Akma ba ang itsura mo sa edad mo?
Sa ibang mga kultura ay ipinagbabawal ang pagtatanong ng edad sa mga babae. Hindi raw ito etikal. Kaya naalala ko nang nagkaroon ng Pilipina na ka-chat ang isang kaklase kong taga Timog Asya dati. Tinanong niya muna ako kung maari raw niyang itanong sa ka-chat niyang Pinay kung ilang taon na ito dahil sa kanila raw ay bawal ito.
Mahirap na basta na lang itanong ang edad ng isang tao lalo na sa babae na parang mas nakakatanda sa atin. Minsan parang nababastusan sila. Kaya mag-ingat. Huwag agad-agad magtatanong ng edad kung ayaw na masungitan.
Pero napagkamalan ka bang mas bata sa edad mo? Ang sarap sa pandinig lalo na kung kapanipaniwala ang pagkakasabi ng taong nagsasabi nito sa iyo. Pumapalakpak ang taenga nating mga babae kapag sinasabihan tayong, "mukha kang bata". Ano kaya ay magugulat ang kausap natin at hindi makapaniwala kapag sinabi natin ang totoo nating edad, "Ah talaga? Akala ko mas bata ka pa sa edad mo." Gumaganda o gumaguwapo bigla ang itsura ng nagsasabi nito sa atin. Kung nanliligaw sa iyo ang nagsabi, pihado sasagutin mo na siya!
Kabaliktaran naman nito ang nangyayari kapag may nagsasabi natin na mukha tayong matanda kaysa edad natin. Nakakabanas. Parang biglang pumapangit ang kausap natin para sa atin dahil lang sa sinabi nila sa atin.
Napagkamalan ka na bang mas matanda kaysa edad mo?
Dati noong 4th year high school ako ay nagbakasyon kami ng pamilya ko sa Singapore. Habang nasa bilihan kami ng relo ay sinabihan ako nung nagbebenta na maganda raw ako. Siyempre pumalakpak naman ang taenga ko gusto ko na tuloy bumili ng relo. Kaya lang ang tuwa ko sa kanya ay biglang napalitan ng inis noong bigla niya akong tanungin kung ano ang edad ko. Sinabi ko 16. Sabi niya mukha raw akong 17 or 18. Pakiramdam ko mukha na akong matandang matanda. Nainis ako parang ayoko na sanang bumili ng relo kaya lang nahiya na kami kaya sige binili na lang namin. Asar nga lang ako sa kanya. Sabi tuloy ng tita ko sa akin, "lagi ka kasing nakasimangot ayan tuloy napagkamalan kang mas matanda kaysa edad mo…"
Dati noong 4th year high school ako ay nagbakasyon kami ng pamilya ko sa Singapore. Habang nasa bilihan kami ng relo ay sinabihan ako nung nagbebenta na maganda raw ako. Siyempre pumalakpak naman ang taenga ko gusto ko na tuloy bumili ng relo. Kaya lang ang tuwa ko sa kanya ay biglang napalitan ng inis noong bigla niya akong tanungin kung ano ang edad ko. Sinabi ko 16. Sabi niya mukha raw akong 17 or 18. Pakiramdam ko mukha na akong matandang matanda. Nainis ako parang ayoko na sanang bumili ng relo kaya lang nahiya na kami kaya sige binili na lang namin. Asar nga lang ako sa kanya. Sabi tuloy ng tita ko sa akin, "lagi ka kasing nakasimangot ayan tuloy napagkamalan kang mas matanda kaysa edad mo…"
Sinabi rin ng isang dati kong guro noong kumuha ako ng alumni ID ko at report card matapos ang graduation namin ng high school. "Ikaw ba 'to? Mukha ka na ngang matanda dito." Sa loob-loob ko, "Salamat sir magandang pabaon sa akin iyan. Hindi ko ito makakalimutan." Hindi siya ang isa sa guro na matutuwa akong maalala. Hindi rin siya ang guro na nanaisin kong makitang muli. Mapaglaro rin ang panahon. Biruin niyo sa lahat ng makikita ko noong nagtatrabaho na ako ay siya pa! Binati ko lang siya sinabi kong pupuntahan ko ang isang dati kong kaklase sabay sakay ng elevator. Wala ako sa mood makipagchikahan. Hindi siya ang guro na matutuwa akong makita at makibalita malipas ang ilang taon mula ang graduation. Hello, sinabihan niya akong mukha akong matanda sa picture ko!!!! Hmpf!
Hindi naman doon nagtapos ang buhay ko. Ako naman ang umintindi na hindi ito magandang pakinggan. Naisip ko na ako lang naman ang naiinis. Malay ko ba kung ano talaga ang intensyon nila. Paano kung wala lang naman ito sa kanila pero sumama ang loob ko sa sinabi sa akin? Tsk.
Noong nasa kolehiyo ako, sumama ang isang pinsan ko sa pagsundo sa akin. May bibilhin kasi siya malapit sa unibersidad ko. Hindi ko alam nakita pala kami ng mga kaklase ko na kumakain sa malapit na magkasama. Kinabukasan ay nagulat ako noong sinabi ng dalawang kaklase kong hindi naman magkaibigan na "nakita kita kahapon. ang bata pala ng ermats mo…" Natawa ako na akala niya nanay ko siya dahil alam kong sampung taon lang naman ang tanda niya sa akin.
Minsan sinamahan ko ang isang pamangkin ko na anak ng pinsan kong napagkamalang nanay ko na bumili. Sabi niya gusto raw niya ng yema kaya lumapit kami sa pinaka-unang nagtitinda na nakita namin sa may simbahan. Paglapit namin ay sinabi ba naman ng tindera, "Nay, bili na kayo…" Aba! napagkamalan pa akong nanay ng pamangkin ko! Tumingin ako sa paligid kung siya lang ang nagtitinda ng yema doon. Nainis ako kaya binulungan ko ang pamangkin ko na, "sa iba ka na lang kaya bumili…" haha. Kasama sa sales ang pambobola. Kaya sa mga nasa sales, ingat sa pagsasalita lalo na kung edad ang pinag-uusapan.
Kahit noong makalawa lang ay napadaan kami sa isang stall sa loob ng mall na nagbebenta ng pampahid sa balat galing sa ibang bansa.
"Anak mo?" Tanong ng saleslady kay ate. Natawa ako.
"Anak mo siya. Siyempre obvious na obvious naman sa mata niyo, parehong pareho…" Sabi ng saleslady. Lumakas ang tawa ko.
Hindi na nakatiis si ate kaya nagsalita na siya, "hindi ko siya anak. Magpinsan kami…" Sabi niya sa saleslady.
"Ah ganun ba? Naku sorry po talaga. Sorry po ulit." Sabi ng saleslady pero nakangiti.
Bumulong si ate, "nasabi mo na eh."
Nang makaalis na kami doon sinabi ko kay ate, "hanggang ngayon ba naman, pinagkakamalan ka pa ring nanay ko? haha." Para sa inyong kaalaman, hindi kami bumili ng tinitinda ni ate saleslady kahit na maganda ang tinitinda niya talaga.
Kaya masarap pumunta sa mga lugar na mukhang matured ang mga tao kaysa edad nila. Katulad sa US, madalas napagkakamalang bata ang mga Asyano. Kung gusto mong mapagkamalang bata, doon ka bumisita.
Buti na lang mayroong salitang "IMPROVEMENT". Ibig sabihin puwede tayong maging mas maayos kaysa kung ano tayo dati o ngayon. Dapat maintindihan natin na kailangan natin ng pagbabago sa buhay at sa ating sarili pero dapat ito ay para sa ating ikabubuti. Lilinawin ko lang. Hindi mo gugustuhin na malayo at masagwa ang pagbabago mo. Parang mga suki nila Vicky Belo at Manny at Pie Calayan na halos hindi mo na makilala matapos ang retoke na ginawa. Huwag masyadong baguhin ang ginawa ni God baka magalit Siya eh. Kaunti lang. Tama lang na iayos ang pag-aalaga sa sarili. Pagpapatanggal ng pimple, pagiging mas malinis sa katawan, pag-aayos ng kilay, paglalagay ng mga cream, pagbili ng maayos at hindi baduy na damit, atbp. Hindi ko sinasabing magparetoke, ok?
So paano ba umangkop ang itsura natin sa ating edad?
Una, dapat nga ayusin ang sarili. Dapat maging malinis sa katawan. Huwag kumain ng mga makakapangit, tulad ng chichirya at iba pang junk food. Dapat ayusin natin ang kinakain natin. Eat healthy! (Minsan lang mag cheat ha!) Iwasan din ang masayadong ma-oil na pagkain. Sa init at polusyon dito sa Pinas, madali tayong magka-pimple lalo na sa mga oily ang balat. Kapag hindi na kayang solusyonan, humingi ng tulong sa derma. Hindi lang nakaka-tighiyawat ang oily na pagkain, nakakataba rin. Alam niyo naman, para sa atin tama lang ang healthy hindi fat. Kasi paniniwala sa mundo natin, hindi dapat mataba. Sa akin tama lang dapat. Hindi masayadong payat na parang isang ihip lang ng malakas na hangin ay siguradong magkakalas-kalas na ang mga buto. Sobrang payat is NOT beautiful. Kung na sobrahan naman sa pakain sa atin mula ng bata pa tayo, cute raw kasi ang matabang bata, pagdalaga na dapat conscious na. Baguhin na ang pagkain. Kung dati ay puro junk food, fastfood, oily foods, sweets, etc. ang kinakain, dapat control na.
Pangalawa, exercise. Hindi naman masama ang kaunting pawis araw-araw at pagbabanat ng mga buto at muscles para sa ating kalusugan. Mahalagang malusog tayo para hindi mukhang matanda. Mag-exercise ha, huwag magpa-lypo dahil ang mga nakukuha ng mabilisan ay madali ring nawawala sa atin. Parang pera lang ang figure natin eh. Fast money, madali rin nawawala, madaling nagagastos, nahihingi sa balato at utang o nananakaw. Samantala, ang perang pinaghirapan ay ating iniingatan. Ganoon din ang ating figure. Kung mabilisan nating nakuha, madali ring nawawala sa kaka-cheat day natin. Pero ang figure na pinaghirapang ma-achieve ay ating pinag-iingatan dahil alam nating mahirap itong makuha. Kaya, let's move it! Huwag lang gawing boyfriend ang mga DI niyo sa ballroom dancing, ok?
Pangatlo, umasta base sa edad mo. Huwag ipilit ang isang bagay kung masyado itong pambata para sa edad mo magmumukha kang nagmumurang kamatis. Huwag rin ipilit ang isang bagay na masyadong mukhang matanda para sa iyo kung hindi ay magmumukha ka ngang matanda. Weird kasi ng mga tao eh. Ang mga bata nagpipilit maging matanda. Tignan mo na lang ang mga teenager ngayon. Nakakagulat ang mga trip nilang gawin. Masyado na silang maagang namumulat sa mga bagay na para sa nakatatanda (RATED R). Samantalang noong bata tayo ay crush at laro lang tayo (GENERAL PATRONAGE). Nagtatakip pa nga tayo ng kamay kapag may eksenang hahalikan ng lalaki ang babae pa lang sa palabas pakiramdam kasi natin bastos na agad. Habang ang mga kabataan ngayon ginagaya na ang napapanood sa TV kahit hindi pa para sa edad nila. Bakit kasi may Angelito, Batang Ama pa eh. Yan tuloy uso na lalo.
Habang nagmamadaling tumanda ang mga bata, ang mga matatanda naman ay nagpapabata. Nagpapahid ng mga anti-wrinkle cream at kung ano-ano pang pampabanat ng balat. May iba rin na nagjojowa ng bata para maging youthful ang pakiramdam! Kaya dumating ang panahon na maraming mga matronics na nag-aaral mag-ballroom dancing ang naging boyfriend ang mga DI nila. Hindi naman sila bumata. Kaya mga bata, samantalahin niyo ang pagiging bata niyo. Huwag magmadaling tumanda masarap maging bata!
Pang-huli, dapat maging laging masaya. Lumalabas kasi sa itsura natin ang nararamdaman natin at pagtingin natin sa buhay. Mas madalas tayong masaya at hindi basta nagagalit, mas nagmumukha tayo bata. Habang mas madalas tayong galit at nakasimangot, mas mabilis tayong magmukhang matanda. Buti na lang single ako kaya bawas ang problema ko. hehe. Pero sa totoo lang, kahit may lovelife ka, matutong ngumiti kahit na hindi na siya katulad nang una mo siyang nakilala. Sadyang mapag-panggap ang mga nanliligaw at nililigawan. Mahalin mo ang taong mahal mo hindi kung paano mo siya iniisip na dapat maging pero kung ano siya talaga.
Huwag problemahin ang problema, hindi ka nga niya pinoproblema eh! Hayaan mo siyang problemahin ang sarili niya at maging masaya ka sa buhay! Minsan ka lang dadaan sa bawat segundo, minuto, oras ng buhay mo, kaya mabuhay ng masaya! Kapag lagi kang masaya, hindi ka lang magmumukhang angkop sa totoong edad mo, maari ka pang magmukhang mas bata. Mas mabuti na ang mapagkamalang bata ka sa itsura mo kaysa naman mapagkamalan kang mas matanda kaysa edad mo. Kaya laging ngumiti at maging totoong masaya araw-araw. At tandaan, kapag makikisalamuha sa mga tao mag-ingat sa usaping edad! (Mag-ingat: ask at your own risk!)
Ikaw, ano ba talaga ang edad mo?
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento