Lagi siyang pumupunta sa kuwarto ko lalo na noong umalis na ang kasama ko sa kwarto. Madalas tungkol lang sa kung ano. Nakikipag kwentuhan lang siya habang nag tatrabaho ako. Kung anu-ano yun tinatanong niya sa akin. Kung ano ano rin ang kinukwento niya tungkol sa sarili niya. Minsan pagpasok ni Mr. To-Sir-With-Love sa opisina ko nasipa pala niya ang kalso ng pinto. Sumara ang pinto pero hindi niya binuksan. Sabi ko sa kanya buksan niya ang pinto pero hindi niya ginawa. Tuloy siya sa pagdadaldal niya. Tulad ng dati hinahayaan ko lang siya dumaldal habang nag tatrabaho ako. Matagal rin siyang dumadaldal doon bago may kumatok sa pinto.
Sumisigaw lang siya na “bukas yan”.
“Sarado nga kasi. Hindi mo binuksan.” Sabi ko. Doon pa lang niya binuksan. Yun driver pala na kasama niya pumunta ng airport, ibibigay sa akin ang airway bill.
“May gusto ba sa iyo itong mokong na 'to?” Tanong ng driver.
“Wala po” Natatawa kong sagot sa kanya. Buti hindi naintindihan ni Mr. To-Sir-With-Love.
Pagkatapos ay pumasok ang isang lalaking kasama ko sa department natataranta. Nag-usap sila sa salita nila. Sabay nagmadaling lumabas si Mr. To-Sir-With-Love. Pagkalabas niya, lumapit sa akin ang kasama ko sabay tanong “kanina pa ba siya dito?”
“Oo, pagkabalik niya galine airport. Bakit?”
“Alam mo ba kanina pa siya hinahanap ni Sir___ (yun isa pang opisyal na nag papunta sa kanya sa airport)! Nandito lang pala siya.”
Bumalik naman si Mr. To-Sir-With-Love nagpaliwanag na hinahanap nga raw siya. Natawa na lang ako sa kanya. Sa isip ko daldal mo kasi, imbes na magtrabaho ka…
Nawili siyang maglagi sa kuwarto ko kaya alam ko na nagsisimula na mag usap ang mga kasama ko. Parati silang nakatingin kapag nag uusap kami ni Mr. To-Sir-With-Love. Kaya iniiwasan ko na lumapit siya masyado sa akin kapag magkausap kami. Minsan kasi kapag kinakausap niya ako sa hallway masyado niyang nilalapit ang mukha niya.
Naging parte kasi ng trabaho ko ang paghahanap ng bagong empleyado. Noong kailangan ko humanap ng kapalit ng roommate ko, nagkataong halos mga lalaki ang pumasa sa initial screening. Pinatawag ko sila para ma interbyu ng isa ko pang boss.
“Puro mga lalaki ba talaga ang papalit sa kasama mo sa kwarto?” Tanong ng isang kasama ko sa department na lalaki rin. Sa tapat kasi ng opisina niya yun interview.
“Oo eh. Bakit?” Sabi ko sa kanya.
“May nagpapatanong lang kasi…” Sagot niya sabay ngiti sa akin ng may pang-aasar. Pagtingin ko sa opisina niya nandoon si Mr. To-Sir-With-Love. Wala naman sa kanilang napili kaya naghanap pa ako ulit ng mga aplikante. Kaya ilang buwan rin na wala akong kasama sa kuwarto.
Isang beses pagpunta ko sa opisina niya, pinaupo niya ako sa upuan niya. Tignan ko raw ang mga litrato sa computer niya. Nilalapit niya pa mukha niya sa akin habang pinapakita niya ang mga litrato niya. Sa totoo lang doon ko ata una siyang nagustuhan. Hindi dahil sa paglapit niya ng mukha pero yun mga litrato niya haha. Nilalayo ko nga yun mukha ko (siyempre bawal ka manang yun eh). Naisip ko cute pala siya nung nasa kolehiyo siya. “Hindi ko alam gwapo ka pala noong mas bata ka pa” sabi ko sa kanya. Napangiti naman siya. Feel na feel? haha. Tumayo rin ako agad at nagpaalam sa kanya. Sabi ko sa kanya may gagawin pa ako. Pero ang totoo, ayoko kasing masyadong mapalapit sa kanya. Bawal magkagusto sa kasama sa trabaho lalo na boss ko pa! No way talaga!
Minsan naman kapag mayroon akong pinapapapirma sa kanya ay matagal niyang tinitigan ang papel. Sabay magtatanong o magsasabi ng kung ano tungkol sa akin bago pumirma.
“Iba na naman ata ang pabango mo…” Minsan sabi niya.
“Ayoko kasi na pareho ang amoy ko araw-araw. Bakit?”
“Wala lang. Napansin ko lang."
May isang pagkakataon naman na may tumawag sa kanya. Napansin ko sinubukan niya gayahin ang paraan ng pag spell ko ng email. Naririnig kasi niya ako kapag tumatambay siya sa opisina ko ginagamit namin ang phonetic alphabet. Napansin ko medio nahirapan siya kaya tinulungan ko. Kaya lang pagdating ng ‘M' ay inunahan niya ako…
Habang nakatingin sa akin bigla ba naman niya sinabi “motel"
“Mama! O puwede rin Mike! hahaha” natatawa talaga ako sa kanya sabay pasok ng isang lalaking kasama ko sa department. “anong motel? Anong motel?” Tanong niya sa amin. Pinaliwanag ko sa kanya ang nangyari para hindi kami pag-isipan ng masama.
Bigla kong narinig sa labas “sino kasama niya sa kwarto? Si ___ ba?” (kung ako ba raw ang kasama ni Mr. To-Sir-With-Love). Umupo pa ang ibang kasama ko sa bakanteng opisina sa tapat ng kuwarto ni Mr. To-Sir-With-Love para umosyoso.
Isang beses na nangungulit siya sa opisina ko tinanong niya ako kung anong plano ko pagkatapos ko sa graduate school.
“Ang plano ko sana magturo…” sagot ko.
“Magtuturo ka? Saan? Sa high school? Sisigawan mo sila tapos papatayuin mo sila sa labas?” Salita niya sa akin habang minomostra kung paano ko araw ito gagawin. Sabay tawa sa akin.
“Bakit? Tingin mo ba ganoon ako?”
“Oo" sabi niya sabay tawa ulit ng malakas.
“Hindi kaya ako ganoon. Tska hindi naman ako sa high school magtuturo. Ang gusto ko sa kolehiyo. Doon sana kung saan ako nag-aral…”
Bigla siyang tumahimik. Nawala rin ang ngiti sa mukha niya. Pagkalipas ng sandali ay nagsalita na siya ulit.
“Kolehiyo?” Paglilinaw niya.
“Oo. Bakit, may problema ba dun?”
“Uhmmm. Diba may mga lalake doon?" Sumunod na tanong niya na parang nagagalit na.
“Oo naman. Siyempre. Bakit?”
“Baka kasi magkagusto sa iyo mga yun…”
Natawa lang ako sa kanya. Pero masama ang tingin niya. Sabay lumabas na ng kwarto ko.
Minsan gusto iniiwasan ko na magkausap kami. Para kasing nagugustuhan ko na siya. Hindi ko siya kinausap buong araw. Tamang tama marami akong trabaho na kailangan ko kausapin ang ibang mga opisyal sa ibang department. Halos buong araw akong wala sa opisina ko. Pagdating ng gabi ay biglang sumugod sa kwarto ko si Mr. To-Sir-With-Love. Galit siyang nagtanong ng “Bakit buong araw kang wala sa opisina mo? Saan ka ba nagpupunta buong araw?”
“Nagtatrabaho ako. Bakit may kailangan ka ba sa akin? May utang ba ako na trabaho sa iyo?” Sagot ko naman.
Sandali siyang tumahimik bago mahina niyang sinabing “Wala…”
Natawa ako sa kanya “Bakit mo ako hinahanap?”
Bago pa siya makasagot ay biglang pumasok ang isa pang opisyal sa opisina ko. Hindi na namin naituloy ang usapan.
Noong nalaman niya na may naghahanda ako mag apply para mag-aral ng ilang buwan sa bansa niya sa susunod na taon ay hindi niya masaydong nagustuhan. Pero pagkalipas ng ilang araw ay lumapit siya sa akin. Tinanong niya ako kung ano ang kailangan para sa application. Sinabi siya na tinignan raw niya kung saan ang balak kong pasukan kung matatanggap aka sa program. Malapit raw pala sa apartment niya.
Tinawagan niya pala ang dati kong language teacher para humingi ng recommendation letter. Binigyan rin niya ito ng instructions kung paano ipapadala sa kanya ang letter. Excited siyang binigay sa akin ang sulat pagkakuha nya nito.
Isang beses na nagkikipagkwentuhan siya sa akin sa opisina habang wala pa akong bagong kasama, hindi ko napansin na naisip ko pala si Mr. Frie-lirt. Pinaghahambing ko sila. Pareho slang matangkad. Mayaman lang si Mr. Frie-lirt. Pero sa itusra, hindi naman masama.
Ano kaya iisipin niya sa sitwasyon ko?
Pwede ko na siguro maipalit sa kanya si Mr. To-Sir-With-Love.
Hindi ko napansin na kinokompara ko lang pala si Mr. To-Sir-With-Love kay Mr. Frie-lirt. Si Mr. Frie-lirt pa rin pala ang nagpapatakbo ng buhay ko ng hindi niya alam. Kahit halos limang taon na ang nakalipas ay siya pa rin. Kahit galit ang natira sa akin.
Maraming nangyari sa opisina, pero umabot na ako sa punto na napapagod na ako. Gusto ko na mabigyan ng mas maraming oras ang pag-aaral ko dahil sinabihan ako ng program adviser ko na kailangan ko na tapusin ang course work ko sa grad school. Tatlong course na lang ang natitira sa program ko kaya pinakuha na niya sa akin lahat iyon. Bago ang pinaka boss at hindi niya nagustuhan na umaalis ako ng maaga tuwing may pasok ako sa grad school. Hindi ko rin naman nagustuhan ang mga ginagawa nila sa opisina lalo na ilang taon na rin ako doon. Kaya nag desisyon na ako na mag resign sa pagsimula ng semester. Binigay ko ang resignation sa isang boss ko. Siya na ang nagbalita sa iba. Ilang araw kong hindi kinausap ni Mr. To-Sir-With-Love mula nang nagbigay ako ng resignation letter. Makalipas ang isang linggo ay kinausap niya ako sa opisina niya. Katulad ng parati biyang ginagawa pagkatapos namin pag-usapan ang trabaho ay nagtatanong na siya ng hindi tungkol sa trabaho. Madalas rin nakatungo at haubang nakatingin sa papel sa lamesa niya kapag nagsisimula magtanong ng kung ano. Ganoon din siya ng araw na iyon.
“So, nag-resign ka na pala…”
“Opo.”
“Kailan ang huling araw mo dito?”
Sinabi ko naman kung kailan.
“Ah ganoon ba.” Sandali siyang tumingin sa kalendaryo niya. “Wala nga pala ako sa huling linggo mo dito. Nagkataon pala nakapag-book ako ng flight papunta sa Coron.”
“Ok.”Naalala ko dati sabi niya ayaw niya mag biyahe mag-isa. Pero baka naman may kasama siya. Pero sinabi niya mag-isa lang siya.
Isang gabi nagkasabay kami sa elevator pauwi. Sa toto lang hindi ako basta gumagamit ng elevator kasi gusto ng mga opisyal sila lang mga magkakalahi ang gagamit ng elevator. Pero mayroon iba na sinasabay kami. Isa siya doon.
Bigla niyang sinabi “dapat mag-dinner tayo sa labas…”
“Tayong dalawa lang?”
“Oo”
Ngumiti ako nang sinabi ko “Papayag ako kung sa Chinese restaurant sa Maxims” Doon kasi kami pinakain ng isang boss dati. Masarap ang mga pagkain kaya gusto ko doon ulit.
Tumawa siya habang sinasabi “Baka masyadong mahal doon…”
Noong dumating ang araw na pinag-usapan namin kumain sa labas na kami lang ay tinawag niya ako.
Sabi niya “yayain mo yun bogong receptionist. Isama natin kapag lumabas tayo para kumain ng tanghalian. Baka pala may makakita sa atin mapag-usapan tayo.”
Nainis ako. Excited pa naman ako tapos bigla siyang natakot sa sasabihin ng mga tao sa opisina. Ang dinner naging tanghalian. Sabi ko sa kanya isama na rin namin ang bago kong roommate tutal naman nagsama na siya ng iba, ayaw naman niya.
Kaya lang napansin ata ng receptionist na nainis ako. Noong nasa restaurant na kami bigla niyang sinabi sa akin, “ano ba yan para naman akong third wheel sa isang date. Ang awkward.”
Hindi ko na lang sinagot. Pero biglang sinabi ni Mr. To-Sir-With-Love masyado raw ako busy Hindi na ako makakahanap ng oras para makipag-date. Dahil naiinis ako sinabi ko na mayroon ako naka date nung isang araw. Hindi ko sinabi na napilitan lang naman ako makipag-date kasi kinukulit ako. Pero wala na akong balak makipag-kita pa sa lalaking iyon. Naisip ko bahala ka. Nakakainis ka. Tumahimik na lang siya. Hindi na niya ako tinanong ng detalye ng date ko. Nagyaya na lang siyang bumalik na ng opisina. Ayoko rin naman magtagal doon. Naiinis ako sa kanya hindi ko masabi kahit kanino ang totoong dahilan. (itutuloy)
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento