Lumaktaw sa pangunahing content

Bakit Wala Ka Pa Rin Nobyo?

Naiinis ka ba sa tuwing mayroon magtatanong sa iyo kung bakit wala ka pa rin nobyo? Ilang taon ka na pero hanggang ngayon ay wala ka pa rin maipakilala sa pamilya mo. Para tumigil na sila sa pagtatanong tuwing may reunion kayo kung bakit wala ka pa rin nobyo o kung kailan ka mag-aasawa (nobyo nga wala, asawa pa! Ano ba?!) ay naiisip mo nang maghanap ng boyfriend-for-hire o isama ang isang kaibigan mong bakla na magpanggap na nobyo mo  matigil lang ang pangungulit nila. O ano kaya ay hindi ka na lang pumupunta sa mga family at high school reunion para hindi ka matanong kung nasaan ang inexistent boyfriend mo.

Noong nasa high school ako, kapag may nagtatanong sa akin kung may nobyo ako, isa lang ang sagot ko, “bawal pa po akong magka-nobyo eh.” Agad naman tumitigil ang mga nagtatanong. Sabi kasi ng nanay ko noong matatapos na ako ng elementary pagdating ko raw ng kolehiyo pa ako pwede magnobyo. Kaya lang ang masama ay nang tinanong ko siya ulit noong malapit na akong matapos ng high school kung kalian ako maaring magkaroon ng nobyo ay sinabi niyang pagkatapos ko na lang dawn g kolehiyo. Hindi ko na siya muling tinanong at baka sabihin niya kapag marami na akong pera lang ako pwedeng mag-nobyo.

Tinapos ko ang high school na walang nobyo kahit muntik na. hehe. Ayoko kasing magalit sa akin ang mga  magulang ko. Natakot ako baka hindi na ako pag-aralin. Hindi naman ako kayang pag-aralin ng pag-ibig diba? Kaya kailangan kong iwasang mapunta sa siryosong relasyon ang mga bagay. Tiis-tiis na lang muna sa malamig na pasko, pwede naman mag-jacket. hehe. 

Pagdating ko ng kolehiyo, kapag may nagtatanong sa akin kung bakit wala akong nobyo ay sinasabi kong, “studies muna” minsan naman, “busy ako eh, wala akong time.” Tumatawa na lang mga kaklase kong lalaki sa tuwing naririnig nila akong sinasabi sa kanila iyon. Hindi ako masyadong napepressure dahil kampante ako na magkakaroon ako ng nobyo kapag gusto ko na. Ewan ba, bakit ba pinabayaan kong mapurga ako sa mga fairytale. Ayan tuloy umasa ako na posibleng mangyari iyon sa totoong buhay. Todo isnab tuloy ang ginawa ko sa mga lalaking hindi mala-Prince Charming ang dating.

Sa tuwing nanonood ako ng mga telenovela, Asianovela, at iba’t ibang palabas na tungkol sa pag-ibig, hindi ko maiwasang hindi mangarap ng isang magandang love story para sa sarili ko. Umasa ako na darating ang Prince Charming ko katulad ng sa mga napapanood ko. Gusto niya ako, gusto ko rin siya, at ayun, we will live happily ever after…

Ilang taon ang lumipas, sa pag-asang darating siya at magiging perpekto ang lahat sa amin. Hanggang sa nagkagusto ako sa isang lalaki. Akala ko para akong nasa isang telenovela na kami ang bida. Mahal niya ako, mahal ko siya pero kailangan niyang paghirapan ang kamay ko. Akala ko siya na ang hinihintay kong Prince Charming na gagawin ang lahat para mapatunayan sa akin na tapat ang pagtingin niya. Naks! Lumalalim na ang mga salita ah… Pero sa totoo lang, doon ko lang naintindihan ang sinasabi nilang ‘wag maging asyumera sa pag-ibig dahil sa huli ang asyumera ay umuuwing luhaan. Asyumera akong bida sa telenovela ng buhay ko, yun pala ako pala ang kontrabida. Kaya ayun, umuwi akong luhaan. At malamig pa rin ang pasko at mga kaibigang single ang ka-date sa Valentine’s.

Masakit na dahil sa pangyayaring ito ay lalong masakit para sa akin na buksan ang puso ko sa ibang lalaki. Drama, noh? Pero hindi ko akalain na mula nang pumili siya ng iba na para sa akin ay hindi maipapantay sa akin, dahil pakiramdam ko noon ay para lang siyang mauutusang magbitbit ng gamit. Haha. (ganun talaga dapat love yourself, sino pa ba magmamahal sa iyo kung hindi mo mamahalin ang sarili mo?) Inakala ko dahil mas angat ako sa lahat ng aspeto kaysa sa babaitang iyon ay ako pa rin ang pipiliin ng lalaking iyon. Pero hindi. Kaya sinubsob ko ang sarili ko pag-aaral mega sinugin ko naang kilay ko para lang mapatunayan ko sa lahat lalo na sa lalaking iyon na ako pa ang mas karapat-dapat niyang piliin. Pero hindi ko sinabi sa kanya ang nararamdaman ko. Hanggang sa huli na ang lahat dahil nagpakasal na siya.

Noong panahon na iyon k naisip na hindi ko na kayang mamahal muli. Kung hindi siya, ayoko nang magmahal muli. Naks! Todo na ang kadramahang ito!

Hindi ko na namalayan na nadadagdan na pala ng nadadagdagan ang edad ko. Hindi na ako ang dating bata na pinagbabawalan mag nobyo. (Pero minsan ayaw pa rin akong makipagkita para makipagdate) Naiinis ako sa tuwing may nagtatanong sa akin kung bakit wala pa rin akong boyfriend hanggang ngayon. Ayokong magpaliwanag. Naintindihan ko na hindi ko na mababago ang nakalipas. Hindi ko siya dapat sinisi sa mga nangyari dahil malaki rin ang kasalanan ko kung bakit hanggang ngayon ay No Boyfriend Since Birth (NBSB) pa rin ako. Lifetime na ata ang membership ko sa Samahang Malalamig ang Pasko (SMP).

Parating sinasabi sa akin ng lahat ng babaeng nakakaalam na hanggang ngayon ay kahit kalian ay hindi ako nagkaroon ng nobyo na darating din ang para sa akin. Sabi nila huwag daw ako mainip dahil darating din siya. Weh? Di nga? Nasasabi niyo lang ata iyan dahil may mga kapareha na kayo eh! Haha. Minsan nakakahiya na kayang aminin na sa edad kong ito ay NBSB ako! Kaya sinasabi ko na lang na hindi ko pa siya nakikilala para hindi na rin sila mag-usisa sa buhay ko. Nakakapagod ulit-ulitin ang masaklap na pangyayari sa buhay kong iyon. Dati nahihirapan akong alalahanin ang parteng iyon ng buhay ko. Naiiyak ako parati. Pero ngayon ay iba na ang lahat. Naka-move on na talaga ako mula sa aking self-inflicted heartache.

Minsan hindi ko maiwasang itanong, nasaan na kaya ang Prince Charming ko? Nasaan na ba ang lokong iyon? Naligaw pa ata. Hindi naman siguro siyang isang palaka pa lang sa kabukiran. Naku, baka kaya hindi dumarating ay naging tinolang palaka na! O di kaya, lalaki na rin ang gusto niya? Diba usong uso yan, kaya nga patok na patok ang My Husband’s Lover? Oh no! Baka mas girl pa siya kaysa sa akin ngayon!!!!

Sinasabihan nila ako na masyado raw mataas ang standard ko sa lalaki kaya nahihirapan daw ako humanap ng nobyo. Bakit ba? Pakiramdam ko kasi may K akong magtaas ng standard. Hindi ko maintindihan bakit ko kailangan ibaba iyon, kung alam ko naman na pag nakilala ko ang Prince Charming ko ay kahit na hindi pa siya mag-comply sa “standards” ko ay bubuksan ko ang puso ko sa kanya. Alam ko na pagdating ng moment na iyon ay hindi na ako magiging choosy! Promise! Hehe.

Para sa ibang kultura, bihirang bihirang mangyari na umabot sa ganitong edad ang isang babae nang hindi nagkakaroon ng nobyo. Parang isang kakaibang karamdaman ang ganito na hindi nila maintindihan. Kaya dapat ay gamutin. Pero bakit ko ba kailangan iasa sa iisipin at sasabihin ng ibang tao ang kasiyahan ko? Mga desisyon ko sa buhay ang nag-uwi sa akin sa sitwasyon ko ngayon. At hindi ko na kailangan pang magpaliwanag sa mga tao tungkol sa mga desisyon ko. Desisyon ko ang lahat dahil buhay ko rin naman ito kaya ako rin ang may karapatang mag desisyon kung ano ang magpapasaya sa akin. Ayokong magakaroon ng nobyo para lang masabing hindi na ako NBSB o para ma-dismember na ako sa SMP. Kung kapalit nito ang pagbababa ng aking standard ng sapilitan sa taong hindi ko talaga masisikmura sa buhay ko. Salamat na lang, pero hindi! Haha.

Kahit na madaig pa ako ng mga kabataan ngayon na nakapagbilang na ng mga nobyo o ng mga bakla ay ayos lang. Hindi dito nagtatapos ang buhay ko. Single ako pa rin ako, eh ano naman ngayon? Bakit, hindi naman dahil may nobyo na o asawa ay ibig sabihin masaya sila ah. Masaya rin kaya ang pagiging single. Malaya kang mag desisyon sa lahat ng ginagawa mo. Malaya kang gumastos ng perang kinikita mo sa paraang gusto mo. (kapag kulang pa rin naiisip mo dapat pala mayaman ang maging nobyo o mapapangasawa mo. Pero hanggang doon lang! haha.)

Sa mga kapwa ko NBSB pa rin o miyembre ng SMP hanggang ngayon ay maglakad tayo ng taas noo. Hindi natin kailangan ikahiya ang desisyon natin na maging masaya sa desisyon natin. Huwag pilitin magkaroon ng ka-relasyon kung hindi siya ang Prince Charming na hinihintay niyo o ang lalaking kahit na hindi ayon sa standards niyo ay mamahalin niyo pa rin hanggang sa huli. Kung hindi, hindi. Kung single, e di single. Hindi tayo  susunugin sa impiyerno dahil dito. Wala ito sa pagkakaroon ng nobyo o asawa, nasa ginagawa natin sa araw araw nating buhay. Nasa kung paano natin pinaparamdam ang pagmamahal sa puso natin sa mga tao sa paligid natin yan. 

Huwag ma-pressure tuwing bubuksan ang Facebook at makitang halos lahat ng kaklase mo noong high school ka ay may boyfriend, engaged, nagpakasal o may anak na! Huwag na umiwas sa mga reunion, dahil mas mahalaga ang makasama mo ang mga tao sa buhay mo paminsan-minsan. Hindi mo naman kailangan maikumpara ang sarili mong buhay sa buhay ng iba. Kanya-kanya tayo ng buhay. Kanya-kanya tayong kuwento. Mahalin ang sarili mong buhay dahil iisa lang yan. Kung hindi ka magiging masaya sa kung ano ang mayroon sa buhay mo sa kasalukuyan ay kailan ka magiging masaya para sa sarili mong buhay! Upang makamit natin ating "happy ever after" kahit wala pa si Prince Charming sa buhay natin. Hindi sa kanya magmumula ang ating sariling kasiyahan sa buhay.  


Ikaw, may bakit wala ka pa rin nobyo hanggang ngayon?

Mga Komento

Mga Mabebentang Kuwento

Paano ba kami kapag may patay?

I sa sa iniiwasang pag-usapan ang tungkol sa patay. Pero paano ba kapag may patay kami? Katulad ng maraming pamilyang Pilipino, marami kaming sinusunod na pamahiin kapag mayroon kaming patay. Noong college ako ay nagsulat ako tungkol sa mga pamahiin ng mga Pilipino sa patay. Marami tayong mga pamahiin dito sa Pilipinas. Nag-iiba, nadagdagan at nababawasan ang mga ito depende sa lugar o probinsya. Pero sa mga pamahiin natin, ang mga pamahiin sa patay na ata ang pinakamarami.  Hindi man madaling isipin ang mamatayan  ng isang mahal sa buhay dahil lungkot ang una nating nararamdaman pero ito ay isang kaganapan kung saan dumarating ang mga kamaga-anak at nagkakaroon ng instant reunion. Umuuwi ang mga nasa ibang lugar na hindi madalas umuwi o nagpapadala ng pera ag dating mahirap hingan ng pera. Dumarating din ang mga outside the kulambo na pamilya sa mga lalaking may itinatago sa tunay na pamilya.  Habang nag-lalamay, inaalala ng mga tao ang namayapa. Paano ba siya noo...

Bakit Tayo Makasarili?

Bakit nga ba tayo makasarili? Ako, ako, ako, parati na lang ako sabi nga sa pelikula. Para sa iba, hindi nila maamin na makasarili sila, kasi para sa kanila perpekto sila. Sige na, kayo na. Pero para sa atin na aminado sa ating pagiging makasarili, bakit nga ba tayo ganito? Paano ba tayo nagiging makasarili? Sabi nga mahalin muna natin ang ating mga sarili bago tayo magmahal ng iba. Hindi masamang mahalin ang sarili. Kaya lang, lahat ng sobra ay  masama. Lahat rin ng bagay na sumasagasa na sa interes ng iba ay maaari na rin makasama. Dahil hindi natin maiiwasan ang pakikipag-ugnayan sa ating kapwa. Dito nasusukat ang ating pagkatao. Dito rin nalalaman kung paano natin tinitimbang ang mga bagay sa buhay natin.  Tignan natin ang mga ebidensya ng ating pagiging makasarili sa araw-araw. Kalamidad. Bakit nga ba nagbabaha? Isa na ata sa mga bagay na nakasanayan na ng mga nakatira sa siyudad ay ang karanasan sa baha. Bakit nga may baha? Paano imbes na itago muna ang balat ...

Na-LSS Ka Na Ba?

Na-LSS ka na ba? (LSS = Last Song Syndrome pero puwede rin naman na Last Sound Syndrome) Ito ay nangyayari tuwing mayroon tayong paulit-ulit na kanta na naririnig. Minsan tinatamaan tayo ng LSS dahil gusto natin ang kanta, minsan naman dahil ayaw natin sa kanta.  Natutunan ang tungkol sa pagkakaroon ng LSS noong ako ay nasa elementarya at high schol pa lang ako. Parati namin naririnig ang mga nagtitinda ng Selecta na tumutugtog upang manawag ng mga bibili lalo na mga bata. Dahil dito ay inuulit na ng kaibigan ko ang tugtog. Pero bago pa lang nangyari iyon ay naalala ko na sa sobrang pagkagusto ko sa isang kanta ni Ate Regine ay minsan kahit antok na antok na ako ay hindi ko mapigilan na hindi kumanta habang pinatutugtog ito sa radyo sa service. Nakakahiya man na nakikita ng mga ka-service ko na kumakanta ako habang natutulog bago ko napansin na ginagawa ko ang pagkanta at pagtulog ng sabay.  Noong nag-aral ako sa ibang bansa ay minsan pumunta kami ng mga kaibigan ko s...