Lumaktaw sa pangunahing content

Si Mr. Teddy Bear (Part III)

Ilang beses kaming dapat magkikita pero hindi halos matuloy. Isang beses ay kailangan ko ng tulong sa pagkuha ng litrato sa mga estudyante. Noong unang araw ay nag test kami ng pinsan ko, hindi nakasama si Mr. Teddy Bear. Sumunod na araw ay sasama na raw siya. Kaya lang yun pinsan ko naman ang hindi nakasama kasi biglang nanganak ang asawa niya. Sabi pa ni Mr. Teddy Bear kinukuha nga raw siyang ninong ng baby ng pinsan ko. Magkasama kami buong hapon hanggang gabi. Naglolokohan pa kami habang kumukuha ng mga picture. Noong nagligpit na kami ay nakita niya si Mommy. Nag mano naman siya. Sabay hinatid ko na siya sa gate. 

Sumunod naman ay nalaman ko na nag-aapply raw siya ng MBA. Natawa kami ng pinsan ko na malapit niyang kaibigan sabay sabi sa akin, “gaano naman kaya katagal yan sa MBA? haha” Isang semester ata nakalipas mukhang hindi na niya kinaya. 

 

Nasabi ko na bang bigla rin na kumuha siya ng dietitian para tulungan siya magpapayat? Kaya siya si Mr. Teddy Bear kasi nga Malaki siya talaga. Pero noong una naman hindi naman iyon mahalaga sa akin. Ok lang sa akin na mataba siya basta nagkakasundo naman kami. Pero natuwa naman ako na mayroon siyang effort na magpapayat. May gout na ata kasi siya. Kung para sa kalusugan naman niya, diba ok naman yun? Kaya lang sumobra naman ang payat niya! Di rin naman nagtagal binawi niya ang dati niyang timbang haha. 

 

Habang medyo payat pa siya ay sumunod naman niyang ginawa ay ang pag-apply upang mag-aral sa New York para raw sa photography style niya. Babayaran naman daw ng nanay niya ang lahat ng gastos. Naisip ko ang swerte naman niya. Sana all. Hehe. 

 

Kaya lang habang nagbabakasyon sila ng nanay niya sa Europe ay may trahedya naman nangyari sa pamilya niya, namatay yun isang kuya niya na siyang inaasahan ng mga magulang nila na magpatakbo ng mga negosyo nila. Dali-dali silang napauwi. Hindi ko na siya nakita habang nakaburol pa ang kapatid niya. Nagpunta kasi kami nung unang gabi pa lang. Nagpadala na lang ako sa kanya ng message. Hindi ko naman din alam paano siya matutulungan. Wala naman akong ibang magagawa para mabawasan ang sakit ng pagkawala ng kuya niya na mas malapit sa kanya. Naaawa man ako sa kanya. Hanggang sa malayo na lang ako nakiramay sa kanya. 

 

Ilang buwan ang nakalipas ay namatay naman ang isang tita ko. Habang nakaburol si tita ay nagpunta ang nanay at tatay niya ng tanghali. Sinama ako ng nanay at tatay ko upang asikasuhin ang mga magulang ni Mr. Teddy Bear. Ilang beses ko na nakakausap ang tatay niya dahil kapag nagpapa check up kami nila mommy at daddy siya ang nandoon sa ospital nila. Isang beses lang ako nakita ng nanay niya bago ang burol ng tita ko. Minsan na may sakit ako na pina-check up ako ng nanay ko. Hindi kasi mawala ang ubo ko. Pero sa tingin ko hindi na niya ako natatandaan. At hindi pa rin kami nagkakilala ni Mr. Teddy Bear noong nangyari iyon. 

 

Agad akong pumunta sa kusina habang sina mommy at daddy ang kumausap sa mga magulang ni Mr. Teddy Bear sa sala. Maya-maya lang ay tinawag ako ng mommy ko. Sabi niya gusto raw ako makita ng nanay ni Mr. Teddy Bear. Lumapit naman ako. Binati ko rin ang tatay niya na kilala naman ako. 

 

Sabi ng nanay niya: “tignan ko nga. Ikaw pala ‘yun.” 

Sabi naman ng tatay niya, “bakit ano ba iyon?”

 

Ngumiti lang ako sa kanila kasi hindi ko naman alam kung bakit. Mayroon pa silang mga pinag-usapan nila mommy. Ngumiti lang din ang daddy ko sa kanila. 

 

Pag-alis ng mga magulang niya ay kinuwento sa akin ni mommy ang nangyari. Kinamusta raw paano namatay si Tita. Doon naman kinamusta ni mommy ang nanay ni Mr. Teddy Bear pagkatapos ng nangyari sa namatay na anak. Ayaw raw pag-usapan. Pero sunod na sinabi:

“Bakit hindi na lang natin ipakasal ang mga anak natin? Yun pupunta na lang sila doon sa kasal nila….”

“Naku mahirap po kasi na ganun. Kung basta ipapakasal lang natin sila. Lalo na mayroon damdamin na pinag-uusapan diyan…” Sagot naman daw ni mommy. 

“Hindi naman kasi marunong manligaw yun anak ko…” sabi ng nanay ni Mr. Teddy Bear. 

“Mahirap po kasing pinipilit ang damdamin…” Sagot ulit ni mommy. 

 

Tama naman ang sagot ni mommy. Siguro rin kasi alam niya na mahirap nga iyon dahil sa naranasan niya. Si Daddy nagsisimula pa lang umakyat ng ligaw pinakasal na sila ng tatay ni mommy. Kahit ayaw pa raw niya magpakasal ay pinakasal na siya ni Lolo kay daddy. Alam kasi ni lolo na malapit na siyang mamatay kaya gusto niyang masigurado na maihatid na sa altar si mommy. Buti na lang mahal na mahal ni daddy si mommy na hindi niya pinilit na mahalin siya agad. Habang nagsisimula silang magsama ay parang nagpatuloy pa siyang manligaw. 

 

Pero siyempre iba ang kaso ko at ni Mr. Teddy Bear. Iba rin si mommy at daddy. Alam din nila na hindi ako basta napipilit na basta gawin lang ang mga bagay lalo na sa mga desisyon ko sa buhay. Natawa ako noong sinabi ni mommy sa akin ang tungkol sa proposal ng nanay ni Mr. Teddy Bear. 

 

Hindi ko sinabi sa kanya na kahit paano gusto ko naman si Mr. Teddy Bear. Kaya lang hindi sapat iyon para magpakasal. Ibang usapan iyon. Hindi pa nga kami nag-dedate noon tapos magpapakasal na agad? Hindi man lang nga niya masabi sa akin ng diretso na gusto niya ako, sa pamamagitan ng mga kaibigan ko pa niya nalaman. Naisip ko rin na masyadong mabilis magbago ang isip niya. Mabilis siya magsawa. Sanay kasi siya na nakukuha niya lahat ng mabilis—ng walang hirap. Paano kung ganoon din ako? Nakuha niya lang ng walang hirap. Hindi niya malalaman kung paano ako alagaan…Paano kung magsawa lang siya sa akin basta, e di madali lang niya ako papalitan? 


(itutuloy)

Mga Komento

Mga Mabebentang Kuwento

Paano ba kami kapag may patay?

I sa sa iniiwasang pag-usapan ang tungkol sa patay. Pero paano ba kapag may patay kami? Katulad ng maraming pamilyang Pilipino, marami kaming sinusunod na pamahiin kapag mayroon kaming patay. Noong college ako ay nagsulat ako tungkol sa mga pamahiin ng mga Pilipino sa patay. Marami tayong mga pamahiin dito sa Pilipinas. Nag-iiba, nadagdagan at nababawasan ang mga ito depende sa lugar o probinsya. Pero sa mga pamahiin natin, ang mga pamahiin sa patay na ata ang pinakamarami.  Hindi man madaling isipin ang mamatayan  ng isang mahal sa buhay dahil lungkot ang una nating nararamdaman pero ito ay isang kaganapan kung saan dumarating ang mga kamaga-anak at nagkakaroon ng instant reunion. Umuuwi ang mga nasa ibang lugar na hindi madalas umuwi o nagpapadala ng pera ag dating mahirap hingan ng pera. Dumarating din ang mga outside the kulambo na pamilya sa mga lalaking may itinatago sa tunay na pamilya.  Habang nag-lalamay, inaalala ng mga tao ang namayapa. Paano ba siya noo...

Bakit Tayo Makasarili?

Bakit nga ba tayo makasarili? Ako, ako, ako, parati na lang ako sabi nga sa pelikula. Para sa iba, hindi nila maamin na makasarili sila, kasi para sa kanila perpekto sila. Sige na, kayo na. Pero para sa atin na aminado sa ating pagiging makasarili, bakit nga ba tayo ganito? Paano ba tayo nagiging makasarili? Sabi nga mahalin muna natin ang ating mga sarili bago tayo magmahal ng iba. Hindi masamang mahalin ang sarili. Kaya lang, lahat ng sobra ay  masama. Lahat rin ng bagay na sumasagasa na sa interes ng iba ay maaari na rin makasama. Dahil hindi natin maiiwasan ang pakikipag-ugnayan sa ating kapwa. Dito nasusukat ang ating pagkatao. Dito rin nalalaman kung paano natin tinitimbang ang mga bagay sa buhay natin.  Tignan natin ang mga ebidensya ng ating pagiging makasarili sa araw-araw. Kalamidad. Bakit nga ba nagbabaha? Isa na ata sa mga bagay na nakasanayan na ng mga nakatira sa siyudad ay ang karanasan sa baha. Bakit nga may baha? Paano imbes na itago muna ang balat ...

Na-LSS Ka Na Ba?

Na-LSS ka na ba? (LSS = Last Song Syndrome pero puwede rin naman na Last Sound Syndrome) Ito ay nangyayari tuwing mayroon tayong paulit-ulit na kanta na naririnig. Minsan tinatamaan tayo ng LSS dahil gusto natin ang kanta, minsan naman dahil ayaw natin sa kanta.  Natutunan ang tungkol sa pagkakaroon ng LSS noong ako ay nasa elementarya at high schol pa lang ako. Parati namin naririnig ang mga nagtitinda ng Selecta na tumutugtog upang manawag ng mga bibili lalo na mga bata. Dahil dito ay inuulit na ng kaibigan ko ang tugtog. Pero bago pa lang nangyari iyon ay naalala ko na sa sobrang pagkagusto ko sa isang kanta ni Ate Regine ay minsan kahit antok na antok na ako ay hindi ko mapigilan na hindi kumanta habang pinatutugtog ito sa radyo sa service. Nakakahiya man na nakikita ng mga ka-service ko na kumakanta ako habang natutulog bago ko napansin na ginagawa ko ang pagkanta at pagtulog ng sabay.  Noong nag-aral ako sa ibang bansa ay minsan pumunta kami ng mga kaibigan ko s...