Lumaktaw sa pangunahing content

Nagkamali ka na ba? Ang Maling Tsikot


Nagkamali ka na ba? Yun tipong may inakala ka, mali pala. Nakakahiya!

Case No. 1: Maling Tsikot

Katulad noong nasa kolehiyo ako. Sa pagmamadali kong makauwi, paglabas ko ng gate ng unibersidad ko tumingin ako sa sasakyan na nakaparada sa tabi ng kalsada. Dahil doon parati tumitigil ang sasakyan ng tatay ko kapag sinusundo niya ako at kapareho ng kulay ng sasakyan niya ay inisip ko na agad na iyon nga ang sasakyan na dala niya. Agad akong lumapit at sinubukan kong buksan ang pinto. Tumingin ako sa nagmamaneho upang pabuksan ang lock ng pinto. Doon ko natitigan ang sasakyan. Hindi ko pala napansin na iba pala ang tint ng sasakyan na iyon pati na rin ang plate number! Kahiya talaga! Baka akalain nila part-time karnapper ako. Naka PE uniform pa naman ako. 

Higit sampung taon ang lumipas, habang pauwi kami mula sa mall ay naglalakad kami ng nanay ko sa parking patungo sa van namin. Hindi namin alam kung saan pumarada ang tatay ko kaya hinanap namin. Nakita namin ang van. Lumapit dito ang nanay ko habang nakahawak sa akin. Paglapit namin ay agad niyang sinubukang buksan ang pinto. Medyo inis pa ang nanay ko nang hindi niya mabuksan ang pinto. Doon ko lang napansin na wala ang butas sa tint sa bintana sa harap. Kaya sabi ko ay maling sasakyan ito. Karnapper na naman ang dating ko buti na lang ang nanay ko ang sumubok magbukas ng pinto at hindi ako. Mahirap parehong malabo ang mata namin! (gabi na kaya! palusot lang. hehe)

Ang pinaka-huling kaganapan dito at noong isang araw lang. Kasama ko ang isang pinsan ko. Umuulan nang mag-parada kami. Pabalik namin sa sasakayan ay nauna ang pinsan ko. Dirediretso ang paglalakad niya patungo sa kotse. Tumayo siya sa may pinto ng kotse sabay sabi sa akin, "o ano, hindi mo pa ba bubuksan?" Nakatayo ako sa may harap ng kotse hawak ang alarm ng kotse. Pinindot ko ang alarm ngunit di tumunog ang kotse sa harap ko kaya inulit ko habang nakatingin sa kotse. Doon ko napansin na iba ang plate number at may gumalaw sa loob ng sasakyan! "Ate, hindi ito ang kotse…" Mahina kong sinabi sa pinsan ko para hindi gaanong marinig ng tao sa loob ng sasakyan sa harap namin. Tumingin sa likod ko ang pinsan ko at doon niya napansin na ang kotse namin ay nasa kabila palang linya! Hindi na namin nilingon ang sasakyang napagkamalan naming kotse namin dahil nakakahiya! Haha. Inisip na lang namin na hindi kami kilala nung nakasakay sa kotse na iyon (sana)! haha

Hindi lang naman ako ang may ganyang kuwento. Naaalala ko ang isang tita ko na isang gabi na medyo umaambon ay nagmamadali siyang sumakay sa kotse ng isang pinsan namin na sinasabayan niya pauwi. Pilit daw niyang binubuksan ang pinto ng kotse. Paulit-ulit niyang sinubukan. Hanggang sa bumaba ang bintana ng kotse at sinabi sa kanya ng nagmamaneho, "bakit po?" "Ay hindi ba ikaw si ____ (pangalan ng pinsan ko). Akala ko ikaw si _____ (pangalan ng pinsan ko)." Ang nasabi ni tita. Buti na lang hindi uso ang mga matatandang babaeng karnapper at kung hindi ay baka napagkamalan din si tita na ganun. haha. 

Dati nga may pupuntahan kami ng tatay ko. Tumigil kami pagdating ng intersection. Nagulat kami nang biglang may babaeng sumubok buksan ang pinto ng van namin! Buti na lang naka-lock kaya hindi ito nabuksan. Binaba ng tatay ko ang bintana at tinanong ang babae kung bakit. Tanong ng babae kung pupunta raw kami sa isang mall. Akala pa ata pampasahero ang saksayan namin dahil lang van. Hindi naman ito puti. Si ate, colorblind o masyadong nagmamadaling makapunta sa mall na iyon kaya nakalimutan na ang common sense? Pasalamat siya hindi kami masasamang tao. Paano kung natiyempuhan niya ang mga lalaking naghahanap ng mabibiktima sa daan? E di luhaan pa siya. Tsk!

Pero higit sa takot na mapagkamalan na parttime karnapper ay dapat mag-ingat dahil baka makatiyempo sa mga kidnapper o yun mga bigla na lang nanghihila ng mga tao. Yun iba hinohold-up, yun iba pinagsasamantalahan, yun iba naman ninanakawan ng organs. Kaya mag-ingat! Siguraduhing tama ang sasakyan!

Mga Komento

Mga Mabebentang Kuwento

Paano ba kami kapag may patay?

I sa sa iniiwasang pag-usapan ang tungkol sa patay. Pero paano ba kapag may patay kami? Katulad ng maraming pamilyang Pilipino, marami kaming sinusunod na pamahiin kapag mayroon kaming patay. Noong college ako ay nagsulat ako tungkol sa mga pamahiin ng mga Pilipino sa patay. Marami tayong mga pamahiin dito sa Pilipinas. Nag-iiba, nadagdagan at nababawasan ang mga ito depende sa lugar o probinsya. Pero sa mga pamahiin natin, ang mga pamahiin sa patay na ata ang pinakamarami.  Hindi man madaling isipin ang mamatayan  ng isang mahal sa buhay dahil lungkot ang una nating nararamdaman pero ito ay isang kaganapan kung saan dumarating ang mga kamaga-anak at nagkakaroon ng instant reunion. Umuuwi ang mga nasa ibang lugar na hindi madalas umuwi o nagpapadala ng pera ag dating mahirap hingan ng pera. Dumarating din ang mga outside the kulambo na pamilya sa mga lalaking may itinatago sa tunay na pamilya.  Habang nag-lalamay, inaalala ng mga tao ang namayapa. Paano ba siya noo...

Bakit Tayo Makasarili?

Bakit nga ba tayo makasarili? Ako, ako, ako, parati na lang ako sabi nga sa pelikula. Para sa iba, hindi nila maamin na makasarili sila, kasi para sa kanila perpekto sila. Sige na, kayo na. Pero para sa atin na aminado sa ating pagiging makasarili, bakit nga ba tayo ganito? Paano ba tayo nagiging makasarili? Sabi nga mahalin muna natin ang ating mga sarili bago tayo magmahal ng iba. Hindi masamang mahalin ang sarili. Kaya lang, lahat ng sobra ay  masama. Lahat rin ng bagay na sumasagasa na sa interes ng iba ay maaari na rin makasama. Dahil hindi natin maiiwasan ang pakikipag-ugnayan sa ating kapwa. Dito nasusukat ang ating pagkatao. Dito rin nalalaman kung paano natin tinitimbang ang mga bagay sa buhay natin.  Tignan natin ang mga ebidensya ng ating pagiging makasarili sa araw-araw. Kalamidad. Bakit nga ba nagbabaha? Isa na ata sa mga bagay na nakasanayan na ng mga nakatira sa siyudad ay ang karanasan sa baha. Bakit nga may baha? Paano imbes na itago muna ang balat ...

Na-LSS Ka Na Ba?

Na-LSS ka na ba? (LSS = Last Song Syndrome pero puwede rin naman na Last Sound Syndrome) Ito ay nangyayari tuwing mayroon tayong paulit-ulit na kanta na naririnig. Minsan tinatamaan tayo ng LSS dahil gusto natin ang kanta, minsan naman dahil ayaw natin sa kanta.  Natutunan ang tungkol sa pagkakaroon ng LSS noong ako ay nasa elementarya at high schol pa lang ako. Parati namin naririnig ang mga nagtitinda ng Selecta na tumutugtog upang manawag ng mga bibili lalo na mga bata. Dahil dito ay inuulit na ng kaibigan ko ang tugtog. Pero bago pa lang nangyari iyon ay naalala ko na sa sobrang pagkagusto ko sa isang kanta ni Ate Regine ay minsan kahit antok na antok na ako ay hindi ko mapigilan na hindi kumanta habang pinatutugtog ito sa radyo sa service. Nakakahiya man na nakikita ng mga ka-service ko na kumakanta ako habang natutulog bago ko napansin na ginagawa ko ang pagkanta at pagtulog ng sabay.  Noong nag-aral ako sa ibang bansa ay minsan pumunta kami ng mga kaibigan ko s...