Dahil nagluwag na ang restrictions ng covid ngayon taon balik na sa normal ang mga sinehan. At siyempre hindi mawawala ang MMFF sa mga inaabangan ng mga tao. Dati ay hindi masyadong tinangkilik ang MMFF dahil sa pandemic. Pero ngayon ay mas marami na ang inaasahan na manood sa mga sinehan. Hindi na kailangan naka face shield, pwede na rin manood ang mga bata at senior citizen.
Bago ang pandemic, isa sa mga kinalakihan ko ang panonood ng MMFF kasama ang kamag-anak namin.. Minsan lang sa loob ng buong taon na ang mga palabas sa sinehan ay puro pelikulan Pilipino.
Noong bata pa ako ay mayroon ticket sa lahat ng pelikula ang binibigay sa amin. Kaya halos lahat ng pwde naman mapanood (bilang bata pa nga ako) ay pinapanood namin. Pagkatapos ng isang pelikula ay lilipat kami sa kabila Libre naman eh. Dahil hindi rin kami mayaman ay nagbabaon kami ng pagkain. Hindi mga tsistirya ang baon namin, take note Kanin at Ulam! Kung paano naisip at nagawa ng mga tiyahin ko yun noon ay hindi mawari. Basta tanda ko mayroon kaming pinggan na Tupperware (at least may brand ang gamit haha). Pinapasa ang pinggan na may Kanin at ulam. bilang bata pa kami ay di rin naman naintindihan kung bakit hindi na lang kami bumili mula sa Jollibee o McDonald's kasi nasa mall naman. Sawa na kami sa lutong bahay at nakakahiya na may baon kaming Kanin at ulam sa loob ng sinehan. Bihira lang kami makakain sa Jollibee at McDonald's Kaya espesyal ang mga pagkakataon na maaari namin magawa iyon. Kapag may Pera lang sila mommy at daddy, at kapag may mahalagang okasyon lang. Pero para kumain kami ng baon na Kanin at ulam sa loob ng sinehan ay malamang hindi maintindihan ng mga kabataan ngayon. Pati na rin ang mga lumaki sa mayamang pamilya. Ngayon kasi ay bawal na ang ganun. Tinitignan na rin ang mga bag Kaya hindi makakapag dala ng ganun sa loob. Maliban na lang kung sa kanila kayo bibili.
Noong lumaon ay wala nang libreng ticket kaya namimili na lang kami ng gusto namin. Hindi na pwede ang movie hopping. KKB na. Pati ang pagkain ay KKB na rin. Noong una ay nakakapag pasok pa ng mga pagkain.
Ang iba pa sa inaabangan kapag may MMFF ay ang parada ng mga pelikula pati na rin ang awards night. Sino kaya ang mananalo? Minsan iyon ang nagiging basehan kung ano ang panonoorin namin. Hindi parang pagkain ang mga pelikula. Kapag masarap ang pagkain, pinipilahan at dinadayo kahit na matagal na siyang tinitinda. Pero sa MMFF, hindi sa haba n pila o sa dami ng nanonood masasabing maganda ang pelikula, kung hind isa awards na natatanggap nito. Iba iba naman ang genre ng pelikula kaya depende rin sa gusto mong palabas.
Sana ngayon na nagluwag na ang sinehan, pilahan rin ang mga pelikulang gawa ng mga Pilipino. Magbabayad naman ang mga manonood kung alam nilang sulit ang bayad nila kaya sana maging mas maganda rin ang mga kalidad ng mga pelikula ngayon.
Nakapunta ka na ba sa sinehan para sa MMFF?
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento