Para sa iyo ito, mula sa akin…
Pagkatapos ng mga naisulat ko dito sa blog, siguro naman ay may karapatan na akong hilingin na sana hindi na ako magkagusto kahit kanino para hindi na rin ako muling magkamali. Napapagod na ako. Paulit-ulit na lang maling tao ang nagugustuhan ko. Masaya naman ako sa buhay ko. Akala ko nga hindi na ako makakaramdam pa ulit ng magkahalong saya at kilig.
SALAMAT
Sa una pa lang naman naisip kong hindi ako ang babaeng magugustuhan mo. Dahil parang malayo ako sa mga nakapaligid at lumalapit sa iyo. Pero isang araw bigla na lang kitang napansin. Ok ka naman pala. Kaya lang parang ayaw mo basta mapalapit kung kanino lang. Hindi ko man agad naintindihan ang nararamdaman ko para sa iyo. Natutuwa ako kapag nakikita kita at kapag nakakausap kita. Salamat sa iyo, marunong pa pala akong makaramdam ng kilig. Kahit pa halata naman na naiilang ka sa akin. Sigurado ako na gusto kita. Ayos lang sa akin dahil iniisip ko nga, natutuwa lang ako. Ako lang iyon. Ako lang ang pumansin sa nararamdaman ko kaya hindi ako dapat umasa na may ibabalik sa akin. Hindi ako dapat umasa na mapapansin mo ako.
Para sa akin mas madaling isipin na mayroon kang ibang gusto kaya hanggang doon lang iyon. Lalo na hindi ka komportable sa akin. Minsan pakiramdam ko iniiwasan mo ako kung hindi naman trabaho ang pag-uusapan. Naliligo naman ako araw-araw ha. Wala akong B.O. Wala naman akong halitosis at parati akong nagsisipilyo. Hindi naman kita uutangan ng pera. Haha. Pero kasi kahit sa mga online message minamadali mong tapusin ang usapan. Ayaw mo pa rin akong kausap. Pinakamahaba na atang message na natanggap ko galing sa iyo ay noong binigyan kita ng regalo para sa isang birthday mo. Kaya minsan halos ayaw na nga kitang i-message lalo na kapag wala naman tayong pag-uusapan tungkol sa trabaho. Sigurado kasing matatapos iyon na ako ang nagpadala ng huling message na 'seenzoned' lang. Ako na ang naunang nag-message ako pa rin ang huli. Kausapin ko na lang kaya ang sarili ko? Haha.
Nakakatawa na lang talaga na kahit ganoon na mapa-personal at mapa-online ay iniiwasan mo ako ay natutuwa pa rin ako sa iyo. Bakit nga ba? Haha. Naisip ko kung hindi mo naman ako nakikita nang higit pa sa kasama sa trabaho o isang kaibigan, ayos lang sa akin iyon. Bakit mo pa ba kakailanganin ng isa pang kaibigan sa dami ng nakapaligid at lumalapit sa iyo diba? Gusto mo siguro yun katulad mo sa lahat ng bagay pati na rin sa trabahong pinili. Hindi mo naman talaga ako niyayang mag-lunch minsan dahil gusto mo ako makasama diba? Wala ka lang talang kasabay kumain. Kahit gaano ko ka-gustong sumama sa iyo noon ay hindi talaga ako pwede. Bakit naman kasi lunch lang ang yaya mo? Pwede naman dinner. Hehe. Pero salamat pa rin dahil pinasaya mo ako nang hindi mo alam.
PASENSYA
Hindi ko na bibigyan ng dahilan ang mga bagay na ginawa at hindi mo ginawa… Ang mga pinili mo. Magkaiba naman ang pagiging busy sa trabaho at career sa hindi talaga interesadong mag-laan ng oras. Naniniwala ako na kapag gusto may paraan, pero ang dami mo parating dahilan.
Naisip ko talaga na ilang pagkakataon din ang dapat na magkikita tayo pero may mga nangyari kaya hindi tayo nagkita. Busy ka, hindi ka pwede, ako ang hindi pwede, tinamad ka, hindi ka naimbitahan, atbp. Naisip ko baka nga nagsusumigaw na ang katotohanan na hindi talaga magkakaroon pa ng kuwentong matatawag nating ‘atin.’ Hindi naman sa nagtatampo ako pero ang pagiging M.I.A. (missing in action) mo nga noong panahon na kailangan ko ng karamay—noong panahon na biglang nawala ang mga taong mahal ko ay sapat na siguro para malaman ko kung ano ako para sa iyo. Sabi nila sa mga pagkakataon na may matinding problema ka mo malalaman kung sino talaga ang mga taong nagpapahalaga sa iyo. Naisip ko natabunan rin siguro ng abo mula sa taal ang pakikiramay mo sa isang kaibigan. Hindi ko naman siya hiningi, pero isa nang matibay na ebidensya na hindi mo ako tinuturing kahit na kaibigan lang o kahit dating kasama sa trabaho. Sabagay kinita mo pa nga ang taong ayoko. Wala naman sigurong mas malinaw pang sagot doon.
Bakit ba kasi ako nag-isip pa noong gabing kumain tayo sa labas ng mga kaibigan mo at ng isang kaibigan ko? Napaisip talaga ako noong sinabi mo kung ano ba talaga ang gusto mong babae. Nag-isip talaga ako kung may kakilala ako na katulad ng sinasabi mo. Pero bakit parang mayroon akong hindi naintindihan? Iba kasi ang reaksyon ng mga kaibigan mo. Para bang naghihintay sila ng sasabihin ko. Ayoko talaga mag-maganda, pero ako ba iyon? Kasi kung ako iyon, wala ka naman kahit anong ipinakita sa akin para masabi kong gusto mo ako. Alam ko naman na hindi ako ang tipo mo. Iniiwasan mo nga ako, diba? Hindi ka rin naman interesado makipag-usap. Saan naman manggagaling iyon? Wala naman kahit isang clue o hint na para masabi na ako iyon sa mga ginagawa mo bago ang gabing iyon. Sa totoo lang kaya ako hindi makasagot agad kasi nag-iisip talaga ako. Hindi ko tuloy alam paano ako sasagot sa sinabi mo kaharap ng mga kaibigan mo. Ayoko talaga ng graded oral recitation lalo na kapag surprise kasi kung anu-ano nasasabi ko. Madalas panic mode ako kaya hindi ako nakakapag-isip ng maayos.
Kung ako naman ang tinutukoy mo ay malalaman ko sa mga gagawin mo pagkatapos ng gabing iyon. Pero parang hindi talaga ako iyon kasi parang mas iniwasan mo pa ako matapos ang nangyari. Marami naman sigurong babaeng katulad ng sinasabi mo, ano? Ako lang ang nag-isip na kung ako iyon mahirap maghanap ng katulad ko. Siyempre ako iyon eh. Kaya‘hindi’ talaga ang sagot sa tanong ko, diba? Hindi ako iyon sinasabi mo.
Dapat ko ba isipin na ako iyon? Habang nakikita ko kung gaano ka kasaya kapag iba ang kasama mo, pero kapag ako ang kasama mo ay parang hindi mo man lang alam paano ka ngingiti sa litrato. Pansin ko ayaw mo naman mapalapit sa akin lalo na kapag nakikita ng iba. Hindi katumbas ng pagka-gusto ang pagpansin sa mga post ng tao. Yun mga like na iyon ay dahil lang naman ni-like ko rin mga post mo, diba? Walang ibang dahilan. Kahit kailan nga hindi mo ako binati kahit 'happy birthday' kasi hindi mo naman inalam kung kailan talaga ito. Sabagay hindi naman ako excited kapag birthday ko. Tinitignan ko lang kung sino ang mga taong umaalala sa araw na iyon at nagpapaalala sa akin na binigyan pa ako ulit ng isa pang taon para mabuhay. Hindi ko nga alam bakit pa ako nabuhay at bakit buhay pa rin ako eh. So OK lang.
Iingatan mo naman siguro ang gamit ng tao kung gusto mo siya, pero ang mini tape dispenser na pinagkatiwala ko sa iyo nawala mo pa. Alam ko na nautusan kita para idikit sa classroom ko ang sign na online ang class namin para mabasa ng checker. Winala mo ba dahil nainis ka sa akin na dinagdagan ko pa alalahanin mo ng araw na iyon? Sabi mo sa akin nasa isang bag mo lang iyon. Dahil nagpalit ka ng bag hindi mo nadadala. Pero ilang beses ko ba dapat ipaalala sa iyo ang tungkol doon? Ayoko kasi nag-uulit sa mga tao. Materyal na bagay lang naman iyon. Madaling bumili ng bago pero paano pa ang mas mahahalagang bagay na ipapahiram o ibibigay ko sa iyo? Hindi mo pa nga maaalala ang tungkol doon kung hindi ko tinanong. Abusado na ba ang pag-aakalang ibabalik mo sa akin ang gamit ko pagkatapos kitang utusan noong wala ako? Pasensya na ha pati na rin sa mga nagawa ko.
PAALAM
Tanggap ko naman ang katotohanan na mag-isa lang ako dito sa simula pa lang. Na ang sinasabi mo noong gabing iyon ay malabong maging ako. Pasensya na kung nag-feeling ng konti. Assumerang palaka ang peg minsan. Noong huli nating pagkikita, balak ko sana linawin na ang mga bagay. Lalo na nakita ko ang litrato mo kasama ang babaeng pinapares nila sa iyo. Bagay naman talaga kayo kasi pareho kayo ng napiling trabaho. Samantalang ang pinili ko naman ay malayo sa gusto mo. Hindi naman siya ang unang tinukso nila sa iyo sa sandaling magkasama tayo. Bakit hindi mo kayang maging ganoon kasaya kapag kasama ako? Ganoon ba talaga kapag napipilitan ka lang?
Ayoko nang maulit ang mga nangyari sa akin dati. Kaya gusto ko sana mabitawan ko na ang kuwentong ito. Mas magandang natatapos ang kwento ng wala nang katanungang natitira. Mas mabuti kasi yun isang sakit na lang, kinabukasan pwede na mag-move on. Dahil sigurado naman na hindi na tayo magkikita ulit. Pero hindi ko nagawa. Pero para kasing hindi iyon ang tamang oras lalo na marami tayong kasama. Pakiramdam ko magiging makasarili ako kung gagawin kong tungkol sa akin ang oras na iyon. Tama na sigurong naging assumera ako, matindi na siguro kung maging parang diva pa doon. Lalo na nagmamadali ka pang umuwi. Mahirap siguro kami makasama. O baka naman ayaw mo lang talaga magtagal kasi nandoon ako?
Naalala ko tuloy na ayon sa Talmud “do not regret what you’ve done, but regret what you wanted to do and did not do.” Sabi ko nga, sa simula pa lang, ako naman ang may gawa nito. Ayokong pinipilit ang sarili ko sa mga tao. Kung ayaw sa akin ay hindi ko para pilitin sila na magustuhan ako. Ako lang sumubok na lumapit. As usual nagkamali na naman ako sa pag-aakalang ako ata iyon sinabi mo. Minsan talaga lumalabas ang assumerang palaka. Hindi ko nga alam kung kilala mo talaga ako. O sinubukan mo ba akong kilalanin? Haha.
Pero titigilan ko na ito. Kung hindi mo man makita ang laman ng account ko ay dahil hindi mo naman kailangan makita ang mga bagay na hindi mo naman tinitignan—mga bagay na hindi mo naman pinahalagahan noon pa man. Hindi mo na kailangan malaman ang mga bagay na hindi mo naman talaga gustong malaman. Ang mga bagay na wala ka naman pakialam. Hindi ito dahil hindi na kita gusto, pero dahil kailangan ko na tanggapin ang mga bagay na dapat matagal ko nang ginawa. Wala ka naman kailangan sa akin kaya hindi mo na kailangan maging mabait at pilitin makisama. Hindi na rin naman tayo magkikita o mag-uusap pa. Kaya huwag ka na mag-alala.
Para sa iyo ito, mula sa akin—isang bagay na hindi mo mababasa dahil hindi mo naman talaga babasahin. Hindi mo malalaman ang mga bagay na hindi mo naman inaalam. Sabi nga sa isang pelikula mahirap isipin ang mga “what if” sa buhay natin pero mas mahirap tanggapin ang mga “what is.” Ito na ang “what is” na dapat matagal ko natutunang tanggapin. Dahil wala itong patutunguhan sa simula pa lamang—na walang magiging ‘kuwento natin.’ Tanging 'kuwento ko lang' ito. Hangad ko para sa iyo ay maging masaya ka parati lalo na sa mga pinili mo sa buhay mo. Magiging masaya talaga ako para sa iyo basta masaya ka. Pwede naman maging masaya para sa mga tao kahit hindi ka nila gustong maging parte ng buhay nila. Hindi ko man mababago ang mga nangyari. Hindi ko man mababawi ang mga nasabi at nagawa ko. Hindi ko man maintindihan kung bakit nangyari ang mga nangyari. Natutunan ko na hindi ako dapat manghinayang sa mga bagay na hindi naman talaga para sa akin. Maaari ko naman piliin maging masaya. Maaari kong piliin ang mga nangyari na nangyari ang mga ito dahil ito ang nararapat.
Kaya heto ang salamat, pasensya at paalam para sa iyo mula sa akin.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento