Dito sa Pilipinas ang Pasko ay isang mahabang pagdiriwang. Mula sa unang araw ng Setyembre ay marinig na ang mga Christmas Song. Simula na rin ng paglalabas ng mga dekorasyon. (Oo, alam ko kung nabasa mo na ang “Paano nga ba ang Paskong Pinoy?” (2013) nasabi ko na yan.)
Bakit sa balita sinasabi na mahal na ang mga pang Noche Buena kaya paano na ba raw makukumpleto ang selebrasyon ng kapaskuhan. Ang lahat ay nagmahal dahil magpa-Pasko na. Ito rin ang unang Pasko na maluwag na ang mga restriction sa COVID.
Pero ano ba talaga ang halaga ng Pasko para sa atin? Paano ba nasusukat ang pagiging buo o masaya ng Pasko para sa atin? Nalalagyan ba ng presyo ang Pasko?
Sabi nila ang Pasko raw ay para sa mga bata. Hindi lang dahil wala nang pasok ang mga mag-aaral kaya sila masaya kapag Pasko. Hindi makukumpleto kung walang bagong damit at laruan. Hindi rin pwedeng mawala ang mga regalo kahit hindi naman tayo ang may kaarawan. Para tayong lahat gustong maging bata kapag Pasko lalo na kapag namamasko na sa mga ninong at ninang. Habang ang mga ninong at ninang naman ay hindi lahat masayang naghihintay mamigay ng aguinaldo. Dapat rin bago ang perang pinapamigay kapag Pasko. Nilalagay pa sa mga pulang envelope na may naka-sulat na Chinese characters. Akala mo naman Chinese tayo at naiintindihan ang nakasulat.
Sabi rin nila ang Pasko ay para sa pamilya. Panahon ito upang magsalu-salo. Kailangan mayroon handa. Mula sa Noche Buena hanggang sa araw mismo ng Pasko. Natuloy naman ang Pasko kahit wala na halos mabili ang P500 mo. Kahit na nag-mahal na lahat ako na lang ata ang hindi. Haha. Pero pagkatapos ba ng araw ng Pasko kamusta na ang pamilya niyo? Masaya pa rin ba kayong nagkakasama kahit hindi na Pasko? Masaya pa rin ba kayo kahit walang handa o regalo? Sana hindi sa regalo, sa handa, sa pera, sa reunion, sa inuman o kung ano man na mas binibigyan ng halaga kapag Pasko ang nagiging sukatan ng pagiging buo o kumpleto nito.
Ano ba ang Halaga ng Pasko para sa iyo?
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento