"So anong masasabi mo na sinabing nagagandahan sa iyo si Mr. D-reamboy? Sabi pa wife material ka raw. Naks naman! hehe" Sabi ni Mr. Clean sa akin. Gusto ata ng tsismis.
"Wala. Sa tingin ko naman objective lang ang comment niya na iyon. Walang ibig sabihin. Iyon lang ang tingin niya sa akin. Yun lang." Sagot ko.
"Hmm. Sigurado ka? Sa tingin ko hindi lang naman iyon lang yun…" Sabi ni Mr. Clean.
"Haha. Wala lang talaga iyon." Sabi ko ulit. Ayokong maging asyumera. Diba nga 'di naman ako kagandahan para magustuhan nun. Isa pa kakatapos ko lang ma-heartbroken kay Mr. Frie-liert ayoko munang mag-assume ulti at masaktan. Kaya ayoko talagang bigyang ng kahulugan ang nanyayari.
Noong sumunod na semester ay hindi na namin siya kaklase. Mas sikat na rin siya sa iskul kaya maraming bumabati sa kanya. Maraming kumukuha ng autograph at picture. Marami rin ang babaeng nagpapapansin sa kanya. Kaya minsan habang naglalakad kami ng mga kaibigan ko sa corridor sa loob ng building namin ay iniwasan ko siya ng tingin. Inisip kong hindi na para pansinin kami ni Mr. D-reamboy dahil hindi na kami magkaklase. Inisip kong baka nga hindi na kami matandaan nun dahil sa dami niyang nagiging kaklase. Nakita kong kausap siya ng isa naming kaklase na kapatid ng kaibigan niya mula pa noong high school siya. Tamang tama nandoon ako malayo mula sa kanila kaya hindi siguro ako mapapansin. Nagulat ako nang bigla siyang kumaway sa akin.
"Hiiiiii!" Sobra ang pagkaway niya sa akin.
Napangiti ako. "Uy, hi!" Haba naman ng hair ko. Ang layo ko na para kawayan pa niya ako. Feeling close siguro. Naisip ko. Tumuloy kami sa paglalakad naisip kong baka isipin pa nung isang kaklase namin type ko si Mr. D-reamboy kaya mabuti pang maglakad na kami ng mga kaibigan ko.
Sa isang klase namin noong semester na iyon ay sa isang klasrum sa may dulo ng pangalawang palapag ng building. Malapit rin ito sa CR ng lalaki kaya suwerte nila malapit lang sila kapag gusto nilang mag CR, yun nga lang hindi sila makakalabas ng matagal sa gitna ng klase. Ibang klase ang klasrum na iyon. Sa may tabi ng board ang pinto. Habang nakaharap kami sa propesor namin ay hindi namin maiiwasang hindi tumingin sa mga dumadaan sa tabi pinto na nakikita namin sa salamin ng pinto. Maraming tumatayo doon sa tapat ng pinto ng klasrum namin kapag tapos na ang klase ng iba.
Isang hapon nang papasok kami ng mga kaklase ko sa klasrum na iyon ay nakasalubong namin ang mga estudyante mula sa katabing klasrum. Natatapos pala ang klase nila bago ang klase namin. Nakasalubong namin si Mr. D-reamboy. Doon pala ang klase niya sa katabi naming klasrum bago ang klase namin. Binati niya kami. Tumango siya sa akin. Tumango lang din ako sa kanya. Nakita niyang dumiretso kami sa klasrum sa tabi. Naisip kong malamang lumabas na agad iyon kasi tapos na pala ang klase niya.
Umupo ako malapit sa may pinto para kapag gusto kong mag-CR ay madaling lumabas. Nagulat ako ng unti-unti nang mawala ang mga taong nakatayo sa labas ng pinto ng klasrum namin. Nakita ko siyang nakatayo doon at nakasandal sa may bintana ng building. Nakaharap siya sa pinto ng klasrum namin at nakatingin sa amin. Ayaw kong isiping ako ang tinitignan niya pero ngumingiti ang lolo niyo. Iniiwasan ko na lang tumingin sa labas dahil baka hindi ko maintindihan ang sinasabi ng propesor namin at baka bumaba pa ang grado ko. Ngunit sa tuwing napapatingin ako sa pinto ay nakatingin pa rin siya. Mayroon siyang mga kausap na lalaking mukhang kaklase niya pero napapatingin talaga siya sa klasrum namin. Sa tuwing ginagawa niya iyon ay hinihintay kong mapagod siya para hindi na ako mako-conscious sa paggalaw ko sa klase.
Halong tuwa at lungkot ang naramdaman ko noong inilipat ako ng propesor ko sa kabilang parte ng klasrum para daw alphabetical kami. Natuwa ako na hindi na ako ma-didistract habang nagkaklase. Pero nalungkot rin ako na hindi ko makikita kung nakatayo siya sa labas.
Minsan isang hapon biglang sinabi ng isang kaibigan ko, "naku, alam mo ba si Mr. D-reamboy nakatayo sa may pinto kanina. Humahaba ang leeg parang may hinahanap sa klasrum. haha"
Natawa na lang ako. Kahit niloloko ako ng mga kaibigan ko na ako raw iyon ay parang ayokong isipin dahil mas nangingibabaw ang sakit ng nakalipas sa akin.
Ang nakaka-haba ng buhok kay Mr. D-reamboy ay binabati talaga niya kami kahit sa labas at kahit hindi na kami magkaklase. Kahit pa sikat na siya sa unibersidad ay nauuna talaga siyang bumati sa amin. Kami pa nga ata ang nahihiya na batiin siya.
Minsan na tumatawid kami ng kaibigan ko para bumili ng pagkain bago ang isa pang klase namin ay nakita naming patawid rin siya mula sa kabila. Nang magkasalubong kami sa gitna ng kalye ay nilapit niya ng kaunti ang mukha niya sa amin at nakangiti.
"Hiiii! San kayo pupunta?" tanong niya habang nasa gitna kami ng kalsada. Buti na lang wala masyadong sasakyan.
"Sa carpark, bibili lang ng lunch." Sagot ko. Ngumiti rin ako baka isipin suplado ako 'di naman ako kagandahan.
"Sige, bye!" Sabi niya.
Natawa ang kaibigan ko. Tinutukso na ako. Ang haba nga ng hair ko. hehe. Takot ko lang na baka hilahin ng mga babaeng kasunod namin ang buhok ko.
Isang beses naman ay pagkagaling namin sa bilihan ng pagkain ay muli namin siyang nakasalubong. Habang bitbit namin ng kaibigan ko ang mga pagkain namin at ng mga ibang kaibigan naming nagpabili ay muli namin siyang nakitang naglalakad mag-isa sa kabila ng kalsada sa may building namin. Tumawid siya papunta sa amin.
"Hiiii! Ano yan ah?" Nakangiti niyang itinanong sa amin.
"Pagkain namin. Sa loob kami kakain." Sabi ko. Dapat pala niyaya ko kumain pero anong sasabihin ko, "sabay ka sa amin kumain, pero bumili ka ng sarili mong pagkain. hehe."
Lumipas ang Valentine's Day na kasama ko ang mga kaibigan ko. Buti pa ang isang kaibigan kong bakla may natanggap na regalo mula sa kanya manliligaw, samanatalang kaming mga babae ay kung hindi pa binigyan ng isang rosas ng isang kabigan naming bakla rin ay uuwi kaming luhaan sa araw na iyon. Siyempre over ang drama ko sa araw na iyon dahil naiisip ko ang sakit na idinulot ng pagkagusto ko kay Mr. Frie-lirt. Siguro masaya sila ng babaeng iyon, argh!!!!! Habang ako ay nag-iisa dito. Buti na lang kasama ko ang mga kaibigan ko buong araw.
Ilang araw makalipas ang Valentine's Day ay nabuksan ko ang Friendster account ko para sagutin ang isang message pero hindi ko na tinignan ang lahat ng notification. Ayoko rin naman malaman ng mga tao na nagbukas ako ng Friendster bigla. Matapos kasi akong ma-heartbroken kay Mr. Frie-lirt ay iniwasan ko na ang buksan ang Friendster. Hindi na rin muna ako nag-oonline sa Yahoo. Iniwasan ko ang kahit anong bagay na magpapaalala sa kanya kasama ang mga kaibigan namin.
Gawaan ng thesis kaya busy talaga kami. Nandoon pa rin ang mga moments na naalala ko ang sakit ng nangyari sa akin pero mas madalas akong nakatutok sa ginagawa ko sa school. Naghahabol ako ng honors. Mas mahalaga pa ba ang pagiging heartbroken ko sa kasalukuyan kaysa honors na habang buhay kong dadalhin? Siyempre pinipigilan ko ang pagdadrama ko.
Natapos namin ng maayos ang thesis namin. Nagdefense kami ng maayos rin. Sinabihan na kami na puwede na namin i-print at ipa-bind ang thesis namin. Natapos naman namin ng ka-grupo ko agad ang sa amin kaya ekstra na lang kami sa mga kaibigan namin na inaayos pa sa computer shop sa may iskul namin ang sa kanila. Maliit lang ang shop na iyon kaya nagsisiksikan kami doon. Nagulat na lang ako na biglang dumating si Mr. D-reamboy. Nagpapatype pala siya ng papel niya doon. Nakita niya kami. Binati niya ang isang kaibigan ko na kaklase niya sa isang subject.
Habang nagtatype si kuya na taga computer shop ay umupo naman sa katabing computer unit si Mr. D-reamboy at nagbukas ng email niya. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan niya ipatype sa iba ang assignment niya kung tatambay rin pala siya doon ng matagal at mag-iinternet lang naman. Pero buhay niya iyon pakialam ko ba. Medyo nag-gagabi na nang mapatingin si Mr. D-reamboy sa relo niya. Naalala niyang may klase pa pala siya at mahuhuli na siya. Iniwan niya ang pinapagawa niya at pumasok na sa klase.
Naging abala kami sa thesis namin ng mga kaklase ko. Minsan ko na lang makita si Mr. D-reamboy. Hindi ko pa rin halos nakakalimutan ang nangyari kay Mr. Frie-lirt. Siguro salamat na rin kay Mr. D-reamboy dahil kahit papaano kapag nasa paligid siya ay nakakalimutan kong brokenhearted nga pala ako.
Kapag abala rin ang utak ko, nakakalimutan ko ang sakit. Kaya naman naisip kong maghanap agad ng trabaho bago pa ang graduation. Nakahanap naman ako agad. Huling recognition day ko para sa mga amy honor noong unang semester ko rin siya huling nakita. Hindi niya ako nakita na dahil sa may likod ako nakaupo pero nakita ko siya dahil una silang tinawag kaysa amin. Iyon na ang huling pagkakataon na nakita ko siya habang estudyante pa ako doon. Siguro nga, "he's just not that into me."
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento