Setyembre na naman. Simula na naman ng pinaka-mahabang selebrasyon ng Pasko sa Pilipinas. Unang araw pa lang ng buwan ay bidang bida na naman si Jose Mari Chan. Ang daming memes ang makikita tungkol sa kanya.
Nakakatuwa na lumaki tayo na naririnig ang mga kanta niya lalo na ang Christmas Album niya. Noong bata pa ako ay paulit-ulit na pinapatugtog ng nanay ko sa bahay ang album niya. Kung makakapag-reklamo lang siya na pagod na siyang kumanta ay baka nagawa niya. Nakabisado ko na ang mga kanta doon sa album niya. (Kabisado lang, wala akong sinabing nakakanta ko ng maayos ang mga ito). Kasama na sa alaala ng kabataan ko ang mga kanta niya kapag Pasko.
Kung iisipin ilang taon na tayong nasa ilalim ng pandemic, pero ang mga Pilipino parang wala nang COVID sa araw-araw. Nakasanayan na ang may mask. Maaari nang mag diwang ng kapaskuhan kahit hindi kristiyano. Maaari na rin lumabas ang mga senior citizen ngayon. Naaalala ko yun meme noong isang taon na bawal raw lumabas si Jose Mari Chan dahil senior citizen siya. Para kasi siya yun cool lolo mo.
Naalala ko noong third year high school ako. Para makakuha ng additional point sa Geometry class ay sinuportahan ko ang legacy concert ng mga fourth year. Bumili ako ng dalawang ticket ng concert ni Jose Mari Chan sa school. Malapit na ang Pasko noon pero hindi ko naalala na paborito rin pala siya ng pamilya ko. Ang laki ng hinayang nila na hindi sila nakasama dahil halos buong concert ay siya ang nagtanghal. Wala siya halos kasama kung hindi ang ilang estudyante. Malay ko ba! Gusto ko lang naman ng grade! Hindi ko akalain na siya pala ang kakanta ng buong gabi.
Sa dami ng mga kantang pamasko, hindi pa rin kumukupas ang mga kanta ni Jose Mari Chan. (sorry Mariah, dito sa Pilipinas ay may kalaban ang All I Want for Christmas mo). Lalo na at walang pinipiling edad ang mga kanta niya. Hindi rin kailangan na nangungulila sa minamahal.
Sana ay higit sa mga memes ay ma-appreciate siya na isang icon ng selebrasyon dito sa Pilipinas. Hindi magiging komplete ang panahon ng kapaskuhan ng hindi maririnig ang mga kanta niya dito sa Pilipinas. Wala na ang nanay at tatay ko na makakasama ko kapag Pasko, pero sa tuwing maririnig ko ang mga kanta ni Jose Mari Chan ay babalik ako sa panahon na kasama ko sila noong bata pa ako. Nakikinig sa kanya habang naghihintay sa mga nagka carolling na mga bata para ako ang mag-aabot ng pera sa kanila.
Ikaw, narinig mo na ba si Jose Mari Chan ngayon Setyembre?
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento