Kay sakit isipin na sa minamahal nating bayan ay kung sino
pa ang dapat magprotekta sa mga tao ay siya pang kadalasang nagdudulot ng
kasawian sa mga nilalang na katungkulan nilang ingatan. Nasaan ang hustisya?
Paano ba ito makakamit?
Mahal ko ang bayan ko, ngunit kalian magbabago ang mga taong
may kapangyarihan? Kailan magagamot ang kanser na patuloy na sumisira sa ating
lipunan at sa ating bansa? Darating pa kaya ang araw na maari kang maglakad sa
kalsada sa gabi na ‘di kinakailangang matakot para sa iyong buhay? Kailan kaya
darating ang panahon na hindi ka matatakot na makikita ng pulis o mga nagtatrapiko
na pinapara ka dahil malamang ay kailangan mong ihanda ang bulsa mo?
Mahirap tanggapin na pinapayagan nating maluklok sa
kapangyarihan ang mga taong walang malasakit sa mga taong nagpapasuweldo sa
kanila. Bulok ang sistema at bulok rin ang mga taong nagpapalakad at bahagi ng
sistemang ito.
Paano mo makakamit ang katarungan kung ang mga taong may
kapangyarihan ay mismong lumalabag sa iyong karapatan? Bakit ang daming taong
alam naman ng lahat na may sala ngunit namumuhay ng masagana? Bakit hindi sila
napaparusahan? At ang masaklap pa rito ay may inosenteng buhay ang nasisiea at
nawawasakan dahil lamang sa maling pagdududa ng mga ‘di sapat ang kaalaman sa
pagpapatupad ng batas. Bakit natin pinapayagan magkarppn ng kapangyarihan ang
mga taong walang alam sa tamang proseso? Bakit kailangan patayin ang isang
binatang pinagdududahan pa lamang?
Isang batang lalaki ang walang awing namatay sa kamay ng mga
tanod sa aming bayan, Kagagaling lamang niya sa panonood ng isang paligsahan
kasama ang kanyang mga kaibigan. Habang may kasiyahan ay may nanggulong mga
kabataan kaya’t nag-alisan ang mga manonood. Sapagkat hindi matukoy ng mga
tanod ang tunay na may gawa ng kaguluhan ay kahit sino na lang ang maabutan
nila ang kanilang inatake. Ang walang malay na binatang umalis din naman agad
sa lugar ay binundol muna nila ng sasakyan sa may pader bago nila binaba at
pinaghahampas ang ulo hanggang sa mawalan na ng mala yang biktima. At ‘di pa
nasiyahan ang mga magagaling na “tagabantay ng kaligtasan ng taong bayan,” upang
masigurado ang kamatayan ng binata ay sinagasaan ng sasakyan nila ang maliit
nitong katawan. Sumuka ng dugo ang binata at nawalan ng malay.
Hindi pa rito natapos ang katangahan ng mga ito. Tama bang i-inquest
at posasan ang taong sumuka na ng dugo at nawalan na ng malay matapos bundulin,
paluin ang ulo at sagasaan? Na hindi maitanggi kahit pa pinalitan nila ang
duguang damit ng biktima ng isang lumang damit. At tama ba na ikulong ang mga
saksi sa kanilang ginawa at magpapatunay sa kanilang sala? Tama ba na
pag-intresan pa ng mga pulis at tanod ang cellphone at relo ng binata?
Paano mo sasabihin sa pamilya ng binata ang malagim na
sinapit niya? Paano ba dapat patawarin ang mga may sala na ayaw umamin sa kanilang
ginawa?
Isang buhay ang nawala. Isang pamilyang magpapaskong kulang
ng isang miyembro. Isang mag-anak na nagdadalamhati sa pagsapit ng kapaskuhan.
Nawa’y nakakatulog pa ng mahimbing sa gabi ang mga taong may
sala. Nawa’y hindi ito mangyari sa kanilang kapamilya lalo na sa kanilang mga
anak. Nawa’y hindi nila makalimutan na mayroong nakatunghay sa ating lahat at
ang katarungan ay nakakamit sa huli.
Maari nilang matakasan ang batas ng tao. Maari nilang
baliktarin ang istorya upang sila ay magmukhang nasa tamang lugar. Ngunit lahat
ng ito ay pangkasalukuyan lamang. Dahil ang bawat kuwento ay may katapusan.
**Una ko itong inilathala sa Multiply noong Disyembre 2010
matapos ang isang pangyayari sa aming kamag-anak. Nailathala na rin ito sa
Facebook noong Disyembre 2010. Ito ay muli kong inilathala matapos tanggalin
ang blog sa Multiply noong Hunyo 2013.
Masakit ang nangyari ngunit hindi na maibabalik ang buhay ng
binata. Wala na siya. Kasama ang lahat ng kanyang pangarap. Wala na rin siyang sakit na mararamdaman. Wala nang
gutom. Wala nang hirap. Wala nang kahit ano. Maiksi ang kanyang buhay ngunit sa
dami ng nakiramay sa kanyang libing ay hindi mo aakalaing isa lamang siyang
binatang tumutugtog sa mosiko sa aming bayan. Ngunit ang ikinagulat naming
lahat ay ang hindi naming inakalang sa huling pagkakataon ay bigla siyang
hahalikan sa labi ng kanyang nobya bago ipasok ang kanyang ataol sa nitso.
Hanggang ngayon ay nakikipaglaban pa rin ang kanyang ina
upang makamit ang hustisya. Hindi matagpuan ang mga tanod na nagtapos ng
kanyang mga pangarap. Hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang paghahanap ng
pamilya niya sa katapusan ng kuwento.
Marahil karamihan ng mga tao ay nakalimot na. Ngunit ang
pamilya niya ay habang buhay siyang maalala. Hanggang ngayon makalipas ang ilang taon ay tinatanong pa
rin nila, “Nasaan ang katarungan?”
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento