Lumaktaw sa pangunahing content

Mayroon ka bang nakakatakot na karanasan?

Noong 2014 una kong tinanong kung “bakit (ba) gusto nating matakot?”.* Mula sa horror movies, horror stories, horror documentaries hanggang sa mga horror house noong 90s mabenta ang mga pananakot sa atin. 
 
Sa totoo lang, hindi ko gusto ang manood ng horror movies kasi matagal bago ako makatulog ng patay ang ilaw ulit. Bahala na kayo kung ano ang gusto niyong isipin o sabihin tungkol sa akin, pero nabubuhay naman ako ng hindi natatakot ng mga ‘yan. Pero alam niyo ba na mas nakakatakot ang mga horror movie kapag alam mong hango ito sa totoong buhay? Ang ilan dito ay ang The Exorcist, The Exorcism of Emily Rose, Conjuring (at ang mga kasama nitong pelikula). Hango sa totoong buhay ang kwento nila kaya mas nakakatakot. Marami sa aspeto ng pelikula ay nangyari sa mga totoong tao. Pero siyempre para mas nakakatakot at mas mabenta sa mga tao ay mayroon rin silang binago. Katulad nga sa pelikulang The Exorcist. Sa pelikula ay namatay ang pari, ngunit sa totoong buhay ay hindi ito nangyari. Happy ending ang totoong kwento dahil napalayas ang demonyo sa nasaniban ng hindi kailangan mamatay ng exorcist. 
 
Sa sobrang hilig ng mga Pilipino sumunod sa uso sa ibang bansa ay pati ang trick or treat at pagsusuot ng costume (lalo na mga nakakatakot na itsura) ay ginagawa natin. Akala ko ba naniniwala rin ang mga tao sa ”power of attraction”? Eh bakit gusto natin natatakot, ang matindi pa dito ay magsuot na nakakatakot? Nakakatuwa ba? Hindi ba natin alam na ito ay isang pag-iimbita sa mga nilalang na yan upang manatili dito sa paligid natin? Iyon ba ang gusto niyo? Alam niyo ba na kapag ginagawa ito ay parang pinagdiriwang pa natin ang pamamalagi nila sa paligid natin?
 
Kahit ang paraan ng pagdiriwang ng mga Mexican ng Dia de los Muertes (Araw ng mga Patay) at paniniwala kay Santa Muerta ay hindi natin dapat na basta lang ginagaya. Dahil ito ay isang syncretism (sinkretismo) ng kaugalian at paniniwala ng mga sinaunang tao (Aztec, Maya, Olmec, atbp.) bago dumating ang mga Katolisismo sa Latin America mula sa Europa. 
 
Noong bata pa ako naalala ko na kapag mayroon nagkukwento tungkol sa mga nakakatakot na pangyayari, mga urban legend man o pagpapakita/pagpaparamdam ng mga lamang lupa, malign, multo, masamang espiritu o demonyo ay nakikinig talaga ang lahat. Walang nagsasalita hanggang sa dumating na sa katapusan ng kwento at sabay-sabay na  sisigaw ang mga nakikinig. Natatakot tayo sa mga bagay na hindi natin maipaliwanag at sa ideya na baka mangyari rin ito sa atin. 
 
Naalala ko ang kwento ng nanay ko sa akin. Noong bata raw ako ay may nakita akong babae sa garahe naming sa Taytay. Pagkatapor raw noon ay nagkalagnat ako. Hindi ko na masyadong maalala ito. Pero sa bahay naming dati sa Taytay ay mayroon raw kapre sa puno namin. Kaya raw mabunga ang mga tanim. Kapag naman nagpupunta kami sa likod ng bahay na matanda ng mga magulang ng nanay ko ay kailangan raw namin magsabi ng “tabi-tabi po” kasi mayroon raw mga duwende sa puno ng kamyas doon. Baka raw maapakan namin sila kapag naglalaro sila sa paligid. Maaari kaming gawan ng masama ng mga ito. Hindi ko naintindihan ang kaugalian na ito basta sinusunod ko lang para hindi ako gawan ng masama ng mga duwende doon. Ang sabi nila ay hayaan lang daw ang mga duwende doon dahil sila ay mga bantay sa bahay, may mga dalang swerte, at nagpapayabong ng bunga ng kamyas doon. 
 
Hindi ko man nakaligtaan magsabi ng “tabi-tabi po” kaya wala akong naranasang masama, pero hindi ko maiwasang kilabutan sa tuwing pumupunta ako doon. Pakiramdam ko ay parang may mga nakatingin sa akin. Kung iisipin ay hindi naman talaga sila nagdala ng swerte sa pamilya ng nanay ko dahil maraming naging pagsubok ang mga naranasan. May ilan na naging maunlad ang buhay ng sandali. Pero hindi ito naging panghabang buhay na kasanaganaan.
 
Lumipas ang mga taon na lumaki ako at madalas kapag may mga bata sa kamag-anak ay mayroon silang mga tinuturo na namatay. Pinapatigil naming ang mga bata. Lalo na sa bahay na iyon, maraming nagsasabi na mayroon mga kaluluwa na naninirahan doon. Mga kamag-anak raw ng nanay ko. Ayaw raw nila ng ibang tao na nanatili doon. 
 
Minsan nagpunta kami sa Teachers’ Camp sa Baguio. Doon kami natulog ng ilang araw. Ilang beses kaming napatayan ng ilaw habang masayang nag-uusap. Ayaw ata ng mga kaluluwa na nabubulabog sila. 
 
Fourth year high school ako noong nag retreat kami sa Baguio sa Crystal Cave. Nasa ikalawang palapag ang mga kwarto. Doon ay may isang kwarto na may rosarya ang hawakan. Hindi rin ito pinapatulugan. Kaya lang tuwing maliligo ako ay kailangan ko siya daanan. Nakakakilabot ang dumaan doon. Iba ang pakiramdam ko. Noong dumating na ang biyernes dahil tapos na ang retreat namin ay hinayaan na kaming pumunta sa bayan. Binigyan kami oras ng pagbalik sa retreat house. Ako at ilan sa mga kaklase ko ay humiwalay sa iba sa pag-uwi. Hapon na iyon pero maaga pa ang uwi namin kaya hindi nakakatakot umakyat sa matarik na daan pabalik sa retreat house. Habang umaakyat kami ay nakita kong parating ang ilang kaklase namin. Sinabi ko sa kanila parang ganito “o, ngayon pa lang ba kayo pupunta sa bayan?” Hindi sila tumigil upang sagutin ako o tignan man lang ako. Pero tumingin ako sa mga kasama ko at ako lang ang nakakita sa kanila. Hindi ko na ito inulit at baka matakot pa kami lalo. 
 
Sa Batanes naman ay may naranasan rin ako ilang taon na ang nakalipas. Sumama ako sa teacher ko pati ilan pa na kumuha ng litrato doon. Kasama sa itinerary naming ang pagpunta sa Sabang. Doon ay natulog kami sa isang public school. Walang kuryente sa gabi kaya kailangan mayroon kami parating dala na flashlight at maari rin kami magsuot ng headlamp. At siyempre hindi ako nagpupunta sa banyo mag-isa. Sa ikalawang palapag nakalagay ang mga kama. Hindi ako halos makatulog. Hindi ko alam kung dahil sa excitement o dahil sa takot. Kinabukasan ay kailangan namin gumising ng madaling araw upang makapaghanda para sa sunrise shoot. Kailangan bago lumiwanag ay nasa dalampasigan na kami nakahanda sa pagbubukang liwayway. Gising naman kami agad kahit na sobrang dilim pa. Bumaba na kami ng ilang kasama ko dahil nandoon ang banyo. Nauna sa loob ang kasama ko. Habang hinihintay kong matapos siya ay naghahanda akong magsuot ng contact lenses, ay may nakita akong lalaki na naka-suot ng blue na longsleeves na bumababa ng hagdan. Ganoon ang mga suot ng mga bangkero kaya akala ko ay hinahanap niya ang teacher namin. Naisip ko baka galing siya sa ikatlong palapag. Dahil hindi ko naman siya nakitang umakyat sa ikalawang palapag kung sa saan kami natulog. Noong kumakain na kami ng umaga habang nag-uusap kami ng mga kasama ko naalala na hanggang ikalawang palapag lang nga pala ang paaralan. Dahil hanggang ikalawang palapag lang ang hagdan. Akala ng mga kasama ko nag-iimagine ako. Niloloko pa nila ako. Pero hindi ko na pinilit ang kwento ko. Naghilamos na kasi ako bago ko may nakita kaya alam ko ang nakita ko. Hindi naman ako inaantok pa noong makita ko ang nakita ko. 
 
Minsan rin na sa araw ng kamatayan ng nanay ng nanay ko ay nagyaya ang mga pamangkin ng nanay ko manood ng sine. Noong matapos na ang palabas ay agad kaming pumunta sa palikuran. Siyempre mga babae e. Pagbukas namin ng pinto ng banyo ay may nakita kaming babaeng pumasok sa isang cubicle. Pumila naman kami sa tapat ng pinto na pinasukan niya. Kaya lang noong dumami na ang mga tao sa loob ng palikuran ay napansin namin na hindi gumagalaw ang pila naming kumpara sa mga katabing pila. Iniisip naming na bakit ang tagal tagal nung babae lumabas. Hanggang sa sinilip namin ilalim at walang paa. Walang tao sa loob! Pambihira yun pinaasa kami na may pila doon! Buti na lang din sobrang daming tao sa loob at hapon lang din iyon kaya bawas ang takot pero habang pinag-uusapan naming iyon sa sasakyan naglolokohan pa kami na “baka si lola ‘yun” inuna kasi namin manood ng sine bago ang dasal para sa kanya. 
 
Sa bahay rin namin ay madalas na may nagpaparamdam. Minsan parang may nagtatakbuhan sa kwarto ko. Naririnig namin sa sala. Nasa ibabaw ng sala ang kwarto ko. Nagkakatinginan na lang kami kasi wala naman tatakbo sa kwarto. Walang bata sa bahay at lahat kami ay nasa baba. Minsan rin may nagpaparamdam na naglalakad sa hallway o papasok sa kwarto ng mga magulang ko. Nabanggit ko ba na carpeted ang second floor namin? Pero kapag kapag mabigat ang paa ng naglalakad ay maari mong maramdaman ang yabag. Isang gabi ay nakaupo ako sa kama ng mga magulang ko. Bukas ang pinto ng kwarto nila habang nanonood ako ng TV. Nasa baba lang silang lahat at maliit lang din naman ang bahay kaya bakit ba ako matatakot? Biglang may narinig akong yabag sa carpet. Pumasok sa kwarto at biglang tumunog ang pinto ng cabinet ng damit ng nanay ko. Salamin na transparent ang pinto ng cabinet niya. Ang tunog niya ay parang may napasandal kanya. Tinignan ko lang kunwari hindi ako natatakot na mayroon akong naramdaman sabay balik ng atensyon ko sa TV. Naramdaman ko rin minsan na may bumababa sa hagdan namin biglang kumatok pa sa pader ng kwarto ko. 
 
May isang madaling na bigla akong naalimpungatan. Doon kasi ako pinatulog ng nanay ko sa tabi niya. Hindi ko matandaan nasaan ang tatay ko. Kasi ang tatay ko ay hindi naniniwala sa mga multo bilang isang dating sundalo. Pag dilat ng mata ko ay nakakita ako ng dalawang puting figure na parang makapal na hangin na may mukha. Makapal na hangin na medyo maliit na hindi ko alam kung nag-uusap o naglalaro. Maliwanag kung saan sila nakatayo. Mukha silang duwende na puting-puti. Hindi naman ako nakaramdam ng takot. Tinawag ko pa ang atensyon nila. Sabi ko, “hoy, anong ginagawa niyo rito?” Habang pinipilit ko bumangon at idilat pa ang mga mata ko sa nakikita ko. Ang dalawang puting figure ay humarap sa akin na parang nagulat. Sabay tumakbo palabas ng kwarto. Natulog na lang ako ulit. 
 
Nababanggit ko ang mga ito sa nanay ko pero ayaw niya maniwala. Akala ko tuloy ako lang ang nakakapansin na parang may puting imahe sa plantsahan sa tabi ng kwarto ko. Katapat kasi ng pinto nung kwarto na yun ang malaking salamin. Kapag napapatingin ka sa salamin ay parang may makikita ka na nasa loob ng kwarto. Hanggang sa pati pala ang nanay ko ay may napapansin na ganoon. Ano ang ginawa niya? Bilang sanay sa mga occult practice ang nanay ko. Akala niya kasi ayos lang ang ihalo ang mga folk tradition sa Catholic practices. Dati rin nanggagamot ang tatay ng nanay ko gamit ang mga dasal at anting-anting. Naglagay ng buntot ng pagi sa pinto ng kwarto nil ana kinalaunan ay nilipat sa pinto ng bahay. Nagsaboy rin ng asin sa kwarto. 
 
Sabi ng isang pamangkin ng nanay ko na nanggagamot gamit ang anting-anting ay baka raw bumubukas ang third eye ko. Siya rin ang nagturo sa nanay ko ano ang gagawin. Pero ayaw ko ang third eye. Hindi keri ng powers ko. Hello, hindi ko nga kinakaya manood ng horror, sa totoong buhay pa??? NO way!
 
Siyempre sa lahat ng mga ito ay takot ang una kong naramdaman. Pakiramdam ko kasi ay wala akong kapangyarihan na ipagtanggol ang sarili ko mula sa mga nilalang na mayroong kakaibang  ‘powers’. Hindi ko alam kung ano ang gagawin upang harapin ang mga ganitong pagkakataon sa buhay ko. Hindi ko naiintindihan kung bakit nangyayari. Hanggang sa unti-unting nabuksan ang utak ko sa mga turo ng Catholic Church. Hindi pala tama ang ginawa ng nanay ko na nagsaboy ng asin na hindi naman exorcised salt. Hindi rin pala dapat gumamit o mag-consult sa mga manggagamot na gumagamit ng anting-anting o nagpupunta sa Mt. Banahaw. Mayroon naman palang tamang paraan. Dahil kapag gumamit ka ng mga occult practice ay mas lalo mo pa silang pinapapasok sa buhay mo. Kaya siguro hanggang ngayon ay may nararamdaman pa rin ako sa bahay. 
 
Sumabog nga ang fuse ng ilaw sa banyo namin pagkatapos mag-deliverance sa bahay namin. Tinanggal ko na rin ang karamihan ng mga nagamit sa occult, pero paminsan-minsan ay mayroon pa rin akong nararadaman. Sabi naman ng exorcist sa akin, ituloy ko lang ang dasal ko araw-araw pati ang pati pagbless ng Holy Water sa bahay. Matapos ko nalaman ang mga mali sa nagawa namin noon, ay takot na ako basta basta gumawa, magbasa, magpunta o makapanood ng mga bagay na magbubukas ng buhay ko para sa mga nilalang na iyan. Madalas kasi ay hindi mo malalaman na napapasok mo na sila sa buhay mo dahil sa mga ginagawa mo. Malalaman mo lang kapag malala na ang sitwasyon. Hindi ko alam na kapag sinasabi mo pala na “tabi-tabi po” ay kinikilala mo na mas makapangyarihan sila s’yo. Na kapag kinakausap mo pala ang mga nagpaparamdam na akala mo ligaw na kaluluwa lang o mga bantay na hindi mo nakikita, pati na rin ang pagtitirik ng kandila, pag-aalay ng pagkain para sa kanila ay kinikilala mo ang existence nila sa mundo mo. Mas lalo silang mananatili. Mas lalo mo silang pinapapasok sa buhay mo. Mas lalo mo rin silang pinapalakas. Kaya sa totoo lang natatakot ako para sa mga nag-aayos na nakakatakot, ang mga gumagawa ng mga nakakatakot na palabas, naglalaro ng spirit of the glass/Ouija board, mga nagpapahula, mga nagpupunta sa mga haunted house/naghahanap ng mga ligaw ng kaluluwa kung saan man. Dapat ay maging handa kayo sa mga magiging bunga ng mga desisyon niyo. 
 
Ilang taon na akong gumagawa ng paraan para mapalayas sila sa buhay ko. Dahil ayon sa Catholic Church ay hindi pwedeng peaceful coexistence. Kahit kailan ay hindi sila pwede sa mundo ng mga tao dahil tinapon na sila sa ilalim ng lupa. At hindi totoong kaluluwa ng mga namatay na tao ang mga multo, karamihan sa kanila ay nagpapanggap lang. Habang ang ibang nilalang naman ay mga fallen angels o demonyo na nais makakuha pa ng maisasama sa ibaba. Siyempre hindi pwedeng sila lang diba. 
 
Gusto niyo ng Halloween Party pa more? Ayun din gusto nila maisama kayo sa Halloween Party sa ibaba…eternally. Isama niyo na rin ang mga pinapahiram nila ng kapangyarihan tulad ng mga mangkukulam, mambabarang, anitera, babaylan, at iba pa. Ang iba sa kanila ay nanakot upang kumapit ka sa mga instant na proteksyon na maibibigay mga anting-anting na galing rin sa kanila ang kapangyarihan. Ang iba naman cute (tulad ng mga duwende) o maganda (Diwata) upang maakit ka lumapit sa kanila. Nakakaakit rin sa mga tao ang kapangyarihan na hindi ordinaryo nang hindi nila alam na walang mabuti – masama (good/evil) sa mga ito, lahat sila galing sa demonyo iba-iba lang ang level ng kapangyarihan ng mga demonyong nagpapahiram sa kanila ng kapangyarihan.
 
Magpapa-albularyo ka o hilot dahil iniisip mo mayroong nagpapakulam sa iyo? Gagaling ka kapag mas makapangyarihan ang demonyong may hawak sa albularyo na nalapitan mo. 
 
Marami pa akong kailangan matutunan upang malabanan sila, mapalayas mula sa buhay ko at mapaalis mula sa bahay namin. Maraming temptasyon na magbabalik sa kanila. Mahirap para sa isang Pilipino na lumaking naka syncretize ang folk tradition at Catholic teachings. Ang hirap rin kasi makitang mayroon kang nagagawa para palayasin sila. Nakakapagod rin minsan. Minsan parang hinahayaan lang ng Diyos mangyari ang mga hindi mabuti. Pero sabi nga Diyos ang pinakamakapangyarihan. Sa Kanya lang naman galing ang lahat ng kapangyarihan ng mga demonyo noong angels pa sila. Kaya hindi raw tayo dapat makalimot na sa Diyos tumakbo.
 
Hindi ka religious? Hindi rin naman ako religious dati. Sunod lang ako sa sinasabi ng nanay ko para hindi mapagalitan hanggang sa nangyari na ang mga hindi maganda at ang iba ay nakakatok pa. Kaya heto ako ngayon natutong mas lumapit sa kinikilala kong totoong makanpangyarihan. Nasa iyo naman ang desisyon kung ano ang papasukin mo sa buhay mo. Walang pilitan dito. Nagkukwento lang ako.
 
Ikaw, mayroon ka bang nakakatakot na karanasan?



*Maari mo rin basahin ang "Bakit Gusto Nating Natatakot" (2014): https://mgakuwentonian.blogspot.com/2014/10/bakit-gusto-natin-matakot.html

Mga Komento

Mga Mabebentang Kuwento

Paano ba kami kapag may patay?

I sa sa iniiwasang pag-usapan ang tungkol sa patay. Pero paano ba kapag may patay kami? Katulad ng maraming pamilyang Pilipino, marami kaming sinusunod na pamahiin kapag mayroon kaming patay. Noong college ako ay nagsulat ako tungkol sa mga pamahiin ng mga Pilipino sa patay. Marami tayong mga pamahiin dito sa Pilipinas. Nag-iiba, nadagdagan at nababawasan ang mga ito depende sa lugar o probinsya. Pero sa mga pamahiin natin, ang mga pamahiin sa patay na ata ang pinakamarami.  Hindi man madaling isipin ang mamatayan  ng isang mahal sa buhay dahil lungkot ang una nating nararamdaman pero ito ay isang kaganapan kung saan dumarating ang mga kamaga-anak at nagkakaroon ng instant reunion. Umuuwi ang mga nasa ibang lugar na hindi madalas umuwi o nagpapadala ng pera ag dating mahirap hingan ng pera. Dumarating din ang mga outside the kulambo na pamilya sa mga lalaking may itinatago sa tunay na pamilya.  Habang nag-lalamay, inaalala ng mga tao ang namayapa. Paano ba siya noo...

Bakit Tayo Makasarili?

Bakit nga ba tayo makasarili? Ako, ako, ako, parati na lang ako sabi nga sa pelikula. Para sa iba, hindi nila maamin na makasarili sila, kasi para sa kanila perpekto sila. Sige na, kayo na. Pero para sa atin na aminado sa ating pagiging makasarili, bakit nga ba tayo ganito? Paano ba tayo nagiging makasarili? Sabi nga mahalin muna natin ang ating mga sarili bago tayo magmahal ng iba. Hindi masamang mahalin ang sarili. Kaya lang, lahat ng sobra ay  masama. Lahat rin ng bagay na sumasagasa na sa interes ng iba ay maaari na rin makasama. Dahil hindi natin maiiwasan ang pakikipag-ugnayan sa ating kapwa. Dito nasusukat ang ating pagkatao. Dito rin nalalaman kung paano natin tinitimbang ang mga bagay sa buhay natin.  Tignan natin ang mga ebidensya ng ating pagiging makasarili sa araw-araw. Kalamidad. Bakit nga ba nagbabaha? Isa na ata sa mga bagay na nakasanayan na ng mga nakatira sa siyudad ay ang karanasan sa baha. Bakit nga may baha? Paano imbes na itago muna ang balat ...

Na-LSS Ka Na Ba?

Na-LSS ka na ba? (LSS = Last Song Syndrome pero puwede rin naman na Last Sound Syndrome) Ito ay nangyayari tuwing mayroon tayong paulit-ulit na kanta na naririnig. Minsan tinatamaan tayo ng LSS dahil gusto natin ang kanta, minsan naman dahil ayaw natin sa kanta.  Natutunan ang tungkol sa pagkakaroon ng LSS noong ako ay nasa elementarya at high schol pa lang ako. Parati namin naririnig ang mga nagtitinda ng Selecta na tumutugtog upang manawag ng mga bibili lalo na mga bata. Dahil dito ay inuulit na ng kaibigan ko ang tugtog. Pero bago pa lang nangyari iyon ay naalala ko na sa sobrang pagkagusto ko sa isang kanta ni Ate Regine ay minsan kahit antok na antok na ako ay hindi ko mapigilan na hindi kumanta habang pinatutugtog ito sa radyo sa service. Nakakahiya man na nakikita ng mga ka-service ko na kumakanta ako habang natutulog bago ko napansin na ginagawa ko ang pagkanta at pagtulog ng sabay.  Noong nag-aral ako sa ibang bansa ay minsan pumunta kami ng mga kaibigan ko s...