Baha, Baha, Baha na naman?! Paano ba ako kapag panahon ng Tag-ulan?
Siyempre, kung mayroon tag-init, mayroon din tag-ulan. At oo, pansin naman natin, panahon na naman ng tag-ulan. Naalala ko tuwing umuulan madalas ang baha dito sa Pilipinas. Sabi ko nga dati sa isang isinulat ko, "when it rains, it floods" imbes na "when it rains, it pours." Baha, more fun in the Philippines? Tignan mo nga sa news at makikita mo ang mga taong todo ngiti pa rin kahit lubog na ng baha ang paligid. Pero siyempre isang apseto lang ang nakikita natin doon. Sa bayan namin madalas bumabaha dati pa. Kaya siguro malapit sa puso ko ang baha. Chos! Pero sa totoo lang ay marami talaga akong alaala kapag may baha.
Naaalala ko pa maliit pa ako ay nakagisnan ko na ang pagbabaha sa amin. Wala pa akong isang taon ay binaha ang bayan namin. Akala ko noon ay isang malaking swimming pool ang bahay ng mga lola't lolo ko. Kulay tsokolate nga lang ang tubig. Lubog sa baha ng ilang buwan ang bayan namin. Kaya naman sa kagustuhang gumala ng mga pinsan ko na nag-aalaga sa akin ay isinama nila ako sa bangka at namasyal kami sa paligid. Naalala ko pa na parang naging dagat-dagatan ang bayan namin sa lalim ng tubig. Sa mga panahon din na iyon nila ako naisipang ilagay sa isang palanggana. Hila-hila nila ang palanggana sa baha sa looban ng bahay ng mga lola't lolo. Naaalala ko pa na biglang naging kulay tsokolate ang paligid. Kaya pala ay bumaliktad na ang palanggana at lumubog na ako sa baha. Hindi raw napansin ng mga pinsan ko na nag-aalaga sa akin na gumaan na ang palanggana kung hindi pa napansin ng isang tiya namin. Tinanong daw sila kung anong ang hila-hila nila. Nagulat sila na nalaglag na pala ako. Madali nila akong inahon mula sa baha pero huli na ang lahat dahil nakainom na ako ng tubig baha. Buti na lang hindi ako nagkasakit. Siguro hindi pa kasing dumi ng baha ngayon ang baha dati. Pinapalubag ko lang ang loob ko. Kung malay na siguro ako noon ay pinilit kong masuka ang tubig baha! Yak! Sa loob ng ilang buwan na iyon ay nag-isang taon ako. Dumaan ang kaarawan ko na may baha sa amin.
Kahit noong nakatira ako sa isang tita ko noong Grade School ako madalas akong nakakaranas ng baha. Naranasan kong maglakad sa rumaragasang baha sa subdivision nila dahil akala ko may pasok kinabukasan. Biglang nagkaroon ng running water o ilog sa subdivision nila.
Noong high school ako ay pumunta sa ibang bansa ang mga magulang ko at isang tita ko para sa pilgrimage. dahil may pasok kami ng kuya ko ay hindi kami isinama. Mga tatlong linggo ang pilgrimage nila sa iba't ibang bansa. Nagsimula nang bumuhos ang ulan noong gabi bago umalis ang mga magulang ko. Habang ako naman ay humihiling na mawalan ng pasok dahil nahihirapan akong tapusin ang assignment ko at mag-aral para sa quiz namin kinabukasan. Kinabukasan ng madaling araw ay nalaman kong wala ngang pasok! Ayos, natupad ang hiling ko! Natulog ako ulit at umalis na rin ang mga magulang ko. Pag gising namin ay nagsisigawan sa ibaba namin. Kaya pala ay mataas na ang tubig. Pumasok na sa loob ng bahay namin at sa mga lolo't lola ko. Tumulong ang mga pinsan, pamangkin, at mga tauhan ng mga magulang ko para angatin ang mga gamit sa bahay namin at sa bahay ng mga lolo't lola. Nalubog sa tubig ang buong compound. Hindi ako pwedeng maglakad sa baha dahil may sugat ang paa ko. Ayoko kasi mag swimming sa PE namin kaya inalagaan ko ang sugat sa paa ko. Hindi pa kasi gumagaling mula noong ipinakita ko sa guro namin ang katunayan. Karma lang.
Sa panahong iyon habang naglilibot sa mga pinuntahan ni Kristo ang mga magulang at isang tita ko ay nanatling nakalubog ang bayan namin sa baha. Ilang linggo kaming walang pasok. Extended ang katuparan ng hiling ko. Biruin niyo isang araw lang ang hiling ko na mawalan ng pasok ay naging ilang linggo pa?! Hindi ako lumalabas ng compound sa takot na mabaha ang paa ko. Mahirap na. Ayoko naman magkasakit dahil sa leptospirosis, ang pangit! Hindi sosyal. hehe. Mga pinsan ko na lang ang naglalakad lakad sa paligid upang bumili ng mga makakain namin. Puntahin ng mga tao ang harap ng compound namin kung nasaan din ang tindahan ng tita ko kasi halos ang kalsada lang sa harap namin ang nakalutang na lugar. Ang ibang parte ng kalsada ay lubog rin sa tubig. Kaya naman maraming negosyo ang naging mabenta sa harap ng tindahan ng tita ko. Fishball, squid ball, chicken ball, pearl shakes, cheese stick, atbp. Kahit walang ilaw ay kumakain kaming sama-sama ng mga kamag-anak ko sa terrace. Nagluluto ang pinsan at isang tito ko ng pagkain lalo na sa gabi. Masarap kumain ng mainit na sabaw. Lugaw, sopas, mami, kahit instant noodles puwede na! Masaya kami kahit walang kuryente. Masaya kami kahit baha. Panay ang kuwentuhan. Marami rin kasing tsismis na nasasagap mula sa compound namin. Marami rin nasasagap ang mga pinsan ko sa paglalakad sa labas para umusyoso sa kalagayan ng ibang lugar.
Tiyempong-tiyempo ang pagbalik ng mga magulang at isang tita ko sa Pilipinas mula sa kanilang halos tatlong linggong tour. Binalik na rin ang pasok. Sabay sinabing dapat raw isinama na lang kami dahil wala naman palang pasok sa panahon ng alis nila.
Bago ako pumasok ng kolehiyo, tutol ang nanay ko sa napili kong unibersidad. Sabi niya bahain raw ang lugar na iyon at marami pang mandurukot. Dahil mas nangibabaw sa akin ang pag-aaral ng kursong gusto ko, hindi ko ito inalintana. Hindi ito hadlang para mag-aral ako. Pero inilagay ko na rin sa isip ko na darating ang panahon na kakailanganin kong lumusong sa baha dahil sa pinili kong paaralan.
Maraming kuwento ng baha doon. Madalas ngang tumaas ang tubig sa paligid ng unibersidad na pinapasukan ko. Madalas rin kaming walang pasok dahil doon. Dati yatang sapa ang lupang tinayuan ng unibersidad namin kaya mabilis talagang bumaha kahit gaano pa kalaki ang mga manhole sa paligid. Minsan, este madalas pa ay walang takip ang mga ito kaya marami ang nabibiktima kapag may baha. Kaya siguraduhing may kasama kapag may baha para kung malalaglag ka sa isang manhole ay may tutulong sa iyo.
Noong unang taon pa lang namin, mayroon kaming isang kaklaseng pinagdududuhan kung tunay na lalake. Minsan bumagyo habang nasa unibersidad na kami isang umaga. Dineklara na wala nang pasok kaya nag-uwian na kami. Dahil halos isang bayan lang ang uuwian ng kaklase naming iyon at ng isang kaklaseng aminadong bading ay nagsabay raw sumakay sa trike para makatipid na rin sa bayad. Kuwento ng bading naming kaklase na bigla na lang raw gumapang na ipis sa kaklase naming hindi pa kami siguradong bading. Bigla rin daw nagtititili ang kaklase namin. Siya rin ang nagkuwento dati na sabay raw silang lumingon nang may sumakay na guwapong lalaki sa bus isang beses na umuwi sila at sa harap niya nakaupo ang kaklase naming hindi pa umaamin. Kaya tumibay ang pagdududa namin na baka nga nagtatago pa siya sa "aparador". haha.
Sa unang taon ko rin sa unibersidad ko naransang masira ang ilang payong ko dahil sa bagyo. Mumurahin kasi ang payong na binili ko. 3 for 100 sa divi. Kaya isang umaga ay inihatid ako ng isa pang kaklaseng hindi pa lumalabas ng "aparador" noon papunta sa sasakyan. Pagkasakay ko ay tinanong ako ng tatay ko kung bakla raw ang kasama ko. Mabilis kong sinagot ay “opo” kahit hindi pa soya umaamin. Noong ikalawang taon rin naman ay agad siyang nagladlad. Inunahan ko lang siya sa tatay ko.
Nakakapaglakad ako sa baha dati lalo na kapag nagpupunta kami sa mga nagkokopya ng basahin namin sa likod ng unibersidad. Buti na lang medyo mataas ang sapatos ko kaya hindi masyadong lubog ang paa ko. Bigla bigla kasi minsan tumataas ang tubig sa paligid.
Noong huling taon na namin sa kolehiyo ay marami kaming klaseng alas-9 na ng gabi natatapos. Isang gabi ay umulan ng malakas habang nagkaklase pa kami. Bumili pa naman ang isang kaibigan ko ng pagkain para sa amin. Kaya pala hindi pa siya nakabalik agad. Sabi niya ay baha raw sa labas ng unibersidad at malakas ang ulan. Wala siyang payong kaya hinintay niyang tumila ng kaunti ang ulan. Lumusong na lang siya ng baha at nagpaulan dahil parang hindi humihina ang ulan. Pagdating ng mga alas-7 na ng gabi ay malakas ang sigawan ng mga babae sa ibaba. Inisip ko pa, "ang arte naman ng mga iyon. Papansin. May nagkaklase pa ang ingay." Nang matapos ang klase namin ay naintindihan ko na ang dahilan. Pinasok na rin ng baha ang labas ng building namin at sa tuwing may dumaraang sasakyan sa labas ay umaalon papunta sa building at sa mga taong nakatayo sa may guwardya ang tubig. haha. Malay ko ba!
Sa kasalukuyan ay bumabaha pa rin sa may bahay namin at sa unibersidad ko dati. Ang pagkakaiba na nga lang ay mabilis nang nawawala ang baha sa bayan namin kumpara dati. Sa unibersidad ko naman noong kolehiyo ako ay bumabaha pa rin. Malamang marami pa ring bagong kuwento ang mga mag-aaral doon parte iyon ng buhay doon. Kasi doon, "when it rains, it floods."
Hindi lang sa Pilipinas bumabaha. Maraming bansa ang nakakaranas nito. Sabi nila dahil daw sa Global Warming. Pero madalas ito at mas grabe pa sa ibang lugar tulad sa Bangladesh. Pero hindi ko inakala na kahit sa isang bansang alam kong mayaman ay mararanasan ko iyon noong nag-aral ako sa ibang bansa. Isang hapon na nagpunta kami ng kasama ko sa isang lugar na puntahan ng mga turista ay biglang bumuhos ng malakas ang ulan. Nandoon kami sa dulo kaya papunta sa amin ang baha. Mabilis na ang agos ng baha. Naging running water sa Laguna ang peg ng lugar na iyon. Hindi ko akalain malulubog ang sapatos ko dito sa bansang iyon.
Pero wala itong panama sa mga nararanasan ko sa Pilipinas. Para sa akin, hindi na bago ang baha. Maraming alaala ang bumabalik sa akin. Lalo na noong bata ako. Baha, more fun in the Philippines! Tandaan, "when it rains, it floods." haha.
Ikaw, paano ka kapag panahon ng tag-ulan?
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento