Lumaktaw sa pangunahing content

Paano ba talaga ang ‘adulting’?

        Iba-iba ang panahon ng 'adulting' ng mga tao. May mga tao na hindi pa umaabot sa adolescence period, kailangan nang dumaan sa adulting process. Kailangan na nilang mag-mature sa pag-iisip at pagkilos bago pa sila mag-dalaga o mag-binata. Ang iba naman pagkatapos ng kolehiyo nagsisimula na mag-mature. Habang ang iba ay maraming taon na ang nakalipas matapos mag-aral doon pa lang nagsisimula mag-mature.  Matanda na ang iba doon pa lang nagsisimulang mag-mature. Sandaling panahon na lang ang hihintayin nila papunta na sila sa pag-iisip bata ulit. 

 

        Paano ba nangyayari ang adulting? Depende sa mga nangyayari sa buhay natin, pati na rin sa kondisyon natin sa buhay. Nangyayari ito kapag dumadaan tayo sa hirap sa buhay pero wala tayong ibang maasahan para tulungan tayo. Doon tayo napipilitan mag-mature. Kailangan natin maging mas responsible na sa buhay. Adulting rin kapag natuto na tayong isipin ang iba bago ang sarili natin. Kapag dumating na tayo sa panahon na kaya na natin mag sakripisyo para sa mga mahal natin. Sila na ang ating priority. Mas mahalaga na ang iba kaysa sarili natin. Masasabi rin na adulting kapag natututo na tayong aminin ang mga pagkakamali natin at harapin ang mga consequence na kasama nito. 

 

        Hindi madali ang adulting. Hindi rin ito madaling tanggapin lalo na kung nasanay tayo na may tumutulong at sumusuporta sa atin. 

 

        Mayroon mga bata na dahil hindi sila kayang bigyan ng kanilang mga magulang maayos na buhay ay kailangan nilang maagang mag adulting. Dahil hindi sapat o walang kakayahan ang kanilang mga magulang ay hindi nila maaring magawa ang mga nararanasan ng ordinaryong mga bata. Imbes na naglalaro at nag-aaral, kailangan nilang tumulong sa mga magulang nila. Sa mga gawain bahay, sa pag-aasikaso sa mga kapatid, sa paghahanap ng pagkakakitaan para may makain sila. Kailangan na nilang tumanda bago pa man sila magsawa sa pagkabata nila. Dahil hindi nila naranasan ang maging bata ay mayroon nawawala sa paglaki nila. Mayroon kulang sa buhay nila. Ang iba pinipiling mag-asawa ng maaga upang takasan ang sitwasyon nila. Akala nila matatapos ang pinagdadaanan nila kung makakaalis sila sa pamilya nila—kung mayroon silang asawa na susuporta sa kanila. Isang bagay na hindi nila nakuha mula sa mga magulang nila habang lumalaki sila. Hindi nila alam ang pagkakaroon ng sariling pamilya ay mas malaking responsibilidad. 

 

        Marami naman pagkatapos ng kolehiyo ay kailangan upang matulungan ang pamilya nila. Makalipas ang ilang taon ay magsisimula na ng sarili nilang pamilya. Sila ang mga sumunod sa tinakda ng lipunan. Para silang mga naka-programa na. 

 

        Mayroon rin iba na matagal bago nag-adulting. Inuna ang mga pangarap at magsawa sa pagka-binata at pagka-dalaga. Sabi nila pwede naman daw pagsabayin ang pagtupad sa pangarap sa pagkakaroon ng sariling pamilya. Pero iba-iba talaga ang mga tao. Kasi ang pagkakaroon ng sariling pamilya ay hindi rin naman nagbibigay ng kasiguraduhan na magiging masaya na. Pero hindi rin naman dapat isipin na may mali sa mga taong pinili muna ang ibang bagay bago ang pag-aasawa. Hindi naman para sa lahat iyon. At maaari rin naman mag-adulting ng hindi kailangan mag-asawa muna. Nakakainis lang ang mga tao na akala mo kung sino makahusga sa mga hindi sumunod sa mga tinakda ng lipunan. Hindi po sapat na magpakasal kayo para masabi na 'normal' kayo at may problema sa mga taong hindi sumusunod. 

 

        Hindi pare-pareho ang paraan at edad ng adulting. Noong nakatapos na ako ng kolehiyo ay nagsimula na ako agad magtrabaho.  Makalipas ang maraming taon ay parang ako pa rin ang babaeng kakalabas lang ng kolehiyo. Ako pa rin ang babaeng sinusubukan maintindihan ano ba talaga ang silbi ko sa mundo. Hanggang sa nagkasakit na ang mga magulang ko at magkasunod na nawala. Hindi ko matanggap na nawala na sila. Nawala na ang mga taong mahal ko. Nawala na rin ang mga taong nag-aalaga sa akin. Naiwan naman sa akin ang isang malaking responsibilidad na kailangan kong harapin. Minsan naman nakakasama ko ang kapatid ko, kaya lang iba talaga ang magulang. Halos araw araw akong umiiyak hindi lang sa pangungulila sa mga magulang ko, pero lalo na sa dami kong kailangan harapin. Minsan sinabihan ako ng kaibigan ko. Sabi niya, “ang tawag diyan adulting.” Doon ko pa lang naintindihan. Tama siya. 

 

        Habang kasama ko ang mga magulang ko ay nahihirapan akong tanggapin ito, pero ngayon wala na sila ay wala na akong magagawa kung hindi tanggapin na mas marami na akong responsibilidad. Marami nang mga tao ang umaasa sa akin—sa amin ng kapatid ko. Marami rin akong kailangan isakripisyo para magampanan ang responsibilidad ko. Araw-araw ko pa rin sinusubukan gawin ang mga bagay na dapat kong gawin. Hindi man ito ang pangarap ko o plano sa buhay. Kaya lang hindi ko naman matatakasan ito. Kailangan ko lang tanggapin ang buhay na ito. Masaya naman ako kapag nakikita ko na masaya ang mga taong umaasa sa amin. Mayroon rin akong mga taong kailangan kalimutan sa proseso. Hindi lahat ng inakala natin na makakasama natin hanggang sa pagtanda natin ay karapat-dapat na pilitin natin sa buhay natin. 


        Matagal-tagal pa siguro ang proseso na ito para sa akin. Marami pa akong kailangan matutunan at gawin. Mayroon iba na buong puso nilang tinanggap ako proseso. Para bang handang-handa sila tumatanda at mag-mature.  With open arms ang pagharap sa proseso ng adulting. Sana ‘ol’ ano??

 

        Para sa iyo, paano ba ang adulting?

Mga Komento

Mga Mabebentang Kuwento

Paano ba kami kapag may patay?

I sa sa iniiwasang pag-usapan ang tungkol sa patay. Pero paano ba kapag may patay kami? Katulad ng maraming pamilyang Pilipino, marami kaming sinusunod na pamahiin kapag mayroon kaming patay. Noong college ako ay nagsulat ako tungkol sa mga pamahiin ng mga Pilipino sa patay. Marami tayong mga pamahiin dito sa Pilipinas. Nag-iiba, nadagdagan at nababawasan ang mga ito depende sa lugar o probinsya. Pero sa mga pamahiin natin, ang mga pamahiin sa patay na ata ang pinakamarami.  Hindi man madaling isipin ang mamatayan  ng isang mahal sa buhay dahil lungkot ang una nating nararamdaman pero ito ay isang kaganapan kung saan dumarating ang mga kamaga-anak at nagkakaroon ng instant reunion. Umuuwi ang mga nasa ibang lugar na hindi madalas umuwi o nagpapadala ng pera ag dating mahirap hingan ng pera. Dumarating din ang mga outside the kulambo na pamilya sa mga lalaking may itinatago sa tunay na pamilya.  Habang nag-lalamay, inaalala ng mga tao ang namayapa. Paano ba siya noo...

Bakit Tayo Makasarili?

Bakit nga ba tayo makasarili? Ako, ako, ako, parati na lang ako sabi nga sa pelikula. Para sa iba, hindi nila maamin na makasarili sila, kasi para sa kanila perpekto sila. Sige na, kayo na. Pero para sa atin na aminado sa ating pagiging makasarili, bakit nga ba tayo ganito? Paano ba tayo nagiging makasarili? Sabi nga mahalin muna natin ang ating mga sarili bago tayo magmahal ng iba. Hindi masamang mahalin ang sarili. Kaya lang, lahat ng sobra ay  masama. Lahat rin ng bagay na sumasagasa na sa interes ng iba ay maaari na rin makasama. Dahil hindi natin maiiwasan ang pakikipag-ugnayan sa ating kapwa. Dito nasusukat ang ating pagkatao. Dito rin nalalaman kung paano natin tinitimbang ang mga bagay sa buhay natin.  Tignan natin ang mga ebidensya ng ating pagiging makasarili sa araw-araw. Kalamidad. Bakit nga ba nagbabaha? Isa na ata sa mga bagay na nakasanayan na ng mga nakatira sa siyudad ay ang karanasan sa baha. Bakit nga may baha? Paano imbes na itago muna ang balat ...

Na-LSS Ka Na Ba?

Na-LSS ka na ba? (LSS = Last Song Syndrome pero puwede rin naman na Last Sound Syndrome) Ito ay nangyayari tuwing mayroon tayong paulit-ulit na kanta na naririnig. Minsan tinatamaan tayo ng LSS dahil gusto natin ang kanta, minsan naman dahil ayaw natin sa kanta.  Natutunan ang tungkol sa pagkakaroon ng LSS noong ako ay nasa elementarya at high schol pa lang ako. Parati namin naririnig ang mga nagtitinda ng Selecta na tumutugtog upang manawag ng mga bibili lalo na mga bata. Dahil dito ay inuulit na ng kaibigan ko ang tugtog. Pero bago pa lang nangyari iyon ay naalala ko na sa sobrang pagkagusto ko sa isang kanta ni Ate Regine ay minsan kahit antok na antok na ako ay hindi ko mapigilan na hindi kumanta habang pinatutugtog ito sa radyo sa service. Nakakahiya man na nakikita ng mga ka-service ko na kumakanta ako habang natutulog bago ko napansin na ginagawa ko ang pagkanta at pagtulog ng sabay.  Noong nag-aral ako sa ibang bansa ay minsan pumunta kami ng mga kaibigan ko s...