Tanong nga ni William Shakespeare sa Romeo and Juliet, "What's in a name? That which we call a Rose by any other name would smell as sweet." Tama naman siya na ang bulaklak na tinatawag nating rose o rosas ay hindi magbabago ano man ang itawag. Sabagay may point siya, yun nga lang "sweet" ba talaga ang amoy ng rosas? Hindi ko alam kung ako lang, pero parang hindi naman "sweet ang dating sa akin ng amoy ng rosas. Iniisip ko nga, dala lang ba ito ng sipon na hindi na naalis o sadyang iba lang ang pang-amoy ko sa kanya? haha
Para isipin niyo na mukhang matalino ang nagsusulat, idadagdag ko na ayon naman sa Ru Jia (Confucianism), ang Cheng Ming (rectification of names) ay kinakailangan para magkaroon ng kaayusan sa lipunan. Ang bawat tao ay kailangan pangatawanan ang pangalan niya, kasama rito ang tawag sa kanya. Kaya mahalagang maintindihan ng bawat tao ang pinagmulan ng pangalan niya. Mahalaga rin maintindihan ng bawat isa ang tawag sa kanila at ang mga responsibilidad na kabalikat nito. Bilang mag-aaral, kinakailangan mag-aral, pumasok sa paaralan, gumawa ng mga requirement, etc. Hindi kasama sa pagiging mag-aaral ang mag-cut ng klase, mangopya sa katabi, o hindi pumasok dahil tinatamad lang. (And yes, guilty ako sa ilang mga bagay noong nag-aaral pa ako) Samantala, ang mga tinatawag na mga pinuno ng bayan (government officials) naman ay inaasahang mamuno. Hindi nama kasama sa kanilang job description na gamitin ang kanilang posisyon para magkamal ng limpak limpak na pera o gawan ng pabor ang mga kumpadre o kamag-anak nila. In short, dapat raw nating panindigan ang pangalan natin at ang tawag sa atin. May point rin naman sila. (uyyyy, nagiging seryoso na ah!)
Pero ano nga ba ang mayroon sa pangalan?
Sa ibang kultura, may ritwal pa ang pagpili ng pangalan ng bawat bata. Hindi basta basta binibigyan ng pangalan ang mga bata. Pero dito sa Pilipinas, para ang bilis magdesisyon ng mga magulang kung ano ang ipapangalan sa mga anak nila. Lumalabas ang pagiging creative ng mga magulang.
Natatandaan ko noong Grade 7 isang assignment na binigay sa amin sa sa school ay alamin ang dahilan ng mga magulang namin at bakit iyon ang binigay sa aming pangalan. Kailangan rin naming alamin ang pinagmulan ng pangalan namin kung kami ay ipinangalan sa isang tao, katulad ng mga Santo.
Nalaman ko noon na ipinangalan raw ako sa taon ng aking kapanganakan. Kaya noong lumalaki ay madalas mayroon akong kapangalan sa school. Simple lang ang pangalan ko pati spelling kasi ayaw ng nanay ko na mahirapan ako kapag nag-aral ako magsulat. Nagtuturo kasi sa pre-school ang nanay ko kaya alam niya ang hirap na nararanasan ng mga batang nagsisimula pa lang humawak ng lapis na mataba ay hirap na hirap isulat ang mahahaba nilang pangalan. Ayos lang sana kung haba lang pangalan ang isyu, ang masama ay kadalasan ay binabago rin ng mga magulang ang spelling.
Sabi nga sa isang nabasa ko malalaman mo raw na Pilipino kung mayroon kang kakilala na nilagyan ng 'H' ang pangalan, katulad ng Bhong, Bhing, Jhoy, Jhon, Mhay, Mhae, atbp. (You Know You're Filipino If). Ganoon rin daw ang pag-uulit ng mga palayaw, katulad ng Bong-Bong, Bing-Bing, Jing-Jing, Jon-Jon, Mhay-Mhay, Mac-Mac, atbp.
Pero parang ang weird na ang unang pangalan na siyang ilalagay pa sa mga legal documents natin ay hindi tayo ang namili. Wala tayong 'say' sa pangalang dadalhin natin sa buhay natin. Kaya sinasamantala ito ng mga nagpapalit ng citizenship. Binabago nila ang pangalan mula sa Pinoy na Pinoy (minsan ang baho pang pakinggan) sa western na western na pangalan na minsan ay hindi naman talaga tugma sa itsura nila! haha. May nakilala ka na ba Pilipinong nagpalit lang ng citizenship at pangalan pero kapag nakita mo ay magugulat ka na Pinoy na Pinoy ang itsura niya?!
Kahit ang mga pulitiko ay pinagpipilitan gawan ng sikat na kanta ang pangalan nila o ano kaya ay ilapit sa kilalang personalidad ang pangalan ngayong eleksyon para madali raw matandaan ang pangalan nila. Kapag napaupo naman sa puwesto ay ipipilit gawing dekorasyon ang mga pangalan (initials) nila sa mga pinapagawang istruktura, tulad ng makikita sa mga waiting shed at gate, pati rin sa mga gamit na ipanamamahagi sa publiko tulad ng bag at uniporme, atbp. Sa amin nga pati mga sasakyan ng munisipyo ay nandun ang pangalan ng mayor. Pero kanino bang pera ang ginamit na pambayad para sa mga iyon? Ay, naku tama na nga at naiinis lang ako kapag naaalala ko.
Pero sa totoo lang, bakit nga ba wala tayong 'say' sa kung anong magiging pangalan natin sa mga legal documents? Swerte ang mga katulad ko na maayos ang napiling pangalan ng magulang ko, ngunit paano naman ang mga batang binibigyan ng kung anu-anong pangalan ng mga magulang lalo na ang mga kabataang maagang nagkakaanak?
Minsan naiisip ko nga, kung gagamitin ko ang turo ng Ru Jia sa Rectification of Names, ay maiintindihan mo kung bakit sinasabi ng maraming bata pati na rin magulang na kakaiba ang mga bata ngayon. Hindi naman lahat, pero maraming bata ngayon ang hindi mo alam kung bakit napakalayo sa mga bata noon (ahem, speaking). Pero, promise! Natatandaan ko dati hindi kami ganyan! hehe. Siryoso lang, kung ito ang pagbabasehan ng ugali ng mga tao, malaking responsibilidad ang mayroon ang mga magulang sa pagbibigay ng pangalang dadalhin ng anak nila. Hindi lang naman ang anak nila ang apektado, pati na rin ang lipunang gagalawan niya.
Higit pa sa pangalan sa ating birth certificate, nariyan din ang mga palayaw natin. Ang iba ay pamilya pa rin natin ang nagbibigay. Ang iba ay mga kaibigan natin habang tayo ay lumalaki. Ang ilan ay tayo na mismo ang namimili. Naalala ko minsan may pinakilala sa akin. Tinanong ko siya kung bakit iyon ang palayaw niya kasi ang layo sa pangalan niya, sabi niya sa akin ay pamilya lang daw niya ang tumatawag sa kanya ng ganoon.
Simple lang din ang palayaw ko. Pamilya ko ang pumili ng palayaw ko. Sila ang nagdesisyon na ang huling tatlong letra sa pangalan ko ang gamitin mula pa noong baby ako. Pero kahit lumaki na ako hindi ko na ninais na palitan ito. Sanay na ako na ito ang palayaw ako. Walang drama. Medyo lang pero hindi lang talaga ako nag-effort! haha
Medyo may pagka-weird lang siguro ako noong bata ako. Kasi naaalala ko na noong bata ako ayokong sabihin sa mga kaklase ako ang palayaw ko. Pakiramdam ko pamilya ko lang ang tatawag sa akin ng ganoon. Ayoko rin maguluhan pa sila sa palayaw ko. haha. Para bang big deal sa isang kaklase ko noong grade school ako ng malaman niya ang palayaw ko. Mula noon ay sinabi ko na sa ibang mga kaklase ko ang palayaw ko kapag tinatanong nila. Tutal naman nagdadalaga na ako ng mga panahong iyon. (Parang walang logic. Ewan! Basta!)
Kung mayroon akong opisyal na palayaw (official nickname), mayroon rin akong mga hindi opisyal na palayaw para sa mga pinsan ko noong bata ako. Isa rito ang kuweba. Kasi noong bata ako ay nabulok ang dalawang ngipin ko sa harap (itaas). Kaya nga kung titignan ang mga litrato ko noong sira pa ang ngipin ko sa harap ay hindi ako ngumingiti nang nakalabas ang mga ngipin. Nakakahiya kasi bulok e. Dinadaan ko na lang sa paglabas ng dimples ko at mga nakakainis na pose. Bakit nga ba kapag bata ka hindi mo alam paano magpose ng maayos sa camera. Hindi rin ako marunong ngumiti dati dahil sa ayaw ko makita sa picture ang ebidensya ng pagkain ko ng matatamis at pagpapabaya sa ngipin ko. Well, buti na lang milk teeth lang iyon at napalitan naman ng magagandang ngipin. (Feelingera lang! haha) Sa totoo lang, noong kukuhanan lang kami para sa graduation ko ng Grade 7 ko pinag-aralan paano ngumiti ng labas ang ngipin sa harap ng salamin. Turo kasi iyan ng isa naming guro. Kaya naman ngiting ngiti ang lola mo sa picture! haha.
Para sa kuya ko naman, ako raw si Rainbow Bright kasi pareho raw kami ng laruan kong Rainbow Bright na bigay ng isang tiyo ko na malaki at malapad ang noo! Buti na lang pwede mag-bangs! haha. Hindi rin alam ng maraming taong nitong mataba na ako noong makilala ako na ang isang tawag sa akin ng mga pinsan ko ay Negra. Kasi maitim ako noong bata pa ako at sobrang payat. Kaya nga dati naisip ko na siguro nakakaitim ang pagkain ng maiitim kaya ayoko ng adobong pusit at minsan kahit tsokolate. Pero paborito ko noong ang pork steak. (light naman ang kulay eh! haha). Parati nila akong tinutukso na negra. Hindi raw ako napahiran ng gatas sa katawan kasi kaunti lang ang gatas ni nanay. Sapat lang na mainom at maipahid sa mukha ko ang gatas niya. Noong mas bata pa ako ay wala akong pakialam kung nakakaitim maglaro at magbilad sa ilalim ng araw. Wala akong pakialam kung nakakaitim magbabad sa paliguan (swimming pool at beach) habang tirik na tirik ang araw. Kaya parati akong binibili dati ng nanay ko ng sunblock na minsan ko lang din gamitin. Dapat pala nag-rereapply pagkatapos ang ilang oras. hehe.
Noong Grade 5 ata ako nagsimula akong gumamit ng todo ng whitening soap and lotion pero parang hindi epektibo kasi parati akong naglalakad sa init ng araw. Summer ng Grade 7 ko naisip na dapat babalik ako sa high school na mapusyaw pusyaw na ang kulay ng balat ko. Pinatindi kasi ang kagustuhan kong magpapusyaw ng kulay noong minsang naglalakad ako papunta sa bahay ng isang pinsan ko. Narinig ko ang isang grupo ng mga lalaking kasing edad ko. Sabi nila habang dumadaan ako na, maganda sana siya maitim lang. Sabi ko mula noon na dapat talaga seryosohin ko na ang pagpapaputi ko. Naisip ko kasi, paano ako mapapansin ng crush ko kung ganoong ang iniisp sa akin ng mga tao? Kaya naman ay hindi ako nglalalabas ng bahay lalo na kung mainit ang araw at wala akong payong. Todo gamit rin ako ng pampaputi buong summer. Wala akong pakialam kung inisip nilang nagmongha daw ako para pumuti. Ang mahalaga ay naging successful naman ako.
Madali pa rin akong umitim kasi iyon ang totoo kong kulay. Pero alam ko na kung paano mapapapusyaw ito, mabagal lang talaga kasi natural na maitim ang balat ko. In fairness, ako ang hinahalimbawa ng pamilya ko sa tuwing mayroong batang tinutuksong maitim. Sabi nila may pag-asa silang pumuti kasi nagawa ko raw. O diba, source of inspiration?! Taray, pero aksidente lang iyon. haha. Hanggang ngayon kahit na mapusyaw na kahit papaano ang kulay ko ay tinatawag pa rin akong negra ng mga pinsan kong nakakaalala ng aking "dark ages" hehe.
Pero ok na rin ang negra, kaysa Dodong Scarface na tawag ng kapatid ko sa isang pinsan namin natilamsikan ng mantika sa mukha noong bata kami. Paano ba naman ay binato niya sa mainit na mantika ang hotdog na galing sa freezer. Pero nawala rin naman ang bakas ng tilamsik ng mantika sa mukha niya. hehe. Ang iba naman ay tawag sa kanya ay Agatona. Kasi raw sa isang pelikula ni Melanie Marquez (si Ms. Long Leggedness) ay iyon ang pangalan niya. Dahil kabaliktaran ito ng kanya height, ay iyon ang bansag sa kanya. Minsan ay binigyan pa siya ng Star Margarine na sobrang laki para lang asarin siya. Sabi ng asawa ng tiya namin ay baka raw sakaling tumangkad pa siya. Nasira ang Star Margarine sa kanya kasi kahit naubos pa niya iyon, katulong ang pamilya niya ay hindi humaba ang legs niya. Dapat pala cherifer ang binigay niya sa pinsan ko baka sakaling naging effective. hehe
May mga tinatawag rin sila sa amin na Simang. Dati yun isang pinsan namin, ngayon yun isang pamangkin na namin. Kasi raw laging nakasimangot. Sa sobrang pagka-simang ng pamangkin namin ay biruin niyong takot sa kanya ang pamilya niya, kasama mga kapatid niyang lalaki, nanay, lola, mga pinsan kahit mga tiyo at tiya niya. Hindi lang Simang ang tawag sa kanya, Baluga rin. Sabi ko nga, sige na pwede na rin ang negra, parang ang tindi 'pag baluga na ang gamit nila. Isa kasi siya sa mga kapamilya ko pagdating sa kulay ng balat. hehe
Isa lang ako sa binibigyan ng pangalan bilang bansag. Halos lahat ata tayo ay nababansagan base sa kung anong ang gusto ng mga tao sa paligid natin. Kadalasan pang-asar lang, minsan ay may halong pangungutya. Tayo rin naman madaling nagbabansag sa mga tao sa paligid natin. Mga guro natin dati noong nag-aaral pa tayo ay madalas nating nabibinyagan ng pangalan lalo na kapag hindi natin gusto. Binabansagan natin sila para rin hindi nila maintindihan kung sila na ang pinag-uusapan. Sa trabaho naman ay ganoon din, para hindi tayo maintindihan ng mga boss natin kapag pinag-uusapan natin ay bansag o codenames ang gamit natin.
Pero madalas kapag tayo ang nababansagan dahil sa ating kapintasan (taba, pangit, baho, nguso, bulol, bagsak-balikat, atbp.) o nagawa dati (tapilok queen, jologs, pasaway, KSP, gaya-gaya, atbp.) ay hindi natin masyadong nagugustuhan. Minsan pa nga ay sumasama ang loob natin sa kanila.
Hindi kaya ito ang dahil kung bakit natin ginagantihan ang kapwa natin sa pagbibigay ng bansag o pangalan? Ito kaya ang masasabi nating dahilan kung bakit ang dali sa ating magbinyag sa mga tao sa paligid natin? Tayo lang din naman ang naglagay ng kahulugan sa mga pangalan o bansag na ginagamit natin. Ang drama talaga nating mga tao
Hindi kaya ito ang dahil kung bakit natin ginagantihan ang kapwa natin sa pagbibigay ng bansag o pangalan? Ito kaya ang masasabi nating dahilan kung bakit ang dali sa ating magbinyag sa mga tao sa paligid natin? Tayo lang din naman ang naglagay ng kahulugan sa mga pangalan o bansag na ginagamit natin. Ang drama talaga nating mga tao
Mayroon kayang mga taong kahit kailan ay hindi nabansagan ng kahit ano, kahit palayaw wala, kung hindi ang tunay nilang pangalan? 'Di kaya boring ang buhay na ganoon? Sana lang maganda ang kuwento sa likod ng pangalan na mayroon sila.
Ikaw, anong mayroon sa mga pangalan mo at bansag sa iyo?
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento