Ngayon malapit na naman matapos ang isang taon at dumating ang bago, panahon rin upang muling balikan ang mga nangyari nitong isang taon. Paano mo ginamit ang oras na binigay sa iyo nitong 2023? Masasabi mo bang naging makabuluhan ang 2023 mo? Dahil blog ko ito, siyempre ako muna ang mag-iisa isa ng mga nangyari sa akin. Kaya ang tanong ko sa sarili ko: anong ginawa ko sa loob ng taong 2023?
Enero
Tatlong taon na mula nang nagsimula ang taon ko sa balitang wala na ang tatay ko. sinabi ko sa sarili ko kailangan ko nang pagtuunan ng pansin ang sarili ko. Panahon na upang – isang malaking desisyon ang ginawa ko. Isang mahal na desisyon na kailangan ko gawin para sa mental health ko at para makapagsimulang muli.
Kaya lang naging pagkakataon rin ito upang masimulan kong harapin ang isang bagay na matagal ko nang isinantabi…Makalipas ang ilang buwan na iniwasan kong buksan ang isang social media account ko ay nakilala akong bagong kaibigan na nagpapa-add doon. Kaya ayun pagbukas ko bumungad sa akin ang mga post ng taong iniwasan ko ng matagal. Sabi ko kasi sa sarili ko, kung gusto kong mag move on mula sa kanya, kailangan ko rin na iwasan na may malaman pa tungkol sa kanya.
Pebrero
Pagpasok ng Pebrero ay mayroon na naman isang nagpapa-add sa akin sa isang social media account ko. Sinabi ko na hindi ko naman binubuksan. Mapilit siya. Binigay pa ang cellphone niya para hanapin ko raw ang account ko at mag rerequest siya. Dahil hindi ko na siya maiwasan pa, ginawa ko na lang. Sabi niya “add niyo po ako.” Pero sabi ko sa kanya kapag nagbukas na ako ng account ko. Alam ko naman na matagal ko pa bubuksan iyon kaya bahala na siya. Linggo linggo niya ako kinukulit na hindi ko pa raw in-accept ang request niya. Kaya napilitan akong buksan ang account ko. Ayun nga bumungad na naman sa akin ang mga post ng taong kinakalimutan ko na…so paano na?
Marso
Ikatlong taon na rin mula nang nawala ang nanay ko dalawang buwan lang makalipas mawala ng tatay ko. Tatlong taon na rin akong ulila. Tatlong taon na rin akong walang pamilya. Ganito pala ang pakiramdam kapag mag-isa ka na lang sa buhay.
Naimbitahan ako ng ilang estudyante na magsalita para sa Women’s Month na programa nila. Pero naisip ko lang lalo si Mommy. Ilang ticket rin para sa concert ang binili ko. Naisip ko kasi wala naman akong balak mag biyahe ngayon taon, kaya manonood na lang ako ng mga concert. Sa totoo lang, hindi na ako na-eexcite kapag naiisip ko ang pagbibiyahe. Hindi na ako masyado na-excite pag naiisip ko ang mga bagay na dating nagpapasaya sa akin. Para sa akin, ang lahat ng mga iyon ay bahagi na lamang ng buhay ko noong kasama ko pa ang magulang ko. Ang buhay na natapos na. Hindi na ako iyon ngayon. Nagawa ko na rin ang mga bagay na gusto ko gawin dati, kaya ano pa ba ang natitira sa akin para gawin dito?
Abril
Bigla na lang akong nagsimula na naman maaalala na wala na ang nanay at tatay ko. Ilang araw akong umiiyak kaya siguro biglang bumagsak ang immune system ko. Bago matapos ang buwan ay nagkasakit ako. Kahit sobrang masama na ang pakiramdam ko ay pinilit ko pa rin pumasok sa trabaho. Hindi ko na lang hinuhubas ang mask ko at pinipilit ko rin lumayo sa mga tao para kung ano man ang sakit ko ay hindi sila mahawa. Buti na lang din may mga araw na walang pasok.
Mayo
Nagsimula ang buwan na may sakit pa rin ako. Nagsabi ko na hindi na muna ako papasok pagkatapos ng interview sa akin. Habang nagpapahinga ako sa bahay dahil nga may sakit ako, ay bigla naman lumabas sa balita na dineclare na ng WHO na hindi isang public emergency ang COVID 19. Kaya lang biglang nagmessage ang isang kaibigan ko sa trabaho na nagpositive raw siya sa COVID kaya dapat mag test rin ako. Kinabukasan ay bumili ako ng ng pang test at ayun nga, positive rin ako. Hay. Kailan hindi na uso bigla naman akong humabol. So like me! Haha.
Ang pinaka mahirap pa sa pagkakasakit ko ay ang kung kailan kailangan kong magpahinga ay iyon din naman ang panahon na sobrang daming trabaho:
patapos na ang sem kaya kailangan tapusin ang mga pag check ng mga quiz
kailangan matapos na ang mga lesson bago ang finals (kahit nasa bahay ako kaya nag record na lang ako ng ibang lecture para hindi ako umuubo habang klase)
kailangan gumawa ng final exam
kailangan mag attend ng thesis proposal defense
kailangan mag check ng final exam
kailangan mag grade consultation at ibigay ang grade nila bago encoding
kailangan mag encode ng grade at submit ang lahat ng requirement para sa clearance
Kasabay pa ng mga ito ang pag hingi ng pabor ng isang kakillala para sa kanilang event. Plano ko sana magpahinga kahit isang araw lang para nga tuluyan na akong gumaling pero nahiya naman akong tumanggi. Kailangan raw ng host at moderator. Pumayag na ako kasi sa bahay lang naman. Kaya kahit barado pa rin ang ilong ko at inuubo ay pinilit ko. Uminom na lang ako ng gamot, Lola Remedios, at salabat na may honey para lang hindi mahalata na mayroon pa rin akong sakit.
Kasunod na rin ang isa pang pabor na hiningi ng isang kaibigan para naman basahin ang limang pinagpipilian nilang Thesis para sa Best Thesis. Siyempre pumayag na rin ako. Sinisingit rin sa mga ito ang mga online interview para sa ikalawang paper na ginagawa ko kasama ang isang kasama sa trabaho.
Bago matapos ang buwan ay kinailangan ko rin mag apply ng visa para sa Korea. Na-expire na kasi ang visa ko noong pandemic at kailangan ko na ulit dahil mayroon kaming conference sa June. Pahirapan ang pag book ng appointment pero buti na lang naka-book kami. Medyo mas marami lang ang requirement na kailangan ayusin. Ilang araw ang lumipas ay nakuha ko na ang visa. Sa araw na rin na mayroon kaming dinner ng department para sa pagtatapos ng semester.
Hunyo
Pagpasok ng Hunyo ay simula naman ng Summer Term. Kasabay pa ng dalawang paper na ipepresent sa conferences bago matapos ang buwan. Nagsimula na ang Summer Term. Kailangan ko rin bumalik ng Korea makalipas ang 4 na taon para sa conference. Inayos ko na rin ang isang meeting. Habang nasa Korea, kinailangan rin naming mag present sa isa pang conference sa United Kingdom. Pero dahil hindi na keri ng powers naming na pumunta doon ng isang araw, pinili na lang namin mag-present online. Bumalik ako sa dati kong university sa Korea kahit sandal lang. Hindi ko mapaliwanag ang naramdaman ko. Ang laki na ng pinagbago ng university. Mas marami nang mga building, pero nandoon pa rin ang mga dating building na pinupuntahan ko. Bumalik sa akin mga alaaala, pero dahil iba na ang mga kasama ko, ngumiti na lang ako.
Hulyo
Natapos na ang conference. Nag-extend ako sa Korea. Sabi ko mag-solo travel ako sa Busan para kahit saglit lang ay makahinga sa mga pinagdadaanan ko nitong mga nakalipas na taon. Pag-uwi ko ng Manila, balik trabaho na ulit. Para matapos ko ang mga kailangan puntahan sa internship monitoring ay naging Angkas/JoyRide queen na rin ako. Minsan Grab, minsan dala ko na rin ang kotse ko. Matapos lang talaga agad. Ilang araw bago matapos ang Summer Term, bigla naman umeksena ang laptop ko na ginagamit sa documents. Biglang ayaw nang bumukas. Ilang beses ko pinagawa. Naka P10,000 na ako mabawi ko lang ang mga file ko doon. Kaya naman bigla na rin akong napabili ng bagong laptop. Wala sa plano pero kailangan ko na talaga. Kaya lang online ko siya binili kaya kailangan ko maghintay ng halos dakawang linggo.
Habang naghihintay dumating ang bagong laptop ay wala akong magamit na laptop. Gawaan pa ng grade. Schedule na rin ng exam ko sa IELTS para umabot sa unang application ko sana ng Agosto. Kinailangan rin namin magpaalam sa mga estudyante sa graduation.
Agosto
Bago mag-simula ng bagong semester, unang araw ng buwan ay natupad ang isang pangarap ko ng bata ako. Ang mapanood si Alanis ng live sa concert!
Dumating rin ang isang ka-meeting naming para pag-usapan ang memorandum of understanding. Nilibot na rin naming siya sa Maynila at pinag-usapan naman ang mga plano namin sa career namin. Sinubukan rin ako sa sinabi ko noong Nobyembre 2022 na pinapatawad ko na ang mga taong gumawa sa akin ng masama.
Setyembre
Puro sa trabaho ang ginawa ko. Kinailangan ko na rin simulan ang ibang mga bagay na para sa semester. Sinumulan ko rin mag nobena ulit.
Oktubre
Birthday month ni mommy and daddy. Siyempre ilang araw na naman akong umiiyak dahil naaalala ko lang na wala na sila. Bago matapos ang buwan isa pang matagal ko ng gusto ay nangyari. Natupad rin na mapanood ko ang The Corrs ng live! Ang saya ko talaga. Kahit papaano siguro nagsisimula na akong mag simulang muli…Nag submit na rin ako ng unang application ko. Nagsimula na rin ako sa treatment ko. Kinailangan ko rin ipagupit ang buhok ko para sa treatment.
Nobyembre
Binisita ko sila mommy at daddy. Nagkaroon rin kami ng events at dinners. Nagkaroon rin ng community extension. Ginawa ko na rin ang paper para sa conference sa Indonesia. Nakakatawa ang reaksyon ng mga estudyante sa pagpapagupit ko. Nagulat sila. Bakit raw bigla. Sabi ko sa kanila "heartbroken ako". Parati naman haha. Inunahan ko na ang mangyayari sa Disyembre. haha. Buti rin may Hamilton. Hindi ko pa kasi napanood noong nasa UK ako.
Thesis Defense rin kaya ang daming kailangan basahin na papel pati mga consultation. Klase at consultations bago ang alis ko papuntang Indonesia habang may transport strike. Huling sabado ng buwan ay para akong nasa Amazing Race. Klase sa umaga online kasunod naman ang thesis redefense pagkakain ng tanghalian. Nag-ayos lang ako ng bagahe ng last minute bago magpunta sa airport. Long weekend kaya ang hirap mag book ng Grab. Ang hirap rin pumunta sa airport. Yun dapat na isang tumbling lang ako papunta sa airport ay inabot ng halos isang oras na rin sa sobrang trapik.
Isang linggo kami sa Indonesia para sa meeting at conference. Unang biyahe ko na hindi ko na hindi man lang ako nagpaalam sa emergency contact ko na aalis ako. Maayos naman ang nangyari sa Indonesia.
Disyembre
Bumalik na ako sa Pilipinas. Maraming kailangan tapusin para sa pagtatapos ng semester. Thesis Defense ng ibang department kaya ilang papel na naman ang binasa ko at inupuan. Tinapos ko na ang mga quiz at requirement na kailangan ibalik. Kailangan gumawa ng mga exam. Dalawang event sa loob ng isang araw sumabay pa ulit ang earthquake. Ganoon din ang nangyari noong isang taon sa akin. Hay. Submission rin ng proposal para sa isang conference sa susunod na taon.
Huling lectures, exam, check ng exams, gawa ng grade, encode ng grade, gawa ng requirements para sa community extension, Christmas Party…Dalawang masamang balita rin ang natanggap ko.
At siyempre nagkaroon rin ako ng pagkakataon tapusin na ang dapat tapusin. Nauna na ang pagpapagupit ko ng buhok kaya hindi na malalaman ng mga tao ang nangyari. Sabagay sino ba may pakialam? haha. Pero ngayon, siyempre bittersweet. Ito na ang katapusan ng second chapter. Nakuha ko naman ang sagot sa isang bagay na dapat matagal ko na talagang tinanggap/hinarap. Hanggang ganoon na lang talaga iyon. Ngayon matatapos ko ang taon na habang sinasara ko na ang bahaging iyon ng buhay ko. Lahat tayo nagkakamali. Minsan talaga iyon sinasabi mong 'malabo' ay hindi naman talaga malabo, malinaw na sagot na iyon sa mga tanong mo. Hindi mo lang talaga matanggap ang sagot kasi hindi iyon ang gusto mong sagot. Nasayang ko lang ba ang oras ko sa kanya? Siguro. Pero siguro nangyari ang mga iyon kasi mayroon akong dapat mapulot na aral mula sa karanasan na iyon. Sa susunod ko na ikukwento iyon siyempre sa pagtatapos ng Ikalawang Yugto.
Mula Enero hanggang Disyembre ay nag-unti unti akong nakipagkita at nakipag-usap sa mga kaibigan at kakilala ko. Sinusubukan ko nang makita ang kabuluhan ng buhay ko. Ngunit ngayon binalikan ko ang mga nangyari sa 2023 ko, iniisiip ko, naging makabuluhan ba ang taon ko? O nasayang ko na naman ang oras ko? Marami naman akong natutunan. Marami pa rin mga pagkakamaling nagawa. Mayroon ba akong mga dapat panghinayangan? Pero sa totoo lang, ngayon taon naisip ko rin: hindi mo dapat panghinayangan ang mga bagay na hindi para sa iyo.
Minsan naitatanong ko pa rin kung bakit ba nagigising pa ako kapag umaga. Ano naman kaya ay kung kailangan magbawas ng tao sa mundo, volunteer na lang ako. Kaya lang, hindi e. Heto pa rin kaya nagsusulat na lang muna. Ginagawa ang mga bagay na magpapabilis ng oras habang naghihintay sa oras na maaari na talaga akong magpahinga habang buhay. At habang naghihintay ay patuloy na lang maging masaya para sa mga taong may dahilan upang mabuhay.
Ikaw, naging makabuluhan ba ang taon mo?
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento