Si Daddy.
Paano ko ba sisimulan ang kwento tungkol sa tatay ko? Siguro kung sino muna siya?
Si Daddy ay ikalawa sa sampung magkakapatid mula sa isang simpleng pamilya sa Ilocos. Magsasaka ang Lolo Francisco ng kanilang lupa kaya hindi nila problema ang pagkain. Kaya lang kulang sila sa pera upang mapag-aral sila Daddy lahat. Kaya naman noong papasok na siya ng kolehiyo ay tumira siya sa kapatid ni lolo sa Laguna na nagpa-aral sa kanya. Nagloko raw kasi sa pag-aaral ang kuya ni Daddy kaya siya muna ang pinag-aral. Kaya lang pagkatapos ng second year ng college ay kinausap na ng kuya niya ang tiyo nila na gusto na raw nitong mag-aral ulit. Kaya lang isa lang pwedeng pag-aralin ng tiyo nila. Bilang ang tatay ko ay mapagbigay sa pamilya ay nagbigay siya ng daan. Tumigil na lang siya sa pag-aaral at nagtrabaho sa talyer. Natutunan niyang magdrive at magkumpuni ng mga sasakyan.
Kinumbinsi ang tatay ko ng isang kamag-anak nila na mag-apply sa US Navy. Kaya lang noong huling interview raw ay sinabihan siya ng nag-iinterview na may kaguluhan sa papeles niya. Lumaki kasi siya na ang alam niya ay isa lang pangalan niya. Kaya ang mga school record niya ay isang pangalan lang ang gamit niya. Ngunit noong kumuha siya ng birth certificate para sa application niya sa US Navy ay doon niya nalaman na mayroon pala siyang pangalawang pangalan! Sabi ko nga sa kanya, ano iyon pinaglihim sa inyo na mayroon pala kayong pangalawang pangalan? Haha. Kaya lang iyon ang naging dahilan kaya hindi siya tinanggap. Pinapaayos sa kanya ang record niya. Ngunit dahil wala na rin siya pera para maiayos ang record niya, ay sumuko na lang siya application niya.
Doon naman siya kinumbinsi ng isa pang kamag-anak na nasa military na mag-apply. Natanggap naman siya. At doon na rin ang naging dahilan kung paano niya nakilala si Mommy. (Sa susunod ko na lang ikukwento ang kuwento nila).
Paano ko ba siya ipapakilala ng mabilis? Para sa akin siya ay jack of trades. Maliban sa mga kaya niyang gawin bilang isang sundalo, ay kaya niya lahat mula sa pagkumpuni ng mga sasakyan, appliances, kuryente, pagtatanim, pag mamaneho, pagluluto, calligraphy, pagkanta, atbp. Hindi ko rin alam bakit ang amo ng mga aso sa kanya. Kapag naglalakad kami sa madilim na lugar at may asong mukhang mangangagat, kakapit lang ako sa Daddy ko ay nawawala na ang takot kasi alam ko na hindi ako malalapitan ng aso. Tahimik lang madalas si Daddy pero mahilig rin magbiro.
Noong bata pa ako ay naabutan ko yun panahon na mayroon na siyang matinding sakit. Sabi nila dahil raw masyadong palabiro sa Daddy kaya may isang babaeng akala ay may gusto ang tatay ko sa kanya. Noong malaman na hindi naman dahil nga may asawa na si Daddy ay pinakulam raw si Daddy. Dapat lang daw yun kay Daddy kasi hindi siya nagustuhan.
Kwento ng nanay ko noong baby raw ako ay minsan nagising siya ng madaling araw. Nakita niya na nakatayo si Daddy sa may kuna ko na umiiyak habang nakatingin sa akin. Tinanong raw niya kung bakit, sabi raw ni Daddy kasi hindi niya ako mahawakan. Matindi kasi ang sakit niya noon. Tuwang tuwa pa naman daw si Daddy na sinasabi ng mga tao na kamukha ko siya at kapag ngumingiti ako noong baby ako ay nakikita niyang may dimple ako.
Noong bata rin ako ay si Daddy ang parating may karga sa akin lalo na kapag nasa simbahan kami. Naaalala ko pa ang pabango niya na hanggang sa bago siya mamatay ay iyon pa rin ang paborito niyang pabango. Hanggang ngayon ay naaalala ko pa rin ang amoy ng pabango niya.
Noong lumalaki ako ay parating sinasabi ng mga tao na kamukha ko si Daddy. Pero dahil alam ko na babae ako ay gusto ko si Mommy ang kamukha ko. Parati rin kasi akong tinutukso na maitim tulad ni Daddy, eh si Mommy maputi, kaya dapat si Mommy kamukha ko. Umiiyak ako kapag sinasabi nilang kamukha ko si Daddy. Pero noong lumalaki na ako ay sinasabi ng mga tao na kung kamukha ko raw si Daddy ang ibig sabihin ay gwapo si Daddy. Kaya siguro may mga babaeng umaaligid. Pero kayo na rin ang mag judge. Hehe. Pero noong nasa grad school na ako ay may biglang dumalaw sa bahay namin na mga kaklase ni Mommy ng elementary. Hindi pa kami tapos kumain ng hapunan kaya sabi ng mga kaklase ni Mommy maghihintay na lang muna raw sila sa sala. Habang nasa sala sila ay kinakausap sila ni Daddy. Narinig ko sabi ng mga kaklase ni Mommy habang tinitignan ang mga graduation picture ko: “ay sir, kamukha niyo pala ang anak niyong babae…” Pabulong silang sinagot agad ng Daddy, “ssshh, huwag kayong maingay baka marinig kayo, magagalit…” Haha. Alam pala niya. Haha.
Dahil sa trabaho ni Daddy ay madalas siyang nasa ibang lugar. Madalas ay nasa Mindanao siya dahil magulo sa Mindanao ay kailangan sila tumigil doon. Noong bata pa ako ay hindi ko masyado inaalala ang mga panahon na wala siya. Kasi laging may mga kamag-anak na nakikitira sa bahay namin. Maraming tao parati. Mayroon mga tinuruan niyang mag drive na mga pamangkin ni mommy na maaaring mag drive para sa amin kapag wala siya.
Mahalaga para sa Daddy ko ang pag-aaral. Kaya mahigpit siya sa amin ni kuya kapag pag-aaral naming ang usapan. Takot ako sa kurot ng nanay ko, pero mas takot ako sa palo ng tatay ko. Ginagamit niya kasi ang makapal niyang sinturon, minsan naman ang ginamit niya ay isang makapal na fiber plastic. Kapag hindi ko makabisado ang multiplication table ay palo ang katapat noon. Noong bata ako ay mas gusto ko na wala siya, kasi isa lang ang nagdidisiplina sa amin…si Mommy lang. Kapag andyan siya, dalawa sila. Iba ang parusa ni Mommy, iba ang kay Daddy. Kaya naman ako natutong matakot na magkamali. Ayoko na magkakamali kasi ayokong napapagalitan. Kaya lang bilang bata ay nagkakamali pa rin.
Noong naka 15 taon na siya sa serbisyo ay nag early retirement na ang tatay ko. Para pambayad na rin sa utang nila sa kapatid niya na ginamit nila sa Negosyo at sa bahay. Tumigil na rin siya kasi gusto raw niya na maalagaan naman ang bunso niya. Ako iyon. Kaya mula nang mag retire siya ay hatid sundo niya ako sa school hanggang sa nag trabaho na ako at nag masters. Kapag si Daddy ang nagmamaneho ay parati akong tulog. Magaling kasi siya mag drive. Hindi rin ako nag-aaalala kapag siya ang driver. Tsaka madali lang talaga akong makatulog sa biyahe. Haha.
Si Daddy ang parating kasama ko. Sa araw araw naman namin magkasama, madalas rin kaming nagtatalo. Nagtatalo kami dahil sa TV. Iba ang gusto niyang panoorin, iba naman ang gusto ko. Dahil noong una ay isa lang ang TV. Noong nagkaroon naman ng isa pang TV ay hindi masyadong maganda ang signal ng cable sa ikalawang TV. Pati ang mga ginagawa ko ay nasa sala, kaya gusto ko yun TV sa sala.
Nagtatalo rin kami sa iba pang bagay kasi matanong si Daddy. Lahat inaaalam. Natatawag ko tuloy siyang ‘kulit’. Haha. Minsan kasi naitanong na niya, itatanong pa niya ulit. Minsan naman antok na antok na ako, doon naman siya magtatatanong. Haha. Sorry na Daddy. Pero nakakamiss ang pangungulit niya sa akin.
Si Mommy naman ang parati kong sinusumbungan kapag nag-aaway kami ni Daddy. Kasi kapag sinabi na ni Mommy na pagbigyan ako, hindi na nagsasalita si Daddy, payag na siya. Kapag nagtatalo kami ni Daddy, sasabihin ni Mommy, “kayong dalawa ang laging magkasama, pero away kayo ng away.” Haha. Totoo naman. Ganoon ata talaga.
Masipag rin sumagot ng telepono ang Daddy. Kaya kapag mayroon mga tumatawag sa akin na boses ng lalaki ay nagtatanong iyon. May mga kaklase akong lalaki noong college na noong unang mga pagkakataon na tumatawag sa bahay ay sinabi sa akin na nakakatakot raw ang boses ng tatay ko. Pero tumatawag pa rin naman sila ulit. Haha.
Mahigpit si Daddy sa mga nakapaligid sa akin. Inaalam niya kung sino ang mga kaibigan ko. Sino ang mga kasama ko. Noong first year first sem ng college ay bumagyo kaya suspended ang pasok kaya lang nasa school na kami. Sa sobrang lakas ng hangin ay nasira ang payong ko na nabili ko ng 3 for P100 sa Divi. Kaya sinamahan ako ng isang kaklase ko na noong panahon na iyon ay hindi pa umaamin na bakla siya (Dahil second year na kami noong nagladlad siya). Magkasukob kami sa payong niya. Parang sa pelikula ano? Kaya lang hindi kami talo. Pagsakay ko ng sasakyan, unang tanong ng tatay ko, “sino ‘yon? Bakla ba ‘yon?” Sabi ko naman, “oo, bakla ‘yon.” Niladlad ko na ang kaklase ko na nagmagandang loob lang na payungan ako, huwag lang ako mapagalitan ng tatay ko. Haha. Noong second college pa naman ay nagkaroon kami ng umagang Basketball Coed na P.E. class ng mga kaibigan ko. After lunch ang klase naming kaya naman siyempre maliligo muna kami pagkatapos ng P.E. bago pumasok sa mga klase namin. Naikwento ko kay Daddy na sumasama sa shower room naming mga babae ang mga kaibigan naming bakla. Doon rin sila naliligo ay nagbibihis. Ayaw raw kasi nila kasama ang mga lalaki sa shower room. Sabi ba naman ng tatay ko, “baka naman hindi totoong bakla ang mga iyon?” haha. O diba, tamang duda talaga siya eh. Para kasi sa kanya ang ganda ng anak niya eh. Haha.
Minsan sinundo ako ng Daddy ko noong second year college ay nakita niyang biglang hinila ng isang kaklase kong lalaki ang bag ko. Natakot ako kasi sinabihan ako nila Mommy na bawal ako mag boyfriend hanggang nasa college pa ako. Pagsakay ko ng sasakyan ay tinanong ako ng tatay ko kung nanliligaw raw sa akin iyon. Siyempre ayoko mapagalitan kaya sabi ko agad, “hindi noh! Kay **** nanliligaw ‘yon.” Tumahimik na siya. Kaya lang noong tumawag sa bahay ang kaklase kong iyon ng madalas, ayun natanong na naman ako ng tatay ko. Naku kung alam lang niya hindi ko naman din gusto iyon kahit pa pagduduhan niya lang.
Minsan sinabi ko sa Daddy ko na kaya ako nahihirapan maghanap ng makakasama sa buhay kasi gusto ko katulad niya. Natawa siya. Sabi niya mahirap raw talaga humanap ng katulad niya. Nakita ko kasi kung paano siya nagsusumikap para sa amin noong panahon nagsisimula pa lang ang negosyo nila ni Mommy. Nakita ko kung gaano niya kamahal si mommy pati na rin kami ni Kuya. Mahirap talaga. Hindi ito isang excuse, promise! Haha. Big shoes to fill in kung sino ka man. O kung mayroon man ikaw na darating. Sa totoo lang minsan sinabi ng Daddy sa akin noong ihahatid niya ako sa trabaho ko sa Makati, “huwag ka na lang kaya mag-asawa?” haha. Naikwento ko kay Mommy, napagalitan naman siya. Gusto naman kasi ni Mommy na may makasama raw ako sa buhay lalo na kapag wala na sila. Wala na sila, pero wala pa rin akong kasama. Mahirap nga kasing maghanap ng katulad ng Daddy! The struggle is real! Haha.
Pero lahat ng mga kaibigan ko ay mahal na mahal ang Daddy ko, pati na rin si Mommy. Pero dahil nga lagi kong kasama si Daddy kung saan man ako pumunta ay madalas rin nila siyang nakikita at nakakasama.
Ikatlong taon na lilipas ang araw ng mga tatay na wala akong tatay. Dati ay inaalala ko lang na baka mawala siya sa amin dahil sa kaguluhan sa Mindanao. Kaya noong pinupuntahan ko siya sa ospital, kahit pagod na pagod na ako ng buong linggo, sinasabi ko sa sarili ko, at least mapupuntahan ko pa siya. Takot na takot ako noong naghypglycemia siya dati. Umiiyak ako habang inaayos siya. Sabi ko siyempre mahal ko siya eh.
Biglang bigla naman na iniwan niya kami. Wala na ang unang lalaking nagmahal sa akin ng lubusan. Minahal ako ng hindi naghihintay ng kapalit. Yun tatay ko na proud na proud sa akin. Ang naghihintay sa akin kapag umuuwi ako ng gabi. Ang nag-aalala kapag pumupunta ako sa ibang lugar. Ang tatay ko na nagsasabi sa akin na tulungan ang kuya ko noong panahon na nahihirapan siya sa pamilya niya. Wala na ang tatay ko na nagagalit kapag hindi niya natitikman ang niluluto ko. Ang number one taga tikim ko ng mga luto ko. Ang tatay ko na gustong gusting magkaroon ako rin ako ng sarili kong camera kaya binilhan ako.
Ang pag-sisimula ko sa photography ay dahil sa tatay ko. Hindi ko kayang idispose ang unang DLSR camera ko. Na kahit na marami nang mas bago ay iingatan ko pa rin dahil bigay ng tatay ko iyon eh. Babalik ako sa photography kasabay ng pilit ko sa sarili ko na magsimulang muli. Matutunan mabuhay ng wala sila ni Mommy.
Kahit ilang ulit kong sabihin sa sarili ko na mas maayos na siya ngayon. Magkasama na sila ni Mommy. Hindi na sila nakakaramdam ng sakit. Naiiyak pa rin ako. Na-mimiss ko pa rin siya. Nitong isang araw ay nakayanan ko na ipamigay ang karamihan sa mga damit niya. Pero habang isinusulat ko ito ay umiiyak pa rin ako eh. Ito muna ang kwento ng tatay ko.
Ikaw, ano naman ang kwento ng tatay mo?
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento