Mainit na namang isyu ang darating na eleksyon dito sa Pinas. Dito sa Pilipinas kakaiba talaga ang eleksyon. Ang mga kumakandidato ay talagang resourceful at creative.
Noong linggo ng pagkabuhay (Easter Sunday) nitong 2013 ay nagsimula na agad ang pangangampanya ng mga kandidato sa aming siyudad. Sabagay kahit nga malayo pa man ang eleskyon ay marami nang mga politiko ang sumisipleng nangangampanya. Akala naman nila hindi natin halata ang intensyon nila. Maaaring ang iba sa kanila ay alam na halata sila pero deadma na lang basta manalo sa eleksyon. Sabi nga ng iba, "style niyo, bulok!"
Makikita rin na nakakalat ang mga mukha ng mga kandidato. Laging visible ang mga politiko. Dating bihira pumasok sa trabaho ay parati nang makikitang pakalat-kalat. Sinasamantala rin ng nga nakaupo na sa pwesto ang mga graduation sa mga public school. Syempre "weather, weather" lang kaya sila ang nakakagawa. Sorry na lang sa mga kalaban nila. Lahat talaga ng pagpapalakas at pagpapakilala sa mga botante ay ginagawa nila. Minsan ay hindi na kailangan ang presensya nila ay ipipilit pa rin nilang pumunta. Kaya tuloy parang matindi pa sa superglue ang ginamit sa pagkadikit ng mga politiko sa puwesto ang pagpupursigi nila na mapanatili sa kanila at sa kanilang pamilya ang kapangyarihan.
Pamumudmod ng pera, t-shirt, pamaypay, bracelet, atbp. ay ginagawa nila. Kapag malayo pa ang eleksyon, mahirap makakuha ng mga benepisyo at regalo ang mga tao, lalo na ang mga Senior Citizen. Pero kapag malapit na ang eleksyon, parang biglang naghihimala ng langit sa bilis ng pamimigay ng benepisyo at sari-saring regalo para sa mga tao. Syempre dapat nakalagay ang pangalan at litrato ng mga politiko.
Sa mga pampublikong paaralan naman ay namimigay ang mga politiko ay maagap sa pagbigay ng mga gamit sa pag-aaral na may mukha nila. Lahat ng pagbati at anunsyo ay nilalagyan ng mukha nila.
Parati rin tuloy traffic sa Pilipinas dahil sa mga motorcade kapag panahon ng kampanyahan para sa eleksyon. Kasabay pa ng mga paninira ng daan at kunwaring pagpapaayos raw ng daan kapag malapit na ang eleksyon. Para masabi lang na may ginagawa sila at may pinupuntahan ang budget na binibigay sa kanila.
Kung saan saan dinidikit ng mga alipores ng mga kumakandidato ang mga mukha nila. Minsan pagkadikit ng mukha ng isang kandidato ay tatakpan naman ito ng mukha ng kalaban nito. Kaya naman sa tuwing panahon ng eleksyon ay makalat sa Pilipinas. Sangkatutak na papel ang nasasayang dito. Naaalala ko noong bata kami sa sobrang daming pinamimigay na mga flyer ng mga kandidato ay ginagawa namin itong eroplanong papel at pinalilipad hanggang sa magusot. Kapag gusot na ang isa ay magtitiklop na kami ulit ng panibago.
Pero ang isa rin tumatak sa isip ko ay ang ang litrato ng mga kandidato. Isang beses na umuwi kami sa probinsya nakakatawa ang litrato ng isang politiko aba naka shades pa! Tama naman siya dapat "mukhang pogi" kaya lang hindi iyon ang na-achieve niya sa pagsusuot ng shades sa poster. Sa isang bayan malapit naman sa amin dati mayroon isang politiko na icon lang ng smiling face ang nilagay. haha. Kung iisipin mo na isang trabaho sa gobyerno sila mag-apply ay dapat maayos ang litrato nila. Nakakita ka na ba ng CV o resumé na naka shades ang aplikante? Ano naman kaya ay icon ng smiling face ang nakalagay? Haha. Samantalang ang mga ordinaryong Pilipinong naghahanap ng trabaho ay hirap na hirap makakuha ng maayos na trabaho wala pa sa kalahati ng sweldo ng mga politiko ang sahod.
Tuwing panahon ng kampanyahan sa Pinas ay mapapansing pumapangit ang mga poste at dingding sa buong bansa. Buti kung nililinis ng mga kandidato ang kalat na ginagawa nila at ng mga taga-sunod nila. Buti kung tinatanggal nila ang mga dinikit na mga mukha nila sa paligid pagkatapos ng eleksyon, ano kaya ay pinapapinturahan ang mga pumangit na dingding at poste manalo man sila o hindi.
Hindi lang polusyon sa kapaligiran ang dulot ng eleksyon sa Pinas, pati na rin noise pollution. Kasi naman kapag panahon ng kampanyahan maririnig ang mga kanta na pinilit ipasok ang pangalan ng mga kandidato. Paulit-ulit itong pinatutugtog ng mga sasakyang binabayaran ng mga kandidato.
Perfect timing rin ang panahon ng kampanyahan upang manghingi ng pabor mula sa mga kumakandidato lalo na ang mga nakaupo na ayaw maalis sa puwesto. Syempre nagpapalakas ang mga iyon kaya madaling hingan kahit pera pa.
Makulay rin ang eleksyon dito. Parang intrams lang ang labanan ng mga kulay ang koponan. Nagtatalo ang mga nasa magkabilang mga koponan. Nagiging basehan ng pagtingin sa tao ang pinili niyang koponan sa politika. Sa totoo lang, hindi naman lahat ay nababayaran. Ang iba ay pinili talaga nila iyon. Mas mahalaga ba ang kulay kaysa sa pagiging Pilipino nating lahat? Bakit inuuna pa ang pagtatalo ng mga hindi magkakakampi kaysa isipin ang makakabuti sa nakararami? Mas mahalaga pa ba ang koponan sa politika kaysa ang Pilinas?
Dito sa Pilipinas, kakaiba talaga ang eleksyon. Paano ba naman dito lang ata nagkakaroon ng eleksyon na walang natatalo, nadadaya lang. Pero pwede rin naman nating isipin na walang nananalo dito, lahat nandaraya lang. May PCOS machine na nga may nandaraya pa rin, diba creative?
Pero ang pinakatalo sa lahat ay ang taong bayan. Paano ba naman lahat ng atensyon ng mga politiko ay sa eleksyon lang nakatutok, ngunit karamihan ay nawawala na kapag nahalal na. Talo rin ang mga taong bayan dahil sa laki ng nagastos ng mga politiko sa pangangampanya ay lakas bumawi ng mga ito kapag nakaupo na. Akala naman ng mga tao ay galing sa kagandahang loob ng mga ito ang pamimigay sa kanila, hindi nila alam na mas mahal ang bayad dito. Matindi pa sa 5-6 maningil ang mga politiko sa laki ng naibibulsa ng mga ito kaysa nagagastos para sa mga tao. Ang mga tao naman ay tuwang-tuwa sa pag-aakalang maraming nagagawa ang mga binoto nila.
Parang ginigisa lang tayo sa sarili nating mantika. Perang binabayad natin sa gobyerno ang kunwaring pinamumudmod sa atin. Pera natin ang ginagamit sa mga proyektong nilalagyan nila ng mga pangalan at mga mukha nila. Kalokokan talaga, pero infairness creative at resourceful talaga sila ah! Marami ngang nagogoyo eh.
Pero bakit nga ba parang ang dali-dali lang ibenta ng ilan ang boto nila? Parang ang dali-daling bumoto ng mga kandidato ng hindi man lang pinag-iisipang mabuti kung sino ang iboboto. Dahil lang kakilala. Dahil lang kamag-anak, (malayo o malapit). Dahil lang kaklase dati ng isang kapamilya. Dahil lang malalapitan kapag may kailangan. Ang iba naman ay bumoboto dahil sa mga nakukuha nila bago mag-eleksyon. Dahil namigay ng pera. Dahil binigyan sila ng pampalibing o pampa-ospital.
Isa pang pampahatak ng boto ay ang pag-eendorse ng mga mga artista. Iboboto ko si ____ kasi iboboto siya ng hinahangaan kong politiko. Iboboto ko si ______ kasi sikat siyang artista at ang galing niyang umarte sa pelikula niya. Iboboto ko si ______ kasi guwapo siya. Guilty ang isang pinsan ko diyan. Dati inaabangan niya ang isang kandidato para Konsehal dahil guwapo. Kung bumoboto na siya noon ay siguradong binoto niya iyon. Nanalo naman ang kandidatong iyon siguro nga dahil guwapo daw pero kahit kailan ay hindi ko natandaang may nagawa siya para sa aming bayan. Sabi nga nila mas mabuti nang guwapo lang kahit kurakot at walang ginagawa para sa bayan kaysa naman sa pangit na nga kurakot pa. haha (May mga guilty dyan, aminin na!)
Pero kailan kaya darating ang panahong bibigyan na natin ng halaga ang ating boto? Kailan kaya darating ang panahong hindi na ganito ang sistema rito sa Pinas? Sana buhay pa ako kapag nangyari iyon. Kung iisipin, kung wala raw mga kurakot na politiko walang mag-rarally, walang mag-rereklamo. In short, walang spice sa politika--BORING! Kailangan daw ang mga kontrabida sa buhay natin katulad nila. Kailangan may suspense at may kinakainisan para mabuhay ang dugo natin. hehe.
Mayroon mga nakakalimutan na ang pagiging politiko ay isang trabaho na tayong mga mamamayan ang 'boss', tayo ang dapat pinaglilingkuran. Tayong mga nagbabayad ng buwis ang nagbabayad sa kanila, hindi sila ang 'boss'. Kaya lang dito sa Pilipinas kung umasta ang mga nasa puwesto ay parang sila ang nagpapakain sa mga tao. Hello, kami po ang nagpapakain sa inyo kaya matuto kayong magbigay galang sa mga tao. Hindi bulsa niyo o ng pamilya niyo ang dapat inuuna niyo. Kapakanan ng mga taong nagpapasweldo sa inyo. Nakakahiya naman sa mga kinukuhanan ng mga buwis. Lalo na ang mga maliliit lang ang sweldo. Literal na nag-apply sila ng trabaho sa pagkampanya na iboto sila. Isang trabaho ang paglilingkod sa gobyerno, bilang elected na opisyal. Kaya sana sa mga bumoboto, kilalanin ang pipiliin.
Hindi sa eleksyon natatapos ang lahat. Simula pa lang ito. Sana lang maisip ng bawat nagnanais mapaupo sa puwesto ito. Kaya nga eleksyon raw ay mas makulay dito sa Pilipinas. Parang may circus lang ng mga buwaya. haha
Ikaw, anong tingin mo sa eleksyon sa Pinas, more fun nga ba?
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento