Maraming alaalang kadikit ang buwan ng Mayo. Maraming mga festival at pagdiriwang tuwing Mayo sa iba’t ibang bansa. Unang una na ang Labor Day kapag May 1. Maririnig mo rin sa mga kapwa ko Star Wars fan ang pagbati ng “May the Fourth be with you” tuwing May 4. Kilala naman ang Cinco de Mayo sa Mexico pati na rin sa US dahil maraming Mexicans ang nandoon na nakatira. Sa mga Buddhist na bansa ay ginugunita rin ang kaarawan ni Buddha (Vesak) kadalasan tuwing Mayo.
Ngunit paano ba ang Mayo 2022 dito sa Pilipinas?
Pagkakaroon ng Eleksyon.
Maraming kuwento ang eleksyon. Pero ngayon taon ang unang beses na nagkaroon ng eleksyon habang mayroong pandemic. Natakot ang sa pila dahil limitado lang ang maaaring pumasok sa bawat presinto. Dati kasi hindi ko problema ang pagpila dahil inaalalayan ko ang nanay kong senior citizen. Ngayon na wala na siya ay kailangan ko nang pumila tulad ng ibang tao. Buti na lang ay konti na lang ang mga pumila sa oras na dumating ako para bumoto. Natapos na sila noong umaga. Buti mga excited sila, kaya hindi ko kailangan makipasiksikan sa pila lalo na nakakatakot mahawa ng sakit.
Maraming mga kalsada rin ang sinira bago mag eleksyon, sana ngayon tapos na ang eleksyon ay matapos na ang mga ito.
Matindi ang naging laban nitong eleksyon ng 2022. Naging makulay ang kampanya at maraming mga nakilahok: mga kabataan (karamihan ay unang beses pa lang boboto para sa president), mga artista (ang iba ay bayad, ang iba ay hindi), atbp. Isang mahabang usapan ito, kaya sa ibang pagkakataon ko na isusulat ang iba. Mayroon mga nagdiwang, mayroon rin naman mga nalungkot. Katulad ng bawat eleksyon sa Pilipinas. (maaring basahin ang naisulat ko noong 2013 habang hindi pa ako nakapagsulat ng bago tungkol dito: Eleksyon, mas masaya nga ba sa Pilipinas? (Election, more fun in the Philippines?) https://mgakuwentonian.blogspot.com/2013/04/eleksyon-mas-masaya-nga-ba-sa-pilipinas.html)
Panahon ng Santacruzan.
Kadikit na ng Mayo ang sagala. Naalala ko na inaabangan ng mga tao ang sagala ng Santacruzan sa huling weekend ng Mayo. Kapag Sabado, ang mga bata ang sumasagala. Nakakatawa na minsan pagod na ang sumasagala. Karga na sila ng mga magulang nila. May ilan na umiiyak. Yun iba parang mga prinsesa talaga ang itsura. Pagdating ng linggo ay ang mga dalaga naman ang sumasagala.
Minsan naging biruan na namin ang pagsagala bilang “reynang maysakit” kasi dapat nakaupo lang o nakahiga. Tamad lang. Ano kaya ay dapat may takip ang mukha para hindi mapintasan. Kapag hindi maganda ang sumasagala o ang damit nito ay makakarinig ka ng mga pintas mula sa mga tao. Ang mas nakakatawa doon ay kapag nakita mo ang itsura ng mga namimintas na madalas ay masarap tanungin: “kaya niyo ba sumagala?””maganda ba kayo?”
Dapat sa mga sumasagala ay may pambili ng damit at mga pailaw, pambayad ng renta ng karo, atbp. At kung walang itsura ay dapat maraming baon na lakas ng loob. Nakakalimutan na mga tao ang dahilan kung bakit bai to ginagawa. Nagiging pag-display na lang ng “beauty”. Sa totoo lang malaki ang pagkakaiba ng itsura ng mga sumasagala sa probinsya. Lalong lalo na sa damit, makeup at karo.
Noong high school ako ay minsan na rin akong inimbitang sumagala bilang Reyna Elena. Akalain niyo iyon?! Haha. Hindi ko alam kung dahil lang sa akala nila ay kaya ng nanay ko ang gastos. Pero ayaw ng nanay ko, at siyempre ayaw ko rin naman. Hindi kaya ng powers ko ang sumagala! Minsan ko na siyang ginawa noong Grade 4 ako dahil naging Hermano Mayor ang tatay ko, pero hindi ibig sabihin ay pwede ko siyang gawin ulit. Opo, mahirap po talaga magkalakad ng mabigat ang damit at naka-heels sa paligid habang dapat panatilihing nakangiti. Hindi ko alam paano ginagawa ng iba o bakit gustong gusto ng iba sumagala. Samantalang madaling araw pa lang gising ka na dahil sa parada s aumaga, mayroon pa sa gabi. Tapos ang lakas ng loob ng mga nakikitingin lang naman kung makapagsalita. Minsan kapintas-pintas naman talaga, pero bago mamintas dapat siguraduhin niyong may Karapatan kayo at nasubukan niyo na rin.
Hindi rin magpapahuli ang mga bakla. Noong lumaon ay nagkaroon na rin sila ng sarili nilang Santacruzan. Dito naman ay nagiging katatawanan ang sagala. Sobra sobrang lakas ng loob ang baon nila lalo ang mga matatandang bakla na gusto lang matupad ang mga pinangarap nila noong bata pa sila. Pero mayroon rin naman na mukha na talagang babae, pero inaasar pa rin sila ng mga tao lalo ng mga kalalakihan.
Para sa akin nakakainis minsan na nakaka trapik ang mga ito. Pero parte siya ng tradisyon sa Pilipinas. Isang tradisyon na natigil dahil sa pandemic. Sabi nila magkakaroon na raw ulit ngayon 2022, pero paano yun? Walang mask ang mga sagala habang lumilibot sa bayan???? Parang nakakatakot isipin na mayroon pa rin kumakalat na virus at naglalakad sila ng walang mask. Pero tignan natin.
Pagtatapos ng summer.
Noong bata ako naaalala ko na nalulungkot ako kapag patapos na ang Mayo. Kasi nabibilang na ang maliligayang araw ko bilang bata. Simula na naman ng pasukan ang Hunyo, kaya matatapos na ang bakasyon.
Huling mga araw na upang maglaro, mag-swimming/outing, manood ng TV buong araw, atbp.
Simula na rin ng panahon ng tag-ulan. Pero ngayon 2022, tila ang iksi ng panahon ng tag-init. Kasi kahit noong Abril ay nagkaroon ng madalas na pag-ulan. Ngayon naman dineklara na simula na ng tag-ulan.
Dahil nabago na rin ang kalendaryo ng mga paaralan ay naging panahon na rin ng graduation ang Mayo. Ang iba naman ay nagtatapos pa lang ang mga klase ngayon Mayo 2022.
Handa ka na bang magpa-alam sa summer ng 2022? Handa na akong magpa-alam sa init na malagkit at nakakasakit ng ulo. Pero hindi pa ako handang salubungin ang mga matitinding bagyo at baha muli. Agad-agad talaga?
Nagbabanta pa rin ang COVID habang mayroon mag bagong variant na nadidiskubre sa ibang bansa na nakakapasok rin sa Pilipinas. Siyempre hindi pwedeng magpahuli sa uso ang Pinoy diba? Mayroon rin bagong sakit ang nagsisimulang kumalat sa ibang bansa ang monkeypox sana naman ay huwag na makapasok sa Pilipinas. Hindi pa nga tayo tapos sa isa, lalo hindi pa tayo handang harapin ang bagong mga sakit. Kung magsisimula na naman ang mga bagyo at baha ay kasabay na dito ang mga sakit tulad ng leptospirosis at dengue (lalo kapag matagal bago humupa ang baha). Hindi pa nga tapos ayusin ang mga sinirang daan bago mag-eleksyon, nagbabadya na ang panahon ng baha???
Para sa iyo, paano ba ang Mayo 2022?
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento