Bakit nga ba ang hirap kumita ng pera?
Sabi ng marami mahirap raw kumita ng pera kasi mahirap ang Pilipinas lalo na sobra na ang kurapsyon sa gobyerno. Dahil raw dito ay patuloy ang pagtaas ng bilihin kaya kahit anong gawin ng mga tao pang kumita ng pera ay hindi pa rin ito sapat. Lahat nga raw ay nagmamahal sa Pilipinas, pwera lang ang mga tao. Kulang raw ang mga sinusweldo ng mga Pilipino para sa pang araw-araw na gastusin.
Kaya naman ang maraming Pilipino ay mas pinipiling mangibang bansa na lang upang kumita ng mas malaki. Sinong Pilipino ba ang walang kamag-anak or kakilala na nasa ibang bansa para magtrabaho?
Pero hindi rin naman lahat ng nagpupunta sa ibang bansa ay masasabing madali ring kumita ng pera sa ibang bansa. Hindi rin naman lahat ng mga nagtrabaho sa ibang bansa ay nagtatagumpay.
Ang iba naman ay pinipili ang trabahong malaki ang sweldo kahit na hindi ito ang talagang natapos nila. Isa na rito ang Call Centers. Sino ba ayaw kumita ng malaki? Marami ang nasisilaw ng malaking sweldo na sinasabing matatanggap sa pagtatrabaho dito kahit pa kalusugan naman nila ang kapalit. Dahil sabi ng mga doktor ay iba pa rin ang nagagawa ng pagtulog sa gabi. Pero hindi naman lahat ng call center ay malaki ang sweldo sa mga tao. At hindi rin naman lahat ng nagtratrabaho sa call center ay yumayaman.
Ilang trabaho ba ang kailangan mo para mabuhay ng komportable sa Pilipinas?
‘Pag malaki ang kita mo, siyempre hindi lang ang pang araw-araw na gastusin ang mabibili mo, mabibili mo pa ang mga bagay na kailangan at mga bagay na gusto mo lang. 'Pag malaki rin ang kita ay mas malaki ang tax ng babawasin ng gobyerno sa iyo.
Kung anong hirap o tagal ang pagkita ng pera ay sobra naman ang bilis ng paggastos sa pera. Madalas parang bula ang sweldo nawawala. Kahit gaano raw kalaki ang kita natin, ay hindi naman nababawasan o lumiliit ang gastos natin. Sa totoo lang, kapag lumalaki raw ang sweldo ng tao, ay mas lumalaki ang gastos.
Kaya nga naisip ko, pagkita nga ba ng pera ang mahirap? Pilipinas ba? Kurapsyon ba? Trabaho ba? O ang tamang pag-gastos ang totoong problema dito?
Mayroon naman daw mga madaling paraan para kumita ng pera. Mayroong mga illegal tulad ng prostitusyon, droga at sugal. Mayroon rin naman kaugnay sa sariling kalusugan: tulad ng pabenta ng kidney. Nandyan rin naman ang pagtaya sa lotto. Kung gaano kabilis naman ang pagkita ng pera sa ganyang mga paraan ay ganoon rin kabilis nawawala ang pera.
Mayroon din iba pinipili mag-nobyo o mag-asawa ng mga foreigner. Akala nila dahil foreigner marami ng pera at maiiahon na sila sa hirap. Sabagay mayroon naman talaga tayong mga kababayan na umaangat ang buhay sa pag-aasawa ng mga foreigner. Pero mayroon din naman hindi pinapalad. Mayroon mga kaya lang sila pinapakasalan ay para sa insurance kapag namatay sila. Sila pala ang sagot sa instant pera ng foreigner na napangasawa nila.
Mahirap nga ba talaga kumita ng pera? O sadyang mahirap lang pigilan ang sariling gumastos? Kasalanan ba ng mga nagtitinda? Kasalanan ba ng mga kompanyang gumagawa ng bagay na maaring mabili? Bakit kasi sila nagtitinda? Bakit kasi bago ng bago ang nilalabas na cellphone ng apple, samsung at iba pa? Bakit kasi hindi pwedeng isang gadget lang lahat ng kailangan mo at gusto mo sa isang gamit ay nandoon na?
Kasalanan ba ng mga tindahan na nag-sesale? Kasalanan ba ng mga nagpapautang? Kasalanan ba ng mga nagpopromo? Kasalanan ba ng credit card at ng mga kompanya ng credit card? O mahirap lang talagang kumita ng pera?
“Mahinayangin kasi ako e” Sayang ang points, sayang ang promo, sayang libre, sayang ang discount. Kasalanan ba yun?
Unang sweldo, libre mo naman kami! Kapag unang sweldo nga ang sabi nila dapat nanlilibre daw. Ano naman kaya ay dapat may bibilhin ka para maalala mo raw ang una mong sweldo. Sabi naman ng iba dapat raw ibigay ang unang sweldo sa nanay. Weh, di nga?
Birthday, "painom ka naman! Pasasalamat yun na buhay ka pa. Kaya mag-celebrate naman tayo."
Pasko, "regalo ko! Share you’re blessings para bigyan ka pa ulit."
"Natanggap mo na 13th month mo, magpakain ka naman! Bonus, dapat mas masarap na libre yan. "
May patay, "mag abuloy ka naman kaysa ikaw ang abuloyan mas mabuting ikaw." May point naman sila!
At marami pang ibang dahilan at pagkakataon upang magkagastos ka, kasama na ang binyag, kasal, etc. Hindi na ata matatakasan ang gastos.
Minsan nakakapagod at nakaka-stress ang trabaho lalo na kapag higit sÄ… isa ang trabaho mo. Hindi mo naman duwende hatiin ang katawan mo matapos mo lang ang lahat ng kailangan gawin. Kapag napapagod ka at gusto mo na sumuko sa mga ginagawa mo, isipin mo lang ang lahat ng bayarin mo. Lalo na kapag hindi pa man dumarating ang sweldo mo ay nakalaan na siya sa mga babayaran, wala kang karapatan mag-inarte at tumigil sa pagtatrabaho. Pasalamat ka na lang mayroon kang trabaho. Wala namang magbabayad ng mga kailangan mong bayaran para sa iyo. Alangan maghanap ka ng foreigner? Sugar Daddy kaya? O yun 4M (matandang mayaman madaling mamatay) keri mo? Kung hindi, balik ka na lang sÄ… trabaho mo.
Bakit nga ba mahirap kumita ng pera?
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento