Sabi nila, makakapili ka kung saan ka titira, ngunit hindi ka maaaring mamili kung sino ang mga magiging kapitbahay mo. Sa buong buhay natin ay iba-iba ang mga nagiging kapitbahay natin depende sa kung saan tayo nakatira. Ano-ano nga ba ang iba't ibang klaseng kapitbahay na maaari nating makilala?
1. Ang kapitbahay na Parang kamag-anak kahit hindi
Sila yung mga kapitbahay na paborito mo. Sila, ’yung turing sa iyo, ay parang kapamilya ka kahit hindi naman. Mabait sila sa iyo, minsan sa lahat. Marunong makisama sa mga kapitbahay. Nagbibigay ng regalo o pagkain. Kilala kayo habang lumalaki kayo. Maaasahan niyo kapag walang tao sa bahay na may magmamalasakit sa inyo. Madalas, ang mga pinakamalapit sa bahay ang mga nagiging ganito ang turing sa inyo. Sila kasi ang pinakamalapit sa inyo, kaya kayo-kayo rin naman ang parating nagkikita. Sila ’yon; kapag may okasyon kayo, ay parating imbitado sa bahay niyo. Ganoon din naman kapag mayroon silang okasyon, kayo naman ang parating imbitado. Sila yung mga nakikita ninyong lumaki.
2. Ang mapagbigay na kapitbahay
Sila, magugulat ka na lang na kumakatok sila para magbigay ng kung anuman na pagkain sa iyo. Lalo na dito sa Pilipinas na parating mayroong okasyon, birthday, binyag, anniversary, holidays, atbp. Hindi ka man kamag-anak ang turing nila sa iyo, pero ang pagbibigay lang talaga ang love language niya. Ito na rin ang paraan niya ng pakikisama sa mga kapitbahay niya. Ganyan ang nanay ko dati. Lahat ay binibigyan ng pagkain. Kami naman ng kasambahay namin ang mga naghahatid sa mga kapitbahay noong bata ako.
3. Ang number one Tsismosa/Mahaderang Kapitbahay
Siya ang alam ang balita tungkol sa lahat sa paligid. Siya yung maasahan mong magbibigay ng impormasyon tungkol sa mga bagay-bagay sa paligid. Kahit hindi siya lumalabas, nakatingin siya sa bintana para updated. Kapag nasa labas naman, asahan mo na aktibo siyang sumasagap ng balita o di naman kaya ay aktibong nagkakalat ng tsismis. Hindi pa man uso ang social media, sila na ang mga orihinal na pinagmumulan ng balita sa lugar niyo. Sila yung mga kapitbahay mo na matagal ang buhay. Bakit? Kasi parati silang pinapalakas ng bawat tsismis na nahahagap at naikakalat nila. Iyon ang secret sa healthy lifestyle nila. Lalo na, madalas ang mga balita na kinakalat nila ay may dagdag-bawas. Sila rin ang mga kapitbahay na, kung hindi ka man pinag-uusapan sa likod mo, ay minsan hindi nakakatiis na makialam kahit hindi mo man tanungin ng opinyon tungkol sa buhay mo. Kung hindi ka kausap, malamang kasama ka sa pinag-uusapan.
4. Ang kapitbahay na Parating Galit
Siya yung lahat inaaway. Siya yung kapitbahay na inaaway ang lahat. Hobby lang. Hindi mo alam kung noon bang nagbuhos ng galit sa mundo, ay inaway niya lahat para sa kanya lahat ito mapunta. O talagang pinaglihi lang siya ng nanay niya sa galit at poot, kaya paglabas pa lang niya sa nanay niya ay galit na siya agad.
5. Ang Kapitbahay na Maingay / Mahilig Mag Iskandalo
Katulad din ng mga laging galit, ito naman ang kapitbahay na hindi mo masabi kung kailan siya galit o masaya lang dahil laging malakas ang boses. Hindi mo na kailangang tanungin pa ang tsismosa na kapitbahay mo para malaman ang mga nangyayari sa loob ng bahay ng maingay. At least raw, straight from the horse's mouth, ang balita.
6. Ang Kapitbahay na Parating naka loud speaker
Hindi mo na kailangang magbukas ng sarili mong radyo/TV kasi may libreng tugtugan sa kapitbahay. Hindi mo alam kung gusto lang ba nila na sulitin ang binayad nila sa pagbili ng speaker nila, o mahina lang talaga ang pandinig nila. Hindi mo na kailangang sabihan na hinaan ang speaker kasi hindi ka rin maririnig.
7. Ang kapitbahay na Parating may binebenta
Siya yung kapitbahay mo na mahilig magbenta. Lalo na noong nauso pa ang Avon, Tupperware, ngayon pati Natasha, insurance, atbp. Minsan, mga pinadala o binili sa ibang bansa. Basta lagi silang may inaalok na pagkakakitaan sa iyo. Kapag nakita ka, para bang nakakakita ng wallet na makapal, kaya kung makapag-alok ng mga pwedeng ibenta sa iyo, wagas. Masama nga lang ay may mga mahilig ding mangutang.
8. Ang Kapitbahay na Mahilig Manghiram/Mangutang
Ito yung kapitbahay na parating may hinihiram. Minsan hindi pa binabalik. Minsan, kapag binalik, matagal, tapos sira pa. Ito yung kapitbahay na kung hindi gamit ang hinihiram ay pera naman ang kailangan. Marami yan. Ilang beses na akong nakarinig ng nakikiusap sa nanay at tatay ko. Marami sa kanila, hindi ko na nakitang binalik ang mga hiniram nilang pera. Hindi na kami kilala matapos makakuha ng pera na "hiram" lang daw.
9. Ang Kapitbahay na Mayabang
Ito yung kapitbahay na parating pinagmamayabang ang mga bago nila. Bagong gamit, bagong dekorasyon sa bahay, atbp. Kailangan parating ipakita sa lahat ang mga bago nila. Mga trying-hard na magmukhang mayaman.
10. Ang Kapitbahay na Parating Inggit
Katulad din ng kapitbahay na mayabang, hindi puwedeng nagpapadaig ang kapitbahay na ito. Bentang-benta sa kanya ang pagmamayabang sa kanila. Kaya naman hindi puwedeng madadaig siya. Kapag mayroong bago ang iba, dapat mayroon din sila o mahigitan pa ang mga ito.
11. Ang Kapitbahay na Walang pakialam
Sila ang parang hindi kapitbahay. Walang kinikilala. Walang pakikisama. Kapag iniimbita, hindi pumupunta. Kung pumunta man ay saglit lang. Wala kang maasahan. Hindi mo mapapansin. Hindi rin basta namamansin. Sila, iyon, hindi mo mararamdamang nakatira sa lugar niyo.
Ikaw, sino-sino sa mga ito ang mga naging kapitbahay mo?
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento