Lumaktaw sa pangunahing content

Si Mr. Frie-lirt (pa rin)


Lunes ng gabi bago ang araw ng karawan ni Mr. Frie-lirt ay naisip kong hintayin ang alas dose ng madaling araw para batiin siya. Nagtaka na ako na hindi niya ako agad kinausap. Dati rati ay kabubukas ko pa lang ay mabilis na niya akong kinakausap. Pero may iba sa gabing iyon. 

Bago pa man mag alas-dose ay may isa kaming kaibigan na nandoon rin ang biglang kumausap sa akin. Kinamusta niya ang paguwi ni Mr. Frie-lirt. Kinuwento raw na pumunta kami sa bahay ng kaibigan niya at madaling araw na kami umuwi. 

Bigla naman niya sinabi, "alam mo ba?"
"Ano?" 
"Na may nobya na siya dito…."
"Ha? Wala naman siyang binangggit." Pilit kong kinakalma ang sarili ko upang hindi niya mahalata na apektado ako sa sinabi niya. 
"Nandyan ang nobya sa Pilipinas ngayon. Kauuwi lang."
Naisip ko kaya pala hindi ako kinakausap ay siguro nag-uusap sila ngayon. 
Maraming kinuwento ang 'kaibigan' namin na kaibigan rin pala ng nobya niya. Pero magulo ang isip ko at nanlalamig ang kamay ko. Parang biglang gumuho ang lupa sa kinauupuan ko. Gusto ko umiyak at isiping isang masamang panaginip lamang ito. 

Ang daming tanong sa isip ko. Parang kailan lang niya sinabi sa akin na mahal niya ako. Parang kailan lang masaya kaming magkasama. Ang bawat alaala nang magkasama kami ay parang mga patak ng mga dayap sa isang malalim na sugat. Masakit. 

Nagpaalam ako sa kaibigan namin at binati ko siya. Pagkatapos ay umakyat na ako agad para matulog. Ngunit hindi ako nakatulog. Hindi ko mapigilan ang pagtulo ng mga luha ko habang nakahiga sa tabi ng nanay ko. Ayokong malaman niyang umiiyak ako. Ayokong malaman niyang nasasaktan ako. Nakatulog rin naman ako sa pag-iyak ko. Bakit ba ako nasasaktan eh hindi naman talaga kami? 

Ilang araw ang nakalipas ay dumating ang isang matinding bagyo sa bansa. Nawalan kami ng pasok ng ilang araw dahil sa matinding pagbaha sa Metro Manila. Galing naman ng timing ng bagyo. Malungkot na ako mas lalo pa akong napapa-emo sa panahon. Para ding binabagyo ang isip at damdamin ko. Hindi ako makatulog. Nawalan pa kami ng kuryente ng ilang araw pati na rin ang tubig namin ay nawala. Pakiramdam ko tuloy ay parang tinotodo na ng pagkakataon ang ginagawa sa akin. Nagdesisyon akong sa isang pinsan ko na lang ako titira muna habang wala pa kaming kuryente at tubig. Gusto ko rin doon ako sa kanila matutulog para may mahingahan ako ng sama ng loob. Doon may kasama ako. 

Pagdating ng sábado ay sinama ako ng pamilya ko magsimba sa mall. Pagkatapos ng misa ay nilibre kami ng isang pinsan ko at ng asawa niya dahil na promote daw sila sa mga trabaho nila. Sabi ko ay susunod na lang ako sa kanila dahil may bibilin muna ako. Masaya ako sa balitang nanalo raw sa ikalawang laban ang kuponan nila Mr. D-reamboy sa Championship. Isa na lang mananalo na ang unibersidad namin. Kapag nangyari iyon ay isang himala talaga para sa amin. Parating Champion ang kalaban nila pero ang unibersidad namin ay halos sampung taon na buhat ng huling magwagi.

Masaya akong papasok sa kainan dahil gutom na ako at masaya rin ako sa balita ng pagkapanalo ng kuponan namin. Pagpasok sa restaurant ay may napatingin ako sa may gilid at nakita ko ang isang lalaking nagsasalita kasama ang dalawang babae at isang lalaki. Agad kong nakilala ang lalaking iyon. Hindi ko inaasahang makikita ko sa sarili kong mga mata ang iniisip kong isang masamang panaginip lang. Wala na akong dahilan upang itanggi ang katotohanang nagsusumigaw na sa harap ko. Double date pa sila!!!

Habang masayang-masaya sila sa sulok nila ay hindi nila alam na gumuguho ang mundo ko. Hindi ako makakain. Hindi rin naman ako pwedeng magpahalata sa pamilya ko at ibang kamag-anak ko sa nangyayari. Nangingig ang mga kamay ko. Masakit ang tiyan ko, gusto kong masuka. 

Hinihintay kong tumingin siya sa direksyon namin pero hindi siya tumingin. Hindi niya alam na nakita ko siya--sila. Buti na lang malabo mata ng nanay ko kaya hindi niya napansin kung sino ang tinitignan ko sa sulok na iyon. 

Bumalik ako sa mga pinsan ko at sinabi ko sa kanya ang nakita ko. Gusto kong umiyak pero hindi ko mailabas. Ang hirap. Sinubukan niyang tawagan si Mr. Frie-lirt para masiguradong narito nga siya sa Pilipinas at tama ang nakita ko. Nag-ring ang telepono. 

Alam ko ang nakita ko. Alam ko. Naiiyak ako ng sobra pero hirap lumabas ang mga luha. Noong nakatulog na ako ay paulit-ulit lang ang eksenang iyon sa panaginip ko. Parang isang eksena lang sa isang telenovela na hindi maganda ang ending. Ako pala ang kontrabida at hindi ang bidang babae sa kuwento. Ako pala ang panira sa love story nila. 

Lungkot-lungkutan ang hanggang kinabukasan. Pagdating ng lunes ng umaga ay nagdesisyon na akong bumalik sa bahay namin.

Ngayon ay aaminin ko na
Na sana nga'y tayong dalawa
Bawa't tanong mo'y iniwasan ko
Akala ang pag-ibig mo'y 'di totoo
'Di ko alam kung anong nangyari
Damdamin ko sa 'yo'y hindi ko nasabi
Hanggang ang puso mo'y napagod
Sa paghihintay kay tagal
Saka ko lang naisip
Muntik na kitang minahal

Kainis naman ang mga DJ na iyan. Sa lahat naman ng kanta iyan pa. Pagdating ng hapon ay hindi na kami pinapasok dahil ikatlong laban nila Mr. D-reamboy sa Championship. At himalang nanalo sila! Naalala ko ang inisip ko dati na papansinin ko lang si Mr. D-reamboy kung maipapanalo nila ang Championship. Nakakahinayang. Sana binigyan ko na lang siya ng pansin kaysa tinuon ko ang panahon ko kay Mr. Frie-lirt. 

Kinabukasan ay maaga akong naligo dahil kailangan kong pumunta sa unibersidad kahit wala akong pasok at kailangan ko rin gawin ang isang paper ko. Habang nagbibihis ako ay nakatanggap ako ng tawag. Nagdalawang isip ako kung sasagutin ko ba o hindi pero

"Hello" Sabi ni Mr. Frie-lirt.
"Hello" 
"Nasa bahay ka ba?" Tanong niya. 
"Oo"
"Pupunta ako diyan." Sabi niya.
"Ah ok."

Nagbihis na ako pero naghanda na rin akong umalis agad pagdating niya. Wala akong balak kausapin siya ng matagal. 

Dumating siyang dala dala ang ibang gamit kong hindi siya dinala nung Agosto. Hindi ko siya pinaupo. Sabi ko kailangan ko pumunta sa iskul ko. Pagkakuha ko ng gamit ko ay agad  kaming lumabas ng bahay. Wala akong balak patagalin ang oras na kasama ko siya. Nangingibabaw sa akin ang galit sa pagsisinungaling niya sa akin sa pagkakaroon ng nobya. Hindi ko kayang marinig ang sasabihin niya. Pakiramdam ko puro kasinungalingan lang iyon. Hindi ko kayang maranig sa kanya na nagmukha lang akong tanga. 

Pagdating namin sa may parking ay inilagay ko agad ang gamit ko. Sabi niya ay pupunta na lang daw siya sa kaibigan niya. Naintindihan ko na sa nobya niya siya pupunta kaya hindi ko na inusisa. Hindi kami pareho makapagsalita. Hindi ko siya kayang tanungin sa nangyari. Hindi ko kayang sabihin na nakita ko siyang kasama ang babaeng yun. Hindi ko kayang tanunging bakit siya nagsinungalingat sa iba ko pa nalaman. Hindi ko kayang sabihin na nasaktan ako. Hindi ko masabi ang totoong iniisip at nararamdaman ko. Pinabayaan ko ang amor propio ko ang mangibabaw. Mas binigyan ko ng halaga ang image ko sa kanya kaysa maging totoo sa nararamdaman ko. Hindi ko alam kung ano ang nangyari kung hinarap ko lang ang nararamdaman ko. Mas pinili ko pang sabihin sa iba ang dapat na sa kanya ko pala sinabi. Kaya sabi nila nasa huli raw ang pagsisisi. Pero hindi ko na maibabalik ano ang nangyari. 

Naisip ko noon na hindi ako magpapatalo sa lungkot ko. Papatunayan ko kay Mr. Frie-lirt na hindi siya makakahanap ng hihigit pa sa akin. Gusto ko magsisi siya sa ginawa niya. Naisip ko siguro pinapahiram ko lang muna siya sa babaeng yun habang busy pa ako sa pag-aaral ko. Darating din ang panahon na ako pa rin ang pipiliin niya. Pero habang hindi pa ay ibabaling ko muna ang atensyon ko sa pag-aaral ko. Naging isang hamon sa akin ang ginawa ni Mr. Frie-lirt sa akin upang mas pagbutihin ko sa pag-aaral ko. Lalong tumindi ang pagnanais kong makatapos na may honors. 

"Akala niya, makikita niya." 
"Magsisisi siya sa ginawa niya." 
"Buti na lang hindi ko sinabing mahal ko rin siya."
"Ang kapal ng mukha niya." 

Ganyan ang mga sinasabi ko parati habang umiiyak. Kahit saan yata tuwing mag-isa ako ay umiiyak ako. Tuwing mag-isa ako ay naiisip ko ang nangyari. "Masama ba ako kaya nangyayari sa akin ito?" Araw-araw ay lalo akong nagiging bitter sa buhay ko. Lahat ata ng mga kanta para sa mga pusong sawi ay theme song ko ng mga panahong iyon. 

Naisip ko rin, buti na lang nandyan si Mr. D-reamboy...

Mga Komento

Mga Mabebentang Kuwento

Paano ba kami kapag may patay?

I sa sa iniiwasang pag-usapan ang tungkol sa patay. Pero paano ba kapag may patay kami? Katulad ng maraming pamilyang Pilipino, marami kaming sinusunod na pamahiin kapag mayroon kaming patay. Noong college ako ay nagsulat ako tungkol sa mga pamahiin ng mga Pilipino sa patay. Marami tayong mga pamahiin dito sa Pilipinas. Nag-iiba, nadagdagan at nababawasan ang mga ito depende sa lugar o probinsya. Pero sa mga pamahiin natin, ang mga pamahiin sa patay na ata ang pinakamarami.  Hindi man madaling isipin ang mamatayan  ng isang mahal sa buhay dahil lungkot ang una nating nararamdaman pero ito ay isang kaganapan kung saan dumarating ang mga kamaga-anak at nagkakaroon ng instant reunion. Umuuwi ang mga nasa ibang lugar na hindi madalas umuwi o nagpapadala ng pera ag dating mahirap hingan ng pera. Dumarating din ang mga outside the kulambo na pamilya sa mga lalaking may itinatago sa tunay na pamilya.  Habang nag-lalamay, inaalala ng mga tao ang namayapa. Paano ba siya noo...

Bakit Tayo Makasarili?

Bakit nga ba tayo makasarili? Ako, ako, ako, parati na lang ako sabi nga sa pelikula. Para sa iba, hindi nila maamin na makasarili sila, kasi para sa kanila perpekto sila. Sige na, kayo na. Pero para sa atin na aminado sa ating pagiging makasarili, bakit nga ba tayo ganito? Paano ba tayo nagiging makasarili? Sabi nga mahalin muna natin ang ating mga sarili bago tayo magmahal ng iba. Hindi masamang mahalin ang sarili. Kaya lang, lahat ng sobra ay  masama. Lahat rin ng bagay na sumasagasa na sa interes ng iba ay maaari na rin makasama. Dahil hindi natin maiiwasan ang pakikipag-ugnayan sa ating kapwa. Dito nasusukat ang ating pagkatao. Dito rin nalalaman kung paano natin tinitimbang ang mga bagay sa buhay natin.  Tignan natin ang mga ebidensya ng ating pagiging makasarili sa araw-araw. Kalamidad. Bakit nga ba nagbabaha? Isa na ata sa mga bagay na nakasanayan na ng mga nakatira sa siyudad ay ang karanasan sa baha. Bakit nga may baha? Paano imbes na itago muna ang balat ...

Na-LSS Ka Na Ba?

Na-LSS ka na ba? (LSS = Last Song Syndrome pero puwede rin naman na Last Sound Syndrome) Ito ay nangyayari tuwing mayroon tayong paulit-ulit na kanta na naririnig. Minsan tinatamaan tayo ng LSS dahil gusto natin ang kanta, minsan naman dahil ayaw natin sa kanta.  Natutunan ang tungkol sa pagkakaroon ng LSS noong ako ay nasa elementarya at high schol pa lang ako. Parati namin naririnig ang mga nagtitinda ng Selecta na tumutugtog upang manawag ng mga bibili lalo na mga bata. Dahil dito ay inuulit na ng kaibigan ko ang tugtog. Pero bago pa lang nangyari iyon ay naalala ko na sa sobrang pagkagusto ko sa isang kanta ni Ate Regine ay minsan kahit antok na antok na ako ay hindi ko mapigilan na hindi kumanta habang pinatutugtog ito sa radyo sa service. Nakakahiya man na nakikita ng mga ka-service ko na kumakanta ako habang natutulog bago ko napansin na ginagawa ko ang pagkanta at pagtulog ng sabay.  Noong nag-aral ako sa ibang bansa ay minsan pumunta kami ng mga kaibigan ko s...