Paano ko nga ba sisimulan ang kuwento tungkol kay Mr. Perfect-Happy Crush? Matagal ko nang iniisip kung kaya ko na bang bitawan ang kuwento niya. Kasi kapag binitawan ko na ang kuwento, binibitawan ko na rin ang alaala niya. Pero sa tingin ko, handa na ako. Handa na akong bitawan ang kuwento niya nang dahan-dahan. Tulad ng paunti-unti kong natutunang iwasan siya. Alam kong matagal na dapat itong ginawa para sa akin. Para tuluyan na akong makalaya sa kuwentong matagal nang natapos.
Siguro sisimulan ko na lang kung paano na lang kami unang nagkakilala. Noong unang beses akong tinanong kung kilala ko siya ng mga estudyante ko ay wala talaga akong ideya kung sino siya. Hindi ko na rin sila tinanong kung bakit sa dinami-rami nilang guro ay ako pa ang tinanong tungkol sa kanya. Ikalawang semester na ako pumasok at bago pa lang ako sa pagtuturo ng part-time, kaya wala rin akong halos kilalang ibang nagtuturo. Unang semester ko iyon at iilang mga kapwa nagtuturo lang ang nakilala ko dahil nakakasabay ko sila sa pagpunta sa department. Dahil part-time lang ako, dalawang beses lang din ako nagpupunta sa university. Isa pa doon sa dalawang araw na pumupunta ako ay sabado, kaya kaunti lang kaming nagtuturo. Pero hindi naman ako tinatanong ng mga estudyante tungkol sa ibang guro nila.
Ilang taon bago ako pumasok sa university ay nagkaroon ako ng gusto kay Mr. Teddy Bear (basahin niyo na lang ang kuwento niya). Pero noong nagsimula akong magturo ay medyo hindi na ako sigurado kung gusto ko pa siya. Dahil na rin sa mga nangyari at sa mga ginawa niya na hindi ko maintindihan. Pinag-iisipan ko noon kung ano ba ang nararamdaman ko, kaya hindi ako naghahanap ng magugustuhan. Hindi pa kasi ako tapos magdesisyon tungkol kay Mr. Teddy Bear.
Hindi kami nagkita bago ako magbakasyon nang ilang buwan sa ibang bansa. Kahit nagyayaya pa siyang magkita, tumanggi na ako kasi naghahanda na akong umalis. Isa pa, 'di ko pa nakakalimutan na bigla siyang naghanap ng iba noong nalaman niya na nakasama ko ang isang kaibigan niya. Pinakilala pa niya sa mga magulang niya. Hindi naman ako masyadong nasaktan. Alam ko kasi na napakalayo sa akin ang babaeng iyon. Kilala ko ang sarili ko. Naisip ko noon, kung masaya siya sa kanya, eh di go! Hindi ako umabot sa puntong nasaktan ako kahit pinapakita pa niya ang tungkol sa babaeng iyon sa social media. Buti kung mahanap niya ang isang katulad ko o higit pa sa akin sa babaeng napili niya. Kaya nagulat ako na bigla siyang nag-text at gustong makipagkita.
Hindi rin kami nagkita doon noong dumating siya, dalawang araw bago ako bumalik sa Pilipinas. Hindi ko alam na darating siya para sa kaarawan niya. Hindi ko rin naman sinabi sa kanya na babalik ako sa Pilipinas bago ang kaarawan niya. Matagal raw kasi ang bakasyon ko, sabi niya sa tito niya na lagi kong kasama. Hindi lang siguro kami para magkita doon. Tuwing nagyayaya siya sa pag-uwi niya na makipagkita, ay hindi naman ako puwede hanggang sa nagsimula na nga akong magturo. Naaalala ko, minsan naisip ko noon, magiging proud kaya siya kung malaman niya na nagtuturo na ako? Matutuwa kaya siyang makinig sa mga sinasabi ko sa klase? Hindi ko agad sinabi sa kanya ang tungkol doon. Hindi naman siya nagtatanong. Bakit ko sasabihin?
Noong summer, pagkatapos ng unang semester ko sa pagtuturo, ay pinabalik ako para tumulong sa pagsulat ng bagong curriculum. Doon ko nakilala ang mga bagong faculty ng department.
Binigay sa akin ang research class pagpasok ko sa unang semester. Kailangan raw kasi ayusin ang research sa department. Ayoko man, pero dahil naging estudyante ko na ang mga magiging estudyante ko sa research, tinanggap ko na lang. Dahil doon ay nagsimula na akong makilala ang ibang nagtuturo kahit pa part-time lang ako. Kailangan ko kasing mag-coordinate sa lahat ng faculty tungkol sa research. Isa doon si Mr. Perfect. Naalala ko na tinanong ako ng chair namin kung kilala ko raw si Mr. Perfect-Happy Crush. Pareho ata kasi kami ng university noong graduate school. Pero hindi ko pa siya nakilala o narinig. Sinabi sa akin na nakapasa raw sa exam at marami ring mga estudyante na may gusto. Hindi naman ako na-curious sa kanya. Sa isip ko kasi, "ok, so ano naman?" haha.
Sinabihan ako ng chair namin na pumunta sa isang event ng opisina ni Mr. Perfect-Happy Crush. Sabi sa akin, maganda siguro na hanapin ko raw doon pagpunta ko upang makilala ko. Kaya naman, noong nagpunta ako doon, ay tinanong ko siya. Nandoon naman ang isang dati kong nakasama sa ibang bansa. Nagulat ako sa reaksyon ng isang kasama nila na nakausap ko. Sabi niya, "Ah, si Mr. Perfect-Happy Crush (sinabi pa ang buong pangalan niya), ang aming rising star..." Hindi ko naman siya tinanong kung bakit niya nasabi iyon. Hinanap ko lang naman dahil sinabi sa akin. Kaya wala akong pakialam kung ano man ang tingin nila sa kanya. Pero nagkataon na mayroong event sa labas na kailangang puntahan si Mr. Perfect-Happy Crush. Kaya hindi kami nagkita.
Hindi ko inaalala ang mga sinabi sa akin tungkol sa kanya ng mga tao tuwing kailangan kong isama siya sa email thread para sa lahat ng faculty. Para sa akin, isa lang siya sa mga taong kailangan kong pakisamahan para sa research class ko.
Nagkita kami ni Mr. Teddy Bear pagkatapos ng mga klase ko isang sabado. Hindi ko alam bakit ang hirap sumakay pauwi. Nagpalit lang ako ng damit at kinuha ng kotse papunta kung saan kami dapat magkita. Bago ako dumating ay dumaan ako sa isang gas station. Nag-text ako sa kanya na malapit na ko. Nahihiya ako na late na ako sa usapan. Ako na lang pala ang hinihintay nila. Nagsimula na silang kumain nang dumating ako. Pagkaupo ko ay pumunta si Mr. Teddy Bear sa may harap. Kinausap niya ang chef na kaibigan niya. Hindi na ako tinanong kung ano ang gusto ko kainin. Dumating agad ang pagkain ko. Three course meal ata iyon. Nagulat ako na may beef ang pagkain. Hindi man lang ako tinanong kung kumakain ako nang baka. Ayoko pa naman. Ang masama pa, ang main dish ay medium-rare beef! Hindi ko alam paano lulunukin. Pero dahil nahihiya ako sa kanila, late na nga ako, mag-iinarte pa ako sa pagkain. Hindi na lang ako nagpahalata na nasusuka na ako. Napansin lang nila na mabagal akong kumain. Mabagal naman talaga, pero depende sa kinakain at sa mga kasama ko.
Sumunod na buwan ay mayroon ako ulit event na kailangang puntahan sa isang hotel sa Ortigas. Nakita ko na isa pala siya sa magsasalita. Hindi ko alam kung bakit ako kinabahan noong umagang nagmamaneho ako papunta sa event na iyon.
Pagdating ko sa venue, nandoon na pala siya. Hindi ko siya kilala, kaya pagdating ng chair namin ko lang nalaman na siya pala iyon. Tinuro siya sa akin ng chair namin habang kinukunan ng litrato ang lahat ng magsasalita. Wala naman siyang dating sa akin. Para sa akin, hindi naman siya guwapo. Naisip ko nga, iyan ba ang gusto ng mga bata? Ok. Ok lang naman siya. Hindi siya attractive para sa akin. Mayroon sa kanya na hindi ko pa masabi kung ano iyon. Basta para sa akin, hindi ko siya type. At wala akong balak magkagusto sa ganyan, lalo na't maraming may gusto sa kanya na estudyante. Isa sa mga turn-off sa akin ang ganoon. Para sa akin, kapag maraming may gusto sa isang tao, isang bagay, ay ayoko na noon. Hindi na iyon attractive para sa akin. Wala nang value.
Noong lunchtime na ay tinawag ako ng chair namin habang naglalakad silang dalawa ni Mr. Perfect. Pinakilala niya ako nang ganito, "Mr. Perfect-Happy Crush, ito pala si ___ (pangalan ko), ang parating nanggugulo sa email..." Haha. "Salamat ah…" sagot ko naman, sabay tawa rin. Natawa si Mr. Perfect. Sabi niya, "Huwag mo na akong bigyan ng group sa research..." Sabi ko naman sa kanya, "Ay naku, hindi, gusto ka talaga nila…" Natawa na naman si Mr. Perfect-Happy Crush. Hindi siya makatanggi. Niyaya ako ng chair namin na sumabay na sa kanila sa pagkuha ng lunch. Ang sabi ko, sasabay ako sa mga kasama ko sa grad school. Nakita ko na habang kausap ko ang mga kasama ko, nagbibiruan kasi kami tungkol sa pagkain, ay nakatingin si Mr. Perfect.
Pagkatapos kumain ng lunch ay umalis na ang chair namin. Napanood ko siyang mag-present. Hindi ko nagustuhan na para akong nakikinig sa isang pamphlet ng Department of Tourism sa presentation niya. Masyadong safe at wala namang bagong ideya na sinabi. Hindi ko alam kung normal ba na parang may stutter o hindi ganoon ka-confident ang pagsasalita niya. Hindi ako talaga na-impress sa kanya. Mula nang pinakilala siya ay hindi kami muling nag-usap kahit noong mga break, hanggang sa matapos na ang event at dinner.
Itutuloy...
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento