Lumaktaw sa pangunahing content

Si Mr. Frie-lirt at Si Mr. Pianist


Hindi namin sinasabi sa mga kasama naming Pilipino ang tungkol sa pag-uusap namin. Parang walang nangyari kapag kasama namin ang iba. Ewan ba. Pero ayaw lang namin malaman nila. Kapag tinatanong nila ako tungkol sa kanya ay sinasabi kong ang tatay lang naman niya ang gusto ako para sa kanya, hindi siya ang may gusto para sa akin. 

Hindi ko alam kung mukha lang siyang masama tumingin kapag may kumakausap sa akin na ibang lalaki sa paligid o naiinis siya kapag ganoon. (feelingera lang). Minsan may kumausap sa akin na opisyal sa embahada ng Pilipinas doon nagtatanong tungkol sa kanya. Napansin kong nakatitig siya sa amin habang kinakausap ako ng opisyal. Kaya naman pagkatapos akong kausapin ay lumapit ako agad sa kanya. Sinabi kong interesado ang opisyal na malaman ang tungkol sa magulang niya. Nawala na ang inis sa mukha niya agad.

Minsan sinama namin siya sa lunch ng kasama kong Pilipina at ni Mr. Pianist. Kakatapos lang ng klase nila. Sa isang bilog na lamesa kami napaupo. Si Mr. Frie-lirt ay umupo sa kaliwa ko, habang sa kanan ko naman pumuwesto si Mr. Pianist. Habang kumakain kami ay wala halos nag-uusap. Noong matatapos na kami kumain ay biglang nagsalita si Mr. Frie-lirt kay Mr. Pianist sa salita sa bansang iyon. Binanggit niya ang pangalan ko. Hindi ko naman naintindihan ang sinasabi niya. Tinanong ko siya anong sinabi niya kay Mr. Pianist. Tumingin ng masama si Mr. Frie-lirt sa akin na parang sinasabing, "huwag kang magulo dyan nag-uusap kami." Tumingin si Mr. Pianist sa akin sabay sinagot si Mr. Frie-lirt sa salitang ginagamit sa bansang iyon. Nabanggit rin ang pangalan ko. Hindi ko pa rin naintindihan kaya tinanong ko sila ulit ano ba ang pinag-uusapan nila. Pero hindi man lang sila nag-effort na sabihin sa Ingles ang pinag-usapan nila. Pagkasagot ni Mr. Pianist ay tumayo si Mr. Frie-lirt. Nagsalita sa wikang ginagamit sa bansang iyon, binagsak ang tray ng pagkain niya sabay binuhat ito at iniligpit. 

"O, bakit? Saan ka pupunta?" Tinanong ko si Mr. Frie-lirt pero hindi siya tumigil sa paglalakad. "Bakit, anong sinabi niya?" Tanong ko naman kay Mr. Pianist. Pareho kami ng kasama kong Pinay na hindi naintindihan ano ang nangyari. Pagkatapos iligpit ni Mr. Frie-lirt ang kinainan niya ay dumiretso na siya sa labas. Tinapos namin ang pagkain naming tatlo. 

Paglabas namin ay nakita namin na nandoon si Mr. Frie-lirt naghihintay sa may bus stop. Pinuntahan ko siya para tanungin kung bakit siya lumabas. Tinanong ko siya ano ba ang pinag-usapan nila. Pero noong nakita niyang kasunod ko si Mr. Pianist ay agad siyang lumayo sa amin. Umupo siya sa may tabi at iniangat ang hood ng jacket niya sa ulo niya. 

Nag-uusap kami ni Mr. Pianist. Hindi niya rin sinabi sa akin ano ang pinag-usapan nila pero sinabi niya sa amin ng kasama kong Pinay na gusto raw niya ang mangga. Kaso hindi pa siya nakakakain ng totoong prutas na mangga, juice na ito kapag natitikman niya. Sabi namin dapat bumili siya sa amin noong nagtinda kami sa unibersidad. Tinatawag ko si Mr. Frie-lirt pero tinignan lang niya ako ng masama. Pagsakay namin ng shuttle ay sumakay rin siya. Umupo siya malayo sa aming tatlo. 

Sumabay ako bumaba kina Mr. Pianist at sa kasama kong Pinay dahil pareho sila ng stop. Niyaya namin si Mr. Pianist na sumama sa amin bumili ng dictionary. Pumayag siya at nag-usap kaming magkikita doon pagkalipas ng mga halos isang oras. Sabi namin sabay-sabay na kaming sasakay ng bus. 

Sumakay kami ng bus mula sa stop nila. Tumabi si Mr. Pianist sa akin. Sa kabilang upuan naman umupo ang kasama kong Pilipina. Pagdaan ng bus sa stop malapit sa dorm ko ay nagulat kami nang sumakay si Mr. Frie-lirt. Natawa kami ng kasama kong Pinay na nakita pa rin namin siya kahit hindi siya nakipag-usap sa amin bago kami maghiwa-hiwalay. Tinignan niya kami ni Mr. Pianist. Doon siya tumayo sa kabilang parte ng bus. May hawak siyang isang plastik na puti na may lamang damit. Lalo kaming natawa. Tinanong namin siya kung ano ang dala niya. Sabi niya maruming damit raw. Pero duda namin damit niya iyon na isusuot pa lang ayaw lang niya magdala ng bag kaya sa plastik na lang niya nilagay. Tinanong siya ng kasama ko kung sasama siya sa amin. Sabi niya pupuntahan raw niya ang nanay niya. Hindi na siya nagsalita pagkatapos. 

Pagbaba namin ng bus ay sinabayan niyang maglakad si Mr. Pianist habang papasok kami ng subway station. Kinausap na naman niya tungkol sa akin. Pangalan ko lang ang naintindihan ko. Hindi sila parehong nag-effort ipaliwanag sa akin ang pinag-usapan nila. Pagkatapos sagutin ni Mr. Pianist ang tinatanong niya ay tumingin siya sa akin ng masama sabay naunang lumakad papasok ng subway. Hindi man lang nagpaalam sa amin. 

Alam ko na gusto ko si Mr. Pianist pero hindi ko masabi sa kanya na nagbabago ang nararamdaman ko. Naguguluhan ako. Nagsisimula na rin akong magkaroon ng nararamdaman para kay Mr. Frie-lirt. 

Noong huling mga araw ko doon ay tinatapos ko ang term paper ko para sa isang subject ko at naghahanda ako para sa mga exam ko. Kapag wala akong pasok ay nagkukulong ako sa kuwarto para gawin ang paper ko. Medyo mahirap mag pokus sa ginagawa ko kasi naiisip ko silang dalawa. Naiisip kong malapit na akong umuwi ng Pilipinas. Hindi ko alam anong mangyayari pag-alis ko. Sigurado ay may makikilala na silang dalawa na ibang babae. 

Pagdating Huwebes ay nagkita kami ng dalawang kaibigan ko na taga roon. Sinabi niya sa akin na papuntahin si Mr. Pianist kaya sinabihan ko si Mr. Pianist bago pa ang araw na iyon. Pero noong gabing iyon ay hindi na nakarating si Mr. Pianist. Marami raw siyang tinatapos. Naisip ko na kapag hindi siya dumating sa gabing iyon ay ibig sabihin ay dapat ko na talaga siyang kalimutan. 

Noong nalaman ng kaibigan ko na hindi raw makakapunta si Mr. Pianist ay sinabi niyang imibtahin namin si Mr. Frie-lirt. Nakita niya kasi akong kasama si Mr. Frie-lirt. Agad-agad na pumunta si Mr. Frie-lirt at may dalang regalo para sa amin ng kasama kong Pilipina. Nalaman niyang medyo nalulungkot ako na hindi nakaratin si Mr. Pianist. Kaya sinabi niya sa akin, "ah, ako pala ang substitute sa kanya." Sabi ko naman, "hindi. Dahil hindi ka naman namin pinapunta dito para sa akin. Nandito ka para sa kanya (tinutukoy ko ang kasama kong Pinay)." Tinignan lang niya ako at hindi na nagsalita. Pagkatapos namin kumain ay lumipat kami sa ibang lugar para uminom ng beer sabi kasi ng kaibigan ko mayroon daw roon na coconut-flavored beer.  Hindi ko sinabing sa gabi din iyon ay gumawa na ako ng desisyon na kakalimutan ko na si Mr. Pianist pag-uwi ko ng Pilipinas. 

Pagdating ng umaga ng Sabado ay nauna nang pumunta ng airport ang kasama kong Pilipina. Mas maaga ang flight na nakuha niyang pauwi ng Pilipinas. Isang kaibigan naming Pilipino at si Mr. Frie-lirt ang naghatid sa kanya. Samantala ang isang kaibigan namin Pilipino naman ang sumama sa akin pumunta ng airport. Nang palapit na kami sa airport, tinanong niya ako kung gusto ko raw si Mr. Frie-lirt. Hindi ko masabi na nagugustuhan ko na si Mr. Frie-lirt kahit papaano pero dahil hindi ko alam kung gusto niya talaga ako at kung oo ay mahirap naman dahil pauwi na ako ng Pilipinas. Sinabi ko na lang, "hindi naman ata niya ako gusto. Para kasing ang tatay lang niya ang may gusto sa akin para sa kanya." 

Pagpasok namin ng airport ay sinalubong nila kami. Nasa loob na raw ang kasama naming Pinay. Nauna na raw pero hindi pa aalis ang eroplano dahil mukhang pinag-isa na lang ang sasakyan naming eroplano. Pagkatapos ko mag check-in ay naglakad na kami papunta sa pasukan ng pasahero. Nagmamadali akong maglakad. Naiilang ako sa nararamdaman ko sa kanya. Kasunod namin ang dalawa naming kasamang Pilipino. Ang daming tanong sa puso ko habang naglalakad kami. Ayokong magpaalam. Magulo ang puso ko pero parang siya na ang mas nilalalaman nito. Nalulungkot ako na hindi ko sigurado kung gusto niya ako. Nalulungkot ako na magpapaalam na ako sa kanya. Hindi ko alam anong mangyayari. 

Bineso ko na lang ang dalawang kasama kong Pilipino. Nagpasalamat ako sa lahat ng tulong na binigay nila sa akin. Sabi ko ay magkita na lang kami paguwi nila. Pagharap ko sa kanya ay dapat kakawayan ko na lang siya ng paalam. Pero nagulat ako nang bigla niya akong niyakap. Parang telenovela lang. Parang ang mga eksenang nakikita natin sa pelikula tuwing may aalis. Matagal at mahigpit ang yakap niya sa akin. Niyakap ko rin siya. Bigla ata naming nakalimutan na nakatingin ang mga kasama namin sa amin pati na rin ang mga tao sa airport. Sabi niya sa akin, "magkikita tayo sa Agosto." "Oo, kita tayo sa Agosto," sagot ko. 

Pumasok ako. Pagupo ko sa eroplano ay gusto ko ng umiyak. Bakit kailangan ganito ang mangyari? Ang huling salita niya na lang ang hahawakan kong pag-asang magkikita kaming ulit. Masakit isipin na maraming pwedeng mangyari habang magkalayo kami. Marami siyang makikilala. At ako naman ay magiging busy dahil kailangan kong bumalik sa realidad ko sa unibersidad pagbalik ko ng Pinas. Parang ang tagal ng halos dalawang buwang pagitan bago kami magkita ulit. Kauupo ko pa lang ng eroplano ay parang na-mimiss ko na siya. 

Mga Komento

Mga Mabebentang Kuwento

Paano ba kami kapag may patay?

I sa sa iniiwasang pag-usapan ang tungkol sa patay. Pero paano ba kapag may patay kami? Katulad ng maraming pamilyang Pilipino, marami kaming sinusunod na pamahiin kapag mayroon kaming patay. Noong college ako ay nagsulat ako tungkol sa mga pamahiin ng mga Pilipino sa patay. Marami tayong mga pamahiin dito sa Pilipinas. Nag-iiba, nadagdagan at nababawasan ang mga ito depende sa lugar o probinsya. Pero sa mga pamahiin natin, ang mga pamahiin sa patay na ata ang pinakamarami.  Hindi man madaling isipin ang mamatayan  ng isang mahal sa buhay dahil lungkot ang una nating nararamdaman pero ito ay isang kaganapan kung saan dumarating ang mga kamaga-anak at nagkakaroon ng instant reunion. Umuuwi ang mga nasa ibang lugar na hindi madalas umuwi o nagpapadala ng pera ag dating mahirap hingan ng pera. Dumarating din ang mga outside the kulambo na pamilya sa mga lalaking may itinatago sa tunay na pamilya.  Habang nag-lalamay, inaalala ng mga tao ang namayapa. Paano ba siya noo...

Bakit Tayo Makasarili?

Bakit nga ba tayo makasarili? Ako, ako, ako, parati na lang ako sabi nga sa pelikula. Para sa iba, hindi nila maamin na makasarili sila, kasi para sa kanila perpekto sila. Sige na, kayo na. Pero para sa atin na aminado sa ating pagiging makasarili, bakit nga ba tayo ganito? Paano ba tayo nagiging makasarili? Sabi nga mahalin muna natin ang ating mga sarili bago tayo magmahal ng iba. Hindi masamang mahalin ang sarili. Kaya lang, lahat ng sobra ay  masama. Lahat rin ng bagay na sumasagasa na sa interes ng iba ay maaari na rin makasama. Dahil hindi natin maiiwasan ang pakikipag-ugnayan sa ating kapwa. Dito nasusukat ang ating pagkatao. Dito rin nalalaman kung paano natin tinitimbang ang mga bagay sa buhay natin.  Tignan natin ang mga ebidensya ng ating pagiging makasarili sa araw-araw. Kalamidad. Bakit nga ba nagbabaha? Isa na ata sa mga bagay na nakasanayan na ng mga nakatira sa siyudad ay ang karanasan sa baha. Bakit nga may baha? Paano imbes na itago muna ang balat ...

Na-LSS Ka Na Ba?

Na-LSS ka na ba? (LSS = Last Song Syndrome pero puwede rin naman na Last Sound Syndrome) Ito ay nangyayari tuwing mayroon tayong paulit-ulit na kanta na naririnig. Minsan tinatamaan tayo ng LSS dahil gusto natin ang kanta, minsan naman dahil ayaw natin sa kanta.  Natutunan ang tungkol sa pagkakaroon ng LSS noong ako ay nasa elementarya at high schol pa lang ako. Parati namin naririnig ang mga nagtitinda ng Selecta na tumutugtog upang manawag ng mga bibili lalo na mga bata. Dahil dito ay inuulit na ng kaibigan ko ang tugtog. Pero bago pa lang nangyari iyon ay naalala ko na sa sobrang pagkagusto ko sa isang kanta ni Ate Regine ay minsan kahit antok na antok na ako ay hindi ko mapigilan na hindi kumanta habang pinatutugtog ito sa radyo sa service. Nakakahiya man na nakikita ng mga ka-service ko na kumakanta ako habang natutulog bago ko napansin na ginagawa ko ang pagkanta at pagtulog ng sabay.  Noong nag-aral ako sa ibang bansa ay minsan pumunta kami ng mga kaibigan ko s...