay maririnig mo ang lagabog ng mga jeep na dumaraan sa harap ng bahay ng mga lolo ko tile ba allergic silang marinig ang mga boses naming iba iba ang direksyong patutunguhan. Walang pilitan sa pagbabasa kaya kung trip mong magbasa, go! Kung trip mong manginain lang sa tabi habang nagbabasa ang iba, go rin!
Mayroong mga bisita na nagbabasa rin sa amin. Minsan kahit mga hindi imbitado ay nakikibasa sa amin pero ayos lang sa amin. Kapag binabago nila ang tono, lalo na si "Ay Ay naku" ay binabalik namin sa tonong alam namin ang pagbasa. Galit na galit ang isang pinsan ko nang minsang inutusan siya ng mamang nakikibasa na mahilig sa tonong nilalagyan ng "Ay ay naku, naku ay ay" na bigyan siya ng salabat. Nakakatawang sa lahat ng mauutusan ay siya pa na suplada ang nautusan! haha. (Oo, suplada ka ate bawal itanggi. Sabi nga ni Sweet, 'wag na magdeny, don't tell a lie) Minsan nagugulat ang mga tiyo at tiya namin kung bakit tila ang bilis ng basa habang wala sila kaya uulitin pa nila ang ibang parte ng Pasion para matapos kami pasado alas dies ng umaga. Natawa na lang kami kasi alam na namin na iba iba kasi ang tono ng mga kabataan kaya bumibilis ang pagbabasa kapag naiiwan na sila. Minsan pa nga ay naiimbita kami sa ibang bahay para magbasa lang ng Pasion. Libre pagkain na lang ang aming talent fee. hehe.
Natatapos ang Pabasa na tulog naman ang mga kabataang nag Graveyard shift sa pagbabasa habang kami ay tulog. Nag-aayos kami ng ibibigay sa simbahan na caridad na kadalasang mga biskuwit galing sa maliking lata. Magluluto na rin nga tanghalian ang iba habang nagpapahinga ang mga tiyo at tiya namin. Ang iba sa amin ay nagkukuwentuhan kung anong nangyari sa pagbabasa namin noong gabi. Pagkatapos ng maliit na pagsasalo salo namin ay ngsisiuiwan kami sa mga bahay namin. Natutulog ng tanghali at muling magkikita sa hapon para magsimba bago ang Visita Iglesia. Kadalasan alas dose na ng hatinggabi kami nakakauwi galing sa pagbi-Visita Iglesia. Simula noong nagkaroon na kami ng sariling patron na ipuprusisyon ay bumibili muna kami ng bulaklak sa Dang Hwa bago kami umuwi para magamit kinabukasan sa prusisyon.
Dati ay sa bahay lang kami sa umaga ng Biyernes, manonood ng Siete Palabras sa TV sa tanghali, matutulog sandali at sasama sa Prusisyon. Kung kanikanino kami nakikisama ng Prusisyon ng mga pinsan ko kasi wala naman kaming sariling santo dati. Namimili kami ng pila na maayos at may kakilala kami. Dati ay sumasama kami sa prusisyon para makakita ng mga crush namin lalo na at lumilibot ang prusisyon sa apat na baryo. Kanya kanya kaming tinitignan na bahay. Minsan ay napadaan kami sa harap ng bahay ng crush ng isang pinsan ko noong high school sila. Sabi niya ay nagbabike sila dati sa paligid ng bahay ng lalaking iyon na kaklase nila noong high school sila ng mga kaibigan niya. Lahat sila may gusto sa lalaki kaya lahat sila gumagawa ng paraan para sumilay sa crush nila. Pero sa pagtingin niya sa taas ng bahay ng dating crush kung nandoon ang lalaki ay hindi niya napansin na may humps sa daan at halos tumigil sa paglalakad ang pila. Kaya naman nasubsob siya sa may kilikili ko habang nakatingin ang crush niya sa kanya. Buti na lang namatay ang sindi ng kandila niya dahil malakas ang hangin kung hindi ay baka nasunog ang likod ko.
Samantalang ako ay hindi malaman ang gagawin sa tuwing dadaan kami sa may bahay ng ma crush ko. (Oo, dalawa sila na gusto ko noon hehe) Kahit hindi ako makikilala sa dami ng taong dumadaan at madilim rin naman ay nako-conscious ako ng bongga. Hindi ko alam kung dapat ba akong ngumiti o hindi, dapat ba akong tumingin sa bahay nila o hindi. Natatapos ang prusisyon na masakit ang paa namin. Pero masaya kami na nakadaan sa bahay ng mga crush namin. Halos ubos ang mga kandilang dala namin. Sabay magluluto ang isang tiyo ko ng tuyo at tinapa kasama ng mainit na kanin pag-uwi namin galing sa prusisyon.
Ngunit noong magkaroon na kami ng sarili naming santo ay ito na ang inaasikaso namin. Dito kami sumasama. Inaayos namin ang pila namin habang tinitignan kung paanong hindi matutuluan ng kandila ang sapatos namin o masunog ang buhok namin ng taong nakapila sa likod. Umuuwi pa rin kaming masakit ang paa, halos ubos ang kandila at gutom na gutom.
Kinabukasan ay nagsisimba kami sa gabi at kumakain ng salo salo sa bahay ng mga lolo ko. Puwede na kaming kumain ng marami, puwede na kaming magsaya kasi buhay na si Kristo. Minsan ay nagsimba kami ng dalawa ko pang pinsang babae Nahuli kami ng pasok kaya wala na kami ng upuan sa simbahan. Dahil nakasuot naman kami ng pantalon ng isa ko pang pinsan ay nakaupo kami sa luhuran. Habang ang isa naming pinsan ay nakasuot ng khaki na pants. Usong uso kasi ang khaki pants nang panahong iyon. Dahil takot siyang madumihan ang pantalon niya ay minabuti niyang tumayo habang nagmimisa. Habang nakapatay pa ang mga ilaw sa simbahan ay kandila lang ang ilaw na bukas kaya pataya ang mga electric fan. Dahil patay ang mga electric fan ay tahimik na tahimik sa misa. Ang masama ay sinamantala ng aming pinsan na nakatayo na umutot ng ubod ng lakas habang kami ng isa ko pang pinsan ay galit na galit dahil nakatapat sa aming mukha ang amoy. Ang baho! Hindi lang ang amoy ang kinainis namin kung hindi pati na rin ang kahihiyan dulot ng lakas ng tunog nito. Dahil ayaw namin na kaming dalawa ang mapagbintangan ng mga tao sa paligid namin ay naisipan naming ibunyag ang katauhan niya. Pinaglakasan namin ang buong pangalan (kasama ang epilyido) niya, "Si ate _____ _____ _____ ang umutot. Iyong babaeng nakasuot ng blue na polo at khaki na pants. Kadiri!" Ilang bese namin itong inulit para makasiguradong narinig nila. Napansin namin na unti unting lumingon ang mga nakaupo sa harap namin lalo na nang nagbukas ang mga ilaw sa simbahan. haha. Kamusta na kaya ang mga iyon natatandaan pa kaya nila ang pangyayaring iyon? haha
Madalas natutulog rin kami sa bahay ng isang pinsan namin at nanonood ng pelikula paguwi namin. Lalo na kapag isa sa amin ay may 'love problem'. Doon kami naglalabas ng sama ng loob. Minsan pa nga ay naiisipan naming uminom pero kahit hindi kami nalalasing pa ay sobra na ang tawanan namin. Masaya kami lalo na kung nakakatawa ang pinapanood namin katulad ng Kung Fu Hustle at House of Flying Daggers. Mahirap ipaliwanag kung bakit kami tawa ng tawa habang nanonood ng House of Flying Daggers sa iba sa amin na lang daw iyon ng mga pinsan ko. Walang basagan ng trip. haha
Sa ngayon, iba na ang pagtingin ng mga tao sa Mahal na Araw. Marami ang hindi na sumusunod sa kaugaliang Katoliko kahit na Katoliko ang relihiyon nila. Marami ang nagbabakasyon sa beach. Marami n rin ang nagpupunta sa mall kahit Mahal na Araw na. Dahil may cable TV na ay wala na rin halos impact ang pagsuspinde ng regular na palabas ngmga local TV network. Kasi marami pa ring napapanood sa TV katulad ng palabas sa araw araw. Kahit nga ang mga local TV network ay nagpapalabas na rin ng iba't ibang pelikula, kahit love story o comedy ay ipinapapalabas nila. Parang hindi na masyadong naramramdaman ang Mahal na Araw ng karamihan ng mga Pilipino. Kaya nakakatuwa pa rin na mayroong mga pamilyang nagpapatuloy ng tradisyon. Nakakatuwa rin na mayroong mga kabataang kusang nagnanais ipagpatuloy ang nakaugalian.
Malaki na ang pinag-iba ng Mahal na Araw ngayon. Pero hindi mamamatay ang mga kaugalian habang mayroong mga bagong henerasyon ng mga Katoliko na lumalaki at naniniwalang dapat ipagpatuloy ang tradisyon. Aminado ako na hindi ako nag-eenjoy pag Mahal na Araw dati pero noong naintindihan ko na ang tradisyon ay nabago na ang pagtingin ko dito. Pakiramdam ko ay masuwerte ako naipamulat ito sa akin ng pamilya ko. Maraming Katoliko dito sa Pilipinas pati sa ibang bansa ang hindi nagagawa ang nagagawa namin. Naalala ko na sa eskwelahan ko dati ay ako lang ata ang marunong magbasa ng Pasyon kahit na lahat kami ay Katoliko.
Masaya ako na nagiging mahal ang Mahal na Araw ko dito sa Pinas. Dati ay naabutan ako ng Mahal na Araw sa ibang bansa kasi doon ako nag-aaral noon ay nalungkot ako. Nalungkot ako kasi hindi ko magawa ang mga ginagawa namin dito sa Pilipinas. Malayo ako sa pamilya ko at nasa isang lugar ako kung saan hirap akong magsalita ng salita nila. Ang pinakamalungkot pa doon ay may pasok kami. Walang long holiday katulad dito sa Pilipinas. Nagdasal na lang kami ng mga kasama ko at pinilit naming sumunod sa tradisyon ngunit iba pa rin sa Pilipinas. Hindi lang ito na-rirealize ng mga Pilipino dito. Iba ang Mahal na Araw dito sa Pilipinas.
Dito sa Pilipinas ay ako na mismo ang pumipigil sa sarili ko na kumain ng baboy kapag Ash Wednesday, tuwing Biyernes (mula Ash Wednesday hanggang Mahal na Araw), at buong linggo ng Mahal na Araw. Para sa akin ito ang aking sakripisyo. Walang pumipilit sa akin. Mahirap sa simula ngunit kung nanaisin mo talaga ay walang mahirap, diba nga "kung gusto may paraan, kung ayaw may dahilan."
Ikaw, paano ang Mahal na Araw mo?
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento