Lumaktaw sa pangunahing content

Bakit tayo Natatakot sa Usapin ng Kamatayan?


Bakit nga ba tayo natatakot sa usapin ng kamatayan?

Bihira siguro ang taong makakapagsabi na hindi siya takot mamatay. Hindi ko maintindihan ang mga nagsusuot pa ng mga costume at naglalagay ng makeup na parang zombie, vampire, at kung anu-ano pang nakakatakot na nilalang lalo kapag Halloween. Mabenta rin ang mga horror film at horror episode ng mga palabas sa TV kapag ganitong panahon.  Hindi ko sinabing isipin na kunin ang sariling buhay, dahil ibang diskurso pa iyon. Isusulat ko rin kapag may pagkakataon. Pero bakit kapag tungkol sa sarili nating katapusan ay ayaw natin itong isipin at pag-usapan?
 
Kapag bata pa…
“Bata pa ako. Marami pa akong kailangan gawin sa mundo.”
 
Kapag matanda na…
“Hindi pa ako handa. Marami pa akong gustong gawin sa mundo.”
 
Hindi pa nila nasusulit ang paglalagi nila sa mundo. Kailan ka ba magiging handang mamatay? 
 
Bakit kaya headlines sa mga barberya, parlor, karinderya, umupukan ng mga tsimosang kapitbahay kapag may namatay sa paligid? Ano bang magagawa ng pag-uusap tungkol sa namatay kung hindi naman para ipagdasal ang namayapa pati ang mga naiwan niya?
 
Kapag may namatay, parating tinatanong kung ano ang kinamatay. Mapipigilan ba natin dumating ang kamatayan natin kung nalaman natin paano namatay ang nauna sa atin? Hindi natin mapipili paano tayo mamatay. Hindi rin natin mapipili kung kailan ito mangyayari.  Pero isa lang ang sigurado, darating at darating din ito sa tamang panahon. Kaya hindi totoo na "change is the only constant thing in this world." Huwag nating kalimutan na sure din na mamatay ang mga tao. Yun nga lang hindi tayo parang stock sa grocery na 'first in, first out' kaya hindi mo malalaman sino na ang susunod.  Ang iba nga overstaying na sa mundo habang ang mga ka-batch niya ay matagal nang naging pataba sa lupa. 
 
Last Will

Habang naghihintay sa hindi mo alam kung paano at kailan mangyayaring katapusan mo, nasubukan mo na bang magsulat ng ‘Last Will’? Parang sa mga napapanood nating drama at pelikula lang at sa mga mayayaman. haha. 
 
Ang totoo dito ay kailangan nating tanggapin lahat tayo ay doon mapupunta.  At lahat ng mayroon tayo ngayon konti man iyan o marami, pera man iyan, gamit o mga mahal sa buhay ay iiwan mo. Wala kang dadalhin kahit isa. 
 
Naaalala ko ang nanay ng isang kaibigan ko. Noong unang beses siya sinabihan na kailangan niya sumakay ng eroplano papuntang Dubai ay naghanda ng Last Will niya. Natakot siya na baka mayroon mangyari sa kanya sa biyahe lalo unang beses pa lang siyang sasakay ng eroplano. Natawa kami noong una, pero kung iisipin mo tama rin naman ang ginawa niya. Para rin naman iyon sa maiiwan niyang mga anak at mga apo lalo na at namatay na ang asawa niya.  
 
Sinubukan kong magsulat ng Last Will ko. Hindi dahil naiinggit ako kay tita pero kunwari mayaman para lang magbilin ng mga bagay kapag bigla akong mawawala. Ito ang mga huli kong kahilingan. 

Napaisip talaga ako kasi wala pala ako halos ibibilin. Haha. Nag-feeling kasi e wala naman pala akong maiiwan na mahalaga. 

Gamit: Tapon na lang?

Yun mga gamit, ari-arian, at pera naman makukuha ng natitirang pamilya ko. Bilang wala naman akong sariling pamilya, walang mag-aaway sa konting maiiwan ko. Yun mga gamit ko bahala na ang maiiwan ko. Kung gustong gamitin o ipamigay sa mga nangangailangan. Pwede rin itapon. 

Memories: please Delete

Pero ayoko palang matira ang mga papeles ko at mga litrato. Gusto ko itapon nila. Gusto ko mabura ang alaala ko. Pwede nilang sabihin na kapag hindi raw niyo binura ang alaala niya, dadalawin niya kayo. haha. 

No to Burol!

Ayoko nga maidisplay kapag wala na ako. Ayoko nga na pupunta lang ang mga tao sa burol at libing ko para sumagap ng tsismis tungkol sa akin. Ano naman kaya ay papansinin ang suot at makeup ko. Na dapat mukhang bata o mukhang natutulog lang. Makikikain pa, minsan mag-take out pa ng pagkain mula sa burol. 

Ayoko na mapagod pa ang mga tao, lalo na wala naman masyadong apektado kapag nawala ako. Pwede naman na libing agad. Wala nang display pa! Sapat naman ang maiiwan ko para maipalibing ako (kung may matitira pa sa account ko haha). Mayroon naman nang lugar kung saan ako ililibing. Ayoko ng drama lalo sÄ… buro at libing ko. Ayoko makarinig ng mga kadalasan sinasabi ng mga taong gumagawa ng eksena. Sabagay sino bang eeksena? Haha. 

Mas maganda pagkamatay ko libing agad. Gusto ko wala nang makakaalam pa na iba. Gusto ko rin cross lang ang tanda ng pinaglagyan sa akin. Wala nang pangalan at kung anu-ano pang detalye. 

Kapag bata pa ang namatay ay sinasabing "bata pa siya". Maiisip tuloy ng mga tao "so pwede na ang mga matanda? (mas matanda sa namatay katulad mong umiiyak diyan)". Kapag biglaan naman namatay ay "bakit siya? ang bilis naman..." Maiisip tuloy ng mga nakikipaglibing "so kung iba, pwede na?" Kahit kailan hindi ko narinig na nagawa ng tama ni kamatayan ang trabaho niya. Parati siyang mali. 

Gusto ko talaga makalimutan ako ng mga tao agad. Sa totoo lang, kahit anong gusto kong mangyari sa mga maiiwan kong ‘akin’ ay wala naman akong magagawa. Gagawin pa rin ng mga maiiwan ko ang gusto nila. 
 
Hindi naman ako umaasa na may magdadasal pa para sa akin kapag namatay ako. Siguro makakasama ako sa mga binabanggit na “all souls in purgatory” pati na rin ang mga tinatawag na “mga kaluluwang walang nakakaalala” kapag may misa at mga padasal. Ang weird ng pakiramadam na ibang tao ang masayang nagdiriwang ng kaarawan mo, habang ikaw ay hindi naman masaya na buhay ka pa. Paano mo sasabihin na ang wish mo talaga ay sana kunin ka na ni Lord at sana huling kaarawan mo na iyon? Naalala ko tuloy iyong sa pelikulang “Hintayan ng Langit”. Sabi nung isang kaluluwa blessing raw na kinuha na siya ni Lord, kaya lang noong nalaman niya ang kalagayan ng mga naiwan niyang pamilya ay hindi niya kinaya. Nakokonsensya siya. Pero paano sa mga katulad ko na wala naman maiiwan?
 
Hindi madaling pag-usapan ang tungkol sa sarili nating kamatayan pero kalian pa tayo magiging handa? Kailan din ba natin maihahanda ang mga maiiwan nating pamilya kung mayroon man? 
 
Ang hilig kasi natin sa cramming. Pati sa aspeto ng buhay at kamatayan gusto mag-cram pa rin! Mayroon mga taong gumagawa pa ng bucket list kapag nalaman na bilang na ang oras nila. Ang iba naman katulad ni Veronika sa “Veronika decides to die” na biglang sinubukan ang mga hindi pa sinusubukan sa buhay dahil lang akala niya mamatay na siya. Kailangan ba malaman mo munang malapit na ang deadline bago mo ihanda ang sarili mo?

Hindi rin kaya natatakot ang mga taong isipin ang kamatayan nila kasi hindi nila alam kung saan sila pupunta pagkatapos? Hindi mga gamit at ari-arian ang maaari natin bitbitin sa kabilang buhay. Hindi rin ang mga taong mahal natin (gusto mo bang isama sila kahit hindi pa nila panahong mamatay???? Ano ka emperor ng China o Pharaoh sa Egypt??). Ang maaari lang natin dalhin ay ang mga nagawa natin habang nabubuhay pa tayo. Nakagawa ba tayo ng kabutihan o kasamaan? 

Ikaw ba, ano sa tingin mo? Bakit tayo natatakot sa usapin ng kamatayan?

Mga Komento

Mga Mabebentang Kuwento

Paano ba kami kapag may patay?

I sa sa iniiwasang pag-usapan ang tungkol sa patay. Pero paano ba kapag may patay kami? Katulad ng maraming pamilyang Pilipino, marami kaming sinusunod na pamahiin kapag mayroon kaming patay. Noong college ako ay nagsulat ako tungkol sa mga pamahiin ng mga Pilipino sa patay. Marami tayong mga pamahiin dito sa Pilipinas. Nag-iiba, nadagdagan at nababawasan ang mga ito depende sa lugar o probinsya. Pero sa mga pamahiin natin, ang mga pamahiin sa patay na ata ang pinakamarami.  Hindi man madaling isipin ang mamatayan  ng isang mahal sa buhay dahil lungkot ang una nating nararamdaman pero ito ay isang kaganapan kung saan dumarating ang mga kamaga-anak at nagkakaroon ng instant reunion. Umuuwi ang mga nasa ibang lugar na hindi madalas umuwi o nagpapadala ng pera ag dating mahirap hingan ng pera. Dumarating din ang mga outside the kulambo na pamilya sa mga lalaking may itinatago sa tunay na pamilya.  Habang nag-lalamay, inaalala ng mga tao ang namayapa. Paano ba siya noo...

Bakit Tayo Makasarili?

Bakit nga ba tayo makasarili? Ako, ako, ako, parati na lang ako sabi nga sa pelikula. Para sa iba, hindi nila maamin na makasarili sila, kasi para sa kanila perpekto sila. Sige na, kayo na. Pero para sa atin na aminado sa ating pagiging makasarili, bakit nga ba tayo ganito? Paano ba tayo nagiging makasarili? Sabi nga mahalin muna natin ang ating mga sarili bago tayo magmahal ng iba. Hindi masamang mahalin ang sarili. Kaya lang, lahat ng sobra ay  masama. Lahat rin ng bagay na sumasagasa na sa interes ng iba ay maaari na rin makasama. Dahil hindi natin maiiwasan ang pakikipag-ugnayan sa ating kapwa. Dito nasusukat ang ating pagkatao. Dito rin nalalaman kung paano natin tinitimbang ang mga bagay sa buhay natin.  Tignan natin ang mga ebidensya ng ating pagiging makasarili sa araw-araw. Kalamidad. Bakit nga ba nagbabaha? Isa na ata sa mga bagay na nakasanayan na ng mga nakatira sa siyudad ay ang karanasan sa baha. Bakit nga may baha? Paano imbes na itago muna ang balat ...

Na-LSS Ka Na Ba?

Na-LSS ka na ba? (LSS = Last Song Syndrome pero puwede rin naman na Last Sound Syndrome) Ito ay nangyayari tuwing mayroon tayong paulit-ulit na kanta na naririnig. Minsan tinatamaan tayo ng LSS dahil gusto natin ang kanta, minsan naman dahil ayaw natin sa kanta.  Natutunan ang tungkol sa pagkakaroon ng LSS noong ako ay nasa elementarya at high schol pa lang ako. Parati namin naririnig ang mga nagtitinda ng Selecta na tumutugtog upang manawag ng mga bibili lalo na mga bata. Dahil dito ay inuulit na ng kaibigan ko ang tugtog. Pero bago pa lang nangyari iyon ay naalala ko na sa sobrang pagkagusto ko sa isang kanta ni Ate Regine ay minsan kahit antok na antok na ako ay hindi ko mapigilan na hindi kumanta habang pinatutugtog ito sa radyo sa service. Nakakahiya man na nakikita ng mga ka-service ko na kumakanta ako habang natutulog bago ko napansin na ginagawa ko ang pagkanta at pagtulog ng sabay.  Noong nag-aral ako sa ibang bansa ay minsan pumunta kami ng mga kaibigan ko s...