Lumaktaw sa pangunahing content

Si Mr. Frie-lirt (FINAL with EPILOGUE)

Pagkatapos ang nangyari kay Mr. To-Sir-With-Love ay dapat na maluwag ang pakiramdam ko. Dapat kapag nabitawan ko na raw ang mga hindi ko maamin-aming nararamdaman ay dapat gumaan na ang kalooban ko. Pero bakit parang mabigat pa rin? 

Sinuri ko ang sarili ko. 


Naalala ko ang dahilan kung bakit ko ba pinipilit na maging kami ni Mr. To-Sir-With-Love. Naaalala ko kung paano ko siya kinumpara kay Mr. Frie-lirt at sinabi sa sarili ko na puwede ko na itapat—na hindi na ako mapapahiya kapag nalaman ni Mr. Frie-lirt kung sino na ang gusto ko habang masaya siya sa buhay niya. Naisip ko na hindi na niya masasabing mas ok pa rin siya at ako ang dapat manghinayang sa nangyari. 


Ilang araw bago ko tinawagan si Mr. To-Sir-With-Love para aminin na gusto ko siya ay nakausap ko ang isang dati kong kasama sa opisina. Siya yun kaibigan ng napangasawa ni Mr. Frie-lirt. Siya rin ang babaeng kinainisan ko matapos siya ang ilang beses na nagdala ng masamang balita tungkol kay Mr. Frie-lirt. Ang babaeng walang pakialam na masasaktan ako na malaman at makita ang ebidensya na wala na akong dapat patunayan pa kay Mr. Frie-lirt dahil nauna na siyang nagpakasal. Nagpakasal na siya kahit ilang araw bago iyon ay sinusubukan niya pa akong kausapin. 

 

Noong kinausap ko ang babaeng iyon ay sinabi ko ang lahat—na kinainisan ko siya sa mga ginawa niya. Pero kung babalikan ko ang lahat ay tama rin naman ang ginawa niya na ipakita sa akin ang katotohanan kahit masakit pa. Hindi lang siguro ako handa noon para maintindihan ang paraan niya. Nabanggit ko sa kanya na ang ugat ng lahat ng nangyari ay ang issue ko kay Mr. Frie-lirt. Siguro dapat ko na kausapin si Mr. Frie-lirt para matapos na ang lahat. Pero sabi niya, mas mabuting huwag na dahil may asana na ito at baka hindi maging maganda ang resulta. Kaya naisip ko na siguro nga mayroong mga bagay na hindi na kailangan pa mapag-usapan para bigyan ng closure. Siguro sapat na natanggap ko na ang lahat ng nangyari at hindi ko na kailangan ipaalam ko pa ang mga nangyari kay Mr. Frie-lirt.


Pero mayroon pa rin hindi maayos sa nararamdaman ko. Mayroon pa rin mabigat at gusto ko na itong matanggal. Isang mabigat na issue na lang ang natitira: ang issue ko kay Mr. Frie-lirt.


Kaya ayun, matapos ko umiyak dahil nasaktan ni Mr. To-Sir-With-Love ang pride ko ay nagsimula na ako mag compose ng “completion letter” para kay Mr. Frie-lirt. Gustong gusto ko nang palayain ang sarili ko mula sa ilang taong kong sama ng loob sa kanya. Ilang taon din naapektuhan ng pagka-bwisit at pagka-bitter ko sa mga nangyari ang mga desisyon ko sa buhay. Bukod sa tuluyang pagpait ng panlasa ko, mula sa pagtanggap ko ng trabahong hindi naman talaga akma sa natapos ko, sa pagpasok sa graduate school hanggang sa mga taong nilayuan at kinainisan ko. Ang laki ng epekto sa akin ng kuwento ni Mr. Frie-lirt sa buhay ko. 


Tumutulo ang luha ko habang nilalahad ko ang mga nangyari, ang totoong naisip at naramdaman ko, pati na rin ang mga sagot sa mga tanong niya. Ang mga itinago ko ng ilang taon ay sa ilang linya ng sulat ko pagkakasyahin. Nilinaw ko alam ko na may pamilya na siya at wala akong ibang gusto kung hindi magkaroon ng “peace of mind”. Hindi ko mababago at hindi ko rin naman nais baguhin ang mga nangyari. 


Pinabasa ko pa sa isang pinsan ko para masigurado na hindi ako ma misinterpret, lalo na naisip ko na baka mabasa  ng asawa niya. Umiyak rin siya sa mga nabasa niya dahil alam niya ang mga nangyari at ang pinagdaanan ko noon.


Hinanap ko siya sa Facebook dahil ayaw ko na sa email. Pakiramdam ko kasi mas mabilis niyang mababasa kung sa Facebook ko ito ipapadala. Nakita ko siya sa isang common friend. Ayun nilagay ko na ang sinulat ko. Huminga ako ng malalim at inisip ko na “para sa kalayaan ko” wala na akong akong pakialam sa iisipin niya. Inisip ko bahala na kung hindi niya basahin o kung asawa pa niya ang magbasa. Sabay pindot sa "send." Pinadala ko na.


Kaya naman pala palayain ang sarili sa isang iglap. Bakit ko ba pinatagal pa ang paghihirap ko? Kailangan ko pa pahirapan ang sarili ko sa paghawak sa kuwentong nagbigay lang sa akin ng sakit. Pero kung hindi rin naman nangyari ang mga nangyari ay hindi ko makikilala ang ibang tao. Hindi ko rin maiisipan pumasok agad sa graduate school. Mayroon man mga bagay na sumablay ang desisyon ko dahil sa issue ko sa kanya, pero hindi naman sayang ang mga iyon. Mayroon pa rin naman mga naidulot na mabuti sa akin. Kung hindi ito nangyari ay wala akong maikukuwento dito. Katulad na rin ng ibang maling kuwento sa kuwento ko. Hindi man ako ang naging bida sa mga kunwento nila, sa sarili kong kuwento ay ako lang bida. Hindi nga siguro ako pang romcom o pang fairytale ending na love story. Pang indie film man ang peg ng buhay ko, ay iyon ang kuwento ko. Baka naman pang Netflix pala. Haha. At hindi katulad ng mga romcom at fairytale ending love story na mabenta sa viewers, ay hindi sa Season 1 natatapos ang kuwento ko. 


Ano na ang susunod na mga pangyayari? Nabasa kaya ni Mr. Frie-lirt?



Pagkapindot ko ng “Send" ay agad na lumabas na seen ang message. Kinabahan ako dahil hindi ko alam kung ano ang reaksyon niya at kung siya ba talaga ang nakabasa o baka ang asawa niya. 


"Bahala na.” Sabi ko sa pinsan ko. 


Isang linggo ang nakalipas nang makatanggap ako ng tugon mula sa kanya. Hindi ako naghihintay ng sagot mula sa kanya pero nagulat ako sa sinabi niya. Nag-sorry siya sa mga nagawa niya. Hindi raw niya alam na naging ganoon ang nangyari. Sana raw ay makahanap ako ng “great guy” for myself. 


Naiyak ako ulit. Mas lalo pang gumaan ang pakiramdam ko. “Sorry" lang pala ang kailangan ko para tuluyang maging masaya. Sabi ko sa sarili ko, ito na ang totoong ending ng kuwento namin. Next chapter na…



-----


Katulad ng ilang palabas na mayroon post-credit scenes or EPILOGUE. Para sa akin ito mayroon rin:


Pagkalipas ng ilang buwan habang naghihintay ako na ma-publish ang isang research ko ay mayroon nangyari. 


Isang usage napansin ko na lowbatt pala ang cellphone ko kaya lang walang sadakan na malapit sa table ko sa opisina. Kaya iniwan ko sa kabilang kuwarto ang cellphone ko para i-charge ito. Wala naman akong hinihintay na tawag o text kaya wala akong pakialam kung malayo sa akin ang cellphone ko. Parati rin naka silent ang cellphone ko.


Noong pumunta na ako sa kabilang kuwarto para humain ng tanghalian ay naalala kong may cellphone nga pala ako na nakasaksak. Pagbukas ko ay nakita kong mayroong “Missed Call” mulas sa tatay ni Mr. Frie-lirt. Naisip ko baka may itatanong tungkol sa dati kong trabaho kaya nagpadala ako ng message: “Kuya, pasensya na po kayo hindi nasagot ang tawag niyo. Nasa kabilang kuwarto po kasi ako.” Hindi pa ito tapos mag charge kaya iniwan ko muna ulit at pumunta ako sa canteen para kumuha ng pagkain.


Pagkabalik ko ay mayroon ulit “Missed Call” mula sa tatay niya. Naisip kong baka may itatanong siya, kaya nag message ako ulit. “Kuya, bakit po kayo tumawag. Hindi ko na naman po nasagot ang tawag niyo. Kung tungkol po sa dati kong trabaho ay wala na po ako doon.” Dati kasi noong hindi pa nagpapakasala si Mr. Frie-lirt ay nag-message na rin siya sa akin tungkol sa trabaho ko. Naisip ko baka ganoon lang ulit.


Kumain na muna ako. Habang ang cellphone ko ay nilagay ko na sa tabi ko. Inabang ko na ang tawag at nakakahiya. Mabait naman siya sa akin dati kahit “a******” ang anak niya sa akin. 


Maya maya lang ay nag-ring na ulit ang cellphone ko. Agad ko itong sinagot.


“Hello, kuya. Hello. Hello. Hello?? Kuya????” Walang sumasagot. Wala rin akong kahit anong naririnig na tunog upang masabi kung nasaan siya. Katahimikan lang ang mayroon sa kabilang linya. 

Naisip ko may nangyari kaya sa kanya? Bakit kaya siya tumatawag?

 

Binaba ko na lang.


Mga 20 minuto ang nakalipas ay may natanggap akong mensahe: “Sorry, wrong press.”


Huh? Paano ako ma mi missed call hindi naman sa letter "A" nag sisimula ang pangalan ko. Kung tutuusin, marami sÄ… mga kakilala namin ang mauuna sa pangalan ko. Kasama na si Mr. Frie-lirt doon. Pero paano? At dalawang beses pa? Kung nakamali lang ng pindot ay bakit walang tunog sa kabilang linya? Anong mayroon? Pinakinggan lang ba ang boses ko habang nakatakip ang mic?


Lumipas pa ang ilang minuto ay nagpadala siya ulit ng mensahe: “parati akong nagpupunta sa Singapore para bisitahin si _____ at ang anak niya. Ikaw ba may asawa na?"


Nagulat ako sa tanong. Hindi man lang kamustahin muna ako? Asawa agad?


Kung tatay man ni Mr. Frie-lirt talaga ang gumawa noon o si Mr. Frie-lirt para malaman kung maayos na ako para mawala na ang “guilt" niya sa nagawa niya sa akin ay hindi natin malalaman. Isa lang ang sigurado ako, naka-move on na ako sa kanya. Natatawa na lang akong balikan at ikuwento ang mga nangyari.


Iba iba ang reaksyon nakukuha ko tuwing binabahagi ko ang ilang aspeto ng kuwento ko tungkol kay Mr. Frie-lirt. Ang ibang taong nakakarinig ng kuwento ay naaawa, ang iba ay nanghihinayang, ang iba naman ay natatawa. 


Kung ano man ang reaksyon mo sa kuwento ko ay sana may mapulot ka mula rito. Hindi man ito ang inaasahang happy ending tulad sa mga pelikula at nobela, pero naging happy naman ako sa pagtatapos ng kuwento na kasama siya. Pero syempre hindi dito natatapos ang lahat. Sabi ko nga may susunod pang Season ang kuwento ko. Iba naman ang mga karakter. Sa dami ko naman naisulat tungkol sa kanila, lalo na kay Mr. Frie-lirt ay tama na! Hindi naman niya ako binabayaran para dito. 


Mga Komento

Mga Mabebentang Kuwento

Paano ba kami kapag may patay?

I sa sa iniiwasang pag-usapan ang tungkol sa patay. Pero paano ba kapag may patay kami? Katulad ng maraming pamilyang Pilipino, marami kaming sinusunod na pamahiin kapag mayroon kaming patay. Noong college ako ay nagsulat ako tungkol sa mga pamahiin ng mga Pilipino sa patay. Marami tayong mga pamahiin dito sa Pilipinas. Nag-iiba, nadagdagan at nababawasan ang mga ito depende sa lugar o probinsya. Pero sa mga pamahiin natin, ang mga pamahiin sa patay na ata ang pinakamarami.  Hindi man madaling isipin ang mamatayan  ng isang mahal sa buhay dahil lungkot ang una nating nararamdaman pero ito ay isang kaganapan kung saan dumarating ang mga kamaga-anak at nagkakaroon ng instant reunion. Umuuwi ang mga nasa ibang lugar na hindi madalas umuwi o nagpapadala ng pera ag dating mahirap hingan ng pera. Dumarating din ang mga outside the kulambo na pamilya sa mga lalaking may itinatago sa tunay na pamilya.  Habang nag-lalamay, inaalala ng mga tao ang namayapa. Paano ba siya noo...

Bakit Tayo Makasarili?

Bakit nga ba tayo makasarili? Ako, ako, ako, parati na lang ako sabi nga sa pelikula. Para sa iba, hindi nila maamin na makasarili sila, kasi para sa kanila perpekto sila. Sige na, kayo na. Pero para sa atin na aminado sa ating pagiging makasarili, bakit nga ba tayo ganito? Paano ba tayo nagiging makasarili? Sabi nga mahalin muna natin ang ating mga sarili bago tayo magmahal ng iba. Hindi masamang mahalin ang sarili. Kaya lang, lahat ng sobra ay  masama. Lahat rin ng bagay na sumasagasa na sa interes ng iba ay maaari na rin makasama. Dahil hindi natin maiiwasan ang pakikipag-ugnayan sa ating kapwa. Dito nasusukat ang ating pagkatao. Dito rin nalalaman kung paano natin tinitimbang ang mga bagay sa buhay natin.  Tignan natin ang mga ebidensya ng ating pagiging makasarili sa araw-araw. Kalamidad. Bakit nga ba nagbabaha? Isa na ata sa mga bagay na nakasanayan na ng mga nakatira sa siyudad ay ang karanasan sa baha. Bakit nga may baha? Paano imbes na itago muna ang balat ...

Na-LSS Ka Na Ba?

Na-LSS ka na ba? (LSS = Last Song Syndrome pero puwede rin naman na Last Sound Syndrome) Ito ay nangyayari tuwing mayroon tayong paulit-ulit na kanta na naririnig. Minsan tinatamaan tayo ng LSS dahil gusto natin ang kanta, minsan naman dahil ayaw natin sa kanta.  Natutunan ang tungkol sa pagkakaroon ng LSS noong ako ay nasa elementarya at high schol pa lang ako. Parati namin naririnig ang mga nagtitinda ng Selecta na tumutugtog upang manawag ng mga bibili lalo na mga bata. Dahil dito ay inuulit na ng kaibigan ko ang tugtog. Pero bago pa lang nangyari iyon ay naalala ko na sa sobrang pagkagusto ko sa isang kanta ni Ate Regine ay minsan kahit antok na antok na ako ay hindi ko mapigilan na hindi kumanta habang pinatutugtog ito sa radyo sa service. Nakakahiya man na nakikita ng mga ka-service ko na kumakanta ako habang natutulog bago ko napansin na ginagawa ko ang pagkanta at pagtulog ng sabay.  Noong nag-aral ako sa ibang bansa ay minsan pumunta kami ng mga kaibigan ko s...