Noong maka graduate na ako ng kolehiyo at masters, madalas ko naririnig ang tanong kapag may reunion o pinapakilala ka sa mga kamag-anak o kaibigan ng mga magulang mo, ang tanong sa iyo“bakit wala ka pa rin nobyo?”.
Minsan nakakainis na sagutin ang mga tanong nila kasi para bang kasalanan ko na hindi ako makasunod sa iba. Bakit ba? Pakialam niyo? Tapos susunod naman nilang sasabihin, “masyado kasing mataas ang standard mo”, “masyado ka kasing pihikan”, “dapat kasi parati kang lumabas at mag attend ng mge event”, “dapat kasi bawasan mo yan pag simangot mo”… lahat ako ang may kasalanan, ako ang sinisisi. Kapag sinasabi ko naman ang totoo na ayoko mag settle for less, ayokong basta pumasok lang sa relasyon na hindi ko naman talaga gusto, at ang pagiging single ay ang choice ko, hindi naman nila maintindihan. Minsan gusto ko na lang sila i-mute.
Pero makalipas ang maraming taon, habang nakikita lko ang mga ka-batch ko na malalaki na ang mga anak, pati na rin ang mga mas bata pa sa akin na mayroon na rin mga anak, iba naman ang tanong nila. Kung dati nobyo lang ang hanap nila, ngayon, ang tanong naman nila ay, “kailan ka mag-aasawa?” ano naman kaya ay “bakit wala ka pa rin asawa?” iniisip ko, masaya ba sila sa buhay ng may asawa? Hindi naman guarantee na kapag may asawa, masaya. Iyon lang ba ang tanging paraan ng pamumuhay? Sabay tingin ng may paghuhusga. So abnormal ako? Haha.
Sa dami raming nasasabi tungkol sa pag-aasawa, na “hindi raw ito parang kanin na mainit na sinusubo, kapag napaso ka ay iluluwa mo,” at dapat raw ay yun itinakda ni Lord para sa atineh bakit pa mag-aasawa ng basta-basta lang? Sabi rin nila, hindi raw masarap ang prutas kapag hinog sa pilit. Dapat raw pinipitas lang ito kapag hinog sap uno para masarap. Bakit mo ipipilit ang kung hindi naman nararapat? Bakit mo ipipilit na mag asawa para lang masabi na may asawa? haha.
Isa pa, ang pag-aasawa ay isang malaking commitment. Hindi ito dapat instant. Pinag-iisipan at pinag-hahandaan talaga. Kaya nga dapat nga ang tanong nila sa akin ay hindi kung bakit wala pa rin akong asawa. Handa ba akong mag commit sa isang relasyon? Handa ba ako sa mga nakakabit na responsibilidad na kadikit ng pagpapakasal. Dapat ang tinatanong nila ay may balak pa ba akong mag-asawa. Gusto ko pa bang iwan ang buhay ng isang single? Gusto ko pa bang i-suko ang kalayaan na matagal ko nang nararanasan? Ang sarap kaya nung wala kang iniintindi bukod sa sarili mo. Wala ka nang dapat alalahanin. Wala kang dapat consider ang sitwasyon o nararamdaman. Wala kang ibang pinagkakagastusan kung hindi ang sarili mo.
Dapat tinatanong nila ako kung ano ba ang makakapag kumbinsi sa akin na iwan ang buhay na matagal ko nang nakasanayan. Paano ba ako makukumbinse na masaya ‘rin’ naman ang buhay mag asawa? Nakikita ko pa lang ang mga buhay nila ay hindi naman ako nakukumbinse na mas masaya ang buhay nila dahil may asawa sila. Parati na lang nilang sinasabi na, dapat mag asawa para may kasama sa buhay. Kapag may asawa naman kailangan magkaroon ka agad ng anak. Instant formula for happiness? Dapat raw may anak para may mag-aalaga kapag tumanda. Caregiver lang? Hindi pa nga natatagpuan ang potensyal na maging ama ng mga bata, may responsibilidad na agad ang mga batang hindi pa pinapanganak sa mundo.
Ikaw, bakit wala ka pa rin asawa?
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento