Bakit nga ba kailangan magkamali? Sabi nila ang pagkakamali ay mahalaga sa buhay natin. Kailangan raw natin magkamali dahil ito ang paraan upang matuto tayo. Natututo naman tayo ng hindi kailangan magkamali, ngunit sa pamamagitan ng pagkakamali lamang natin mas natututunan ang dapat natin maintindihan. Mayroon raw kasing mga bagay na natututunan nga natin pero madali rin natin nalilimutan. Ngunit kapag ito ay sa pamamagitan ng isang pagkakamali, mas tumatatak ito sa isip natin. Kapag mas malaki ang kapalit upang matutunan natin ang mga bagay, ay mas tumatatak ito sa isipan natin. Parang sugat, kapag mas masakit at mas malaki ang sugat, mas malaki ang peklat, kaya mas maaalala rin natin ito.
Noong bata pa ako ay nag-aaral akong mag-bike sa amin. Ginagaya ko ang kapatid ko at mga pinsan ko na nakikita kong sinusubukan bumaba ng mabilis mula sa tuktok, naka bike man sila o naka sakay sa skate board. Para Kang nasa mabilis na rollercoaster. Kaya lang bigla kong niliko ang bike at nagkabanggaan kami ng isang kapit bahay. Ayun, isang malaking sugat ang inuwi ko sa bahay. Tinakot pa ako ng katulong namin na lalabasan raw ng tren yun sugat ko. Mula noon ay hindi na ako sumubok mag-aral mag bike ulit. Hanggang sa hindi ko na natutunan mag bike. Oo, nakakatawa para sa marami na lumaki akong hindi natutong mag bike. Pero isang malaki peklat sa tuhod ang nagpapaalala sa akin ng araw na iyon.
Doon ko unang natutunan ang salitang “dala”. Natuto akong madala. Isa siguro iyon sa mga unang karanasan ko sa buhay na una kong nalaman na dapat nag-iingat ako, kasi kung hindi ay masasaktan akong muli.
Walang katapusan ang pagkakataon na nagkakamali tayo. Kaya wala rin katapusan ang pagkakataon matuto at madala. Pero bilib ako sa ibang tao, kasi kahit ilang beses silang nagkakamali at nasasaktan, parang hindi pa rin sila natututo, hindi pa rin sila nadadalang gawin ang parehong pagkakamali. Kapag nasusugatan raw sila, lalo silang tumatapang. Mas lalo silang hindi natatakot magkamaling muli.
Darating kaya ang panahon na hindi na tayo magkakamali? Siyempre hindi. Habang buhay tayo ay maari tayong magkamali. Bakit? Kadikit na kasi ng pagiging tao natin ang pagiging hindi perpekto. Kung hindi tayo nagkakamali ay hindi tayo tao. Ang bawat pagkakamali na nagagawa natin ay nagpapaalala sa atin ng pagiging tao natin. Sinong tao ba ang hindi nagkakamali? Ok lang magkamali, pero hangga't hindi mo pa natututunan ang kailangan mo matutunan mula sa pagkakamaling iyon ay mauulit lang itong muli. Ibig sabihin mayroon ka pang kailangan maintindihan mula doon. Hindi pa tapos ang 'lesson' mo sa buhay sa aspetong iyon.
Parang sa pag-aaral yan. Hanggang hindi natin natututunan ang kailangan natin malaman mula doon, ay mauulit lang iyon. Magkakamali pa rin tayo sa bagay na iyon. Sa buhay rin natin. Isipin mo na lang sa mga comedy kahit romantic comedy na palabas parating mayroong pagkakamaling nagagawa ang bida o nakaka-apekto sa bida. Kung wala ang mga pagkakamali ay hindi mangayayari ang mga dapat mangyari.
Ikaw, sa tingin mo bakit ba kailangan magkamali?
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento