Paano nga ba natin nalalaman na tapos na ang papel ng isang tao sa buhay natin? Paano ba natin malalaman na ang huling pagkikita natin ang pinaka huling beses na pala? Paano ba natin malalaman na tapos na tapos na talaga ang mga bagay?
Sabi nila kapag natapos na ang papel ng isang tao sa buhay natin ay tatanggalin siya sa buhay natin ni God. Kung baga sa isang kwento o palabas, na write off na ang karakter kasi wala na siyang ambag sa kwento. Minsan ang pagkawala ng isang karakter ay sa paglipat ng trabaho, tahanan, lugar, bansa, pero minsan rin sa pagkamatay.
Kung ano man ang pamamaraan ng pag write off sa karakter, isa lang ang malinaw dito: tapos na ang karakter. Hindi na siya magiging mahalagang bahagi ng mga susunod na kwento. Minsan ay mga mga karakter na nag exit na, pero ginagawang guest sa mga ilang episode lalo na kung na-miss siya ng mga nanonood. Pero panandalian pa rin ito. At kung hindi ito sasadyain ng mga manunulat ay hindi papasok sa eksena ng bida ang ganitong karakter.
Tayo rin naman hindi natin namamalayan na tapos na pala ang papel natin sa kwento ng iba. Hindi natin namamalayan tuwing dumarating ang panahon na huling eksena na pala natin sa buhay nila. Na write off na tayo sa kwento nila ng hindi natin alam na iyon na pala ang huling beses natin sila makikita.
Sabi rin nila malalaman mo na tapos na talaga ang papel ng isang tao sa buhay mo kung kahit pa nasa isang siyudad, probinsay, bansa, trabaho, lugar, atbp. kayo ay hindi na kayong muli magtatagpo. Kahit anong pilit mong magtagpo kayo ay hindi na maaaring mag krus pa ang landas niyo. Maaaring hindi lang kayo nagkakasabay, nagkakasalubong, o nagtatagpo, pero malinaw lang na hindi na kayo magkikita pa. Pinapaganda pa ng iba at pinagmumukhang romantic pero, ganoon pa rin naman iyon: hindi na talaga sila bahagi ng buhay mo at magiging bahagi pa sa hinaharap. Katulad rin kung paanong hindi ka talaga magiging bahagi pa ng buhay nila.
Maliban lang kung kamatayan ang naging dahilan ng pagkawala nila sa buhay mo, dito ay kakampi mo ang panahon dahil ito ang magsasabi ng katotohanan na ito. Panahon ang nagsasabi na iyon na pala ang sagot na hinihintay mo tungkol sa katapusan ng bawat tao sa buhay mo. Hindi na para mag explore pa sa storyline na iyon. Dumarating lang ang katapusan handa ka man, aware ka, sadya mo man ito o nila, o hindi.
Para sa iyo, kailan ba talaga natatapos ang tapos na?
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento