Lumaktaw sa pangunahing content

Ano ang Language of Love mo?

Parati na lang itong tinatanong lalo na nitong bago mag February 14. Noong unang beses siya sinabi ng kaibigan ko dati ay hindi ko ito maintindihan. Ano nga ba ang love language ko? Bakit ba ito inaalam?

Sabi sa pag-aaral ang bawat tao ay may sariling paraan ng pagpapakita ng pag mamahal o pagtangi sa mga taong mahalaga para sa kanila. Ito rin ang paraan na hinihintay nila mula sa mga taong nagmamahal sa kanila or nagpapahalaga sa kanila.

Noong nag test ako, ang lumabas quality time raw ang sa akin. Siguro kaya ako naiinis kapag hindi ako pinaglalaanan ng panahon. Pakiramdam ko kapag ang mga tao ay hindi kaya magbigay ng oras sa akin ay hindi ako mahalaga sa kanila. Kapag rin hindi ako binigyan ng oras, sa susunod ay hindi ko na rin sila bibigyan ng oras ko. Para sa akin, my time is precious. Ayokong sinasayang ang oras ko. Ayoko rin nasasayang ng oras. Kapag nagsabi sa akin na makikipagkita ang isang tao, dapat ito ay mangyayari. Kapag bigla akong hindi kinita, hindi na ako ulit basta makikipagkita sa susunod. Madali akong madala sa ganyan.

Kapag naman kasama ko, ayoko na wala sa akin ang atensyon. Quality time nga diba. Dapat kapag magkasama, magkasama. Hindi yun kasama mo physically pero ang utak nasa cellphone o kung saan man. Dahil kapag may nakikipag usap sa akin, sinisigurado ko na lahat ng atensyon ko ay binibigay ko. Hindi man ako mahilig magbigay ng mga materyal na bagay, ang oras ko ang naibibigay ko. Para sa akin malaking bagay iyon. Lalo na sa dami kong dapat at nais gawin ay pinaglaanan ko kayo ng oras.

Nakakatawa na noong tinatanong ko ang mga kaibigan ko mula sa kolehiyo ay pareho kami ng love language. Kami na laging busy at tila hindi sapat ang 24 oras sa isang araw sa daming ginagawa at nais gawin ay quality time ang love language. Dahil pare pareho kaming busy ay minsan lang kami magkita kita. Pero kapag magkakasama naman kami ay parang walang tulugan parati. Hindi maubos ubos ang kwento at daldalan. Walang nakatingin sa cellphone kasi nasanay naman kami na hindi kami pala tingin sa cellphone. Lumaki naman kami na naglalaro sa labas. May oras para sa cellphone, computer, at TV, mayroon rin oras para mabuhay sa totoong mundo. Very millennial.

Sabi naman ng iba ay nagbabago raw ang love language depende sa sitwasyon o pagkakataon sa buhay natin. Pero napaisip ako noong isang beses kung ano ba talaga ang love language ko? Nagbabago ba ito? Iba pa ba ang gusto kong paraan ng pagpapakita sa akin na mahalaga ako sa kanila, at iba rin ang pagpapakita ko ng pagpapahalaga ko sa mga tao? 

Sa totoo lang mayroon isang bagay na ginagawa ko sa mga piling tao lang. Ang totoo ay hindi ako matiyagang magbigay ng regalo. Hindi lang dahil miyembro ako ng samahan ng mga kuripot sa personal, pero dahil talagang hindi ko lang siya nakagawian. Kapag nga magpapasko ay binibigyan ko lang ng pera ang nanay ko dati para siya na ang bahalang bumili ng regalo para sa mga inaanak ko. Siya naman kasi iyon ang love language niya. Mahilig siyang magbigay lalo na ng regalo. Kaya marami ang hindi siya malimutan. Hindi ko alam paanong isang tingin lang niya sa mga tao ay alam niya kung ano ang maganda o size ng damit. O ano ang magugustuhan nila. Habang ako naman ay hindi magaling mamili ng ibibigay sa mga tao. Nauuna kong naiisip na baka hindi naman magustuhan kaya huwag na lang. Hindi na lang ako magbibigay.

Pero mayroon mga piling tao ang binibigyan ko ng regalo kapag totoong mahalaga sila sa akin. Kapag nagbibiyahe ako dati, hindi pwedeng wala akong uwi para sa nanay at tatay ko, pati na rin sa kuya ko at sa anak niya. Gusto ko ibahagi sa kanila ang alaala ng biyahe ko at pati na rin para malaman nila na naalala ko sila kahit saan man ako makarating.

Kapag mayroon rin akong gusto ay binibigyan ko ng bagay na magpapaalala sa kanya na naaalala ko siya. Iba iba ito. Minsan litrato, minsan pagkain, minsan gamit na maaari niyang gamitin sa araw araw, minsan rin isang handmade na bagay. Ngunit ang hindi nawawala sa regalo ko ay ang isang note o sulat. Kaya kapag ako ay may binigay at mayroon sulat o note, ibig sabihin ay gusto ko siya. Hindi ko lang alam kung naintindihan ng mga pinagbigyan ko noon. Kapag nawala na ang pagkagusto ko sa mga taong binigyan ko dati ng regalo na may kasamang note o sulat, iniisip ko sana mawala nila ang bigay ko. Sana mawala ang ebidensya na minsan akong nahibang. Alaala lang iyon ng aking pagkakamali. Nagsisisi na ako sa mga nagawa ko. Paki dispose na lang po. haha. Siguro nga kahit papaano ay pagbibigay ng regalo ang pagpapakita ko sa mga tao na mahal ko sila, hindi ang pagtanggap nito.

Naisip ko rin, pwede rin kaya na ang words of affirmation? Dahil ba hindi ako sanay na sinasabihan ng complement habang lumalaki? Mas takot kasi ako na napapagalitan, kaya kapag mayroon nagsasabi sa akin ng complement ng ibang tao, hindi ako masyadong komportable. Minsan nag-iisip pa ako kung totoo ba ang sinasabi nila o sinasabi lang nila iyon? Pero kasi noong mayroon akong nakilala na hindi ko naman kilola ay natuwa ako sa mga sinasabi niya. Hindi ko alam kung mabait lang ba siya o gusto lang niya na mabawasan ang kaba at pag-aalala ko kaya siya ganun sa akin. Nakakatuwa na sa bawat bagay na inaalala ko ay mayroon siyang sagot na magpapakalma sa akin. Naging magaan ang usapan namin na hindi na namin namalayan ang oras na lumipas. Yun rin kaya? O dahil lang iyon ang kailangan sa panahon ngayon na ang dami kong iniisip at inaalala?

Ikaw, ano ang love language mo?

Mga Komento

Mga Mabebentang Kuwento

Paano ba kami kapag may patay?

I sa sa iniiwasang pag-usapan ang tungkol sa patay. Pero paano ba kapag may patay kami? Katulad ng maraming pamilyang Pilipino, marami kaming sinusunod na pamahiin kapag mayroon kaming patay. Noong college ako ay nagsulat ako tungkol sa mga pamahiin ng mga Pilipino sa patay. Marami tayong mga pamahiin dito sa Pilipinas. Nag-iiba, nadagdagan at nababawasan ang mga ito depende sa lugar o probinsya. Pero sa mga pamahiin natin, ang mga pamahiin sa patay na ata ang pinakamarami.  Hindi man madaling isipin ang mamatayan  ng isang mahal sa buhay dahil lungkot ang una nating nararamdaman pero ito ay isang kaganapan kung saan dumarating ang mga kamaga-anak at nagkakaroon ng instant reunion. Umuuwi ang mga nasa ibang lugar na hindi madalas umuwi o nagpapadala ng pera ag dating mahirap hingan ng pera. Dumarating din ang mga outside the kulambo na pamilya sa mga lalaking may itinatago sa tunay na pamilya.  Habang nag-lalamay, inaalala ng mga tao ang namayapa. Paano ba siya noo...

Bakit Tayo Makasarili?

Bakit nga ba tayo makasarili? Ako, ako, ako, parati na lang ako sabi nga sa pelikula. Para sa iba, hindi nila maamin na makasarili sila, kasi para sa kanila perpekto sila. Sige na, kayo na. Pero para sa atin na aminado sa ating pagiging makasarili, bakit nga ba tayo ganito? Paano ba tayo nagiging makasarili? Sabi nga mahalin muna natin ang ating mga sarili bago tayo magmahal ng iba. Hindi masamang mahalin ang sarili. Kaya lang, lahat ng sobra ay  masama. Lahat rin ng bagay na sumasagasa na sa interes ng iba ay maaari na rin makasama. Dahil hindi natin maiiwasan ang pakikipag-ugnayan sa ating kapwa. Dito nasusukat ang ating pagkatao. Dito rin nalalaman kung paano natin tinitimbang ang mga bagay sa buhay natin.  Tignan natin ang mga ebidensya ng ating pagiging makasarili sa araw-araw. Kalamidad. Bakit nga ba nagbabaha? Isa na ata sa mga bagay na nakasanayan na ng mga nakatira sa siyudad ay ang karanasan sa baha. Bakit nga may baha? Paano imbes na itago muna ang balat ...

Na-LSS Ka Na Ba?

Na-LSS ka na ba? (LSS = Last Song Syndrome pero puwede rin naman na Last Sound Syndrome) Ito ay nangyayari tuwing mayroon tayong paulit-ulit na kanta na naririnig. Minsan tinatamaan tayo ng LSS dahil gusto natin ang kanta, minsan naman dahil ayaw natin sa kanta.  Natutunan ang tungkol sa pagkakaroon ng LSS noong ako ay nasa elementarya at high schol pa lang ako. Parati namin naririnig ang mga nagtitinda ng Selecta na tumutugtog upang manawag ng mga bibili lalo na mga bata. Dahil dito ay inuulit na ng kaibigan ko ang tugtog. Pero bago pa lang nangyari iyon ay naalala ko na sa sobrang pagkagusto ko sa isang kanta ni Ate Regine ay minsan kahit antok na antok na ako ay hindi ko mapigilan na hindi kumanta habang pinatutugtog ito sa radyo sa service. Nakakahiya man na nakikita ng mga ka-service ko na kumakanta ako habang natutulog bago ko napansin na ginagawa ko ang pagkanta at pagtulog ng sabay.  Noong nag-aral ako sa ibang bansa ay minsan pumunta kami ng mga kaibigan ko s...