Lumaktaw sa pangunahing content

Bakit Mahirap Magsimulang Magsulat?


    


   Bakit nga ba mahirap magsimulang magsulat? Hindi madaling magsulat. Lalo na kapag sa malikhaing pagsusulat ito. Minsan hindi mo alam kung ano pa ang maaari mong isulat na hindi pa naisulat ng iba. O ano pa ang puwede mong maisulat na hindi mo pa nailahad?


    Tuwing nag-iisip ako paano magsisimulang magsulat, naiisip ko ang mga linya sa isang awit na sinulat ni Ryan Cayabyab:

"Di biro ang sumulat ng awitin para sayo,
Para akong isang sirang ulo, hilo at lito
Sa akin pang minanang piyano
Tikladoy pilit nilaro
Baka sakaling merong tono
Bigla na lang umusbong
Tungkol saan naman kayang awiting para sayo
Di biro ang gawing sukat ang titik sa tono
Sampu man aking diksyonaryo
Kung ang tugmay di wasto…"
    Ang hirap magsimula. Mahirap lalo na kung hindi mo alam kung ano ang isusulat mo. Mahirap kung hindi malinaw sa iyo kung bakit mo ba ginagawa ang isang bagay. Alam ko kung bakit ko ginagawa pero mahirap pa rin. Katulad ng hirap sa pag "move on" at pagsisimulang muli, mahirap rin tapusin ang isang bagay na nasimulan minsan. Isang malaking desisyon ang magsimula, isa ring malaking desisyon ang tapusin ang isang bagay. Kailangan handa ka kapag sinimulan mo ang isang bagay na tapusin ito. 

Minsan kahit anong piga mo sa utak mo parang wala ka talagang makuha. Minsan ang tagal bago ka magkaroon ng inspirasyon. Pakiramdam ko dapat tama ang oras, walang istorbo. Minsan mas nakakapagsulat ako kapag under pressure ako na matapos ang sinusulat ko. Dapat hindi masyadong mainit, hindi masyadong malamig. Dapat hindi masyadong maingay, mas maganda tahimik at wala akong kasama. Nililibang ko na lang ang sarili ko kapag ganoon ang nangyayari sa akin. Kinakalimutan ko muna ang pagsusulat at nabubuhay ng normal. Sa buhay nanggagaling ang inspirasyon ko. Sa buhay ko nakukuha ang chismis para sa mga kuwento ko. 

    Minsan nakakatawa kapag nagsusulat ako. Naalala ko ang mga pangyayari sa buhay ko. Minsan rin nakakaiyak maalaala ang mga nakalipas. Minsan ang hirap isulat ang mga bagay na hindi maganda para sa akin. Mahirap ilabas ang iniisip at nararamdaman ko. Natatakot ako sa iisipin ng mga tao sa akin. Pero mahirap magsulat kapag wala kang nararanasan, kapag wala kang basehan ng isisulat mo. Mahirap magsulat kapag hindi maayos ang pakiramdam mo. 

    Paano ka magsusulat ng nakakatawa kung malungkot ka? Paano ka magsusulat tungkol sa pag-ibig o sa pagkabigo kung hindi mo ito naranasan? Paano ka magsusulat ng may matututunan ang mga magbabasa kung magulo ang isip mo?

    Mahirap magsulat kapag iniisip ko kung magugustuhan kaya ng mga magbabasa ang isinusulat ko. Sasang-ayon kaya sila sa akin? Matutuwa kaya sila? Maiinis? Maiintindihan kaya nila ako? Makaka-relate kaya sila? 

    Isa sa nakakasarap sa pakiramdam ay ang pag-uukol ng panahon ng mga taong basahin ang isinulat ko. Nakakatuwa na kahit hindi mo kakilala ay binabasa ang sinusulat mo. Kahit papaano kaya ay may naitulong ako sa kanya? Napasaya ko kaya siya? May nakuha kaya siya sa akin? Kalokohan o may katuturan man. Ayokong sayangin ang oras ng mambabasa. Sabi nga, "you cannot please everyone." Pero ang hirap na hindi isipin!!!

    Minsan nakatitig na lang ako ng matagal sa computer ko. Naghihintay ako na biglang may lumabas na mga salitang may kabuluhan mula sa mga daliri ko habang nagpipipindot ako ng mga letra.

Hindi madaling magsulat. Hindi madaling ilahad ang aking sarili sa mga tao na hindi lahat ay kilala ko at hindi rin lahat ay kilala talaga ako. Pero masarap rin ang pakiramdam na naibahagi ko ang isang parte ko, isang parte ng buhay ko at buhay ng mga kakilala ko. Masarap sa pakiramdam na nababawasan ang dinadala ko at nailalagay ko rito. Minsan ang mga bagay na nagaalinalangan akong ibahagi sa mga tao pa ang hindi ko inaasahang babasahin ng mga tao. 

    Mahirap magsulat pero ginagawa ko pa rin. Mahirap pero sinusubukan ko pa rin. Lahat tayo ay may kanya-kanyang kuwento. Lahat tayo ay maaring magkuwento. Iba-iba nga lang ang ating paraan ng paglalahad ng kuwento. Iba-iba rin ang paraan natin sa pag-aanalisa ng mga pangyayari sa buhay.  

    Nakakatuwa na ang mga kaibigan at pamilya ko ay binabasa rin ang sinusulat ko. Nakakatuwang sinasabi nila sa akin ang nabasa nila. Pero kahit gaano ko alalahanin ang mga ito, ay mahirap pa rin magsulat. Dapat ko na bang itigil ito?

    Bakit hindi mo subukan? Para malaman mo kung bakit nga ba ang hirap magsimulang magsulat? 

Mga Komento

Mga Mabebentang Kuwento

Paano ba kami kapag may patay?

I sa sa iniiwasang pag-usapan ang tungkol sa patay. Pero paano ba kapag may patay kami? Katulad ng maraming pamilyang Pilipino, marami kaming sinusunod na pamahiin kapag mayroon kaming patay. Noong college ako ay nagsulat ako tungkol sa mga pamahiin ng mga Pilipino sa patay. Marami tayong mga pamahiin dito sa Pilipinas. Nag-iiba, nadagdagan at nababawasan ang mga ito depende sa lugar o probinsya. Pero sa mga pamahiin natin, ang mga pamahiin sa patay na ata ang pinakamarami.  Hindi man madaling isipin ang mamatayan  ng isang mahal sa buhay dahil lungkot ang una nating nararamdaman pero ito ay isang kaganapan kung saan dumarating ang mga kamaga-anak at nagkakaroon ng instant reunion. Umuuwi ang mga nasa ibang lugar na hindi madalas umuwi o nagpapadala ng pera ag dating mahirap hingan ng pera. Dumarating din ang mga outside the kulambo na pamilya sa mga lalaking may itinatago sa tunay na pamilya.  Habang nag-lalamay, inaalala ng mga tao ang namayapa. Paano ba siya noo...

Bakit Tayo Makasarili?

Bakit nga ba tayo makasarili? Ako, ako, ako, parati na lang ako sabi nga sa pelikula. Para sa iba, hindi nila maamin na makasarili sila, kasi para sa kanila perpekto sila. Sige na, kayo na. Pero para sa atin na aminado sa ating pagiging makasarili, bakit nga ba tayo ganito? Paano ba tayo nagiging makasarili? Sabi nga mahalin muna natin ang ating mga sarili bago tayo magmahal ng iba. Hindi masamang mahalin ang sarili. Kaya lang, lahat ng sobra ay  masama. Lahat rin ng bagay na sumasagasa na sa interes ng iba ay maaari na rin makasama. Dahil hindi natin maiiwasan ang pakikipag-ugnayan sa ating kapwa. Dito nasusukat ang ating pagkatao. Dito rin nalalaman kung paano natin tinitimbang ang mga bagay sa buhay natin.  Tignan natin ang mga ebidensya ng ating pagiging makasarili sa araw-araw. Kalamidad. Bakit nga ba nagbabaha? Isa na ata sa mga bagay na nakasanayan na ng mga nakatira sa siyudad ay ang karanasan sa baha. Bakit nga may baha? Paano imbes na itago muna ang balat ...

Na-LSS Ka Na Ba?

Na-LSS ka na ba? (LSS = Last Song Syndrome pero puwede rin naman na Last Sound Syndrome) Ito ay nangyayari tuwing mayroon tayong paulit-ulit na kanta na naririnig. Minsan tinatamaan tayo ng LSS dahil gusto natin ang kanta, minsan naman dahil ayaw natin sa kanta.  Natutunan ang tungkol sa pagkakaroon ng LSS noong ako ay nasa elementarya at high schol pa lang ako. Parati namin naririnig ang mga nagtitinda ng Selecta na tumutugtog upang manawag ng mga bibili lalo na mga bata. Dahil dito ay inuulit na ng kaibigan ko ang tugtog. Pero bago pa lang nangyari iyon ay naalala ko na sa sobrang pagkagusto ko sa isang kanta ni Ate Regine ay minsan kahit antok na antok na ako ay hindi ko mapigilan na hindi kumanta habang pinatutugtog ito sa radyo sa service. Nakakahiya man na nakikita ng mga ka-service ko na kumakanta ako habang natutulog bago ko napansin na ginagawa ko ang pagkanta at pagtulog ng sabay.  Noong nag-aral ako sa ibang bansa ay minsan pumunta kami ng mga kaibigan ko s...