Hindi ko alam kung dahil ba nalulungkot lang ako dahil malayo ako sa pamilya, mga kamag-anak at mga kaibigan ko kaya naghahanap ka ng magpapasaya sa iyo. Naisip ko nga, "ganito pala feeling ng mga OFW". Mas mabuti pa nga ang lagay ko dahil ilang buwan lang ako doon. Mayroon akong allowance at maraming nagiging kaibigan mula sa iba't ibang bansa na nag-aaral din doon katulad ko. Hindi katulad ng mga OFW na malayo na sa mga mahal sa buhay kailangan pa magsikap para kumita ng pera sa ibang bansa. Sa aking pag-aaral sa ibang bansa ay nakilala ko Si Mr. Brother-Long-Nails at si Mr. Pianist.
Sa aking paghahanap ng mga kaibigan upang maging mas masaya ang buhay ko habang malayo sa pamilya ko ay sumali ako sa isang opisyal na samahan ng mga dayuhang mag-aaral sa unibersidad na pinasukan ko doon. Noong ikalawang araw namin sa bansang iyon ay kailagan namin pumunta sa unibersidad para sa orientation. Doon kami inimbitahang sumali sa samahang iyon. Pagkatapos ng orientatio ay nagkaroon kami ng mga laro. Doon ay nanalo ang team namin dahil sa isang kagrupo naming Hapon. Kaya nakakuha ako ng regalo agad na magagamit ko sa pagsakay ko ng bus at tren.
Sa unang meeting ng samahang iyon na pinuntahan ko ay napansin ko si Mr. Brother-Long-Nails noong sinabi niyang magpakuha raw kami ng litrato. Mukha siyang mabait at parating nakangiti sa lahat. Nalaman kong dati pala siyang opisyal sa samahang iyon. Magaling na siyang magsalita ng salita sa bansang iyon kahit na halata sa itsura niya na mula siya sa Timog Asya. Medyo cute na rin kapag nakangiti ang lolo mo.
Isang hapon, nagkitakita kami ng iba ko pang kasamahan na kagrupo ko sa paghahanda sa isang event na inaayos namin. Ipinakilala siya ng isang kasama ko na naging kaibigan ko sa akin. Doon ko lang nalaman na nakababatang kapatid pala siya ng kaibigan ko. Doon ko rin nalaman ang pangalan niya. Pareho silang mabait pero mas malapit ako sa Kayak niya. Madalas kaming nagkikita dahil sa meeting ng samahan namin. Madalas rin akong nililibre ng kaibigan ko na kuya niya.
Minsan ay nagpunta kami sa bubuksan nilang negosyo malapit sa unibersidad namin para sa huling meeting namin bago ang inaayos naming event. Doon kami kumain. Nalaman namin na kaarawan pala niya. Pagkatapos namin siyang kantahan ay nagkataong doon siya sa harapan namin ng isa kong pang kaibigan na kaibigan rin niya umupo. Sabi niya sa amin nakapanood daw niya sa isang palabas na Pilipino. Narinig daw niya ang salitang "mahal kita". Kaya tinanong niya kami ano daw ibig sabihin ng salitang iyon. Natawa naman kami ng kaibigan ko na interesado siyang matuto ng Tagalog. Sinabi namin sa kanya ang ibig sabihin. Pero tahimik akong nagduda kung bakit niya tinanong iyon. Medyo nagsisimula akong magfeeling. Medyo cute kaya siya noong kinakausap niya kami. hehe.
Pagkalipas ng ilang araw, event namin. Inaabangan ko kung totoo ang duda ko. Tinitignan ko ang bawat kilos at salitang sasabihin niya sa akin. Noong nagaayos kami ng pagkain ay lumapit siya sa akin at inuulit niya ang sinasabi kong Tagalog sa mga kasama kong Pilipino. Sa isip ko naman, "ok, papansin ka??? haha" Maya-maya noong nagliligpit naman kami ay bigla niyang hinila ang hinihila kong poster sabay sabing, "bilis bilis, mahal kita". Siyempre nagulat ang lola mo. Dahan dahan akong tumingin sa kanya dahil hindi ako makapaniwala na narinig ko iyon sa kanya. Hindi ako makapaniwalang tila totoo ang hinala ko na type ata ako ng lolo mo. Pero pagtingin ko sa kanya ay bigla niyang iniwas ang tingin niya sa akin at sabay alis. Weird.
Matagal kaming hindi nagkita dahil hindi ako nakakapunta ng meeting ng samahan namin. Ilang linggo ang nakalipas ay bigla kaming nagkasalubong sa loob ng student center. Naalala ko pa ang nangyari sa event namin kaya medyo may kilig akong humarap sa kanya. Sabay kaming naglakad palabas ng student center. Habang naglalakad ay kinakausap niya ako. siyempre todo ngiti ako habang kausap niya. Madalas kasi kapag naglalakad ako ay napapatingin ako sa baba. Kaya napatingin ako sa nilalakaran namin hanggang sa napatingin rin ako sa paa niya. Napansin kong naka sandals pala siya. Siguro kasi medyo nababawasan na ang lamig ng panahon. Doon ko rin unang nakita ang kuko niya sa paa. Medyo OC lang sa kuko. Gusto ko kapag lalaki dapat malinis at regular na nagugupit ang kuko. Pero nagulat ako nang makita kong sobrang haba ng kuko niya. Patawad po sa kumakain pero ang pinakakinagulat ko sa lahat ng ito ay ang dumi ng kuko niya! As in itim kung itim! Doon naalala ko na mula nga pala siya sa Timog Asya. Hindi naman lahat pero mayroon tayong stereotype sa mga galing doon pagdating sa amoy dahil sa kinakain nila. Mula ng napatingin ako sa mga kuko niya ay hindi ko naintindihan ang sinasabi niya. Marami na ang tumakbo sa isipan ko. Hindi ako makahinga sa pagkadiri sa nakita ko. Gusto ko atang masuka noon. Major turn off! Parang ang tagal ng paglalakad namin. Paglabas na paglabas namin ng student center ay nakahinga ako. Nagpaalam lang ako sa kanya. Sabi ko naalala kong kailangan ko palang pumunta sa dorm ko sabay paalam sa kanya. Hindi ko na hinintay ang sasabihin niya. Tinalikuran ko na siya agad sabay lakad ng mabilis palayo sa kanya papuntang sakayan ng shuttle. Wala akong balak na magtagal ng malapit sa mga kuko niya. Katakot! haha.
Ilang buwan pa ang nakalipas ay kinausap ako ng guro namin. Sabi niya ako raw ang napili sa klase namin na makasama sa pagkukuhanan ng litrato kasama ng iba pang mga estudyante. Para pala ito sa ginagawang website ng language institute namin. Magagaling magsalita ang mga kasama ko doon. Buti na lang nag-aaral ako kaya kahit papaano ay nakakasunod ako sa kanila. Noong itinabi ako sa iba pang estudyante ay nakilala ko ang isa pang estudyanteng dayuhan katulad ko. Siya pala ang Hapong nagpapanalo sa grupo namin noong ikalawang araw ko sa bansang iyon. Mabait naman siya at medyo cute na rin. Natuwa ako sa pagkakakilala namin. Nagustuhan ko siya. Binigyan ko siya ng regalo noong pagtatapos namin. Kinuha ko ang number niya (first time). Kinuhanan kami ng mga kaibigan ko ng litrato habang tinutukso kami ng mga kaklase namin. Doon ko siya unang narinig na tumugtog ng piano at kumanta ng "Sakura". Magaling siyang mag piano pero hindi ako sigurado sa pagkanta niya. haha.
Parati siyang busy tuwing magkikita kami. Kaya halos hindi rin kaming nagkikita. Mas marami akong time at mas gusto ko siya kaysa kung ano man ang nararamdaman niya para sa akin. Super kilig ata ako noong isang beses na umuwi ako galing sa galaan na umuulan. Nagulat ako na habang nakapila ako pasakay ng bus ay biglang may kumalabit sa akin. Si Mr. Pianist pala. Hindi naman siguro para lang mapabilis sa pila pero tinabihan niya talaga ako sa bus. (in denial na ginamit lang ako hehe). Pero doon sinabi niyang gusto niyang matutong magsalita ng Ingles tulad ko. Minsan nagkita kami malapit sa dorm niya. Binilhan niya ako ng inumin. Nag-usap lang kami sa ilalim ng mga buwan. Niyayaya niya ako na magpunta sa Japan. Hindi raw siya magiging busy kung pupunta ako doon. Sabi ko hindi ko alam. Natulog akong nakangiti ng gabing iyon. Sobrang kilig ko eh. haha. Hanggang sa isang araw may nakilala akong unti-unting nagpabago ng nararamdaman ko para sa kanya….Si Mr. Frie-lirt.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento