Paano nga ba dapat magdasal?
Sabi nila dapat raw sincere ka. Kasi hindi mo pa nga sinasabi alam na ni Lord. Sabi rin nila sabihin mo kay Lord kung ano ang totoong gusto mo. Dapat raw specific para malinaw ang gusto mo.
Parang bang kapag humihiling sa Genie or sa fastfood restaurant lang? Ito po ang order ko…????Naaalala ko kasi yun sa “Bedazzled”. Kahit anong hiling niya sa Devil may ginagawa ang Devil para patuloy siyang humiling (kasi hindi siya nagiging masaya sa mga binibigay sa kanya o kung paano binibigay sa kanya ang hiling niya). At kapag naubos na niya ang mga hiling niya o ang ‘credit line’ niya sa Devil ay makukuha na ng Devil ang kaluluwa niya.
Kaya naisip ko kapag ba ganoon naman ang gagawin mo, iyon bang specific ang prayer mo, ano naman bayad mo sa dasal mo? Bakit sa mga wishing well, dapat maghulog ng barya. Sa genie, ang kondisyon ay dapat 3 lang ang wish. Sa fairy god mother, dapat aayusin na lang ang mga bagay—refurbishing kung baga ang peg tulad kay Cinderella. Diba yun damit na sira, pinaganda, yun daga ginawang tao, etc.
Sa iba naman mag-aalay raw dapat ng kandila o kung ano man. May offer? O Sacrifice? Dapat ba mula/dahil sa pagmamahal ang dasal mo upang maging sapat na iyon na para ibigay sa iyo? Kaya mayroong iba nag-nonobena. Naaalala ko noong nasa kolehiyo pa ako. Mayroon kaming isang kaibigan na nag-nonobena kay St. Jude. Noong third year kami ay binibiro namin siya na siguro kapag nagpupunta siya kay St. Jude, tinitignan niya ang mga lalaki na nagtitirik ng kandila para sa love life. Dati kasi iba-iba ang kulay ng kandila doon ayon sa hiling mo. Nagkaroon naman siya nobyo, kaya lang hindi naman iyon ang napangasawa niya. Well, masaya naman na siya sa binigay sa kanya ni Lord. Alam mo iyon, ang dami rin naman niyang iniyak bago niya nakilala ang asawa niya. Pero hindi naman siya nanatiling malungkot.
Sabi nga ng iba, magtiwala at manalig lang kay Lord. Kasi dapat yun gusto ni Lord ang masusunod. Kasi siya nakakaalam ng nararapat sa iyo. So paano, dapat pag nagdadasal, “Lord, suggestion lang naman po ito...”?
Hindi naman kaya dapat hindi ito isang dasal na makasarili o iyon makakabuti lang para sa nagdadasal kaya hindi ito dapat makakasama sa kapwa. Dapat makakabuti sa sarili at sa iba.
Kaya minsan, ito na lang talaga masasabi natin: “Lord, kayo na lang po ang bahala. Napapagod na po ako sa buhay at mag-isip. Alam niyo na po ang ginagawa niyo. Kaya push lang kung ano man iyan balak niyo para sa akin…”Maghihintay na lang po tayo sa sagot: "Oo," "hindi, at "wait lang". Kasi hindi naman fairygod mother, magician, o genie si God. Kaya hindi rin instant ang sagot niya.
At sabi nga rin nila, hindi dahil lumipas na naman ang isang araw, buwan, o mga taon sa buhay natin na hindi natin nakuha ang sagot ay ibig sabihin na "no" agad o "sorry, the line is busy right now" ang sagot niya. Sigurado mayroon siyang ginagawa para sa iyo.
Bakit tayo pinaghihintay? Parang sa paghihintay, maaari raw tayo maging mas matutong manalig sa kanya. Maaaring hinahanda pa niya tayo para sa ibibigay niya. Para raw ma-enjoy talaga natin ang pagkakataon sa buhay natin bago pa makuha ang hinihiling. Kailangan raw mas ito para mas ma-appreciate natin ang ibibigay sa atin kapag ito ay nakuha. No return, no exchange, no refund. Minsan sa online shopping akala mo yun ang gusto mo, excited ka sa pagdating ng order mo, biglang ayaw mo na. Malay mo habang naghihintay ka, nababago na rin ang gusto mo mula sa hinihiling mo…
Pero ano naman ang dapat natin gewin pagkatapos magdasal at habang naghihintay ng sagot ni Lord? Dapat ba wait lang as in walang dapat ginagawa? O dapat subukan pa rin gumawa ng mga bagay, baka sakalına sa ganoon paraan ay makuha natin ang sagot ni Lord kahit paunti-unti lang? Kasi sabi nila: nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa diba? Pero kung naman, kahit na sinubukan mong gawin ang parte mo para sa pinagdadasal mo, ay mukhang hindi iyon ang gusto ni Lord para sa iyo, e 'di ayun ang ang sagot niya! Kasama naman ang mga ito sa mga kwento ng buhay natin. Kung hindi ako nagkakamali, wala rin naman ako maikukwento dito eh. Kaya pray, believe, and do your part.
Ikaw, paano ka ba nagdadasal?
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento