Noong huling linggo ko sa opisina ay alam ko nang wala si Mr. To-Sir-With-Love. Alam ko na naka bakasyon siya tulad ng sinabi niya sa akin. Nagpaalam na siya sa akin noon biyernes bago ang huling linggo ko sa opisina. Kaya nagulat ako nang bigla siyang nagpakita sa opisina. Sabi niya mayroon lang siyang kukunin.
Sumunod na linggo ay bumalik ako sa opisina dahil nagyayaya ang isa ko pang boss lumabas. Habang nasa hallway ako ay kinausap ako ng isang kasamahan namin. Nakita ko siyang nagmamadaling lumabas ng opisina niya at lumapit sa amin. Para siyang bata kung umasta. Mahina niyang sinabi sa akin na “sabi ko na boses mo 'yun eh…”
Pumasok ako sa dati kong opisina para kausapin ang mga naiwan ko doon na kasamahan. Sumunod rin siya sa loob. Napansin ko na may mga sugat ang mukha niya.
“Kamusta ang bakasyon mo sa Coron? Anong nangyari s’yo? Bakit ganyan ang mukha mo?” Tanong ko sa kanya. Hindi ko na matandaan ang sinagot niya. Pero sinabi sa akin ng dati kong roommate na mayroon raw herpes si Mr. To-Sir-With-Love.
“Herpes????? At bakit ka naman magkaka-herpes eh nagbakasyon ka lang.” May konting pandidiri sa pagtatanong ko.
"Nagkakaroon ako ng ganito tuwing na-sestress ako.” Sagot niya.
“Stress???? Paano ka naman na stress eh nag bakasyon ka nga diba?”
Hindi na niya sinagot ang dahilan ng stress niya.
Pagkatapos ng trabaho nila ay kumain na kami ng hapunan sa labas ng isa pang dati kong boss kasama si Mr. To-Sir-With-Love at dalawang dating kasama sa department na kalahi nila. Habang kumakain ay nagulat na lang ako nang biglang nagtanong ang isang dati kong kasama sa department.
“Gusto mo ba si Mr. To-Sir-With-Love?”
Tumahimik ang lahat at naghihintay ng sagot ko. Pero siyempre katulad ng dati hindi ako makapag-isip ng maayos na sasabihin. Parang graded oral recitation lang. Kaya lang ito sapilitan akong pinapaamin ng nararamdaman ko na hindi ko nga maamin sa mga kaibigan ko, sa kanila pa????? At dahil hindi naman ako magaling mag sinungaling…
“Hindi…” Nagsisimula pa lang ako ay sumimangot na si Mr. To-Sir-With Love. “Hindi siya ganoong ka gwapo sa tingin ko.” Dahil para sa akin iyon naman talaga ang totoo. Bakit ba mayroon mga tao na pinipilit ang mga tao na umamin sa nararamdaman nang hindi sila handa? Hindi ba dapat karapatan ng may katawan ang umamin kapag handa na siya?
Galit na sumagot si Mr. To-Sir-With-Love na “You’re not going to get married anytime soon!” Sabay nagmadaling lumabas. Hindi na niya ako kinausap.
Sinabi ko sa dati kong roommate ang nangyari. Sabi niya sa akin “sa tingin ko talaga yun herpes niya ikaw talaga ang sinisigaw ng mga yun. haha” Sinubukan kong bawiin ang mga nasabi ko. Pero nagalit na siya sa akin. Nagulat na lang kami na biglang nakahanap na siya ng iba. Sa iba pa namin ito nalaman. Biglang na lang niyaya na niya mag date ang isang kalahi nila na sinasabi namin dati na pwede sa kanya.
Ilang beses pa kami nagkita pero iniisip ko baka hindi totoo ang nalaman namin. Minsan para nga raw pulis ang mga babae, hnggang sa aminin ng may sala ang kanyang nagawa ay hindi siya maaaring kasuhan. Hanggang sa marinig ko mismo sa kanya ay doon ko lang ito paniniwalaan.
Ayaw ko pang tanggapin noong una pero siya na mismo umamin na mayroon na siyang ibang gusto. Sinabi ko ang nararamdaman ko. Inamin ko na gusto ko siya at hindi niya kailangan na maging pareho ang nararamdaman namin. Masakit pa rin noong sinabi niya na mayroon na ngang iba.
Hindi ko na siya kinausap mula noong gabing iyon. Pero nagtataka ako bakit parang mabigat ang pakiramdam ko kahit nabitawan ko na kwentong ayaw kong aminin sa pag amin ng nararamdaman ko sa kanya? Bakit parang mayroong mali? Kahit nakikipagkita pa siya ay hindi ko na siya kinita pa. Bakit pa? Pero ito ang dahilan kung bakit ko hinanap ang kasagutan sa bigat na nararamdaman ko. Dahil sa nangyari ay ginusto ko na rin bitawan ang totoong nagpapabigat sa akin…Ang totoong dahilan kung bakit hindi ako makapagsimulang muli...
--------
(basahin ang parteng ito pagkatapos ng Final Episode ni Mr. Frie-lirt)
Ilang buwan ang nakalipas mula nang umamin ako sa kanya na gusto ko siya at sinabi niya mayroon na siyang ibang gusto. Naiayos ko na rin ang isyu kay Mr. Frie-lirt. Napatawad ko na siya pati ang sarili ko sa mga nangyari. Kaya naman wala na akong pakialam kay Mr. To-Sir-With-Love. Nakita ko pa sa Facebook ang account niya pero hindi ko siya in-add. Bakit ko pa siya i-add? Nalaman ko sa dati kong roommate na hindi maganda ang mga nangyari sa kanila noong babaeng naging girlfriend niya sa opisina na kalahi niya. Ayaw sa kanya ng mga kalahi nila. May ugali raw kasi ang babae na hindi maganda. Medyo madrama ang mga nangyari sabi sa akin. Nalaman ko rin na na-operahan si Mr. To-Sir-With-Love sa puso sa bansa nila.
Noong malapit na siya umalis ng bansa dahil tapos na ang assignment niya dito ay bigla akong nakatanggap ng text mula sa kanya. Nagyayaya siyang mag 'hang out' bago raw umalis. Sabi ko naman ay wala akong oras. Sa totoo lang, wala talaga akong oras mag 'hang out' kasama siya. Ano naman pag-uusapan namin? Bakit pa kami kailangan mag-hang out? Awkward. Nagsabi siya na kapag pumunta ako sa bansa nila ay mag-message daw ako sa kanya para magkita kami. Sinabi ko na lang, "sige sasabihan kita kapag pumunta ako doon." Ganoon lang. Pero kahit kailan ay hindi ko ginawa. Naisip ko kasi bakit ko naman siya kailangan makita doon? Marami naman akong kakilala na pwedeng kitain kaysa siya. Hayaan ko na siya pinili niyang buhay. Maging masaya na lang siya. Pabayaan na rin niya ako sa buhay ko. Sa buhay na walang kasiguraduhan kung sino ang para sa akin, o kung mayroon nga ba?
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento