Lumaktaw sa pangunahing content

O Tsismis, Layuan Mo Ako



Mula noon pang araw ay uso na ang tsismis. Ito na ata ang isa sa pinakamatandang libangan ng mga tao.  Kahit si Kristo ay nakaranas matsismis. Ewan nga ba kung bakit enjoy na enjoy talaga ang mga madlang people kapag buhay na ng may buhay ang pinag-uusapan. Lahat na ng libangan pagsasawaan ng mga tao liban sa pagtsitsismisan. Patuloy na malalaos ang mga fashion, artista, mga kanta at sayaw kagaya ng Buttercup nung High School ako, Otso Otso nung college ako, at sa Gangnam Style ngayon nagtatrabaho na ako. Tuluyan na rin mababaon sa limot ang sex scandal ni Hayden Koh pagkatapos sumikat nila Kim Kardashian at Paris Hilton sanhi na rin ng pagkakaroon ng sex scandal. Sino ba ang makakalimot sa primetime coverage ng revelation ni Kris Aquino ng paghihiwalay nila ni Joey Marquez? Tila tumigil ang buong Pilipinas lalo na noong umamin siya na nagkaroon siya ng STD dahil sa dati niyang nobyo. Iyon ngang balita kina Hayden Koh biruin niyo ay dahil napunta sa lahat ng pahayagan sa Pilipinas pati mga boss ko na foreigner na hindi naman nanonood at nakakaintindi ng mga ganoon ay biglang nag usisa tungkol sa isyu!

Lahat tayo ay lilipas ngunit ang tsismisan ay patuloy na mamayagpag sa mundo. Habang may mga taong ginagawang pampalipas oras ang pag-usapan ang buhay ng iba ay hindi malalaos ang tsismisan. 

Bawat tao ay may sariling paraan ng pagintindi sa mga nagaganap--sa mga nakikita, naaamoy, naririnig, nararamdaman o nahahawakan, at nalalasahan. Ang isang simpleng nagaganap sa ating kasalukuyan ay maaaring bigyan ng maraming kahulugan ng bawat tao. Parang konsepto ng Vantage Point lang. Ganoon din ang tsismis. Kanya kanya tayo ng pagtanggap at pagintindi. Maraming nadadagdag at nababawas sa simpleng pangyayari. 

Parang ganito lang:

Excuse me ho, puwede po ba kayong ma-interbyu?
tungkol saan ba yan?

Sa Tsismis. Alam niyo po ba yun?
- Ah, oo naman. Lahat ata alam yan. Tanong ba yan?

Ano po pangalan niyo?
- puwede bang secret kasi baka malaman ng mister ko.

Huwag po kayong mag-alala sigurado po 'di niya ito malalaman 'di naman ata siya marunong mag-internet.
- Facebook lang alam niya. Sige na nga. Fine, Inday na lang itawag mo sa akin.

Aling Inday, ano po trabaho niyo?
- housewife ako. 

Ano po ang paboritong libangan/hobby mo?
- Mag-tsismis tungkol sa buhay ng may buhay, manghula kung sinong artista ang sinasabi blind item. Alam ko yata istorya ng mga tao dito sa baranggay. Kapag nalulungkot ako lalabas lang ako at hahagap ng tsismis buhay na agad ang dugo ko. 

Ano ang mga paboritong TV show mo?
- Of course, The Buzz at HOT TV. Kainis nga 'di ko matiyempuhan ang show ni Ate Cristy. Nakakainis nga kasi tuwing linggo lang. Bitin! Yun Chikaminute nga nakakabitin panoorin. 

Ano ang paborito mong Radio show?
- show ni Ate Cristy Fermin (laging may blind item yun e, challenging hehe)

Ano ang paborito mong dyaryo?
- Bulgar, pati na rin yun ibang tabloid basta may blind item at tsismis tungkol sa mga artista at politiko. yun lang naman talaga binabasa ko e.

Saan ka lagi tumambay?
- Diyan sa may kapitbahay, sa barberya, sa beauty salon, sa tindahan sa kanto, basta kung saan may masasagap na tsismis

Sino ang mga kaibigan mo?
- source ng tsismis; mga kasambahay, mga tindera, mga bakla, mga tambay

Sinong mga paborito mong celebrity?
- Sina Boy Abunda, Cristy Fermin, Sweet Lapus. Gusto ko rin si Anabelle Rama kasi kontrobersyal e. 

Bakit ka nakikitsismis?
- Masaya e. Nakakalibang. Nakakadagdag ng kaalaman (true to life pa!) Daig ko pa si Charo Santos at Mel Changco kung buhay ng iba ang paguusapan. Kaya kong ikuwento ang buhay ng mga kapitbahay namin.

Ano ang latest scoop mo dito sa paligid?
- Noong isang gabi, nakita ko ang girlfriend ng anak ni Manny na iniwan ng asawa nagsusuka sa labas ng bahay nila. Siguro buntis na. Mga kabataan talaga. Tsk.

Ganun? Nagsusuka lang, buntis na? Paano mo nasabi?
- Narinig ko kasi sabi ng anak ni Manny mamanahin yata niya ang pagiging babaero ng Lolo niya. Tsaka umaangkas kaya sa motor yun babaeng yun. Di na nahiya! 

E paano po kung di naman lumaki ang tiyan?
- E di pinalaglag! Siguro kinukunsinte ng mga magulang ang yan kaya nagkaganyan. 

Sa inyo po ba, ano pong latest?
- wala naman bago. Ganoon pa rin naman. Maayos pa rin pagsasama namin ng mister ko. Maayos rin ang mga anak ko. 

E bakit po sabi nang kapitbahay niyo lagi raw sa beerhouse ang mister niyo?
- naku hindi totoo yan. Mga tsismoso at tsimosa mga yan. Mahal ako ng mister ko. Wala siyang babae!

Wala naman po akong sinabing may babae siya ah. Bakit mayroon po ba?
- wala nga. wala, wala, wala, wala! nakita lang dumaan sa may beer house parati nang nagpupunta doon? Doon kasi siya binababa ng jeep na sinasakyan niya. puwede ba, next question please.

E yun mga anak niyo po? Kamusta po sila?
- Sabi ko nga maayos ang mga anak ko. Mababait  ang mga anak ko. Walang bahid dungis ang mga iyon.

Ah talaga po? Sabi po kasi ni Aling Berta adik po raw mga anak niyo.
- Adik? Sinungaling ang matandang iyon! Huwag ka maniwala. Buti pa umalis ka na dito kasi marami pa akong gagawin.... 


Isa lang si Aling Inday sa marami. Biruin niyo nagsusuka lang, napag-isipan nang buntis. Mayroon bang naglilihi na nagsusuka sa gabi?? Hindi ba morning sickness tawag dun? Hindi naman evening sickness? Kapag hindi raw lumaki ang tiyan, nagpalaglag na. Nadamay na rin pati ang mga magulang nila ng hindi nila alam na pinag-iisipan na pala sila ng iba ng  kuwento. Isang pangyayari ang dami nang kadikit na kuwento. Bakit ang dali para sa atin na pag-usapan ang buhay ng iba ngunit kapag tungkol na sa buhay natin ay ayaw na natin pag-usapan? Ang dali para sa ating husgahan ang ibang tao bago natin tignan ang sarili nating buhay.

Sino ba ang mas mahilig sa tsismis? Babae ba o lalaki o bakla? Lahat? Wala naman ata sa kasarian masasabi ang pagkahilig sa tsismis. Hindi ka "in" kapag hindi mo alam ang latest chika. 

Ang tsismis ay parang tukso lang. Maliit na bagay ay parang motibo para gumawa ng kuwento ang madlang people na walang pinagkakaabalahan kung hindi pag-usapan ang buhay ng iba. Kasi naman kahit sa TV, radyo, dyaro pati na rin sa internet at mga magazine puro tsismis. Kung puwede lang talaga nating sabihin, O tsismis, layuan mo ako...

Ikaw, anong tsismis sa iyo?

Mga Komento

Mga Mabebentang Kuwento

Paano ba kami kapag may patay?

I sa sa iniiwasang pag-usapan ang tungkol sa patay. Pero paano ba kapag may patay kami? Katulad ng maraming pamilyang Pilipino, marami kaming sinusunod na pamahiin kapag mayroon kaming patay. Noong college ako ay nagsulat ako tungkol sa mga pamahiin ng mga Pilipino sa patay. Marami tayong mga pamahiin dito sa Pilipinas. Nag-iiba, nadagdagan at nababawasan ang mga ito depende sa lugar o probinsya. Pero sa mga pamahiin natin, ang mga pamahiin sa patay na ata ang pinakamarami.  Hindi man madaling isipin ang mamatayan  ng isang mahal sa buhay dahil lungkot ang una nating nararamdaman pero ito ay isang kaganapan kung saan dumarating ang mga kamaga-anak at nagkakaroon ng instant reunion. Umuuwi ang mga nasa ibang lugar na hindi madalas umuwi o nagpapadala ng pera ag dating mahirap hingan ng pera. Dumarating din ang mga outside the kulambo na pamilya sa mga lalaking may itinatago sa tunay na pamilya.  Habang nag-lalamay, inaalala ng mga tao ang namayapa. Paano ba siya noo...

Bakit Tayo Makasarili?

Bakit nga ba tayo makasarili? Ako, ako, ako, parati na lang ako sabi nga sa pelikula. Para sa iba, hindi nila maamin na makasarili sila, kasi para sa kanila perpekto sila. Sige na, kayo na. Pero para sa atin na aminado sa ating pagiging makasarili, bakit nga ba tayo ganito? Paano ba tayo nagiging makasarili? Sabi nga mahalin muna natin ang ating mga sarili bago tayo magmahal ng iba. Hindi masamang mahalin ang sarili. Kaya lang, lahat ng sobra ay  masama. Lahat rin ng bagay na sumasagasa na sa interes ng iba ay maaari na rin makasama. Dahil hindi natin maiiwasan ang pakikipag-ugnayan sa ating kapwa. Dito nasusukat ang ating pagkatao. Dito rin nalalaman kung paano natin tinitimbang ang mga bagay sa buhay natin.  Tignan natin ang mga ebidensya ng ating pagiging makasarili sa araw-araw. Kalamidad. Bakit nga ba nagbabaha? Isa na ata sa mga bagay na nakasanayan na ng mga nakatira sa siyudad ay ang karanasan sa baha. Bakit nga may baha? Paano imbes na itago muna ang balat ...

Na-LSS Ka Na Ba?

Na-LSS ka na ba? (LSS = Last Song Syndrome pero puwede rin naman na Last Sound Syndrome) Ito ay nangyayari tuwing mayroon tayong paulit-ulit na kanta na naririnig. Minsan tinatamaan tayo ng LSS dahil gusto natin ang kanta, minsan naman dahil ayaw natin sa kanta.  Natutunan ang tungkol sa pagkakaroon ng LSS noong ako ay nasa elementarya at high schol pa lang ako. Parati namin naririnig ang mga nagtitinda ng Selecta na tumutugtog upang manawag ng mga bibili lalo na mga bata. Dahil dito ay inuulit na ng kaibigan ko ang tugtog. Pero bago pa lang nangyari iyon ay naalala ko na sa sobrang pagkagusto ko sa isang kanta ni Ate Regine ay minsan kahit antok na antok na ako ay hindi ko mapigilan na hindi kumanta habang pinatutugtog ito sa radyo sa service. Nakakahiya man na nakikita ng mga ka-service ko na kumakanta ako habang natutulog bago ko napansin na ginagawa ko ang pagkanta at pagtulog ng sabay.  Noong nag-aral ako sa ibang bansa ay minsan pumunta kami ng mga kaibigan ko s...