Parte ng kultura ang mga pelikula. Kinalakihan na ng bawat tao ang panonood ng pelikula. Sino bang tao ang hindi pa nakapanood ng kahit isang pelikula?
Hindi ko na matandaan kung ano ang unang pelikulang napanood ko, pero ang sigurado ako ay kasama ko ang pamilya ko. Parati akong hila-hila ng nanay ko bilang bunso kasi ako.
Noong hindi pa uso ang cable TV, Internet, at Netflix, tuwing linggo ng gabi ay inaabangan ng mga pamilya ang palabas sa ABSCBN. Sabay sabay na manonood ang mga pamilya. Doon ko nakilala ang mga artistang Pilipino pati na rin mga dayuhan. Naaalala ko linggo ng gabi mayroon palabas sa TV si Max Alvarado. Elemetarya pa lang ako noon pero hinayaan na nila ako mag-aral mag-isa para sa pagsusulit ko kinabukasan dahil nanonood na ang buong pamilya ko ng pelikula. Habang nag-aaral ako ay naririnig ko ang palabas, pati na rin ang mga reaksyon nila. Mukhang ma-aksyon ang mga eksena base sa naririnig ko. Napansin ng isang nakakatanda kong pinsan na siyang nagtuturo sa akin noong maaga pa na napapatingin na ako sa TV. Ayun tinutukso na nila akong lahat na baka raw ang maisagot sa exam ay “Max Alvarado”. Haha.
Naaalala ko tuwang-tuwa kami noong nagpapalabas rin ng mga pelikula mula sa ibang bansa ang isa pang channel, Channel 21 ata iyon. Sabado naman sila ng gabi nagpapalabas ng mga pelikulang sumikat sa ibang bansa. Pero ang paborito namin ay ang “Sound of Music”. Dalawang magkasunod na Sabado nila ito pinalabas. Mahilig ang nanay kong kumanta, kaya gusting-gusto niya ang pelikulang iyon. Noong panahon na iyon ay hindi pa rin ako nahihiyang kumanta sa harap ng mga tao habang hawak ang mikropono. (Deadma pa ako noon sa sasabihin ng iba sa pagkanta ko ang alam ko lang ay kakanta ako kapag paborito ko ang kanta haha). Natatandaan ko pa na mayroon kaming tanim sa may garahe na ang tawag ay Cinderella dahil alas-12 ng gabi bumubukas ang bulaklak nito. Habang inaabangan naming ang alas-12 ay nanonood rin kami ng “Sound of Music”. Lumabas lang kami sandali para abangan ang pagbubuka ng bulaklak habang naririnig pa rin naman ang pelikula. Parang isang eksena sa pelikulang iyon: may background music, may mga patak ng ulan pa ang bulaklak habang unti-unting bumubuka sa kadiliman ng gabi. Habang buhay ko nang dadalhin ang alaalang iyon nga aking pagkabata at nakakabit na rito ang “Sound of Music.” Simple lang ang kasiyahan naming ng pamilya ko at magkakasama kami.
Hindi ko alam kung normal bang ginagawa ng mga pamilyang hindi mayaman ang ginagawa naming, dahil naalala ko kapag nanonood kami ng sine kasama ng mga kamag-anak ng nanay ko ay may baon kaming pagkain. Tila isang picnic o outing ang pupuntahan namin kung makikita mo ang baunan dala ng mga tiyahin ko! Kanin at ulam talaga na nakalagay sa malalaking Tupperware. May dalang plastic na pinggan, kutsara at tinidor. Bumibili rin kami sa grocery ng pwedeng idagdag sa baon at paghati-hatian habang nonood ng sine, lalo ang litro ng softdrinks at juice. Wala ata kasi kaming pera noon pambili ng mga fastfood o popcorn. Pwede pa kasing umupo noon sa hagdan kaya maaaring magpasa-pasa ng pagkain.
Kapag hindi nasimulan ang pelikula ay maaari rin manatili sa loob ng sinehan upang masimulan ito. Kapag umabot na sa parteng naabutan na ay maaari nang lumabas ng sinehan. Hindi katulad ngayon na may oras lang ng panonood at wala nang umuupo sa mga hagdan o tumatayo sa tabi kapag wala nang bakanteng upuan. Nakakatawa lang na dahil sa ganito ay minsan na nahuli kami ng dating sa misa ay sinimulan naming ito, noong dumating na sa parte ng misa na naabutan naming ay nagtanong ako sa nanay ko kung hindi pa ba kami aalis. Nasabihan tuloy akong “anong akala mo sa misa, sine?” haha. Malay ko ba! Bata pa ako eh. Pati wala naman nagpaliwanag sa akin ng pagkakaiba ng pagsisimba sa iba pang pinupuntahan namin.
Naalala ko rin ang una kong naranasan makapanood ng Metro Manila Film Festival (MMFF). Nakakakuha ng mga libreng ticket ang mga tiyahin ko. Naalala ko lahat ng pelikula ay maaaring mapanood dahil sa mga ticket na bigay sa kanila. Kaya naman kung saan kami pwede isamang mga bata ay pinapanood namin.
Kung saan saan ako nakakarating noon dahil sinasama ako ng nanay ko. Naalala ko napanood ko ang The Lion King at Beauty and the Beast sa sine. Naiyak ako sa The Lion King siyempre noong namatay ang tatay ni Simba.
Dahil fan na fan ang nanay ko ni Regine at mga comedy na palabas ay nakapanood rin ako ng mga pelikula nila. Wanted Perfect Mother, DoReMi, Pangako Ikaw Lang, Kailangan ko’y Ikaw, atbp. Napanood rin naming mga pelikula nila Dolphy, Tito, Vic and Joey, atbp.
Hanggang sa lumaki na ang mga pinsan ko kaya natuto na silang mag drive. Kaya nakakanood na kami na wala nang kasamang ‘matatanda’. Madalas tuwing biyernes ay nanonood kami ng last full show sa Robinsons Galleria.
Nauso rin ang mga rental shop ng mga VHS. Kaya naging parte ng biyernes ng gabi namin ang panonood ng magkakasama sa bahay ng isa naming pinsan ng iba’t ibang pelikula. May mga luma, mayroon mga bagong palabas. Iba iba rin ang mga genre ng pelikula na pinapanood naming. Gone With the Wind, All Dogs Go to Heaven, horror na pelikula (Friday the 13th, Pet Sematery, Dawn of the Dead, atbp.), at iba pang mga pelikula mula sa ibang bansa lalo na kapag summer vacation. May ilan na nakakatulugan ko ano naman kaya ay tinatawag na ako ng magulang ko na umuwi na raw ako at matulog na kaya hindi ko natatapos.
Noong nauso rin ang mga pirated VHS, CD at DVD ay nakapanood kami ng iba pang pelikula pati na ang mga The Ring, The Grudge, atbp. Madalas hindi naman ako makatulog pagkatapos. Naalala ko na may mga parte ng mga pinapanood namin na hindi ko nakikita lalo kapag may kissing scene o bedscene, pati na rin yun nakakatakot na parte. Siyempre ano, nakakatakot eh! Pero kahit ganoon ay napapanaginipan ko pa rin ang mga napapanood na nakakatakot. Nakakatawa rin yun mga pirated na kinuhanan gamit ang video camera sa sinehan. Mayroon mga nagugulat ang kumukuha kaya nawawala bigla ang palabas. Mayroon rin mga tumatayo o dumadaan. Mayroon rin mga putol ang eksena. Minsan naman kailangan linisin ang head ng player ano kaya ang CD ay kailangan punasan ng t-shirt!
Nakakatuwa rin noong nagkaroon ng Cable TV. Mayroon nang HBO, Star Movies, at iba pang channel kung saan makakapanood ng pelikula. Noong nagkaroon kami ng cable, mayroon isang channel ng Japanese (Wowow). Natuwa talaga ako na marami silang bagong palabas. Doon ko nakapag marathon ng Star Wars Episode 1, 4-6. Kapapalabas pa lang ng Episode 1, kaya nakakatuwa na pinalabas na nila doon at buong araw pa. Kaya doon ako naging fan ng Star Wars. Nakakatawa lang na kapag gabing-gabi na pala ay mga bold na ang palabas doon! Haha. Buti talaga tulog na ako kapag nagpapalabas sila ng ganoon. Japanese na pelikula pati na rin mga iba pang pelikula na may mga naghuhubad ang pinapalabas nila kapag mga alas-12 na raw. Kwento ng mga pinsan kong lalaki dati. Haha.
Sa cable rin ako unang nakapanood ng Thai na pelikulang iniyakan ko “O-Negative” noong high school ako. Iyon din ang unang pelikulang Thai na napanood ko. Naalala ko naikwento ko dati sa isang kaibigan ko na Thai na napanood ko iyon, nagulat siya, sabi niya sumikat raw dati ang pelikulang iyon sa kanila. Hindi ko pa napanood noon ang “That Thing Called Love” ni Mario Maurer.
Dahil nga nakapag marathon na ako ng dalawang ng Star Wars, noong high school rin Star Wars Episode 2 pinalabas. Bilang mga estudyante pa kami ng pinsan ko na manonood ng sine, ay naghati kami sa pizza mula sa Greenwich. Akalain niyo wala pang ilang minute mula nang pinatay ang ilaw ay ubos na namin ang pizza!
Isang beses rin na nanood kami, bumili kami ng tig-1 piece chicken sa KFC. Paano ka kakain ng kanin sa dilim sa loob ng sinehan? Hindi uso ang mga ala-Director’s Club na setup at siyempre kung mayroon man ganoon ay hindi pasok sa budget naming ang manood sa ganoon. Para hindi na kailangan mahirap kumain gamit ng kutsara at tinidor, siyempre pwede naman gawin parang tinapay ang kanin. Kagatin na lang! Magrereklamo ba iyon? Sabi nga diba, kung gusto may paraan. Gusto mo kumain ng 1-piece chicken eh, kaya para-paraan lang iyan!
Minsan nagyaya ang mga kaklase ko ng kolehiyo manood ng sine pagkatapos ng huling exam namin. Hindi naming alam ano panonoorin pagdating namin sa bilihan ng ticket. Nakita naming ang pagpipilian ay “A Lot Like Love” ni Ashton Kutcher at isang Asian movie na may hawak na camera yun lalaki. Bilang karamihan sa amin ay single at nag-aaral tungkol sa Asya, siyempre pinili namin ay ang Asiang movie. Malay ba naming na horror palay un “Shutter”!!! Nakakatakot, ako pa naman ang nahuling umupo sa sinehan, kaya ako ang napunta sa dulo. Ang mga bakla walang pakialam sa akin. Kanya kanyang sigaw at takip ng mata kami sa sobrang takot! Haha. Hindi ata ako nakatulog ng ilang buwan dahil doon. Kaya ayoko talaga nanonood ng mga nakakatakot. Naaalala ko kasi eh.
Noong lumaon ay hindi na ako sanay kumain o uminom sa sine. Kahit pa may pambili na ako (oo, kahit papaano noong nagtatrabaho na ako mayroon naman konting extra). Ayoko lang talaga naiihi sa gitna ng pelikula. Minsan nakakatakot magpunta sa CR, pati ayoko rin hindi mapanood ng buo ang pelikula.
Maari na rin manood ng pelikula ngayon online. Iba pa nga lang ang manood sa sine kapag sabay sabay mo maririnig ang reaksyon ng mga nanonood. Mahihiya kang umiyak kapag nakakaiyak ang mga tagpo sa pelikula, siyempre ang dyahe marinig ng mga tao ang iyak mo. Kaya dapat yun pigil lang ang iyak. Nakakatawa kapag bumukas ang ilaw tapos makikita mo na may mga nagpapahid rin ng luha. Haha. Nakakatawa rin na kapag natapos na ang pelikula at habang naglalakad kayo palabas ay maririnig mo ang mga tao na pinag-uusapan ang pelikula na pare-pareho naman niyong napanood. Haha.
Nakakinis ang mga pagkakataon na makaka-tiyempo ng maingay o nag-kukuwento ng mangyayari habang nasa sine! Spoiler! Minsan mayroon rin mga nanonood na nagtataas ng paa sa likod ng upuan mo. Nakakainis lalo kapag nasisipa yun upuan mo. Ano naman kaya iyon may daan ng daan sa harap lalo sa tiyempong maganda na nag kwento tsaka mang-iistorbo. Paano naman ang mga hindi naka-silent ang cellphone at biglang tutunog ng malakas? Minsan sinsasagot pa habang nasa loob ng sinehan! Kaloka. Feeling niyo nasa bahay lang kayo?
Nasubukan mo na ba manood ng pelikula mag-isa? Ako, Oo. Wala naman nangyari sa akin. Siyempre pumili kayo ng sinehan na walang mga extra service. Dati kasi mayroon mga balita na mayroon ilang sinehan sa Maynila na may nagaganap na hindi dapat. Mayroon raw nag-aalok ng sexual na serbisyo. May nagkwento sa amin dati na mayroon pa nga raw sumisigaw. Hindi raw nila alam kung ano ibig sabihin hanggang sa kumalat ang mga balita, nalaman nila nag-aalok pala raw ng serbisyo iyon. Mayroon rin nabalita na sa mga sinehan doon ay mayroon raw kiti-kiti. Mayroon rin iba na nabalitang mayroon na nagsasaksan ng karayom na may AIDS. Pero mabuti na lang wala nang mga ganoon ngayon. Nakakatakot. Ok naman manood ng mag-isa. Matututukan mo ang palabas. Kung hindi mo pa nagawa, subukan mo. Walang mawawala.
Ang laki na ng pinagbago ng panonood sa sine ngayon. Hindi na pwedeng ulitin kapag hindi mo nasimulan. Karamihan na rin ngayon ay maaari ka nang mamili ng upuan. Kaya wala na ang umuupo sa hagdan o tumatayo sa gilid at likod kapag wala nang upuan. Grabe rin ang mahal na ng sine ngayon!
Minsan nakaluwag ako ay nakapanood rin ng 4D, pati sa Director’s Club. Minsan libre lang din. Ngayon pandemic bawal na ang kumain habang nanonood ng sine. Kailangan rin naka-mask at face shield? Buti hindi ako mahilig kumain habang nanonood kaya ayos lang na pinagbawal iyon.
Kasama ng pag-alala mo ng kwento ng pelikula ay ang karanasan ng panonood. Ang naramdam mo, ang mga nakasama mo, nasa paligid mo, atbp.
Ikaw, ano ba ang mga karanasan mo sa panonood ng pelikula?
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento