Parati natin sinasabi ng mga Pilipino na sana mas maganda ang kalidad ng mga pelikulang Pilipino. Sa dami ng napapanood natin na gawa sa ibang bansa lalo pa ngayon na mayroon nang Netflix, Amazon Price, at iba pang streaming sites ay mas marami nang mapagpipilian ang manonood. Habang ang laki na rin ng tinaas ng presyo ng sine. Kaya naman mas marami ang pinipiling manood na lang sa sa mga streaming site kaysa sa sinehan maliban na kang kung mga Hollywood film ang palabas. Kahit gaano kamahal ay pinipilahan ng mga Pilipino.
Ngunit paano naman makakagawa ng magagandang pelikula ang mga gumagawa ng mga pelikula ng Pilipino kung hindi natin sinusuportahan ang ang ginagawa nila? Isa kasi ng malaking investment ito.
Nitong 2023, unang ginanap ang pinaka unang Summer Metro Manila Film Festival sa bansa. Sa totoo lang ay dalawa lang ang napanood ko habang sinusulat ko ito kasi wala naman akong libreng ticket. P330 pa naman ang isang ticket at wala rin akong masyadong oras para mapanood lahat. Sinuportahan ko dahil gusto ko na maging mas maganda pa ang mga gawa nilang pelikula. Nakakatuwa na ang mga pelikula ngayon Summer MMFF ay mukhang magaganda ang kalidad kumpara sa mga karaniwan na pinapalabas kapag MMFF tuwing Disyembre. Halos magkakalapit ang genre: comedy, drama, at romance. Mayroon na rin mga subtitle na English kaya kung mayroon manonood na mga banyaga ay maiintindihan ang pelikula.
Natuwa naman ako sa dalawang napanood ko. Hindi sila perpekto, pero maganda ang kalidad ng mga gawa. Mas mapapaganda pa ang mga ito pero masaya ako sa mga nagawa nila. Natuwa ako lalo na sa Here Comes the Groom. Napanood ko kasi ang Here Comes the Bride dati kasama ng mga katrabaho ko. Pumunta kami sa isang mall sa Makati na malapit sa opisina namin pagkatapos ng trabaho namin. Naaalala ko na noong nanood kami ay wala na halos maupuan kaya nakatayo na kami pero hindi namin napansin na nakatayo pala kami kasi tawa kami ng tawa. Nitong sa sequel naman ay nakakatawa rin. Sa totoo lang hindi ko inasahan na magiging maganda siya kasi kadalasan ang mga sequel ay hindi gaano maganda. Parang pinipilit maabot ang kasikatan na natanggap ng unang pelikula. Pero maganda ang pagkasulat nito pati ang pagkagawa nila. Maayos rin ang transition ng kwento mula simula hanggang matapos. Hindi katulad nung unang pelikula na medyo naging corny at dragging yun paulit-ulit silang nagbabanggaan ng mga sasakyan. Itong sa sequel, dalawang sasakyan lang at isang beses lang nagbanggaan para makabalik sa dati ang mga kaluluwa nila. Dati kasi sa maling katawan pa napunta ang mga kalululuwa kaya inulit-ulit ang banggaan. Nakakatawa rin talaga ang mga eksena at hindi pilit. Magagaling ang mga gumanap kaya maayos na nadala ang kwento. Mukhang maganda rin ang iba pang entry sa Festival.
Sana manood rin kayo para ganahan ang mga gumagawa ng pelikula na gumawa pa ng mas magandang pelikula. At ganahan rin ng mga investor na mag produce pa ng maraming pelikula hanggang sa maging mas maganda na ang kalidad ng mga pelikulang Pilipino. Malaki ang maitutulong ng suporta nating lahat sa mga pelikulang Pilipino sa buong industriya ng pelikula at creative industriya. Makakatulong rin ito sa mga nagtatrabaho sa creative industriya lalo na sa pelikula na marami sa kanila ay nawalan ng trabaho noong lockdown dahil sa COVID 19 pandemic.
Marami naman tayong magagaling na gumagawa ng pelikula noon, kaya hindi rin malayong dumami sila muli (o ang mga gawa ng mga katulad nila ngayon). Bago kayo magbayad ng mas mahal upang manood ng mga pelikulang banyaga ay manood muna kayo ng mga pelikulang Pilipino. Sana hindi lang tuwing may nanalo sa international competitions (Miss Universe, laban ni Pacquiao at iba pa.) o sumisikat sa ibang na Pilipino (theater, OFW, atbp.) natin sinasabi “proud to be Pinoy”. Sana hindi lang sa eleksyon naaalala ang pagiging Pinoy o ang Pilipinas. Sana dito pa lang sa ganitong pagkakataon ay sinusuportahan na natin kapwa natin Pilipino para rin sa atin lahat ito.
Manood na kayo. Kasi bakit ba hindi dapat panoorin ang mga pelikula ngayon Summer MMFF?
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento