2024 na. Balik na sa normal ang mga tao. Ano naman ang “new year’s resolution” mo?
Nakakatawa na hindi lang pala sa ating mga Pilipino uso na ang nangunungunang “new year’s resolution” ay ang pagpapapayat. Sabi sa BBC, ito pala talaga ang pangunahing resolution ng mga tao. Pagkatapos lumapang ng bongga nitong holiday season, balak ng mga tao na magbalik-alindog program bago naman daw dumating ang Valentine’s o summer season para ‘beach bod’ na. Pero kaya ba talagang mabawas ang timbang na dinagdag mo sa loob lang ng ilang linggo?
Siyempre iba-iba naman ang mga tao. Mayroon talagang magaling magpapayat. Disiplina, tamang diet, exercise. Kaya nila e. Habang ang iba, este karamihan ay nahihirapan dito. Paano? Akala nila sapat na ang pagpunta sa gym. Mayroon pa akong mga kakilala nagbayad talaga ng membership para daw mapilitan silang pumunta. Ayun, ganun pa rin naman.
Mayroon rin naman akala sa crashed diet, o kapag ginutom mo ang sarili mo, papayat ka na. Kaya lang, marami kasi ilang araw lang, sumusuko na. Mahirap naman kasi talagang magsimula. Matinding self-control ang kailangan para mapigilan mo ang sarili mo. Lalo na kapag sumasabay ka kumain sa mga taong masasarap ang kinakain. Isa pa, kapag ginugutom mo ang sarili mo, ang nangyayari kasi lalo kang mag crave, lalong lalakas ang kain. Naaalala ko noong nag desisyon akong magpapayat dati. Hindi dahil parte iyon ng new year’s resolution ko, pero dahil marami na ang pumupuna sa taba ko. Sinubukan ko lahat, pero ang hirap talaga. Lalo na kapag nakikita ko ang bagong saing na kanin kapag kumakain kami ng pamilya ko. Alam mo yun nakikita mo pa yun usok pati ang bago talaga ng bagong saing na kanin. Parang gusto kong sakalin ang sarili ko kasi gustong gusto ko kumain rin. Ang hirap talaga.
Pero kinaya ko kasi pagod na akong naririnig ang mga puna ng mga tao. Kaya lang ayun ulit, Malaki na ulit ang tiyan ko haha. Kasi naman sab inga: Nasa edad na rin ang pagpapapayat. Oo, kapag mas may edad na, mas mahirap na raw magbawas ng timbang. Totoo naman lalo na kapag babae. Ang hirap magbawas ng bilbil at puson. Hay, dapat maaga palang sinumulan na. Nakakainis yun mga babaeng kahit hindi mag-effort hindi tumataba o lumalaki ang puson. Sige na nga, genes naman ang may kasalanan!
Bukod sa pagpapapayat, ang iba naman ay ang pag-iipon, pag-invest, o pagpapayaman ang resolution. Kaya lang January 1 pa lang may 1.1 na agad sa online shopping, tapos buwan buwan na iyan. 2.2, 3.3, 4.4, 5.5, 6.6, etc. Mayroon end of season sale at kada may special occasions, tulad ng malapit na rin ang Lunar New Year. O Lunar New Year, dapat bago ang look. Pagpasok ng Pebrero Valentine’s naman. Buti na lang sa mga single, hindi na kailangan gumastos diyan. Pero naman nandyan pa rin ang mga tukso mula sa seat sale ng mga airline company. Go na sa long weekend! Paano kung ang patuloy na pagtaas ng mga bilihin na hindi naman nakakasabay sa kinikita mo? (Kung hindi ka maka-relate diyan, e di ikaw na ang mayaman.)
Nandyan rin ang mga yaya ng mga kaibigan at ka-opisina kumain, uminom, at mag-kape sa mga mamahalin coffee shop. Paano ang birthday mo at birthday ng mga mahal mo sa buhay? Darating din ang iba pang mga okasyon na kailangan gastusan. Hanggang sa hindi mo mamalayan magpa-Pasko na naman kailangan mo na naman mag-ipon ng stars para sa Starbucks Planner at cup. Mapupuno na naman ang schedule mo ng mga party at reunion. Kapag may party at reunion, malamang mayroon rin gastos. Bibili ka pa ng mga regalo. Isabay mo pa sa mga ibibigay sa mga inaanak mo. Kaya paano ka na mag-iipon?
Naging resolution mo ba na maging mabuti na ngayon taon? Mas mahirap ano? Kaya mag-diet ka na lang talaga. Haha.
Ilang beses mo na bang sinabi na iyan ang resolution mo para sa new year? Nasunod mo naman ba? Ang iba nga higit sa isang resolution pa ang sinasabi. Ilan kaya doon ang natutupad nila? Sabi rin sa BBC, dapat nga raw isa-isa lang. Pero nasa tao pa rin naman ito. Wala naman pumipilit kung ilan at ano ang resolution sa new year ng mga tao. Dapat lang iyon kaya mong panindigan.
Ikaw, anong new year’s resolution mo?
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento