Lumaktaw sa pangunahing content

Paano mo malalaman kung emotionally mature na ang isang tao?

Paano nga ba natin masasabi kung ang isang tao ay emotionally mature na?

Sa edad ba? Sa itsura? Paano siya kumilos o magsalita?

1. May Pananagutan / Taking Responsibility

Kapag pananagutan, hindi ibig sabihin na dapat mayroon siyang pamilyang pinapakain o inaalagan. Pananagutan para sa mga desisyon at mga pagkakamaling nagagawa. Dapat kayang panindigan ang mga ginagawa. Hindi biglang naghuhugas ng kamay o tumatakas para lang manatiling maganda ang imahe natin. Marami kasi na kahit matanda na, mas pinapahalagahan ang sariling reputasyon o kung paano sila makikita ng mga tao kaysa aminin ang katotohanan kapag sila ay may nagawang mali o hindi maganda. Ang iba naman ay gumagawa ng mga masisisi o mga dahilan para lang mawala sa kanila ang responsibilidad sa mga nagawang hindi maganda sa kanilang imahe. Ang emotionally mature na tao ay handang harapin ang ginawa at mula doon ay gagawa ng paraan para ito ay maiayos. Kayang mag-sorry nang hindi napipilitan lang. 

Mahalaga ang bawat salita para sa kanila. Ang bawat salita ay parang may kaugnay na kontrata. Kailangan nilang pinaninindigan. Kaya pinag-iisipang mabuti ang mga bagay bago sila gumawa ng aksyon. Pero hindi naman ito kapareho ng pagiging indecisive. Bago magsalita, bago gumawa ng desisyon, pinag-iisipan. Kung magkamali, inaako ang responsibilidad. Sabi nga nila, hindi ka raw magiging emotionally mature kung parating maayos at perfect ang buhay mo. Kailangan mong mapagdaanan ang rejection,  failure, mawalan ng mahal sa buhay, atbp. Pagsubok sa buhay upang maging emotionally mature ka. Doon malalaman kung kinaya mong panagutan ang mga hindi magandang nangyayari na mayroon kang kinalaman. 

2.  Self-Aware at Marunong Mag-regulate ng Emosyon

Ang isang emotionally mature na tao ay kilala ang sarili. Alam niya kung ano ang mga makakapagpainis/galit/lungkot/saya sa kanya. 

Ang tanda ng isang taong immature ay kapag nakadepende ang mood sa mga nakapaligid. Nararamdaman din ng mga tao sa paligid kung ang mood nila ay nagbabago. Minsan ay napagbubuntungan pa ng galit ang nasa paligid. Pero ang isang taong emotionally mature ay kayang damahin at iproseso ang sariling emosyon nang hindi hinahayaan na maapektuhan ang ibang tao. Hindi para ipasa nila sa iba ang inis o galit nila. Hindi nila tinatakasan ang nararamdaman. Marunong magtimpi at magpasensya nang totoo, hindi dahil gusto nilang isipin ng mga tao na mabait sila.

Ganoon din sa mga tao sa paligid nila. Kaya nilang makinig sa mga bagay na masaya at hindi. Mayroon ka bang kaibigan na sinasamahan ka lang o pinakikinggan ka lang kapag masaya ka o maayos ka? Pero kapag malungkot ka o may matinding pinagdadaanan na problema, ay hindi ka na kinakausap? Kalimutan mo na siya. Emotionally immature pa yan. Ang emotionally mature na tao ay marunong makiramay. Mayroon empathy. Kaya niyang intindihin ang nararamdaman mo. Hindi siya natatakot na samahan kang umiyak kapag nalulungkot ka. Kaya rin niyang makinig kahit na hindi man siya sumasang-ayon sa iyo. Hindi para husgahan ka. 

Kaya nilang piliin na pasayahin o patawanin ang mga nakapaligid sa kanila kahit na sila ay may pinagdadaanan. Mabuti na masaya ang iba kahit ako ay hindi. 

3. Malinaw na Ipinapahayag o Ipinapadama ang Damdamin o Pangangailangan

Tanda rin ng emotional maturity ang kakayahan na sabihin kung ano ang nasa isip nila, lalo na kung ano ang kailangan o gusto. Hindi para umasa sila na alam na agad ng mga tao ang nasa isip nila. Kaya nilang maging totoo sa mga tao, lalo na sa pakikipag-usap. Kaya niyang sabihin kung ano ang ayaw at gusto nila. Hindi niya hahayaan na manghula ang mga tao. Hindi rin pabago-bago. Minsan okay siya sa iyo, minsan hindi. Minsan kinakausap ka, minsan hindi ka papansinin. Hindi depende sa gagawin sa mga tao, pero may initiative at proactive. Hindi nagsasalita para lang magreklamo at makasakit ng kapwa. 

4. Lessons Learned

Kapag iniisip ko ang mga ito, alam mo, malayo pa siguro bago ko masabi na emotionally mature na ako. Salamat sa mga hindi magandang pangyayari sa buhay ko. Wala akong ibang choice kundi mag-mature emotionally. Ang buhay natin ay isang klasrum na maraming lessons. Mas mabilis nga lang tayong mag-matuto kapag mas mahirap ang lesson. Mas nagmamature tayo kapag dumaan sa summative exams kaysa sa short quizzes na may bonus points pa. Mas naaalala natin ang lesson kapag nahirapan tayo. 

Hindi nasasabi na may lalim o deep ang isang tao dahil lang tahimik siya. Hindi rin dahil matalino siya, lalo na kung nagagamit niya ang mga salita nang maganda. Hindi ito sa talino o sa taas ng grades ng isang tao.  Hindi sa ganda ng trabaho o sa taas ng sweldo. Hindi sa honors na natanggap o titulong pinanghahawakan ito nasasabi. Nalaman ko na hindi isa kung gaano katalino o katas ang score sa EQ test sa psychology, masasabi ito, pero kung paano ang isang tao sa araw-araw. Madalas, magaling lang talaga siyang pumili ng mga salitang hindi siya magmumukhang mababaw mag-isip o makisama sa mga tao. Madalas, magaling lang siyang sumagot ng exam kasi nga "matalino" siya, kaya dapat hindi magbago ang tingin sa kanya ng mga tao. Dapat maganda pa rin ang tingin sa kanya.

Hindi dahil mahilig siya sa mga madadamdamin na kanta ay malalim na siya agad.  Kunwari sentimental, pero hanggang sa isip lang ang pagdama na ito sa mga kanta. Akala nila, dahil damang-dama nila ang bawat kumpas at salita, ay deep at emotional na sila. Madalas, emo lang ang mga katulad niya.

Isang malungkot na katotohanan ay, hindi ito basta  mangyayari sa mga taong hindi dumadaan sa pagsubok ng buhay. Sa mga maswerte na nasanay na parating nakukuha ang gusto o pangarap. Ang mga taong parating nananalo sa buhay. Sa buong buhay nila ay parating halos napapaligiran sila ng mga taong puro papuri at paghanga ang natatanggap. Ang totoo ay malabong mag-mature pa sila emotionally. 

Hindi rin ito sa edad. May mga taong tumanda na pero parang immature ang pag-iisip. Sarili pa rin ang priority, lalo na ang ‘image’ nila. Mas mahalaga sa kanila ang iisipin ng mga tao kaysa maging totoo sa sarili nila. Tumanda ngunit walang kinatandaan, ika nga nila. Matindi pa sa mga may golden child syndrome. Habang buhay na silang bata sa pag-iisip. At inaasahan nila na ang mga tao sa paligid nila ang pumasok sa kuwento nila na sila ang bida. At dahil bida sila, bakit nga ba sila kailangang magbago?

Pinalala pa ito ngayon ng social media. Ang mga tao ngayon ay mas pinapahalagahan ang kanilang perpektong imahe kaysa maging totoo sa sarili. Mas pinapahalagahan ang dami ng likes at papuri ng mga online follower o "friend". Nagpatuloy lang ang pagbagal o paghinto ng kanilang pag-mature emotionally. 

Hangga't ang isang tao ay kayang maging komportable sa pag-project ng kanyang perfect image, hindi siya magbabago. Ang pag-mature emotionally ay hindi madali. Para kang pencil na kailangang dumaan sa talas ng isang sharpener; pipilitin ka ng mga pagsubok sa buhay na ma-shred ang balat o ang nasa ibabaw. Upang ang mga aral ng buhay ay sumiit sa buong pagkatao mo. Kapag natanggal na ang magandang imahe o ang nasa surface na outer face, hindi lang surface level ang pagbabagong mararanasan mo. Hindi ito isang fashion makeover. Hindi pagpapalit ng hairstyle o paglilipat ng bahay. Hindi bagong habit o hobby. Hindi isang superficial o surface-level change. 

Sabi nga, ang isang pencil ay hindi lalabas ang ganda at ang tunay na silbi (yun, magamit siyang makapagsulat nang malinaw), kung hindi siya idadaan sa sharpener. Kung walang pag-"sharpen" sa ating buhay, paano tayo? Sabi nga, "it's not the clothes that make a man." Mananatili ang maganda at perfect image, ngunit hanggang doon na lang ba? 

Minsan ay subukan mong magmasid sa mga tao sa paligid mo, kahit ang mga tao sa social media. Makikita mo na lahat pala ay ganito. Hinahabol ang admiration at praise. Takot silang maging uncomfortable sa katotohanan. Takot silang malaman ng iba na hanggang sa panlabas lang pala ang kanilang lalim o depth bilang isang tao. Ang buhay ay hindi makulay kung wala ang mga pagsubok. Kahit anong aspeto pa ng buhay, kahit sa pag-ibig ay may mga pagsubok. Sabi nila, "real love is messy." May halo itong kasiyahan at matinding kalungkutan. Hindi maaaring puro saya lang ang pinaghahandaan mo. Dapat mas handa kang masaktan, magsakripisyo. Minsan nakakapagod, minsan nakakainis. Pero ganoon ang buhay, kahit ang pagmamahal. Magkaiba ang kagustuhan na maging deep at sentimental sa tunay na handang magmahal. Ang buhay ay isang seryosong "laro." Isang laro na hindi mo alam ang ending. Hindi ka parating mananalo ayon sa standard ng mundo, ngunit mananalo ka sa mga aral/lesson na mapupulot mo. Makakaya mong pagtawanan ang mga pagkakamali mo. 

Sabi nila, until a person can be comfortable with the truth that life can be messy (it's not always perfect) and that growth is always uncomfortable, that person will never truly grow or mature emotionally. Wala kasing driver upang sila ay mapilitang magbago, upang mag-mature. Ang makikita mo ay mga taong walang lalim. Empty/hollow shells. Maganda sa labas, pero walang laman. Ang pag-iisip ay walang totoong substance. Very shallow ang pagkatao. Kapag dumating ang panahon na ang takip sa iyong mata ay nawala na, makikita mo, puro ganito ang nasa paligid mo. Masusuka ka. Sa tuwing nakakakita ako sa social media, naiisip ko: totoo kaya silang masaya? Ano kaya ang kwento niya? Malalim kaya siyang tao o isang empty o hollow human being? 

Kaya minsan mas mabuti pang mabuhay sa araw-araw nang hindi kailangang malaman pa ng mga tao ang ginagawa mo in real time. Mas mainam pa na hindi ka na naghahanap ng external validation dito. Nakakadala at nakakawalang gana magbukas ng social media sa totoo lang.  Nakakawala rin ng gana kumausap ng mga taong sa labas lang ang pinapaganda o inaayos. Wala naman palang lalim. Hindi ko na kayang makinig at makasama ang mga taong napaka-vain kahit hindi man nila aminin. Maiksi na ang pasensya ko para sa mga taong puro pag-project ng perfect image ngunit wala namang lalim. Mababaw lang sila. Nagpapanggap pa minsan na "deep". Pero sarili lang naman talaga ang pinapahalagahan. 

Habang buhay tayo ay patuloy ang lessons, patuloy ang pag-mature natin emotionally. Hindi ito isang beses lang sa buhay. Tuloy tuloy itong nangyayari. 

Minsan iniisip ko, emotionally mature ba ako? Marami pa rin kasi akong ginagawang pagkakamali. Kahit paano ang initial reaction ko sa mga bagay. Madalas kailangan kong paalahanan ang sarili ko sa maraming bagay na natutunan ko na dati pero hindi ko naisip agad. Minsan din nababagalan ako sa pagproseso ko ng mga pangyayari sa buhay ko. Paano nga kaya?

Para sa iyo, paano mo ba malalaman kung emotionally mature na ang isang tao?

Mga Komento

Mga Mabebentang Kuwento

Paano ba kami kapag may patay?

I sa sa iniiwasang pag-usapan ang tungkol sa patay. Pero paano ba kapag may patay kami? Katulad ng maraming pamilyang Pilipino, marami kaming sinusunod na pamahiin kapag mayroon kaming patay. Noong college ako ay nagsulat ako tungkol sa mga pamahiin ng mga Pilipino sa patay. Marami tayong mga pamahiin dito sa Pilipinas. Nag-iiba, nadagdagan at nababawasan ang mga ito depende sa lugar o probinsya. Pero sa mga pamahiin natin, ang mga pamahiin sa patay na ata ang pinakamarami. 

Na-LSS Ka Na Ba?

Na-LSS ka na ba? (LSS = Last Song Syndrome pero puwede rin naman na Last Sound Syndrome) Ito ay nangyayari tuwing mayroon tayong paulit-ulit na kanta na naririnig. Minsan tinatamaan tayo ng LSS dahil gusto natin ang kanta, minsan naman dahil ayaw natin sa kanta.  Natutunan ang tungkol sa pagkakaroon ng LSS noong ako ay nasa elementarya at high schol pa lang ako. Parati namin naririnig ang mga nagtitinda ng Selecta na tumutugtog upang manawag ng mga bibili lalo na mga bata. Dahil dito ay inuulit na ng kaibigan ko ang tugtog. Pero bago pa lang nangyari iyon ay naalala ko na sa sobrang pagkagusto ko sa isang kanta ni Ate Regine ay minsan kahit antok na antok na ako ay hindi ko mapigilan na hindi kumanta habang pinatutugtog ito sa radyo sa service. Nakakahiya man na nakikita ng mga ka-service ko na kumakanta ako habang natutulog bago ko napansin na ginagawa ko ang pagkanta at pagtulog ng sabay.  Noong nag-aral ako sa ibang bansa ay minsan pumunta kami ng mga kaibigan ko s...

Bakit Tayo Makasarili?

Bakit nga ba tayo makasarili? Ako, ako, ako, parati na lang ako sabi nga sa pelikula. Para sa iba, hindi nila maamin na makasarili sila, kasi para sa kanila perpekto sila. Sige na, kayo na. Pero para sa atin na aminado sa ating pagiging makasarili, bakit nga ba tayo ganito? Paano ba tayo nagiging makasarili? Sabi nga mahalin muna natin ang ating mga sarili bago tayo magmahal ng iba. Hindi masamang mahalin ang sarili. Kaya lang, lahat ng sobra ay  masama. Lahat rin ng bagay na sumasagasa na sa interes ng iba ay maaari na rin makasama. Dahil hindi natin maiiwasan ang pakikipag-ugnayan sa ating kapwa. Dito nasusukat ang ating pagkatao. Dito rin nalalaman kung paano natin tinitimbang ang mga bagay sa buhay natin.  Tignan natin ang mga ebidensya ng ating pagiging makasarili sa araw-araw. Kalamidad. Bakit nga ba nagbabaha? Isa na ata sa mga bagay na nakasanayan na ng mga nakatira sa siyudad ay ang karanasan sa baha. Bakit nga may baha? Paano imbes na itago muna ang balat ...