Habang naiinis ako sa nangyari kay Mr. ‘Eat Pray Love’ sabi ko sa sarili ko tuloy lang sa pag-pursue ng mga bagay na gusto ko. Kaya natabunan ng excitement ko ang inis ko. Dahil sa wakas ay matutuloy na ang workshop ng isang photographer na pangarap kong matutunan ang work process. Matagal ko nang tinitignan ang mga gawa niya sa isang kakilala ko. Kaya noong nagsabi na mayroon siyang workshop sa Manila ay agad akong nag sign up kahit sobrang mahal. Kaysa magpunta pa ako sa Indonesia para makilala siya.
Madaling araw pa lang ay pumunta na ako sa location. Nakasabay ko ang mga kaibigan ng isang pinsan ko. Nagpakilala ako sa ibang batch ng workshop ng landscape kung saan din sila nakilala ng pinsan ko. Pero nasabi ko na ka-batch nila ang pinsan ko kaya natuwa naman sila. Habang kausap ko ang isa ay may pumasok sa building. Pamilyar siya pero hindi ko gaano kilala.
“Ayan si ---. Siya ang bestfriend ni (pangalan ng pinsan ko). Kilala mo ba siya?” Sabi ng kausap ko pag-alis ng lalaking pumasok. Hindi raw kasi niya dala ang tripod niya kaya uuwi muna siya ulit.
“Nakita ko na siya dati. Pero hindi kami talaga magkakilala” sagot ko naman.
Malapit na kaming magsimula noong bumalik ang lalaki. Nagpapakuha na kami ng litrato kasama ang photographer bago magsimula ang shoot. O diba inuna talaga naming ang photo op bago ang shoot. At ang nakakatawa doon, lahat kami ay may DSLR, pero ang pinang-kukuha lang namin ng litrato namin ay ang mga cellphone lang haha. Tama, ang DSLR ay para sa mga shoot namin, ang mga kuha sa amin at pamilya namin ay sa cellphone pwede na. haha.
Naging malapit kami sa shoot. Pinapakita niya ang kuha niya. Tinitigan din naman niya ang gawa ko. Noong natapos na ang shoot, nagyaya ang mga kasama niya na kumain kami ng tanghalian sa Makati na magkakasama bago pumunta sa workshop. Sinabi ng isa sa kanila na sasabay doon sa kausap ko noong umaga. Pagkatapos ay ako naman ang tinanong nila kung kanina raw ako sasabay. Tinignan ko si Mr. Teddy Bear. Sabi ko, “ikaw, sino sasabay sa iyo?” Sabi niya wala naman daw. Kaya sa kanya ko pinili sumabay. Inisip ko na bestfriends naman sila ng pinsan ko kaya wala naman sigurong masama doon.
Bago kami pumunta sa kotse niya. Sabi ko babalik muna ako sa building para gumamit ng toilet. Susunod na lang ako sa parking. Hanapin ko na lang. Pero pinilit niya na hawakan ang gamit ko at maghintay sa labas ng building. Pumunta na kami sa kotse niya. Napansin medyo magulo ang likod haha. Tapos wala pa masyadong gas. Nagmamadali raw kasi siya noong umaga bumalik kaya hindi na siya nakapagpakarga ng gas.
Habang magkasama kami sa koste ay nagkwentuhan kami. Siya tungkol sa kapatid niya. Nagkwento rin ako ng konti tungkol sa kapatid ko. Nagsabi siya tungkol sa desisyon ng pinsan ko na hindi na gaano sumama sa mga shoot dahil nga mayroon nang mga anak. Hindi ko naman masabi sa kanya ang buong kwento dahil buhay ng pinsan ko iyon. Dapat siya ang magkwento kung gusto niya.
“Pwede ba akong magtanong? Huwag kang magagalit ah…” Sabi ko sa kanya. Pumayag naman siya. Kaya tinanong ko siya kung bakit hindi niya pinili mag-doktor e iyon ang Negosyo nila. Pareho rin doctor ang ang magulang niya. Nagkwento na siya tungkol sap ag-aaral niya. Akala raw niya madali. Pero ayun.
Noong kumakain na kami ng tanghalian nabanggit ng kasama niya na sasama raw siya dapat sa pag-akyat sa Mt. Pulag pagdating ng Enero. Perp dahil kailangan na niya pumunta sa ibang bansa ay hindi na siya tutuloy. Sabi ko sa kasama niya “ah talaga? sasama ako. Sumama ka na!” Tinanong nila ako kung sino kasama ko. Sabi ko naman, ako lang mag-isa. Hindi pa kasi nila alam na nag-solo travel na ako sa Myanmar noong October bago iyon.
Tahimik lang si Mr. Teddy Bear. Minsan lang nagbiro siya na dahil ako raw ang huling umupo, dapat ako magbayad. Sabi ko naman, “ikaw kaya ang nasa head ng table, kaya mas dapat nga ikaw ang magbayad.” Haha. Tumawa lang naman siya. Pero nag KKB pa rin kami.
Pagkatapos ng tanghalian ay pumunta na kami sa workshop. Habang naglalakad kami papasok sa kwarto, nakita ko yun kasama niya na ibang yun tingin sa amin. Alam ko na ang tingin na iyon. Pero hindi lang ako nagpahalata. Magkatabi kami ni Mr. Teddy Bear sa workshop. Napansin ko na nakatulog siya. Natatawa na lang ako kasi parang naghihilik na siya. Haha. Habang nandoon kami ay nagsabi sila na add nila ako sa Facebook. Nagkataon na ang profile picture ko noong pang panahon na iyon ay iyong galing sa kasal ng isang kabarkada ko. Iyon naka-makeup ako at nakaayos ang damit. Oo, medyo naka-emote. (siyempre dati kasi para sa iba ang kuha na iyon ilang buwan bago nangyari ang kwento na ito kung nabasa niyo ang kwento iyon).
“Parang wedding picture ah…” sabi niya sa akin.
“Haha. Sa kasal kasi ng kaibigan ko yan.” Para daw kasing ako ang kinasal. Haha.
Noong natapos na ay nagpakuha ako ng picture kasama ang photographer na gusto ko. Kinuhanan ko rin sila ng mga kaibigan niya. Kinausap rin kami ng organizers na nagsabi mayroon silang ibang workshop nab aka gusto naming sumama. Nagsabi ako sa kanya na kung pwede sa may mall na lang ako ibaba kung dadaan siya o kahit sino sa mga kasama niya. Balak ko doon na lang ako magpapasundo. Sabi naman niya uuwi naman daw siya sa malapit sa amin, kaya pwede ako sumabay. Sabi ko pwede doon na lang sa kanila ako manggagaling pauwi. Mag tricycle na lang ako. Kasi nabanggit niya na yun papunta sa bahay naming medyo mataas ang mga humps e lowered ang kotse niya.
Hinatid naman niya ako. Inasar ko pa siya sa kotse. Sabi ko na lang sa kanya “teka, kakapit muna ako baka kasi bigla mong pindutin ang eject button. Haha” Tawa lang siya sa akin. Sabi niya gusto raw niya magpunta sa Cambodia. Sabi ko galing na ako doon dati.
Konting backstory lang.
Hindi ko matandaan kung kailan kami unang nagkita. Pero tanda ko na nagpunta kami ng mommy ko sa isang ospital nila noong dinala sa emergency room ang secretary ng mommy. Umiiyak si mommy noong dumaan siya na bagong gising lang. Kinausap siya ni mommy pero dahil bagong gising siya parang deadma lang ang reaksyon niya. Hindi naman niya ako nakita sa gilid.
Ilang beses na akong sinasabihan ng mga kamag-anak ko pati nanay ko na bakit hindi ko raw kilalanin si Mr. Teddy Bear. Dahil nga kilala naman daw nila matagal na ang pamilya nito. Minsan na masama ang pakiramdam ko, nakita ako ng pinsan ko na bestfriend ni Mr. Teddy Bear. Sabi niya, “alam mo may solusyon diyan, ipapakilala kita kay Mr. Teddy Bear.” Sabi ko naman, “ayoko dun mataba yun eh.” Haha. Masama na pakiramdam choosy pa rin.
Balik na tayo sa paghatid niya sa akin.
Pagdating sa may bahay, ay sabi ko sa tabi na lang ako bababa. Nagsabi siya na uuwi lang daw siya saglit para maligo. Magkikita rin daw sila ulit ng mga kaibigan niya na kasama kanina para naman daw maghapunan. Baka raw gusto ko sumama. Sabi ko “hindi na. ikaw na lang.” Naisip ko kasi na gabi na at madaling araw pa lang gising na ako para sa shoot. Isa pa, hindi naman ako naimbitahan ng mga kaibigan niya. Kaya umalis na siya.
Pag-akyat ko sa bahay ay tinanong ng nanay ko paano ako nakauwi. Sabi ko, “hinatid ako ni Mr. Teddy Bear”. Aba ang nanay ko hindi maitago ang saya. “Talaga? O kailan kayo magkikita ulit?” Natawa ako. “Hindi ko alam. Haha.” Sagot ko naman. Pero naisip ko, hindi naman pala masama isipin na pwedeng pagbigyan si Mr. Teddy Bear. Mabait naman siya. Tahimik lang. Gusto rin siya ng pamilya ko. Kahit pa mataba siya at hindi talaga ang type ko physically. Bakit hindi?
Pagdating ng Lunes, pagpasok ko sa opisina, bungad ng pinsan ko: “Nagyayaya si Mr. Teddy Bear. Mag shoot raw tayo ngayon Martes sa BGC…” Sabi ko naman, “ay hindi ako pwede kasi papunta ako sa Pangasinan para sa isa pang shoot at workshop.” Biglang nakita ko sa message sa akin ni Mr. Teddy Bear, “nagyayaya si (pinsan ko). Mag shoot raw tayo sa BGC sa Martes.” Natawa ako kasi kakasabi lang ng pinsan ko na siya talaga ang nagyayaya eh. Huli haha. Sinabi ko na lang din kay Mr. Teddy Bear na paalis nga ako kaya hindi ako makakasama. Sabi niya kung alam lang daw niya na may isa pang shoot at workshop sa Pangasinan ay sana nag-sign up rin siya…
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento