Isa sa iniiwasang pag-usapan ang tungkol sa patay. Pero paano ba kapag may patay kami? Katulad ng maraming pamilyang Pilipino, marami kaming sinusunod na pamahiin kapag mayroon kaming patay. Noong college ako ay nagsulat ako tungkol sa mga pamahiin ng mga Pilipino sa patay. Marami tayong mga pamahiin dito sa Pilipinas. Nag-iiba, nadagdagan at nababawasan ang mga ito depende sa lugar o probinsya. Pero sa mga pamahiin natin, ang mga pamahiin sa patay na ata ang pinakamarami.
Hindi man madaling isipin ang mamatayan ng isang mahal sa buhay dahil lungkot ang una nating nararamdaman pero ito ay isang kaganapan kung saan dumarating ang mga kamaga-anak at nagkakaroon ng instant reunion. Umuuwi ang mga nasa ibang lugar na hindi madalas umuwi o nagpapadala ng pera ag dating mahirap hingan ng pera. Dumarating din ang mga outside the kulambo na pamilya sa mga lalaking may itinatago sa tunay na pamilya.
Habang nag-lalamay, inaalala ng mga tao ang namayapa. Paano ba siya noong buhay siya? Paano siya sa mga tao? Paano siya bilang tao? Paano ang huling mga pagkakataong nakausap o nakasama siya ng pamilya niya at mga kaibigan? Paano siya namaalam? Ano ang mga alaala na naiwan niya? May mga luha na dala ng kalungkutan, mayroon din namang mga luha na dala ng kasiyahan sa pag-aalala sa kanya. Sa iba ay mayroon naglalaro ng baraha, minsan terembe--kung saan binibigyan ng abuloy ang patay mula sa nakukuhang "tong". Kung iisipin natin, makulay talaga ang eksena kapag may namatay dito sa Pinas. Muntik ko na tuloy tawagin ito na, "Lamay, Luksa, Libing: More Fun in the Philippines?" haha (Parang "Kasal, Kasali, Kasalo" na movie ni Juday lang hehe)
Sa mga Chinese kapag may patay minsan ay nagbabayad pa ng mga taga iyak upang maipakita sa namayapa na nagluluksa sila. Kung fan ka ni Ate Shawi ay maari mong maalala ang pelikula niyang Crying Ladies. Hindi sila katulad nang mga babaeng basta na lang pumupunta o sumasama sa paglilibing na minsan ay mas nauuna pang umiiyak kaysa sa pamilya o ano kaya ay inuunahan pa ang mga kamaga-anak ng namayapa sa paglapit sa ataol.
Naalala ko dati noong high school ako sabi ng pari sa isang misa na hindi raw dapat tayo malungkot kapag mayroon tayong mahal sa buhay na namatay kasi makakalaya na siya sa buhay na ito. Doon wala na siyang hirap na mararanasan. Wala nang gutom, wala nang sakit, atbp. Pero noong namatay ang isang tita ko nagagalit ang mga tita ko sa amin dahil nagtatawanan kami ng mga pinsan ko habang nagkukuwentuhan kami sa labas. Medyo naguluhan ako kasi alam ko mga "konserbatibong Katoliko" sila. Para sa akin, parang hindi nila naisasabuhay ang mga tinuturo ng mga pari. Ibig sabihin kaya "selectively religious" sila??? hmmmm. Pero hindi naman nabawasan ang katuwaan namin ng mga pinsan ko kahit na sinasaway nila kami.
Kamakailan nga lang ay namatay ang isa naming pinsan. Malungkot kami sa nangyari. Pero nang biglang dumating ang isang kumakandidato na artista rin upang makiramay ay biglang nakalimutan ng lahat na mayroon kaming patay. Naloka ang mga kababaihan sa aming pamilya sa pagpapakuha ng litrato kasama ang kandidato. In fairness, guwapo naman kasi siya. Kahit ako ay guilty dito. haha. Sayang hindi siya nanalo. hehe.
Lumaki ako na naririnig ang mga kasabihan at pamahiin sa patay. Sabi nila huwag daw maguuwi ng pagkain mula sa patay kasi raw baka hindi matatahimik ang kaluluwa ng namayapa o ano kaya ay susundan ka niya! Katakot noh? Imagine dahil lang sa kendi sasama siya sa iyo???? Sabi ko naman dati, sa dami ng nakikiramay hindi ba sobrang effort na iyon para sa patay na sundan niya lahat ng mga nakiramay na nag-uwi ng pagkain lalo na mga kendi.
Ang isang bagay na hindi namin masyadong sinasabi ay ang pagpili ng kinakain sa mga lamay na pinupuntahan namin. Sabi kasi ng mga pinsan ko baka raw marumi o hindi maayos ang pagkaluto. Minsan kasi para daw malansa. haha. Siguro medyo dyahe kumain ng may mga lamang loob at dugo sa goto, dinuguaan, atbp. kapag may lamay. Pero kung mga juice na naka-pack naman at asado roll carry na! Tsaka kapag gutom ka na sa lamay bakit magiging choosy ka pa? Kain na! Lamang tiyan din iyon eh! Pero huwag ka na mag-take out kasi hindi naman handaan o restaurant ang pinuntahan mo, lamay iyon lamay! Sa mga matitibay ang sikmura at hindi affected sa pagsasabing baka magkaroon sila ng kaluluwa as stalker ay dapat sinasabihang "NO TAKE OUT"! haha
Mahigpit na ipinagbabawal ang mapatakan ng luha ang ataol sa paniniwalang hindi matatahimik ang patay. Sabi magiging mabigat raw ang pag lisan niya sa mundo o mahihirapan siyang iwan ang mga mahal niya sa buhay. Kaya tandaan layo ng kaunti mula sa ataol niya kapag malapit nang pumatak ang luha mo. Dapat daw mukhang sosyal, mahina lang ang iyak at hindi nagwawala kung hindi ay pag-uusapan ka ng mga nakikiramay. Dyahe!
Ang isang bagay na hindi namin masyadong sinasabi ay ang pagpili ng kinakain sa mga lamay na pinupuntahan namin. Sabi kasi ng mga pinsan ko baka raw marumi o hindi maayos ang pagkaluto. Minsan kasi para daw malansa. haha. Siguro medyo dyahe kumain ng may mga lamang loob at dugo sa goto, dinuguaan, atbp. kapag may lamay. Pero kung mga juice na naka-pack naman at asado roll carry na! Tsaka kapag gutom ka na sa lamay bakit magiging choosy ka pa? Kain na! Lamang tiyan din iyon eh! Pero huwag ka na mag-take out kasi hindi naman handaan o restaurant ang pinuntahan mo, lamay iyon lamay! Sa mga matitibay ang sikmura at hindi affected sa pagsasabing baka magkaroon sila ng kaluluwa as stalker ay dapat sinasabihang "NO TAKE OUT"! haha
Mahigpit na ipinagbabawal ang mapatakan ng luha ang ataol sa paniniwalang hindi matatahimik ang patay. Sabi magiging mabigat raw ang pag lisan niya sa mundo o mahihirapan siyang iwan ang mga mahal niya sa buhay. Kaya tandaan layo ng kaunti mula sa ataol niya kapag malapit nang pumatak ang luha mo. Dapat daw mukhang sosyal, mahina lang ang iyak at hindi nagwawala kung hindi ay pag-uusapan ka ng mga nakikiramay. Dyahe!
Bawal daw maghatid ang mga namatayan sa mga dumadalaw na nakikiramay dahil parang nais mo pang masundan ang patay niyo kapag naghatid ka sa pinto, parang "Thank you, please come again" sa mga restaurant lang ang dating. Bawal rin daw ang magpasalamat sa mga nagbibigay ng abuloy. Kaya raw tama na ang pagpapadala ng thank you cards sa mga nagbigay ng abuloy pagkatapos ng libing.
Sabi rin nila pagkagaling raw sa lamay ay huwag didiresto pauwi ng bahay kasi susundan ka ng kaluluwa ng patay. Tulad ng sa nag-uuwi ng pagkain mula sa lamay niya ay effort ang sundan ang lahat ng nakikiramay. Hindi kaya mas pipiliin pa ng kaluluwa na makasama ang mga mahal niya sa buhay kaysa sundan pa ang mga nakikiramay? Hindi kaya ito bilang pasasalamat ng namatay sa mga dumalaw sa kanyang lamay ay masiguradong maayos silang makakauwi? Pero effort pa rin eh. Tsaka hindi ba mas matutuwa pa ang mga nakiramay kung hindi sila susundan ng patay.
Hindi ko alam kung kailan nagsimula ang pagkuha ng litrato bago ilabas ang patay para sa paglilibing. Halatang mahilig sa litrato ang mga Pinoy, walang patawad pati sa patay nagpapapicture! Tapos magkakatakutan kapag may sumama sa litrato. haha. Minsan ay nakita ang isang pinsan ko na namumugto ang mata habang nagkukuhanan ng litrato sa tabi ng ataol ng isang tiya namin na namatay. Ayaw niya halos sumama sa litrato kaya inasar siya ng isang pinsan pa namin na hindi pa raw nililibing ang tiya namin ay umiiyak na siya. Ang hindi nila alam ay namumugto ang mga mata niya sa pag-iyak dahil ayaw niya ang damit na pinasuot sa kanya ng mama niya! haha. Kuwento ng baklang taga-gupit ng buhok ng nanay at mga tiyahin ko noong namatay raw ang tatay niya ay ayaw siyang makasama sa litrato ng mga kapatid niya dahil pangit daw siya. Dahil ayaw niyang magpahuli sa litrato ay bigla siyang tumakbo papunta sa may gitna sa harap mismo ng ataol ng tatay niya siya nag pose noong bumibilang na ang kumukuha ng litrato. 1, 2, takbo sabay pose, click! Nakasama siya sa litrato at sigurado siyang hindi maaring putulin ang mukha niya sa litrato. haha.
Kasama sa pagluluksa ang hindi pagsusuot ng pula at iba pang masasayang kulay sa loob ng isang taon. Para daw kasing binabalewala mo ang pagpanaw ng mahal mo sa buhay sa pagsusuot mo ng masayang kulay. Sabi pa nila sa amin dati baka raw batukan kami ng mga kamag-anak naming namamatay kapag magsusuot kami ng pula at iba pang masasayang kulay. Pero kung sa isang taong nagmumula sa malaking pamilya na maraming matatanda, malamang hindi na siya magsusuot ng ibang kulay kung hindi puti at itim sa dalas ng pagkamatay sa pamilya niya. Wala naman sa damit iyon eh. Nasa puso natin ang pagluluksa. Naks! Parang linya lang ni Ate Guy "walang himala! nasa puso natin ang himala." Pero sa totoo lang hindi ba mas matutuwa pa ang mga mahal natin sa buhay na namayapa kung ipagdarasal na lang natin ang kaluluwa nila kaysa problemahin ang isusuot natin sa araw araw? Life goes on para sa mga naiwan ng patay.
Isang pamahiin na hindi namin ginagawa ay ang hindi paglilinis kapag may patay kasi raw may susunod na madedeadball. May pagka-OC kasi sa paglilinis ang mga tiyahin ko kaya deadma na lang sa pamahiing ito. Todo linis pa rin lalo na kapag gabing gabi na at kaunti na lang ang tao sa burol. Bakit may sinabi bang: "Cleanliness is next to libing"*, hindi ba sabi nila "Cleanliness is next to godliness" kaya bakit tayo matatakot maglinis? Hindi ba mas makakabuti sa mga nakikiramay na malinis ang paligid sa burol kaysa mapalapit sila sa sakit gawa ng dumi sa makalat na lamay? Isa pa, lahat naman daw tayo ay doon pupunta, una-una lang daw tayo. hehe
Kahit pa ipinagbabawal dati ang pagpaligo ng mga nagluluksa habang hindi pa naililibing ang patay ay hindi rin namin sinusunod. Kung magkakasakit lang ang mga nagluluksa dahil sa dumi carry na deadmahin na lang ang kasabihang iyon. Ayaw naman namin lumayo ang mga nakikiramay dahil sa amoy namin. Tsaka kung mukha kaming maayos, hindi ba mas malaking abuloy ang malilikom para makatulong sa pagpapalibing sa patay kasi mukhang sosyal daw kaya hindi pwede ang barya. hehe
Sa dami ng pamahiin sa patay ay minsan hindi natin maintindihan pero sinusunod na lang natin. Minsan natatawa na lang tayo pero go pa rin tayo sa pagsunod. Ngunit mayroon rin naman tayong mga hindi sinusunod. Mayroon naman tayong kalayaang mamili kung susunod tayo o hindi. Your life, your decisions, your choices dapat. Pwede ka lang magdesisyon habang buhay ka pa. Katulad ng ibang mayayaman na hinahanda na ang libingan, ataol, damit, paghahati ng yaman niya, atbp. Pero kapag patay ka na, mga kamag-anak mo na lang na buhay ang magdedesisyon para sa iyo.
Ikaw, paano ba kayo kapag mayroon kayong patay?
Ikaw, paano ba kayo kapag mayroon kayong patay?
*Parte ng pamagat ng isang isinulat ko para sa aking portfolio sa Malikhaing Pagsusulat noong kolehiyo ako ang "Cleanless is Next to…Libing??: Ang mga Nakakalokang Pamahiin, Paniniwala at Kung Ano-Ano Pang Tradisyon kapag may patay sila Aling Tima" (2006)
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento