Bakit nga ba maraming Pilipino ang patay na patay pumunta sa US? Kamakailang nagpunta ako sa Embahada ng Estados Unidos para mag renew ng visa ko ay napansin kong marami pa rin ang nagaapply ng visa. Marami pa rin ang nais pumunta sa Amerika. Marami ang nagdadasal na mabigyan ng visa. Marami rin ang nag-apply para mag migrate na sa US. Mayroon din mga umiiyak sa tuwa dahil nabigyan sila ng visa sa US na aakalain mong nanalo sa sweepstakes.
Maraming pelikula na ang napanood natin tungkol sa buhay sa Amerika. Pinakikita na mahirap mabuhay sa Amerika. Kailangang kumayod ng mabuti para kumita ng pera. Kadalasan higit sa isang trabaho ang kailangang pasukin ng isang tao para mabuhay ng maginhawa sa US. Pinapakita nilang hindi pinupulot ang pera sa Amerika.
Ngunit kahit gaano pa karami ang marinig at mapanood natin tungkol sa hirap ng buhay doon ay hindi nababawasan ang dami ng nangangarap na mapunta doon. Marami ang mayroong American Dream. May iba rin kasing sinusuwerte, may iba rin naman na hindi.
Iba iba rin ang pamamaraan ng mga kababayan natin makamit lang ang minimithing American Dream. Ang iba nag-aapply ng trabaho doon tsaka kukunin ang pamilya. Depende sa nakapunta sa Amerika at nagkaroon ng legal na status kung kukunin niya ang mga kamag-anak niya.
Sa mga hindi makahanap ng trabaho sa US, ay kasal ang nakikitang paraan para makamit ang American Dream. Ang iba ay naghahanap ng mapapangasawa na Amerikano. Lalo na noong mayroon pang base militar ang US dito. Maraming Pilipina ang nabubuntis ng mga sundalong Amerikano. Ang iba ay dinadala sa ibang bansa. Samantalang mayroon din mga hindi pinapalad na iniiwan ng sundalo. Ang iba rin kasi na napapangasawa ng mga Amerikano ay humihiwalay sa asawa pagdating sa Amerika at maghahanap ng iba.
Mayroon pa nga na sinabing ginahasa raw siya ng Amerikanong sundalo. Pinagpiyestahan ng media ang istorya niya. Marami ang nagwelga pa sa harap ng embahada ng Estados Unidos para humingi 'raw' ng katarungan para sa dalaga. Nagkaroon ng paglilitis. Hanggang sa tumaba na ang akusado ay hindi tuluyang napatunayan sa husgado na 'gahasa' nga ang naganap. Pero ang nakakalungkot ay ang pagtanggap niya sa oportunidad na magkaroon ng legal na status sa Amerika kasama ang pamilya niya. Tsk. Babae rin ako. Kung ginahasa talaga siya ay dapat pinagpatuloy niya ang laban niya. Pero kung hindi naman totoo ay kawawa naman ang sundalong Amerikanong iyon na tumaba na sa pagkabilanggo.
May mga Pilipina rin namang nakikipagkilala sa pamamagitan ng internet. Ang iba ay nagiging mapalad na tunay na nagmamahalan ng napapangasawa nila. Nagbubunga rin ang American Dream nila ng mga artistahing mga anak. Maganda raw ang mix ng Pilipino at mga Amerikano. Mabenta sa mga Pinoy ang mga may dugong foreigner kaya pwedeng pwedeng pauwiin ang anak nila para kumita ng pera dito. Pero may iba naman na kung hindi sila ang bibiktimahin ng mapapangasawa para makakuha ng insurance kapag namatay sila ay sila naman ang hihiwalay sa kanong kumuha sa kanila.
Mayroon din na nagpapakasal sa mga matandang Pinoy na may legal na status sa US. Sandali nilang titiisin ang amoy ng matanda tapos ay iiwan na pagdating sa Amerika kapag legal na rin ang status nila.
Malaki ang duda ng mga Amerikano sa pagbibigay ng visa sa mga Pinoy dahil mayroon talagang inaabuso ito. Mayroong mga nakakapunta lang sa US ay nag TNT na. TNT as in tago ng tago. Doon ay maghahanap sila ng trabaho at kung makakahanap rin ng mapapangasawang may US citizen ay nagpapakasal. Hindi na mahalaga kung may naiwan man silang pamilya sa Pilipinas. Sasabihin naman nila "para sa kinabukasan niyo naman ito." Sinong niloko niyo? Ako nga may kakilala na mag-iina sila na nagpunta sa US para magpakasal sa isang US citizen kahit pa may naiwang asawa sa Pilipinas. Pinadalhan na lang ng papeles na nakikipagdiborsyo sila. Hinukay ang mga hindi pinagkasunduan ng asawa at pinalala ang kuwento. Ayun, instant American Dream! Katulad ng pagkahilig natin sa biglang pagyaman.
Ano bang mayroon ang American Dream na marami ang nagpapakamatay makamit ito? Hindi maitatago ng damit na may American brands ang ginawa nila. Hindi maitatago ng slang na pananalita ang Pinoy na Pinoy na itsura na akala mo ay kinalimutan na ang pinagmulan nila kung makaasta sa mga nasa Pilipinas lang. Hindi naman lahat ng nasa Amerika ay ganoon. Pero marami rin kaming nakilala doon na grabe kung makaasta. Grabe ang hangin daig pa mga matitinding bagyong sumalanta sa Pilipinas.
Minsan gusto ko silang tanungin, "masaya ba talaga kayo dito?" Hindi niyo alam kung Amerikano kayo dahil iba ang itsura niyo. Hindi rin kayo Pinoy dahil sinusunod niyo na ang pag-uugali ng mga Amerikano. Ngayon, saan ba kayo talaga lulugar?
Hindi naman limitado ang pagkakaroon ng American Dream sa mga Pinoy. Marami ring mga nagmimithi nito sa iba't ibang bansa. Kaya nga maraming Mexicano ang ang ibubuwis ang buhay nila makalagpas lang ng border.
Ano bang mayroon ang American Dream? Bakit para sa ibang tao ay mas mahalaga ito kaysa sariling nilang buhay? Bakit nagiging mas mahalaga para sa iba ang American Dream kaysa ang kanilang pagkatao? Bakit?
Ano nga ba ang mayroon sa American Dream?
Bakit mahirap mapitisyon sa US pag may asawa na?
TumugonBurahin