Gusto mo siya pero hindi mo alam paano sasabihin. Nagseselos ka pero wala kang magawa kung hindi magalit sa taong umaagaw sa atensyon ng taong gusto mo kahit hindi kayo. Bukas makalawa gusto na ng taong gusto mo ang pinagseselosan mo.
Ang hindi natin alam ay kung ano ba ang nararamdaman para sa atin ng taong gusto natin. Paano kung gusto rin pala nila tayo? Pero dahil hindi natin masabi ang nararamdaman natin ay ibinaling na lang ng gusto natin sa iba ang kanilang atensyon…sa taong malayang nagpapahayag sa kanila ng damdamin. Bakit nga ba ang hirap umamin ng nararamdaman?
Para sa iba madali lang ito. Pero sa mga katulad ko ay hindi ito madali. Isa siguro ako sa mga hirap umamin sa nararamdaman. Noon, hirap akong umiyak sa harap ng mga tao dahil gusto ko isipin nila na matibay ako. Hindi na ako ang batang parating pinapaiyak ng kapatid niya. Mas gusto kong umiyak na walang nakakaalam na umiiyak ako: sa kuwarto, sa CR, sa dilim. Basta ayokong may nakakakita sa akin sa pinaka-mahina kong katayuan. Kahit kapag may patay kami ay ayokong maki-uso sa pag-iyak lalo na kapag libing na. Ang pangit ko eh. hehe. Pero ang mas gusto kong marinig ay hindi tungkol sa hindi paghulas ng makeup ko dahil hindi ako nag-emote sa libing, ngunit ang sabihin nila na hindi ako iyakin. Minsan kahit gusto ko na rin umiyak ay parang nasanay na ang mata ko na 'conscious' 'pag may mga tao ayaw tuloy bumaba.
Hirap din akong magsabi na nagagalit na ako kasi ayoko ng away. Hindi ko rin magawang masabi ang salitang "mahal kita" sa mga taong mahalaga sa akin o kahit man lang "mahal ko kayo" sa pamilya ko kahit ang totoo ay mahal ko naman talaga sila. Pinipili ko ang manahimik. Kinikilabutan ako kapag may nagsasabi sa akin ng damdamin nila.
Minsan mayroon akong isang kaibigan. Para sa kanya pala ay ako ang kanyang matalik na kaibigan noong high school kami. Ngunit noong tinawag niya akong 'bestfriend' sa harap ng mga kaklase namin ay hindi ko kayang maging komportable kahit pa tinuturing ko naman siyang malapit na kaibigan. Hindi ko alam bakit. Pagdating namin ng kolehiyo ay naka-"move on" ang kaibigan ko. Naka hanap siya agad ng ibang matalik na kaibigan lalo na dahil magkaiba kami ng pinag-aaralan. Madali siyang nakahanap ng ibang tatanggap sa klase ng pakikipag kaibigan na kaya niyang ibigay na hindi ko maibigay ng buo noong high school kami.
Sabi ni Mandy Hale sa kanyang librong "The Single Woman," kapag natakot daw tayo ay napipigilan tayo sumulong. Natatakot tayo dahil mayroon tayong gagawin na kinakailangan tayong maging matapang. Hindi dapat mawala ang atensyon natin sa mga layunin sa buhay o goals dahil lang natatakot tayo. Para lang malabong marating o magawa ang mga ito dahil natatakot tayo sa hindi natin alam ang mangyayari. Kapag hinarap natin ang takot natin ay hindi tayo ang mawawala kung hindi ang takot na nararamdaman natin.
Ganoon din sa nararamdaman natin. Natatakot tayong aminin ang nararamdaman natin sa taong gusto natin lalo na kung hindi naman tayo sigurado na masusuklian nila ang kaya natin ibigay. Isa sa pinakakatakutan ko ay ang aminin ang nararamdaman ko sa gusto ko. Siyempre, una, diyahe kaya. Ako ang babae, bakit ako mauuna? Dalagang Filipina ata ito. hahaha. Ikalawa, gusto ko malaman muna kung gusto rin ba ako ng taong gusto ko? Kaya dapat talaga siya mauna. Ikatlo, kung gusto talaga niya ako kahit ano gagawin niya para patunayan sa akin na gusto niya ako, hindi niya ako paghihintayin.
Ang dami kong dahilan kung bakit ayokong umamin. Basta, para sa akin, hindi kailanman mangyayari na ako ang mauunang magsabi ng nararamdaman ko. Minsan sinubukan kong harapin ang takot ko. Sinabi ko sa taong gusto ko na gusto ko siya. Ang hirap. Nanlalamig ang mga kamay ko. Sobra ang kaba ko. Siguro ay ganoon ang nararamdaman ng mga lalaki kapag nanliligaw sila. Hindi ako makahinga. Ang sakit ng tiyan ko sa kaba habang hinihintay ko ang reaksyon niya. At ayun! Sinabi niya na mayroon na siyang ibang gusto. Sakit ha.
Ngunit nahuli man ako ay natanggap ko na rin naman na hindi lang talaga kami para sa isa't isa sa simula pa lang. Pero dahil sinabi ko sa kanya ang nararamdaman ko ay wala na akong "what if…" o "paano kaya kung…" na naiwan. Hindi ko na kailangan paasahin pa ang sarili ko na balang-araw ay magiging kami rin dahil malinaw na ang lahat sa akin. Mayroon na siyang ibang gusto. Hindi ko na rin kailangan pilitin maging kaibigan pa siya. Minsan nag text pa siya magkita raw kami para lumabas. Sabi ko busy ako eh. Hello, ano ba ang akala niya sa sarili siya??? Kaya ko naman pakainin ang sarili ko at marami na akong kaibigan hindi ko na kailangan ang isang katulad niya. Hindi na rin para saktan ko pa ang sarili ko sa tuwing magkikita kami kaya hindi ko na siya kinita pa kahit nakikipagkita pa siya. Mas madaling kalimutan ang taong alam mong hindi ka gusto. Mas madaling mag move on kung alam mong wala kang pag-asa.
Parang gamot lang yan. Kailangan mong malasahan ang pait para gumaling ka. Kailangan malagas ng buhok ng mga may kanser habang pinapatay ng chemotherapy ang mga selula ng kanser na magpapa-iksi sa buhay nila. Kailangan masaktan ng isang pasyente kapag inoperahan siya upang matanggal ang bukol sa katawan niya na hindi dapat nandoon upang mabuhay siya ng malusog.
Minsan kailangan tanggalin ng ilang bagay sa buhay natin na hindi kailangan sa buhay natin upang tayo ang maging tunay na maligaya. Minsan hindi natin kailangan sa buhay natin kahit pinipilit natin sila sa buhay natin. Ang hindi natin alam ay makakasama sila sa atin. Hindi sila ang ang magpapahaba ng buhay natin. Hindi sila ang makakapag-pasulong sa atin sa tunay na maligayang buhay.
Sa kabila ng sakit na naramdaman ko noong sinabi ng taong gusto ko na mayroon na siyang ibang gusto ay napigilan naman ang mas masaktan pa ako. Hindi na ako nanghinayang sa nangyari. Mas mahalaga ang maging tunay at buo ang kaligayahan ko kaysa ipagpilitan ang nararamdaman ko sa isang tao na iba na ang gusto. Gumaling ako sa sakit na ako mismo ang nagbigay sa sarili ko dahil pinipilit ko siya sa mundo ko.
Huwag kang matakot masaktan kung marinig mo man na hindi ka gusto ng taong gusto mo. Mas mabuti nang matanggal mo sa puso mo ang laman nito kung hindi naman ito nararapat na naroon. Harapin ang takot kung tunay ka naman magiging masaya at sa mas mahabang panahon.
Ikaw, bakit ka nahihirapan aminin ang nararamdaman mo?
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento