Bakit nga ba mahal maging malusog?
Buwan raw ng nutrisyon ang Hulyo kaya parati tayong nakakarinig ng mga nagsasalita tungkol sa kahalagahan ng kalusugan at nutrisyon. Kaya lang sa panahon ngayon, mahal ang maging malusog. Totoo nga ang sabi nila na “health is wealth”. Dahil kailangan mo ng “wealth” upang maging malusog. Kung dati ay mura lang ang mga pagkain na masustansya ay mahal na ngayon. Kung dati ay mura lang ang mga gulay, ay mahal ito ngayon lalo na pagkatapos ng mga bagyo. Hindi raw masyadong masustansya ng dory sabi nila kaya kung bibili ng isda dapat raw yun salmon. Kaya lang ang mahal naman ng sariwang salmon.
Mahal rin ang mga ‘organic’ na pagkain. Mahal rin ang mga almond milk, soy milk, yogurt. Kaya naman ang mga pinagkakasya lang ang kita sa isang araw ay pinipili na lang ang maaring mabili ng mura.
Ano ba ang mga mura? Sardinas at instant noodles. Sa iba naman na may trabaho ay ang mga madaling iluto na lang: hotdog, tuna, tocino, longganisa, spam, minsan nagpapa deliver ng fastfood kaysa mga masustansyang gulay at isda ang bilhin. Nakita mo ba ang laman ng mga baunan ng mga bata sa eskwelahan?
Kung kailangan naman ang ehersisyo araw araw, mahal rin ito para sa mga ordinaryong Pilipino. Paano? Sa mga nagtatrabaho ng 8-5 araw araw, mahalaga ang oras. Mahal ang oras. Halos dalawang oras sa biyahe sa umaga papasok sa trabaho at dalawang oras sa paguwi ng bahay ang kailangan gugulin. Isama mo pa ang mga gawain sa bahay bago umalis at pag uwi ng bahay. Paano mo pa maisisingit ang ehersisyo? Kaya ang iba ay nagpupunta sa gym para matulungan sila ng tamang ehersisyo. Dagdag gastos na naman ito para sa ordinaryong mamamayan. Yun iba naman hindi naman nasusulit ang membership sa gym makalipas ang Enero. Dapat mayroon kang oras na mailalaan para makapag ehersisyo.
Makikita mo sa laman ng ref at cabinet ang estado sa buhay ng isang pamilya. Kapag mayroong mga imported na pagkain at paminsan mga ‘healthy’ na pagkain ay nakakaluwag. Ang iba nga ay walang ref, laman pa kaya?
Paano ba magiging malusog kung ang kakainin mo mamaya ay hindi mo sigurado kung mayroon kang pambili? Samantalang ang iba naman na may kakayanan na maging malusog ay pinipili lang din naman na hind imaging malusog. Sa dami ng pera ay nakakayanan nila bumili ng maraming karne, imported na pagkain, mag buffet at kumain sa mga mamahalin na restaurant. Kapag nasobrahan rin sila ng pagkain ng karne, lalo na lechon, bulalo, ay maaari rin magbara sa puso nila ito at atakihin sa puso. Habang sobrang chocolate at donuts naman ay maaaring maging sanhi ng diabetes.
Sa mga nasa laylayan ay imbes na pumunta sa doktor upang magpagamot ay pupunta na lang sa mga albularyo at hilot. Kapag may konting pambili ng gamut ay dumidiretso na lang sa pharmacy at mag-self medicate. Habang ang mga may kakayanan magpunta sa doktor at magbayad ng medical insurance ay nakakapag pa checkup. Kaya lang minsan ay tila hindi pa rin sapat ang kinikita ng mga nasa middle class para dito. Minsan parang nagtrabaho ka lang para kapag nagkasakit ka ay may pambayad ka sa doktor at ospital. Napaka mahal magpa doktor lalo na magpa ospital. Maaaring bumili ng vitamins at supplements. Habang ang mga mayayaman ay hindi kailangan mag alala sa pambili ng vitamins, supplements, at gamot, pagpapa check up, naka suite pa sa magagandang ospital. Hindi nga lang ito ang seguridad na hindi na sila mamamatay, dahil kapag oras na nila ay oras na nila kahit gaano pa sila kayaman. Mayroon iba na gumagamit ng sobrang mahal na stem cell therapy tignan mo ang lakas lakas pa kahit amoy lupa na, pero darating din ang oras nila. Kapag nainip na si kamatayan ay susunduin rin sila nito.
Paano ba tayo magiging malusog? Para sa mga nasa laylayan, napaka mahal maging malusog. Para sa mga nasa middle class, mahal at walang oras maging malusog. Para sa mga mayayaman, isang desisyon ang pagiging malusog.
Para sa iyo, bakit nga ba mahal maging malusog?
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento