Posible ba na isang araw magising ka na lang sa katotohanan na wala na ang pagnanais na makasama pa ang taong pinahalagahan mo ng sobra? Posible ba na ang closure ay hindi na kinakailangan pang umabot sa pagkakakataon na masabi ang mga dapat sabihin? Hindi na kailangan makapag-usap pa upang maging malinaw ang lahat.
Posible ba na ikaw na lang sa sarili mo ang nagsara ng isang kabanata sa kwento mo?
Hindi naman dahil hindi ko na siya mahal, pero natanggap ko na lang na hindi na siya babalik. Dati ang gusto ko sana ay magkausap kami ng personal para maayos na maisara ang kwentong ito--para wala nang mga "what if" na matitira. Pero ngayon ay natanggap ko na lang na ang kawalan ng "closure" ang katapusan ng kwento namin... Kaya hindi na ako naghihintay na magkausap pa kami para maayos akong makapagsimula sa buhay ko. Nawala na lang ang konting nararamdaman na natira sa akin dati.
Naaalala ko tuloy ang ilang bagay na inuulit sa Landmark Forum: "life is empty and meaningless" at nasa atin ang kapangyarihang magbigay ng meaning sa mga bagay dahil tayo raw ay "meaning-making machines".
Kung dati ay pinili ko na lumayo at umiwas. Sa ngayon ay ok na ako na makita siya. Pero hanggang doon lang. Gusto ko na lang din na makita niya na masaya na rin ako kahit papaano. Magkasabay ang inis at pandidiri sa sarili ko. Bakit ko ba siya nagustuhan? Bakit ba nakaiwas na ako nung una, hindi pa ako nadala. Lumapit pa talaga ako ulit? Akala ko kasi makukuha ko ang sagot sa mga tanong na hindi nasagot dati. Akala ko makukuha ko ang closure na kailangan ko.
Sa dami ng redflags na sinasabi ng mga nakapaligid sa akin tungkol sa kanya na hindi ko pinansin, siya lang din pala ang makakapagbigay ng lahat ng dahilan upang kalimutan na siya.
Nilinaw ng patuloy na pagiging malabo niya ang dati'y malabo para sa akin. Hindi dapat pinipilit ang mga bagay. Ang taong hindi ka pinili sa simula ay hindi ka pipiliin hanggang sa huli. Ang taong hindi ka pinahalagahan ay kahit kailan hindi ka matututunan na mapahalagahan. Hindi kailangan na may sabihin o pisikal na gawin pa na hindi maganda o nakakasakit para maitulak ka palayo ng taong mahal mo. Na hindi kailangan na magkasugat o magkabukol ka para lang magising ka sa katotohanan..
Makakaasa siya na hindi ko na siya ulit guguluhin. Mag-aalala pa rin ako para sa kanya. Matutuwa pa rin ako habang inaabot niya ang pangarap niya. Magmamahal ng malayo sa kanya. Hanggang doon na lang ang maaari at kaya kong gawin.
Hindi ko alam kung magmamahal pa akong muli pagkatapos nito na sa tingin ay sobrang nakakadalang pangyayari rin. Hindi na kasi ako natuto sa nakalipas kaya heto na naman ako nagkamaling muli. Maling mali. Hindi ko alam kung kaya ko pang magkamali muli. Pero hindi ibig sabihin umaasa pa ako sa wala. Hindi ko alam anong mangyayari mula ngayon. Basta ang alam ko, pagod na ako at tapos na ang kalokohan na ito. Nagising na ako. Naiiyak ko na ang lahat ng sama ng loob pati ang nararamdaman kong pagmamahal para sa kanya. Ilang taon din ang nasayang ko ngunit hindi na ako magsasayang pa ng oras mula ngayon.
Sabi nga sa kanta ng The Company na "Paki Sabi Na Lang" (1997):
"Nais kong malaman niya, nagmamahal ako
'Yan lang ang nag-iisang pangarap ko
Gusto ko mang sabihin, di ko kayang simulan
'Pag nagkita kayo, pakisabi na lang
"Pakisabi na lang na mahal ko s'ya
'Di na baleng may mahal s'yang iba
Pakisabi, 'wag s'yang mag-alala, 'di ako umaasa
Alam kong ito'y malabo, 'di ko na mababago
Gano'n pa man, pakisabi na lang
"Sana ay malaman niyang masaya na rin ako
Kahit na nasasaktan ang puso ko (kahit na nasasaktan ako)
Wala na 'kong maisip na mas madali pang paraan
"Umiibig ako (Lagi s'yang naririto sa puso ko)
Pakisabi na lang (Pwede ba?)..."
Paki sabi na lang kaya sa kanya, pwede ba?
P.S. Maaaring basahin: "Para sa Iyo, Mula Sa akin" (2021): https://mgakuwentonian.blogspot.com/2021/10/para-sa-iyo-mula-sa-akin.html
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento