Lumaktaw sa pangunahing content

Sanay ka ba sa karayom, check-up, o mga sugat?

Yun ibang tao, sanay na magpa check up sa doktor. Yun ibang katulad ko naman ay hindi. Sa totoo lang, naiilang pa rin ako kapag kailangan na hawakan ako o kung kailangan ko mag hubad sa harap ng ibang tao para magpa check up. Ilang beses ko lang siya ginawa. 

Pero ang mas kinakatakot ko ay ang matusok ng karayom. Kaya dati noong bata pa ako tuwing pinapa vaccine ako ng nanay ko ay binibigyan ako ng kendi ng doktor. Hindi ko rin tinitignan ang pagtusok niya sa akin. Pagkatapos naman ako maturukan ng vaccine ay binibigay sa akin ng doktor ang pang-injection. Tinatanggal lang niya ang karayom. Pinaglalaruan ko naman ang injection. Doon ata nagsimulang umasa ang nanay ko na sana paglaki ko ay maisipan kong mag doktor. 

Nakakabilib talaga ang mga tao na nasa medical field. Hindi ko alam paano nila kinakaya ang mga ginagawa nila. Kahit isipin ko pa na sana nga sinunod ko ang nanay ko na mag doktor para masigurado na maganda ang kita ko kumpara sa pinili kong buhay, ay hindi talaga kaya ng powers ko. 

Natatakot talaga ako sa dugo. Noong elementary ako ay naipit ng ka-service ko ang daliri ko sa pintuan ng service namin. Malaki at malalim ang sugat sa hinlalaki ko kaya dinala ako sa clinic. Pagkatapos linisin ang nurse ang sugat ko ay pinagdikit niya ang balat ko na nahiwa. Buti na lang hindi na niya pinilit na ipatahi ang sugat dahil hindi ko talaga kakayanin. Sa tuwing may sugat rin ako ay sa bahay lang ginagamot. Noong nasugatan ng malaki ang tuhod ko dahil na disgrasya ako sa paglalaro sa labas ng bahay ay nilagyan lang din ng antibiotic ng pamilya ko ang sugat ko. Tinakot pa nila ako na may lalabas raw na tren sa laki. Pero buti hindi ako nadala sa ospital. Hindi kasi uso sa amin ang magpa-ospital lalo na mahal kasi iyon. 

Parati rin dumudugo ang ilong ko noong elementary ako. Dinala ako sa doktor ng nanay at tatay ko. Buti na lang yun vitamins na kailangan ko inumin ay parang kendi lang na Flinstones pa ang design. Pero kapag dadalhin na nila ako sa dentista ay umiiyak talaga ako. Kung pwede lang na itago sa kanila ang sakit na nararamdaman ko kapag kumikirot ang ngipin ko noong bata ako ay gagawin ko sana. Kaya lang dahil sobrang sakit na ay hindi na ako nakakatulog. Hindi ko na maitago sa kanila. Pagdating naman sa dentista ay ayoko. Umiiyak ako lalo. Natatakot ako na tatanggalin ang ngipin ko. Pero hindi ito pwede sa tatay ko. Bawal umiyak sa dentista. Kaya huhubarin niya ang sinturon niya. Ang kapal pa naman ng sinturon niya dahil kasama iyon sa uniporme nila. Kahit natatakot ako ay ayoko naman na mapalo ng tatay ko gamit ang sinturon niyang makapal doon sa dentista. Masakit na nga ang ngipin ko, masasaktan pa ako dahil napalo ako? Patong patong na sakit na iyon. Kaya mapipilitan akong tumigil sa pag-iyak at magpabunot na sa dentista.

Pakiramdam ko kapag hinihiwa namin ang mga specimen para sa biology class noong high school ay hinihiwa ko rin ang sarili ko. Kapag tinutusok ko ang balat nila ng karayom sa pan, ay pakiramdam ko tinutusok ko ang sarili ko. Pero para sa grade, ginagawa ko. Pinipilit ko ang sarili ko. Hindi ko rin kinakaya makita ang mga cadaver na nakalatag doon sa laboratory sa medicine building. Paano ko pa sila makakayanan pag-aralan????

Ayoko rin ng amoy ospital o mga clinic. Iba talaga ang pakiramdam ko kapag nasa ganoon lugar ako. Pakiramdam ko ay lalo akong nagkakasakit. Kaya lang noong mag-aaral ako sa ibang bansa, isa sa mga requirement maliban sa chest xray ay ang blood type. Hindi ko kasi alam ano ba talaga ang blood type ko, bilang sa bahay ako pinanganak walang record ng blood type ko. Kolehiyo na ako noong malaman ko ito. Yun tutusukin ako ng karayom para ma-test ang blood type ko hindi ko talaga kayang tignan. Pakiramdam ko nawawala ng energy ko bigla.

Pero makalipas ang maraming taon noong nasa ospital ang tatay ko, naghahanap ng pamalit na dugo sa mga ginagamit niyang dugo pero wala masyadong gustong mag bigay ng dugo. Dahil mahal ko ang tatay ko, gagawin ko lahat para makatulong. Magkaiba ang blood type namin. Noong una ay hindi ko kinakaya na yun ang laki pa ng karayom na gagamitin para makuha ang dugo ko. Noong tumagal na nawawala na ng lakas ang kamay ko, kaya tinanong ko na ang mga nag-aassist doon, "matatapos na po ba ako? kasi parang nanghihina na ako." Sa totoo lang, hindi ko na kaya pang pisilin ang bola na binigay nila. "Ay opo, tapos na po kayo." Sagot ng nag-aassist na med tech sa akin. Puno na pala ang bag ng dugo ko. 

Iyon isang kaibigan ko na nag-volunteer rin mag donate ng dugo para sa tatay ko ang katabi ko. Unang beses pa lang niya Noong sinabi na tapos na ako, nagsabi rin na "ako rin". Noong tinignan siya ng isang med tech doon ay namumutla na pala siya. Pero hindi pa puno ang bag niya. Agad na tinigil ang pagkuha ng dugo niya.

Kwento niya pa bago pa man ang araw na iyon ay minsan raw na inatasan siyang magbantay sa isang tita niya na nagpa opera ng dibdib kay Vicky Belo. Pagkatapos raw ng operasyon ay tinawag siya ng doktor upang maturuan kung paano lilinisin ang sugat ng tita niya. Inangat raw ng doktor ang balot ng sugat at noong sinisimulan pa lang na ipakita ang tamang paglinis ng sugat sabi raw niya, "sige po doc..." pero pagkatapos noon ay bigla raw siya nawalan ng malay. haha. Imbes na siya ang mag-alaga sa pasyente ay bigla naman siyang naging pasyente doon. 

Nakapagbigay pa naman siya ulit ng dugo pagkatapos noong araw na magkasabay kami sa pag donate ng dugo. Habang ako naman ay kahit na kumain pa ay nagdilim talaga ng paningin ko at nasusuka. Parang mawawalan rin ako ng malay pero ayoko makita iyon ng tatay ko. Ayaw ko na mag-alala siya sa akin. 

Noong nag-aaply ako ng part time para magturo ay kinailangan ko magpa check up. Ayoko noong hindi lang ako kailangan kuhanan ng dugo, kailangan ko rin magbigay ng ihi at dumi. Nakakadiri talaga. Naisip ko nga paano kaya iyon natitiis ng mga nagtatrabaho doon? Kaya hindi ko talaga nagustuhan ang magtrabaho sa ospital. 

Hindi ko alam kung bakit parang hinuhukay ang tiyan ko kapag alam ko na tutusukin ako ng karayom, pero para makumpleto ang mga kinakailangan, hindi ko na lang tinitignan ang pagtusok sa akin. Tinitiis ko na lang din ang diri ko sa pagbigay ng specimen sa kanila. Pati na rin ang hayaan ang doktor na hawakan ang mga parte ng katawan ko kahit hindi talaga ako sanay. Kaya lang nitong buwan na ito ay annual physical checkup namin. Tinapos ko ang mga maaari kong tapusin bago ang klase ko. Sa dami kong ginagawa ay hindi ko matandaan kung saan ko nailagay ang form ko para maipasa ang mga specimen na dapat raw ay hindi lalagpas sa dalawang oras. Pagdating ko kinabukasan ay ayaw nilang tanggapin ang specimen dahil wala raw ang form ko!!!! Sabi pa sa akin ay kailangan ko kumuha ng bagong form at magpapirm ulit!!! Siyempre ayoko nga nagpapa checkup uulitin ko pa???? haha. 

Bakit nga ba ang iba, sanay sa mga ito? Ikaw ba, sanay matusok ng karayom, magpa check-up, o makakita ng mga sugat?

Mga Komento

Mga Mabebentang Kuwento

Paano ba kami kapag may patay?

I sa sa iniiwasang pag-usapan ang tungkol sa patay. Pero paano ba kapag may patay kami? Katulad ng maraming pamilyang Pilipino, marami kaming sinusunod na pamahiin kapag mayroon kaming patay. Noong college ako ay nagsulat ako tungkol sa mga pamahiin ng mga Pilipino sa patay. Marami tayong mga pamahiin dito sa Pilipinas. Nag-iiba, nadagdagan at nababawasan ang mga ito depende sa lugar o probinsya. Pero sa mga pamahiin natin, ang mga pamahiin sa patay na ata ang pinakamarami.  Hindi man madaling isipin ang mamatayan  ng isang mahal sa buhay dahil lungkot ang una nating nararamdaman pero ito ay isang kaganapan kung saan dumarating ang mga kamaga-anak at nagkakaroon ng instant reunion. Umuuwi ang mga nasa ibang lugar na hindi madalas umuwi o nagpapadala ng pera ag dating mahirap hingan ng pera. Dumarating din ang mga outside the kulambo na pamilya sa mga lalaking may itinatago sa tunay na pamilya.  Habang nag-lalamay, inaalala ng mga tao ang namayapa. Paano ba siya noo...

Bakit Tayo Makasarili?

Bakit nga ba tayo makasarili? Ako, ako, ako, parati na lang ako sabi nga sa pelikula. Para sa iba, hindi nila maamin na makasarili sila, kasi para sa kanila perpekto sila. Sige na, kayo na. Pero para sa atin na aminado sa ating pagiging makasarili, bakit nga ba tayo ganito? Paano ba tayo nagiging makasarili? Sabi nga mahalin muna natin ang ating mga sarili bago tayo magmahal ng iba. Hindi masamang mahalin ang sarili. Kaya lang, lahat ng sobra ay  masama. Lahat rin ng bagay na sumasagasa na sa interes ng iba ay maaari na rin makasama. Dahil hindi natin maiiwasan ang pakikipag-ugnayan sa ating kapwa. Dito nasusukat ang ating pagkatao. Dito rin nalalaman kung paano natin tinitimbang ang mga bagay sa buhay natin.  Tignan natin ang mga ebidensya ng ating pagiging makasarili sa araw-araw. Kalamidad. Bakit nga ba nagbabaha? Isa na ata sa mga bagay na nakasanayan na ng mga nakatira sa siyudad ay ang karanasan sa baha. Bakit nga may baha? Paano imbes na itago muna ang balat ...

Na-LSS Ka Na Ba?

Na-LSS ka na ba? (LSS = Last Song Syndrome pero puwede rin naman na Last Sound Syndrome) Ito ay nangyayari tuwing mayroon tayong paulit-ulit na kanta na naririnig. Minsan tinatamaan tayo ng LSS dahil gusto natin ang kanta, minsan naman dahil ayaw natin sa kanta.  Natutunan ang tungkol sa pagkakaroon ng LSS noong ako ay nasa elementarya at high schol pa lang ako. Parati namin naririnig ang mga nagtitinda ng Selecta na tumutugtog upang manawag ng mga bibili lalo na mga bata. Dahil dito ay inuulit na ng kaibigan ko ang tugtog. Pero bago pa lang nangyari iyon ay naalala ko na sa sobrang pagkagusto ko sa isang kanta ni Ate Regine ay minsan kahit antok na antok na ako ay hindi ko mapigilan na hindi kumanta habang pinatutugtog ito sa radyo sa service. Nakakahiya man na nakikita ng mga ka-service ko na kumakanta ako habang natutulog bago ko napansin na ginagawa ko ang pagkanta at pagtulog ng sabay.  Noong nag-aral ako sa ibang bansa ay minsan pumunta kami ng mga kaibigan ko s...