Paano nga ba natin malalaman kung hanggang doon na lang sila sa kuwento ng buhay natin?
Sa buong buhay natin ay marami tayong nakikilala. Mula pa lang pagkabata natin ay marami tayong nakakasalamuha.
Sa kanilang lahat, ang pamilya ang parating nandyan para sa karamihan. Sila ang mga taong hindi basta-basta natatapos ang papel sa buhay mo, ang mga “constant” sa buhay mo.
Pero sa labas ng bahay ay marami pa tayong nakikilala.
Noong bata ka ang ilan sa kanila ay ang:
Mga kapitbahay.
Mga kalaro noong bata ka.
Mga kaklase sa pre-school, elementary, at high school.
Sila ang mga kasama sa mga alaala ng pagkabata mo. Sila ang mga saksi sa paglaki mo. Ang mga kasama mo habang marami kang sinusubukan at inaalam. Sila ang mga nakakakilala sa batang wala pa masyadong naiintindihan sa buhay. Ang mga nakilala sa pagkatao mo noong unti-unti ka pa lang ay hinuhubog ng panahon. Depende sa kuwento ng buhay mo ang papel na ginagampanan ng mga taong ito. Kadikit na rin dito ang panahong nilalagi nila sa kuwento mo. Ang ilan sa kanila ay tumatagal naman sa kuwento mo kahit nakatapos ka na ng basic education. Pero marami sa kanila ay unti-unting nababawasan ang airtime sa kuwento mo, lalo na kapag mayroon nang mga bagong karakter na pumapasok sa istorya mo. Ang iba ay tuwing reunion mo na lang makikita, parang mga guest sa episode. Ibig sabihin, tapos na ang papel nila sa buhay mo. Parte na lang talaga sila ng backstory, ng history. Sila ang mga karakter na magpapaalala sa iyo ng yugto ng buhay mo na matagal nang natapos.
Kapag nasa kolehiyo ka na at nakapagtrabaho, bagong mga tao na naman ang nakikilala mo. Iba naman ang mga papel nila sa kuwento mo. Ang iba ay may aral na maiaambag sa pagkatuto mo sa buhay, habang ang iba naman alaala lang ang dala. Sa tuwing nagbabago ang buhay mo, may mga bagong karakter na natatapos na rin ang papel nila sa buhay mo. Mapapansin mo na dumarating ang panahon na hindi mo na sila basta makikita o makakausap kahit pa alam mo ang cellphone number nila o may koneksyon kayo sa social media. Tapos na kasi ang papel nila sa buhay mo.
Naisip ko nga, habang lumalaki pala ako, ay iba-iba ang mga kaibigan ko. Noong elementary, dahil pabago-bago ang section namin, iba-iba rin ang nagiging kaibigan na madalas kong kasama bawat taon. Pagdating ko sa high school ay doon ako nagkaroon ng best friend. Nagulat pa ako noong siya mismo ang nag-label sa pagkakaibigan namin. Hindi siguro ako sanay na mayroong kaibigan na ilang taon na siyang kasama ko. Paano ba naman sa pagkain pag-break ng recess at lunch, kapag puwede by friends ang kagrupo sa klase, sa uwian, pati clubs namin mula first year hanggang fourth year ay magkasama kami. Naalala ko tuloy noong fourth year, tinanong ako ng class secretary kung ano ang mga sinalihan kong clubs mula first year hanggang fourth year para ilalagay sa yearbook. Noong sinimulan ko na, sabi niya, "Ay, siyempre, pareho nga pala kayo ni (pangalan ng best friend ko)." Na para bang hindi na siya dapat nagtanong pa sa akin kasi alam naman na niya ang tungkol sa best friend ko. Pati mga gusto naming pagkain sa canteen ay pareho rin, lalo na ang cottage pie kapag lunch na madaling maubos (at bihira kung itinda), at ang siomai na may sunog na garlic chili kapag uwian (as in black na siya, deadma na lang sa carcinogens). Hindi lang siguro ako sanay sa label. Basta, ang alam ko, magkaibigan kami.
Pati noong nag-enroll kami sa entrance test review ng summer bago mag-fourth year ay magkasama pa rin kami, hindi lang sa klase, pati na rin sa pagkain. Hindi nga lang ako madalas sumasama sa paggala sa labas o pag-gimik niya. Hindi ko kasi hilig mag-party. Lalo na mahigpit naman ang mga magulang ko at malayo rin ang bahay ko. Kaya lang, pagdating ng college ay nagbago ang lahat. Naghanap ako ng sarili kong gusto. Kahit pa pareho kaming nag-apply sa pinili niyang school, mas pinili kong mag-aral sa ibang school dahil nandoon ang gusto kong course. Kaya naman dumalang-dumalang ang pagkikita namin. Nagkaroon siya ng ibang mga kaibigan. Ako rin ay nagkaroon ng bagong best friend—ang college best friend ko. Pareho na sila na hindi ko na nakikita ngaon
Sabi nila, sa tuwing may magpapaalam mula sa kuwento mo, ay mayroon namang bagong darating. Every goodbye is a chance for a new hello. Kaya raw huwag tayong masyadong malungkot kapag may mga taong nagpaalam na sa atin. Hindi rin naman lahat ng pamamaalam ay habambuhay. Sabi ko nga, ang iba ay paminsan-minsan bumabalik bilang guest sa isang episode. Mayroong iilan na nakakabalik upang maging mahalagang karakter sa buhay mo kasi hindi pa tapos ang papel nila. Minsan daw kasi may plot twist na ganoon.
Pero ang pinakamasakit na pamamaalam ng isang karakter sa buhay natin ay ang mga nawawala na sa mundong ito. Kasi kahit anong dasal o asa ang gawin mo na “balang araw” ay magtatagpo muli ang landas niyo, at sigurado ka nang hindi na iyon mangyayari. Madalas pa ay hindi ka handang magpaalam sa kanila. Hindi mo malalaman na ang huling pagkikita o pag-uusap niyo ay ang huli na pala. Masakit lalo na kung malaking papel ang ginampanan nila sa buhay mo. Masakit kung mahal mo ang mga ito. Tulad na lang ng pamilya natin. Ang akala mo na parati silang nandiyan pag-uwi mo ay biglang darating na lang ang isang araw na hindi mo na sila makakasama kasi tapos na ang kuwento nila sa mundong ito. Kahit ayaw mo pang tanggapin na tapos na ang papel nila sa buhay mo, ay wala kang magagawa. Kahit anong iyak pa ang gawin mo, ay hindi mababago ang kuwento.
Kung titingnan mo ang buhay mo, hindi mo mabibilang ang mga taong nagpaalam o natapos na ang papel sa buhay mo, pero alam mo na sa isang parte ng bansa o ng mundo ay nandoon sila. Ang iba ay gusto mo pang makausap o makita kahit saglit lang. Ang iba ay masayang nakikita ang mga update sa buhay nila sa social media. Pero ang mga mahal mo sa buhay na pumanaw na ay mabibilang mo lang.
Binabalikan ko ang kuwento ko. Sa akin, dalawang tao ang kahit anong gawin ko ay hindi ko na mapapabalik sa kuwento ko. Dalawang taong minahal ko at nagmahal sa akin nang sobra. Ang mga magulang ko. Nagpapasalamat naman ako sa Diyos na sa kanila ako ipinagkatiwala. Hindi ako magiging kung ano ako ngayon kung hindi dahil sa papel na ginampanan nila sa buhay ko. Kaya nga, noong nawala sila nang bigla at magkasunod pa, hindi ko alam kung paano magpatuloy sa buhay ko.
Pero marami rin namang nagbigay lang ng alaala, pati na rin kulay sa kuwento ng buhay ko ang natapos na ang papel sa buhay ko. Malayo sila sa dalawang taong mahal ko. Hindi nila ako kayang mahalin katulad ng o higit pa sa mga magulang ko. Marami sa kanila ay si God ang gumawa ng paraan upang mawala sila sa buhay ko kasi hindi na sila dapat maging bahagi ng kasalukuyan at kinabukasan ko.
Kaya bakit ko ba pipilitin pang makita sila? Kung ayaw rin naman nila akong makita o gawin akong mahalagang bahagi ng buhay nila? Marami na rin kasing bagong karakter sa kuwento nila. Kaya naman hindi na ako bagay doon. Ako na lang ang nagpaalam. Ako na lang ang nakaintindi na tapos ko na ang papel ko sa buhay niya. Pero dahil ang buhay ko ay kuwento ko, dapat ako ang main character dito. Ako ang dapat magdesisyon kung sino ang may karapatang maging mainstay at sino ang hindi. Kung sino ang papasa sa audition at sino ang bagsak.
Ikaw, paano mo nalalaman kung tapos na ang papel ng isang tao sa buhay mo?
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento