Haba ng buhok ko. Lalo tuloy akong nag-feeling na dahil may isang katulad ni Mr. D-ream boy na nag-iisip na ganoon ako ay hihintayin talaga ako ni Mr. Frie-lirt na makatapos ng pag-aaral muna bago namin isipin ang pagkakaroon ng opisyal na relasyon.
Habang malayo naman si Mr. Frie-lirt ay hindi niya alam na may ganitong pangyayari sa akin. Halos dalawang beses sa isang linggo kami mag-chat. Gabi pag-uwi ko galing sa klase ng lunes at Sabado ang nilalaan ko sa pagbobolahan namin hanggang madaling araw. Wala kasi akong klase kinabukasan kaya ayos lang magpuyat. Sa panahon na hindi kami nag-uusap ay pinipilit kong huwag siyang isipin at mag-aral. Gusto ko kasing mapatunayan sa mga magulang ko na kaya kong panindigan ang pinili ko, na hindi lang ako makaka-graduate ng maayos pero makakatapos akong may honor. Mas malaking oras ko ay sinusubukan kong mag-aral ng mabuti habang pilit kong tinatanggal sa isip ko si Mr. Frie-lirt. Naisip ko naman na kung mahal niya talaga ako ay hihintayin naman niya ako. Feel na feel ko naman tuwing magkausap kami na gusto niya talaga ako kaya palagay ang loob ko na hihintayin niya ako.
Pag-uwi ni Mr. Frie-lirt ng Agosto ay nagkita kami. Dinala niya ang gamit ko sa bahay. Parati siyang nag-tetext para magtanong kung anong ginagawa ko at kailan kami magkikita. Nagpupunta siya sa bahay kaya nakilala siya ng mga magulang ko. Isang beses na pumunta siya sa bahay ay kami lang ang naiwan. Habang nakaupo kami sa harap ng TV ay inamin niyang pinagseselosan niya si Mr. Pianist. Kapag may nakikita kaming mga bata ay sinasabi niyang bagay raw sa akin maging housewife katulad ng nanay niya. Bagay raw na marami akong anak. Sa bahay lang daw ako. Pero noong panahon na iyon ay may pagka-ideyalista pa ako mag-isip kaya parati kong sinasabi na hindi ako nag-aral ng mabuti para maging housewife. Sinasabi ko sa kanya na gusto ko may sarili akong pera. Gusto kong may trabaho ako kahit na may asawa pa ako. Sa tuwing sinasabi ko naman iyon ay tumatahimik na lang siya. Hindi na siya nakikipagtalo sa akin.
Minsan nababanggit ko sa mga kaibigan ko sa unibersidad ang tungkol sa kanya. Kaya lang ay hindi ko sila mapakilala dahil ayaw ni Mr. Frie-lirt na marami sa mga kaibigan ko ay bakla. Homophobic raw siya. Sabi naman ng mga kaibigan kong bakla, "kung ayaw niya sa amin, ayaw rin namin sa kanya. Kaya kalimutan mo na yan." Pero dahil gusto ko talaga si Mr. Frie-lirt ay hindi ko na nasasabi sa kanila kapag magkikita kami. Alam kong hindi nila magugustuhan. Kapag natapos na kami magkita ay doon ko lang sinasabi sa kanila.
Alam ng magulang ko na minsan lumalabas kami kapag gabi at wala naman akong klase kinabukasan. Madalas ay madaling araw na kami nakakauwi. Kumakain kami sa labas, kaunting inom at sagana sa kalokohan. Kung anu-ano lang ang pinag-uusapan namin. Minsan ay tinanong niya ako ano ang plano ko pagkatapos ko ng kolehiyo. Parati rin kasi niya akong sinasabihan na bumalik raw ako sa bansang iyon. Nag-aral siya ng salita sa bansang iyon dahil gusto niyang magtrabaho doon pero hindi ko alam kung gusto kong bumalik doon ng matagal. Sinasabihan ako sa iskul na maaari akong mag-apply sa isang mayamang bansa dito sa Timog Silangang Asya (Singapore). Sabi nila maganda raw mag-aral doon. Nakita ko rin naman ang mga programa sa mga unibersidad doon na mataas ang rating nila at ang mga propesor ay mula pa sa magagandang unibersidad sa Estados Unidos. Malapit ito sa Pilipinas at marami ring Pilipino doon kaya hindi ako masyadong mahihirapan mag-adjust. Kaya sinabi ko sa kanya plano kong mag-aral doon pagkatapos ko ng kolehiyo. Tumahimik na lang siya at binago ang usapan.
Bago bumalik si Mr. Frie-lirt papunta sa ibang bansa para mag-aral ay pumunta kami sa bahay ng kaibigan niya. Kinukuha ng kaibigan niya ng number ko pero sabi niya ay hindi raw ito kailangan ng kaibigan niya kaya hindi niya ipinabigay sa akin. Alas-4 na ng madaling araw kami nakauwi. Bago ako bumaba ng sasakyan ay sinabi niyang dapat mas madalas daw akong mag online. Nag-usap rin kami na magkikita kami ulit sa Disyembre paguwi niya ulit ng Pilipinas. Pag-gising ko kinaumagahan ay masama na ang pakiramdam ko. Nagtext siya na nasa airport na siya at naghihintay sumakay ng eroplano. Malungkot na naman ako na matagal pa bago kami magkita ulit. Pero ang kaunting pag-asa na iyon na magkikita rin naman kami makalipas ang ilang buwan ang hahawakan ko. Kakayanin kong maghintay. Mayroon mga sandali habang magkasama kami na gusto ko sanang magduda kung mayroong ibang babae na umaagaw ng atensyon niya pero hindi ko siya tinanong. Alam kong wala naman akong karapatang magselos dahil hindi kami opisyal na may relasyon. Naisip ko rin na mahihirapan siyang makahanap ng mas ok kaysa sa akin kaya pinanatag ko ang loob ko.
Isang gabi sabi niya, "Ma, pwede ba akong mahuli sa klase bukas?"
Medyo nagulat ako na tinawag niya akong ganoon. "Bakit?" Tanong ko.
"Baka tanghaliin akong magising eh," sagot naman niya.
"Sige na nga," sabi ko.
"Salamat, Ma. Mahal kita."
Hindi ako makasagot agad. Gusto ko man sabihin sa kanya na "mahal din kita." Nabigla ako. Natakot akong aminin ang nararamdaman ko sa kanya. Kaya sinabi ko na lang, "ok, matulog ka na."
Pagkatapos ng gabing iyon ay naniwala akong mahal niya talaga ako. Naisip kong mahalaga talaga ako para sa kanya. Minsan ay nagtetxt siya mula sa cellphone na ginagamit niya doon para lang kamustahin ako. Lalo ko siyang na mimiss pero umaasa akong magkikita kaming muli sa Disyembre...
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento