Kinabukasan ay sa ibang temple naman ako nagpunta para sa Sunrise shoot. Pagdating ko doon bago mag sunrise ay nakita ko na ang grupo ng Thai na nakita ko kahapon ay naka set up na doon. Noong nakita nila ako ay naglolokohan na sila. Hindi ko siya agad nakita. Pero dahil nakasama ko na sila sa shoot, binati ko na lang lahat. Nag setup na rin ako para sa sunrise. Noong matatapos na ang shoot ay lumapit na siya sa akin. Tinanong niya saan ako pupunta pagkatapos ng shoot. Nauna na sila umalis. Nagpaiwan muna ako doon para kumuha pa hanggang maganda pa ang side light.
Pagkatapos ng shoot ay bumalik muna ako sa hotel para kumain ng umagahan. Nakita ko na nag padala na siya ng request sa Facebook. Nagpalitan kami ng messages pati na rin ng like ng mga post. Pinakita niya na nag shoot pa rin pala sila pagkatapos naming maghiwalay ng sunset shoot. Hindi ko masyadong gusto ang kuha nila, pero ni-like ko na lang para magpatuloy lang siya sa pagkuha ng mga litrato. Lahat naman nagsisimula na hindi rin masyadong maayos ang mga kuha. Practice makes perfect or at least better.
Hindi ko na siya nakita ulit kasi may sarili akong itinerary na ginawa. Sila naman ay pumunta sa ibang lugar kinabukasan. Pero lagi naman siya nag -memessage kahit nakauwi na kami ng mga bansa namin. Pinapakita niya na nag-attend na rin siya ng workshop. Sa totoo lang, nasasayangan kasi ako sa mga gamit niya. Maganda pa naman at mamahalin pero hindi niya masyadong alam paano gamitin. Simula ng Nobyembre na nang binahagi niya sa timeline niya ang kuha niya sa akin. Naka-tag ako. Nag-message siya. Sabi ko sa kanya maganda ang kuha. Salamat. Tinanong niya ako kung saan ang susunod na balak kong puntahan para kumuha ng litrato. Sabi ko nagpaplano ako mag-Bali sa susunod na taon. Sabi naman niya ay sasama raw siya para makuhanan niya ako ulit ng litrato. Natuwa naman ako. Siyempre sino ba hindi? Sa ganoon pagkakataon kasi lumalabas ang pagiging hopeless romantic ko e. iniisip ko ‘siya na kaya ang destiny ko?’ haha kaloka diba? Kasalanan talaga ito ng “Eat, Pray, Love” eh. Umasa tuloy ako.
So ayun nagpatuloy ang pag-uusap namin araw-araw habang nasa trabaho pa ako. Wala kasing internet sa bahay so hindi ko na siya nakakausap kapag gabi. Madalas nangangamusta siya. Nagkukwento tungkol sa araw araw na trabaho. Minsan kwento niya na sobrang pagod siya kasi mayroon raw motorcycle accident eh sa emergency room siya naka-assign. Kaya marami silang pasenyte. Marami raw dugo. Sabi ko pa naman. Ayaw ko ng dugo. Natatakot ako. Sabi niya siya rin daw. Haha. Eh sabi ko sa kanya, paano ka naging doctor? Haha.
Pero noong panahon na iyon minsan nakakakita ako ng mga post na nililike niya. Iniisip ko bakit puro babae? Siyempre gumana naman ang pagiging researcher ko. Tinignan ko sino ang mga iyon. Dumadalas kasi ang pagpalitan nila ng comment in Thai. Nalaman ko na taga Laos naman ang babae. Dahil malapit ang mga probinsya nila ay nagkakaintindihan siila. Hindi na niya kailangan gumamit ng Google Translate para makipag-usap sa kanya. Nalaman ko rin na nagkakilala sila noong nagpunta siya sa Vientiane….
Noong una iniisip ko so ano iyon sa akin? May yaya pa sa trip pero may ibang nilalandi? Hanggang sa isang araw nag-message ako sa kanya. Medyo matagal ang reply ng Lolo niyo. Kinabahan ako kasi naalala ko ang nangyari sa akin dati. Natatakot ako na ako na naman ang kontrabida sa kwento. Ako na naman ang maiiwan na mag-isang umasa pagkatapos nilandi.
Sabi niya pasensya na raw at hindi siya masyadong makapag reply kasi nasa emergency room pa siya. Marami raw pasyente. Mamaya na raw niya ako kakausapin pagkatapos ng shift niya. Kaya lang lumalabas sa akin na habang sinasabi niyang ‘busy’ siya sa trabaho ay ang dami niyang oras mag-reply sa babaeng taga Laos. So huli?
Nainis ako. Hindi ko na siya kinausap. Tamang tama naman ay mayroon akong workshop. At doon ay may nakilala akong iba….
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento